Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Tunay na Tagasunod ni Kristo

Maging Tunay na Tagasunod ni Kristo

Maging Tunay na Tagasunod ni Kristo

“Bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga, ngunit bawat bulok na punungkahoy ay nagluluwal ng walang-kabuluhang bunga.”​—MAT. 7:17.

1, 2. Paano makikita ang pagkakaiba ng tunay at ng huwad na mga tagasunod ni Kristo, lalo na sa panahong ito ng kawakasan?

AYON kay Jesus, ang pagkakaiba ng mga nag-aangking lingkod niya at ng mga tunay na tagasunod niya ay makikita sa kanilang mga bunga​—sa kanilang mga turo at paggawi. (Mat. 7:15-17, 20) Oo, naiimpluwensiyahan ang mga tao ng mga bagay na ipinapasok nila sa kanilang isip at puso. (Mat. 15:18, 19) Ang mga tinuruan ng kasinungalingan ay nagluluwal ng “walang-kabuluhang bunga,” samantalang ang mga tinuruan ng katotohanan tungkol sa Diyos ay nagluluwal naman ng “mainam na bunga.”

2 Sa panahong ito ng kawakasan, kitang-kita ang pagkakaiba ng dalawang bungang ito. (Basahin ang Daniel 12:3, 10.) Mali ang pagkakilala ng mga huwad na Kristiyano sa Diyos at karaniwan nang pakitang-tao lang ang kanilang debosyon sa kaniya, samantalang ang mga may kaunawaan sa espirituwal na mga bagay ay sumasamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24; 2 Tim. 3:1-5) Sinisikap nilang matularan ang mga katangian ni Kristo. Pero kumusta naman tayo bilang indibiduwal? Habang isinasaalang-alang mo ang limang pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano, tanungin ang sarili: ‘Kaayon ba ng Salita ng Diyos ang aking paggawi at mga itinuturo? Naaakit ba ang iba sa katotohanan dahil sa aking paggawi?’

Mamuhay Ayon sa Salita ng Diyos

3. Ano ang nakalulugod kay Jehova? Ano ang nasasangkot dito para sa mga tunay na Kristiyano?

3 “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit,” ang sabi ni Jesus, “kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” (Mat. 7:21) Maliwanag, hindi ang pag-aangking Kristiyano ang nakalulugod kay Jehova kundi ang pamumuhay bilang Kristiyano. Sa mga tunay na tagasunod ni Kristo, nasasangkot dito ang kanilang paraan ng pamumuhay, pati na ang kanilang saloobin sa pera, trabaho, libangan, kaugalian at pagdiriwang ng sanlibutan, pag-aasawa at iba pang pakikipag-ugnayan sa kapuwa. Ang mga huwad na Kristiyano naman ay tumutulad sa pag-iisip at gawain ng sanlibutan, na pasamâ nang pasamâ sa mga huling araw na ito.​—Awit 92:7.

4, 5. Paano natin maikakapit sa ating buhay ang mga salita ni Jehova sa Malakias 3:18?

4 Kaugnay nito, sumulat si propeta Malakias: “Tiyak na makikita ninyong muli ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at ng balakyot, sa pagitan ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.” (Mal. 3:18) Habang pinag-iisipan ang mga salitang ito, tanungin ang sarili: ‘Mukha ba akong tagasanlibutan, o naiiba ako sa kanila? Pilit ko bang ginagaya ang aking mga kaeskuwela o katrabaho, o naninindigan ako sa mga simulain ng Bibliya, at ipinagtatanggol pa nga ito kung kailangan?’ (Basahin ang 1 Pedro 3:16.) Siyempre pa, ayaw naman nating isipin ng iba na nagmamalinis tayo, pero dapat nating ipakita na ibang-iba tayo sa mga hindi umiibig at hindi naglilingkod kay Jehova.

5 Kung may napansin kang dapat pasulungin, makabubuting ipanalangin mo ito at sikaping mapalakas ang iyong espirituwalidad sa tulong ng regular na pag-aaral ng Bibliya, pananalangin, at pagdalo sa mga pulong. Habang ikinakapit mo ang Salita ng Diyos, lalo kang makapagluluwal ng “mainam na bunga,” kasama na ang ‘bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa pangalan ng Diyos.’​—Heb. 13:15.

Ipangaral ang Kaharian ng Diyos

6, 7. Pagdating sa mensahe ng Kaharian, ano ang pagkakaiba ng tunay at ng huwad na mga Kristiyano?

6 Sinabi ni Jesus: “Sa ibang mga lunsod . . . ay dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Luc. 4:43) Bakit itinampok ni Jesus ang Kaharian ng Diyos sa kaniyang ministeryo? Alam niya na siya mismo bilang Hari ng Kahariang iyon, kasama ang kaniyang inianak-sa-espiritung mga kapatid na binuhay-muli, ang mag-aalis ng kasalanan at pupuksa sa Diyablo​—ang puno’t dulo ng paghihirap ng mga tao. (Roma 5:12; Apoc. 20:10) Kaya naman iniutos niya sa kaniyang mga tagasunod na ihayag ang Kahariang iyon hanggang sa wakas ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. (Mat. 24:14) Hindi ito ginagawa ng mga nag-aangking tagasunod ni Kristo​—sa katunayan, hindi nila ito kayang gawin. Bakit? May tatlong dahilan: Una, hindi nila maipangangaral ang hindi nila nauunawaan. Ikalawa, karamihan sa kanila ay walang kapakumbabaan at lakas ng loob na kailangan para maharap ang panunuya at pagsalansang na maaaring ibunga ng pagsasabi ng mensahe ng Kaharian sa kanilang kapuwa. (Mat. 24:9; 1 Ped. 2:23) At ikatlo, hindi taglay ng mga huwad na Kristiyano ang espiritu ng Diyos.​—Juan 14:16, 17.

7 Sa kabilang dako naman, nauunawaan ng mga tunay na tagasunod ni Kristo kung ano ang Kaharian ng Diyos at kung ano ang gagawin nito. Bukod diyan, inuuna nila ang Kaharian sa kanilang buhay, anupat inihahayag ito sa buong daigdig sa tulong ng espiritu ni Jehova. (Zac. 4:6) Palagi ka bang nakikibahagi sa gawaing ito? Sinisikap mo bang sumulong bilang tagapaghayag ng Kaharian, marahil sa pamamagitan ng paggugol ng mas maraming panahon sa pangangaral o pagiging mas mabisa sa gawaing ito? Pinasusulong ng ilan ang kalidad ng kanilang ministeryo sa pamamagitan ng mas mahusay na paggamit ng Bibliya. “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas,” ang isinulat ni apostol Pablo, na nakaugalian nang mangatuwiran mula sa Kasulatan.​—Heb. 4:12; Gawa 17:2, 3.

8, 9. (a) Anu-anong karanasan ang nagdiriin sa kahalagahan ng paggamit ng Bibliya sa ministeryo? (b) Paano tayo magiging mas bihasa sa paggamit ng Salita ng Diyos?

8 Sa pagbabahay-bahay, binasa ng isang brother ang Daniel 2:44 sa isang lalaking Katoliko at ipinaliwanag kung paano paiiralin ng Kaharian ng Diyos ang tunay na kapayapaan at katiwasayan. Sumagot ang lalaki: “Tuwang-tuwa ako dahil ipinakita mo mismo sa Bibliya ang teksto at hindi mo lang ito basta sinabi sa akin.” Nang basahin ng isang brother ang isang teksto sa babaing Griego Ortodokso, nagharap ng magagandang tanong ang babae. Sinagot naman ito ng brother at ng kaniyang asawa gamit ang Bibliya. Pagkatapos, sinabi ng babae: “Alam ba ninyo kung bakit ako nakipag-usap sa inyo? May dala kasi kayong Bibliya at binasa n’yo ito sa akin.”

9 Oo nga’t mahalaga ang ating mga literatura at dapat itong ialok sa mga tao, pero ang Bibliya pa rin ang pangunahin nating ginagamit. Kaya kung hindi mo ito nakasanayang gamitin sa ministeryo, bakit hindi mo ito gawing tunguhin? Puwede kang pumili ng ilang pamilyar na tekstong nagpapaliwanag kung ano ang Kaharian ng Diyos at kung paano nito lulutasin ang mga problema ng mga tao sa inyong lugar. Saka mo basahin ang mga ito sa iyong pagbabahay-bahay.

Ipagmalaking Taglay Mo ang Pangalan ng Diyos

10, 11. May kinalaman sa paggamit ng pangalan ng Diyos, ano ang pagkakaiba ni Jesus at ng maraming nag-aangking tagasunod niya?

10 “‘Kayo ang aking mga saksi,’ ang sabi ni Jehova, ‘at ako ang Diyos.’” (Isa. 43:12) Para sa pangunahing Saksi ni Jehova, si Jesu-Kristo, isang karangalang taglayin at ihayag ang pangalan ng Diyos. (Basahin ang Exodo 3:15; Juan 17:6; Hebreo 2:12.) Sa katunayan, tinawag si Jesus na “Tapat na Saksi” dahil inihayag niya ang pangalan ng kaniyang Ama.​—Apoc. 1:5; Mat. 6:9.

11 Sa kabaligtaran, maraming nag-aangking kinatawan ng Diyos at ng kaniyang Anak ang walang paggalang sa pangalan ng Diyos, at inalis pa nga ito sa mga salin nila ng Bibliya. Halimbawa, kamakailan ay iniutos sa mga obispong Katoliko na “ang pangalan ng Diyos sa anyong tetragrammaton na YHWH ay hindi dapat gamitin o banggitin” sa pagsamba. * Napakalaki ngang kalapastanganan!

12. Bakit lalong naiugnay kay Jehova ang mga lingkod niya noong 1931?

12 Bilang pagtulad kay Kristo at sa ‘malaking ulap ng mga saksi’ na nauna sa kaniya, buong-pagmamalaking ginagamit ng mga tunay na Kristiyano ang pangalan ng Diyos. (Heb. 12:1) Sa katunayan, noong 1931, lalong naiugnay kay Jehova ang mga lingkod ng Diyos nang gamitin nila ang pangalang mga Saksi ni Jehova. (Basahin ang Isaias 43:10-12.) Kaya sa isang natatanging diwa, ang mga tunay na tagasunod ni Kristo ay naging ‘mga taong tinatawag ayon sa pangalan ng Diyos.’​—Gawa 15:14, 17.

13. Paano tayo magiging karapat-dapat sa pagtataglay ng pangalan ng Diyos?

13 Paano tayo magiging karapat-dapat sa pagtataglay ng pambihirang pangalang ito? Una sa lahat, dapat na buong-katapatan tayong magpatotoo tungkol sa Diyos. “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas,” ang isinulat ni Pablo. “Gayunman, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinampalatayanan? Paano naman sila mananampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? Paano naman nila maririnig kung walang mangangaral? Paano naman sila mangangaral malibang isinugo sila?” (Roma 10:13-15) Gayundin, dapat nating ibunyag sa mataktikang paraan ang mga maling turo ng relihiyon na nakasisirang-puri sa ating Maylalang, tulad ng doktrina ng impiyerno, dahil pinalilitaw nito na malupit din ang Diyos ng pag-ibig gaya ng Diyablo.​—Jer. 7:31; 1 Juan 4:8; ihambing ang Marcos 9:17-27.

14. Paano tumugon ang ilan nang malaman nila ang pangalan ng Diyos?

14 Ipinagmamalaki mo bang taglay mo ang pangalan ng iyong makalangit na Ama? Tinutulungan mo ba ang iba na makilala ang banal na pangalang iyan? Nabalitaan ng isang babaing taga-Paris, Pransiya, na alam ng mga Saksi ni Jehova ang pangalan ng Diyos, kaya naman hiniling niya sa isang Saksi na ipakita sa kaniya ang pangalang iyon sa kaniyang Bibliya. Nang mabasa niya ang Awit 83:18, napakalaki ng naging epekto nito. Nag-aral siya ng Bibliya at isa na siya ngayong tapat na sister na naglilingkod sa ibang lupain. Nang unang makita ng isang babaing Katolikong taga-Australia ang pangalan ng Diyos sa Bibliya, napaiyak siya sa tuwa. Matagal na siya ngayong naglilingkod bilang regular pioneer. Kamakailan lamang sa Jamaica, ipinakita ng mga Saksi sa isang babae ang pangalan ng Diyos sa sarili niyang Bibliya. Napaiyak din siya sa tuwa. Kaya hindi ba’t dapat lang na ipagmalaking taglay natin ang pangalan ng Diyos at, gaya ng ginawa ni Jesus, ihayag sa lahat ang napakahalagang pangalang iyan?

“Huwag . . . Ibigin ang Sanlibutan”

15, 16. Ano ang pangmalas ng mga tunay na Kristiyano tungkol sa sanlibutan? Anu-anong tanong ang dapat nating pag-isipan?

15 “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ang pag-ibig sa Ama ay wala sa kaniya.” (1 Juan 2:15) Sinasalansang ng sanlibutan at ng makalamang espiritu nito si Jehova at ang kaniyang banal na espiritu. Kaya naman ang mga tunay na tagasunod ni Kristo ay hindi lang umiiwas na maging bahagi ng sanlibutan. Talagang kinamumuhian nila ito, dahil alam nilang “ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-alit sa Diyos,” gaya ng isinulat ng alagad na si Santiago.​—Sant. 4:4.

16 Hindi madaling ikapit ang sinabi ni Santiago dahil napakaraming tukso sa sanlibutan. (2 Tim. 4:10) Kaya ipinanalangin ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Humihiling ako sa iyo, hindi upang alisin sila sa sanlibutan, kundi upang bantayan sila dahil sa isa na balakyot. Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:15, 16) Tanungin ang sarili: ‘Sinisikap ko bang maging di-bahagi ng sanlibutan? Alam ba ng iba kung bakit ko tinatanggihan ang di-makakasulatang mga pagdiriwang at kaugalian, pati na ang mga gawaing baka hindi nga nagmula sa mga pagano pero kitang-kita namang may bahid ng espiritu ng sanlibutan?’​—2 Cor. 6:17; 1 Ped. 4:3, 4.

17. Ano ang maaaring magpakilos sa taimtim na mga tao na pumanig kay Jehova?

17 Ang ating salig-Bibliyang paninindigan ay tiyak na hindi magugustuhan ng sanlibutan, pero maaari nitong makuha ang atensiyon ng taimtim na mga tao. Oo, kapag nakita nila na talagang galing sa Bibliya ang ating mga paniniwala at ikinakapit natin ito sa ating buhay, baka sa diwa ay sabihin nila sa mga pinahiran: “Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.”​—Zac. 8:23.

Magpakita ng Tunay na Kristiyanong Pag-ibig

18. Ano ang nasasangkot sa pagpapakita ng pag-ibig kay Jehova at sa ating kapuwa?

18 Sinabi ni Jesus: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip” at “iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mat. 22:37, 39) Ang pag-ibig na iyan (a·gaʹpe sa wikang Griego) ay isang marangal na pag-ibig na ipinakikita dahil sa prinsipyo at obligasyon, at bilang pagsunod sa tuntunin ng kagandahang-asal. Pero kadalasan nang may kasama itong matinding emosyon. Puwede itong maging magiliw at masidhi. (1 Ped. 1:22) Ibang-iba naman ito sa kasakiman, dahil inuudyukan tayo ng ganitong pag-ibig na huwag maging makasarili sa salita at sa gawa.​—Basahin ang 1 Corinto 13:4-7.

19, 20. Magkuwento ng ilang karanasan na nagpapakitang malaki ang nagagawa ng Kristiyanong pag-ibig.

19 Yamang ang pag-ibig ay bunga ng banal na espiritu ng Diyos, napapakilos nito ang mga tunay na Kristiyano na gawin ang mga bagay na hindi kayang gawin ng iba. Halimbawa, hindi sila nababahagi dahil sa lahi, kultura, at pulitika. (Basahin ang Juan 13:34, 35; Gal. 5:22) Naaantig ang tulad-tupang mga tao kapag nakikita nila ang ganitong pag-ibig. Sa Israel, isang kabataang lalaking Judio ang dumalo sa pulong ng mga Kristiyano. Nagulat siya nang makita niyang magkakasamang sumasamba kay Jehova ang mga Judio at Arabo. Kaya regular na siyang dumalo sa mga pulong at nag-aral ng Bibliya. Nagpapakita ka rin ba ng gayong taos-pusong pag-ibig sa iyong mga kapatid? Sinisikap mo bang batiin ang mga baguhang dumadalo sa Kingdom Hall, anuman ang kanilang nasyonalidad, kulay, o katayuan sa buhay?

20 Bilang mga tunay na Kristiyano, sinisikap nating magpakita ng pag-ibig sa lahat. Sa El Salvador, isang kabataang Saksi ang nakikipag-aral ng Bibliya sa isang 87-anyos na babaing debotong Katoliko. Isang araw, nagkasakit nang malubha ang babaing ito at naospital. Nang makauwi na siya, dinalaw siya ng mga Saksi at dinalhan pa nga ng pagkain. Isang buwan nila itong ginawa. Pero walang isa mang karelihiyon niya ang dumalaw sa kaniya. Ang resulta? Itinapon niya ang kaniyang mga imahen, umalis sa kanilang relihiyon, at nagpatuloy sa pag-aaral ng Bibliya. Oo, malaki ang nagagawa ng Kristiyanong pag-ibig! Mas napakikilos nito ang mga tao kaysa sa basta pangangaral lang.

21. Paano tayo magkakaroon ng matatag na kinabukasan?

21 Malapit nang sabihin ni Jesus sa lahat ng nag-aangking lingkod niya: “Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mat. 7:23) Kaya nga magluwal tayo ng mga bungang magpaparangal sa Ama at sa Anak. “Ang bawat isa na dumirinig sa mga pananalita kong ito at nagsasagawa ng mga iyon,” ang sabi ni Jesus, “ay itutulad sa isang taong maingat, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng batong-limpak.” (Mat. 7:24) Oo, kung tunay tayong mga tagasunod ni Kristo, makakamit natin ang pagsang-ayon ng Diyos, at magkakaroon tayo ng matatag na kinabukasan, na para bang itinayo sa batong-limpak!

[Talababa]

^ par. 11 Sa ilang modernong Katolikong publikasyon, kasama na ang Magandang Balita Biblia, ang tetragrammaton ay isinaling “Yahweh.”

Natatandaan Mo Ba?

• Paano makikita ang pagkakaiba ng tunay at ng huwad na mga tagasunod ni Kristo?

• Sabihin ang ilang “bunga” na nagpapakilala sa mga tunay na Kristiyano.

• Sa pagluluwal ng mga bungang Kristiyano, anong mga tunguhin ang puwede mong abutin?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 13]

Nakasanayan mo bang gamitin ang Bibliya sa ministeryo?

[Larawan sa pahina 15]

Alam ba ng iba kung bakit mo tinatanggihan ang di-makakasulatang mga pagdiriwang?