Pamamahala ni Satanas—Tiyak na Mabibigo
Pamamahala ni Satanas—Tiyak na Mabibigo
“Hindi magiging mabuti ang kalalabasan para sa balakyot.”—ECLES. 8:13.
1. Bakit isang magandang balita ang nalalapit na paghatol sa masasama?
SA MALAO’T madali, hahatulan na ang masasama. Pagbabayaran nila ang kanilang mga ginawa. (Kaw. 5:22; Ecles. 8:12, 13) Magandang balita iyan, lalo na sa mga umiibig sa katuwiran at sa mga biktima ng kawalang-katarungan at pagmamaltrato ng masasama. Ang pangunahing hahatulan ay ang ama ng kasamaan, si Satanas na Diyablo.—Juan 8:44.
2. Bakit kailangan ng panahon para malutas ang isyu na bumangon sa Eden?
2 Udyok ng napakataas na pagtingin sa sarili, hinikayat ni Satanas ang ating unang mga magulang sa Eden na tanggihan ang pamamahala ni Jehova. Nahikayat sila at kumampi kay Satanas sa paghamon sa karapatan ni Jehova na mamahala at sila’y naging makasalanan sa Kaniyang paningin. (Roma 5:12-14) Siyempre pa, alam ni Jehova kung ano ang kahihinatnan ng kanilang pagrerebelde. Pero dapat na maging malinaw ito sa lahat ng matatalinong nilalang. Kaya naman kailangan ng panahon para malutas ang isyu at mapatunayang maling-mali ang mga rebelde.
3. Ano ang pangmalas natin sa mga pamahalaan ng tao?
3 Yamang tinanggihan ng mga tao ang pamamahala ni Jehova, kailangan nilang magtatag ng sariling pamahalaan. Nang sumulat si apostol Pablo sa mga kapananampalataya niya sa Roma, tinawag niyang “nakatataas na mga awtoridad” ang mga pamahalaang iyon ng tao. Noong panahon ni Pablo, ang nakatataas na mga awtoridad ay pangunahin nang tumutukoy sa pamahalaan ng Roma sa ilalim ni Emperador Nero, na namahala mula 54-68 C.E. Ayon kay Pablo, ang gayong nakatataas na mga awtoridad ay “inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon.” (Basahin ang Roma 13:1, 2.) Ibig bang sabihin ni Pablo na nakatataas, o mas magaling, ang pamamahala ng tao kaysa sa pamamahala ng Diyos? Hinding-hindi. Sa halip, sinasabi lang niya na hangga’t hinahayaan pa ni Jehova na mamahala ang tao, dapat igalang ng mga Kristiyano ang “kaayusan ng Diyos” at tanggapin ang mga tagapamahalang iyon.
Landas na Patungo sa Kapahamakan
4. Ipaliwanag kung bakit siguradong mabibigo ang pamamahala ng tao.
4 Gayunman, siguradong mabibigo pa rin ang pamamahala ng tao na naiimpluwensiyahan ni Satanas. Bakit? Una sa lahat, hindi ito nakasalig sa karunungan ng Diyos. Si Jehova lamang ang may sakdal na karunungan. Kaya siya lang ang makapagsasabi kung paano magtatagumpay ang isang pamamahala. (Jer. 8:9; Roma 16:27) Di-tulad ng tao na karaniwan nang nagbabakasakali lamang, laging nakatitiyak si Jehova kung ano ang pinakamabuting gawin. Anumang uri ng pamahalaan na hindi sumusunod sa kaniyang patnubay ay siguradong hindi magtatagumpay. Sa dahilang iyan pa lamang—bukod pa sa masamang motibong nasa likod nito—ang pamamahala ni Satanas sa pamamagitan ng gobyerno ng tao ay natiyak nang mabibigo noon pa man.
5, 6. Ano ang maliwanag na dahilan kung bakit sinalansang ni Satanas si Jehova?
5 Karaniwan nang hindi itutuloy ng isang matinong tao ang kaniyang balak kung alam niyang mabibigo lang ito. Kung magpupumilit pa rin siya, mapapahiya lang siya. Paulit-ulit na ipinakikita ng kasaysayan na walang patutunguhan Kawikaan 21:30.) Pero palibhasa’y binulag ng napakataas na pagtingin sa sarili, tinalikuran ni Satanas si Jehova. Sadyang pinili ng Diyablo ang isang landas na patungo sa kapahamakan.
ang pagsalansang sa Maylalang na makapangyarihan-sa-lahat. (Basahin ang6 Ang kapangahasang ito ni Satanas ay tinularan ng isang tagapamahala ng Babilonya, na buong-pagmamalaking nagsabi: “Sa langit ay sasampa ako. Sa itaas ng mga bituin ng Diyos ay itataas ko ang aking trono, at uupo ako sa ibabaw ng bundok ng kapisanan, sa pinakamalalayong bahagi sa hilaga. Ako ay sasampa sa ibabaw ng matataas na dako ng mga ulap; gagawin kong kawangis ng Kataas-taasan ang aking sarili.” (Isa. 14:13-15) Walang nangyari sa pagmamayabang ng tagapamahalang iyon, at naging kahiya-hiya ang pagbagsak ng dinastiya ng Babilonya. Sa katulad na paraan, di-magtatagal at lubusan ding babagsak si Satanas at ang kaniyang sanlibutan.
Bakit Pinahintulutan ng Diyos?
7, 8. Ano ang ilang kabutihang naidulot ng pansamantalang pagpapahintulot ni Jehova sa kasamaan?
7 Baka nagtataka ang ilan kung bakit hindi hinadlangan ni Jehova ang mga tao na pumanig kay Satanas at magtatag ng isang pamahalaang tiyak namang mabibigo. Kayang-kaya niya sanang gawin iyon dahil siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. (Ex. 6:3) Pero hindi niya iyon ginawa. Dahil sa kaniyang karunungan, alam niya na mas makabubuting hindi muna niya hadlangan ang pagrerebelde ng tao. Sa dakong huli, si Jehova ay maipagbabangong-puri bilang isang matuwid at maibiging Tagapamahala, at makikinabang ang tapat na mga tao sa desisyong iyon ng Diyos.
8 Hindi sana nagdusa nang ganito ang mga tao kung tinanggihan nila si Satanas at hindi sila humiwalay sa Diyos! Pero nakabuti rin naman ang pagpapahintulot ni Jehova na pansamantalang pamahalaan ng mga tao ang kanilang sarili. Naikintal sa matuwid-pusong mga tao na isang karunungan ang makinig sa Diyos at magtiwala sa kaniya. Sa nakalipas na mga siglo, sinubukan na ng mga tao ang iba’t ibang uri ng pamahalaan, pero walang nagtagumpay. Dahil dito, lalong tumibay ang pananalig ng mga mananamba ng Diyos na talagang pinakamagaling ang pamamahala ni Jehova. Oo, ang pagpapahintulot ni Jehova sa napakasamang pamamahala ni Satanas ay nagpahirap sa sangkatauhan, pati na sa tapat na mga mananamba ng Diyos. Pero ang pansamantalang pagpapahintulot sa kasamaan ay may naidulot din namang kabutihan sa tapat na mga mananambang ito.
Naluwalhati si Jehova Dahil sa Isang Rebelyon
9, 10. Ipaliwanag kung bakit masasabing naluwalhati si Jehova dahil sa pamamahala ni Satanas.
9 Ang pagpapahintulot ni Jehova na maimpluwensiyahan ni Satanas ang mga tao at pamahalaan ang kanilang sarili ay hinding-hindi naging batik sa Kaniyang pamamahala! Sa halip, pinatunayan ng kasaysayan na tama ang kinasihang mga salita ni Jeremias na nagsasabing walang kakayahan ang tao na pamahalaan ang kaniyang sarili. (Basahin ang Jeremias 10:23.) Hindi lang iyan. Dahil sa rebelyon ni Satanas, nagkaroon ng pagkakataon si Jehova na lalo pang mapatingkad ang Kaniyang maiinam na katangian. Paano?
10 Sa nakita nating kapaha-pahamak na resulta ng pamamahala ni Satanas, naging litaw na litaw ang sakdal na mga katangian ni Jehova. Kaya naman lalo siyang naging dakila sa mata ng mga umiibig sa kaniya. Oo, kakatwa mang isipin, naluwalhati pa nga ang Diyos dahil sa pamamahala ni Satanas. Naidiin ang napakahusay na paraan ni Jehova ng pagharap sa hamong ito sa kaniyang soberanya. Para higit itong maunawaan, isaalang-alang natin sa maikli ang ilang katangian ni Jehova at tingnan kung paanong ang napakasamang pamamahala ni Satanas ay nagpakilos kay Jehova na ipakita ang mga katangiang ito sa iba pang paraan.
11. Paano ipinakita ni Jehova ang kaniyang pag-ibig?
11 Pag-ibig. Sinasabi ng Kasulatan na “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Ang mismong paglalang sa tao ay isa nang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos. Bukod diyan, ang kakila-kilabot at kamangha-manghang pagkalalang sa atin ay katibayan din ng pag-ibig ng Diyos. Maibigin ding pinaglaanan ni Jehova ang mga tao ng magandang tahanan na kumpleto sa lahat ng bagay na magpapaligaya sa kanila. (Gen. 1:29-31; 2:8, 9; Awit 139:14-16) Pero nang magkasala sila, ipinakita ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa iba pang paraan. Paano? Isinulat ni apostol Juan ang sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Ang pagsusugo ng Diyos sa kaniyang bugtong na Anak sa lupa bilang pantubos sa kasalanan ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. (Juan 15:13) Nagsilbi rin itong halimbawa na maaaring tularan ng mga tao para maipakita nila sa araw-araw ang mapagsakripisyong pag-ibig ng Diyos, gaya ng ginawa ni Jesus.—Juan 17:25, 26.
12. Paano ipinakita ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan?
12 Kapangyarihan. Ang ‘Diyos lamang na Makapangyarihan-sa-lahat,’ ang may kapangyarihang lumikha ng buhay. (Apoc. 11:17; Awit 36:9) Kapag ipinanganak ang isang tao, maihahalintulad siya sa isang blangkong papel. Kapag namatay siya, napuno na niya ang papel na iyon ng kaniyang mga desisyon, paggawi, at karanasan sa buhay na humubog sa kaniyang pagkatao. Ang impormasyong iyon ay naisasalansan, wika nga, sa alaala ni Jehova. Sa takdang panahon, maibabalik ni Jehova ang buhay ng taong iyon, pati na ang buong pagkatao nito. (Juan 5:28, 29) Kaya bagaman ang kamatayan ay hindi bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos sa mga tao, nagbigay ito ng pagkakataon kay Jehova na ipakitang walang makakatalo sa kaniyang kapangyarihan, maging ang kamatayan. Oo, si Jehova ang ‘Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.’
13. Bakit masasabing kapahayagan ng sakdal na katarungan ni Jehova ang paghahain kay Jesus?
13 Katarungan. Hindi nagsisinungaling si Jehova; ni gumagawi man siya nang di-makatarungan. (Deut. 32:4; Tito 1:2) Lagi siyang nanghahawakan sa kaniyang matatayog na pamantayan ng katotohanan at katarungan, kahit mangahulugan pa ito ng pagsasakripisyo. (Roma 8:32) Tiyak na napakasakit kay Jehova na makita ang pagkamatay ng kaniyang minamahal na Anak sa pahirapang tulos na parang isang mamumusong! Pero dahil sa pag-ibig sa di-sakdal na mga tao, hinayaan ni Jehova na mangyari ito at sa gayo’y maitaguyod ang kaniyang sakdal na pamantayan ng katarungan. (Basahin ang Roma 5:18-21.) Ang laganap na kawalang-katarungan sa daigdig ay nagbigay ng pagkakataon kay Jehova na ipakita ang kaniyang sakdal na katarungan.
14, 15. Sa anu-anong paraan ipinakita ni Jehova ang kaniyang di-mapapantayang karunungan at pagtitiis?
14 Karunungan. Matapos magkasala sina Adan at Eva, agad na isiniwalat ni Jehova kung paano niya papawiin ang lahat ng masasamang epekto ng kanilang pagrerebelde. (Gen. 3:15) Dahil sa gayong agarang aksiyon, at sa unti-unting pagsisiwalat ng mga detalye ng layuning iyon sa kaniyang mga lingkod, lalong naitampok ang karunungan ni Jehova. (Roma 11:33) Kayang harapin ng Diyos ang anumang sitwasyon at walang makahahadlang sa kaniya. Sa isang daigdig na batbat ng imoralidad, digmaan, kawalang-katuwiran, pagsuway, kawalang-awa, diskriminasyon, at pagpapaimbabaw, maraming pagkakataon si Jehova para ipakita sa kaniyang mga nilalang kung ano ang tunay na karunungan. Sinabi ng alagad na si Santiago: “Ang karunungan mula sa itaas una sa lahat ay malinis, pagkatapos ay mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi gumagawa ng pagtatangi-tangi, hindi mapagpaimbabaw.”—Sant. 3:17.
15 Mahabang Pagtitiis. Ang katangiang ito ni Jehova ay hindi magiging gayon katingkad kung hindi niya kinailangang pagtiisan ang di-kasakdalan, kasalanan, at pagkukulang ng mga tao. Masasabing sakdal ang pagtitiis ni Jehova dahil napagtiisan niya ang mga tao sa loob ng libu-libong taon—isang bagay na dapat nating ipagpasalamat. Kaya tama ang sinabi ni apostol Pedro na dapat nating “ituring . . . ang pagtitiis ng ating Panginoon bilang kaligtasan.”—2 Ped. 3:9, 15.
16. Bakit dapat nating ikagalak ang pagiging handang magpatawad ni Jehova?
16 Handang Magpatawad. Lahat tayo ay makasalanan at natitisod nang maraming ulit. (Sant. 3:2; 1 Juan 1:8, 9) Laking pasasalamat nga natin na si Jehova ay handang magpatawad “nang sagana”! (Isa. 55:7) Pag-isipan din ito: Palibhasa’y ipinanganak tayong di-sakdal at makasalanan, nakadarama tayo ng masidhing kagalakan kapag pinatatawad ng Diyos ang ating mga pagkakamali. (Awit 51:5, 9, 17) Kapag personal nating nararanasan ang maibiging pagpapatawad ni Jehova, lalong tumitibay ang ating pag-ibig sa kaniya at napapasigla tayong tularan ang kaniyang halimbawa.—Basahin ang Colosas 3:13.
Bakit May Sakit ang Sanlibutan?
17, 18. Bakit masasabing bigo ang pamamahala ni Satanas?
17 Sa loob ng maraming siglo, ang buong sistema ng sanlibutan ni Satanas—na bunga ng kaniyang pamamahala—ay paulit-ulit na nabigo. Noong 1991, sinabi sa pahayagang The European: “May sakit ba ang sanlibutan? Oo, pero hindi ang Diyos ang may gawa nito—kagagawan ito ng tao.” Totoong-totoo iyan! Dahil sa impluwensiya ni Satanas, mas pinili pa ng ating unang mga magulang ang pamamahala ng tao kaysa sa pamamahala ni Jehova. Sa gayo’y pinasimulan nila ang isang pamamahalang tiyak na mabibigo. Ang kirot at dalamhating nagpapahirap sa mga tao sa buong daigdig ay patunay lamang na malalang-malala na ang sakit ng pamahalaan ng tao.
18 Ang pamamahala ni Satanas ay nagtatampok ng kasakiman. Pero hinding-hindi madaraig ng kasakiman ang pag-ibig, na siyang saligan ng pamamahala ni Jehova. Ang pamamahala ni Satanas ay hindi nakapagdulot ng kaligayahan, katiwasayan, o matatag na pamumuhay. Isa nga itong pagbabangong-puri sa pamamahala ni Jehova! May katibayan ba tayo sa ngayon na talagang naipagbangong-puri ang pamamahala ni Jehova? Mayroon, at iyan ang pag-aaralan natin sa susunod na artikulo.
May Kinalaman sa Pamamahala, Ano ang Natutuhan Natin sa . . .
• Roma 13:1, 2?
• Colosas 3:13?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 25]
Hindi kailanman nakapagdulot ng kabutihan sa mga tao ang pamamahala ni Satanas
[Credit Lines]
U.S. Army photo
WHO photo by P. Almasy
[Larawan sa pahina 26]
Walang makakatalo sa kapangyarihan ni Jehova, maging ang kamatayan
[Larawan sa pahina 27]
Ipinakita ni Jehova ang kaniyang pag-ibig at katarungan nang ihain niya ang kaniyang Anak