Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulungan ang Iyong mga Anak na Harapin ang mga Hamon

Tulungan ang Iyong mga Anak na Harapin ang mga Hamon

Tulungan ang Iyong mga Anak na Harapin ang mga Hamon

NAPAPAHARAP ang mga kabataan sa matinding panggigipit. Nakahantad sila sa espiritu ng napakasamang sanlibutan ni Satanas, at kailangan din nilang labanan ang “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.” (2 Tim. 2:22; 1 Juan 5:19) Bukod diyan, palibhasa’y sinisikap nilang ‘alalahanin ang kanilang Dakilang Maylalang,’ kailangan nilang harapin ang panunuya​—o panggugulo pa nga​—ng mga sumasalansang sa kanilang paniniwala. (Ecles. 12:1) Naalaala pa ni Vincent: “Dahil Saksi ako, laging may nanggugulo, nananakot, at naghahamon ng away sa akin noon. Kadalasan, sumosobra na sila kaya ayaw ko nang pumasok sa eskuwela.” *

Bukod sa panggigipit ng ibang tao, baka pinaglalabanan din ng ating mga anak ang kagustuhan nilang maging katulad ng ibang kabataan. “Ang hirap kapag hindi ka nila katulad,” ang sabi ni Cathleen, isang sister na tin-edyer. Inamin naman ng kabataang si Alan, “Madalas akong yayain ng mga kaeskuwela ko sa lakad nila kung weekend, at sa totoo lang, gustung-gusto kong sumama.” Isa pa, baka sobra ang hilig ng mga kabataan sa mga palaro sa paaralan, na magdadala sa kanila sa masasamang barkada. “Napakahilig ko sa sports,” ang sabi ng kabataang si Tanya. “Pilit akong isinasali ng mga coach sa team. Ang hirap-hirap tumanggi.”

Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na harapin ang mga hamon? Binigyan ni Jehova ng pananagutan ang mga magulang na patnubayan ang kanilang mga anak. (Kaw. 22:6; Efe. 6:4) Tunguhin ng makadiyos na mga magulang na tulungan ang kanilang mga anak na maging masunurin kay Jehova. (Kaw. 6:20-23) Sa gayon, paglalabanan ng mga anak ang panggigipit ng sanlibutan kahit wala ang kanilang mga magulang.

Para sa mga magulang, hindi madaling pagsabay-sabayin ang paghahanapbuhay, pagpapalaki ng mga anak, at pag-aasikaso ng mga pananagutan sa kongregasyon, lalo na kung ang isa ay nagsosolong magulang o sinasalansang ng asawang di-Saksi. Pero inaasahan pa rin ni Jehova na maglalaan ng panahon ang mga magulang para turuan ang kanilang mga anak. Kaya ano ang puwede mong gawin para maging matatag ang iyong mga anak sa harap ng araw-araw na panggigipit, panggugulo, at tukso?

Personal na Kaugnayan kay Jehova

Una sa lahat, kailangang maging totoong-totoo si Jehova sa ating mga anak. Kailangan silang tulungan na ‘makita ang Isa na di-nakikita.’ (Heb. 11:27) Naalaala ni Vincent, na binanggit kanina, kung paano siya tinulungan ng kaniyang mga magulang na magkaroon ng personal na kaugnayan kay Jehova. Sinabi niya: “Itinuro nila sa akin ang kahalagahan ng panalangin. Kahit batang-bata pa ako noon, nananalangin na ako kay Jehova gabi-gabi bago matulog. Totoong-totoo sa akin si Jehova.” Nananalangin ka bang kasama ng iyong mga anak? Baka puwede mo silang pakinggan habang nananalangin sila. Paulit-ulit lang ba ang sinasabi nila, o sinasabi nila kung ano ang talagang nadarama nila para kay Jehova? Sa pakikinig sa kanilang panalangin, malalaman mo kung talagang sumusulong sila sa espirituwal.

Ang isa pang mahalagang paraan para mápalapít ang mga kabataan kay Jehova ay ang personal na pagbabasa ng Salita ng Diyos. Sinabi ni Cathleen, na nabanggit kanina: “Nakatulong sa akin ang regular na pagbabasa ng Bibliya habang bata pa. Alam kong kahit awayin ako ng mga tao, kakampi ko naman si Jehova.” Regular bang nagbabasa ng Bibliya ang iyong mga anak?​—Awit 1:1-3; 77:12.

Totoo, iba-iba ang pagtugon ng mga bata sa patnubay ng kanilang mga magulang. Maaaring depende rin sa kanilang edad ang kanilang pagsulong. Pero kung hindi papatnubayan ang mga kabataan, baka hindi maging totoong-totoo sa kanila si Jehova. Kaya kailangang ikintal ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga salita ng Diyos. Sa gayon, maririnig ng mga anak ang tinig ni Jehova, wika nga, saanman sila naroroon. (Deut. 6:6-9) Kailangang makita nila na mahal sila ni Jehova.

Komunikasyon​—Kung Paano Ito Magiging Makabuluhan

Napakahalaga rin ng komunikasyon para matulungan ang iyong mga anak. Pero ang mahusay na komunikasyon ay hindi lang basta pag-uusap. Kasama rito ang pagtatanong at matiyagang pakikinig sa kanilang sagot​—kahit pa hindi iyon ang sagot na gusto mong marinig. “Nagtatanong ako hanggang sa maintindihan ko kung ano ang nasa isip nila at kung ano ang problema nila,” ang sabi ni Anne, na may dalawang anak na lalaki. Nadarama ba ng mga anak mo na pinakikinggan mo sila? Sinabi ni Tanya, na binanggit kanina: “Pinakikinggan ako ng mommy at daddy ko at hindi nila nakakalimutan ang mga pinag-uusapan namin. Alam nila ang pangalan ng mga kaklase ko at kinukumusta nila ang mga ito. Nagtatanong din sila tungkol sa mga bagay na napag-usapan namin noon.” Mahalagang makinig at tandaan ang sinasabi ng iyong mga anak para maging matagumpay ang komunikasyon.

Napatunayan ng maraming pamilya na ang panahon ng pagkain ay magandang pagkakataon para sa makabuluhang pag-uusap. “Sabay-sabay kami kung kumain, at mahalaga ito sa aming pamilya,” ang sabi ni Vincent. “Hangga’t maaari, kailangang nasa mesa na kami sa panahon ng pagkain. Bawal manood ng TV, makinig sa radyo, o magbasa habang kumakain. Madalas na para lang kaming nagkukuwentuhan, kaya gumagaan ang pakiramdam ko kahit maghapon ang pressure sa school.” Sinabi pa niya: “Dahil lagi kaming nag-uusap ng mga magulang ko sa panahon ng pagkain, hindi na ako nag-aalangang lumapit sa kanila kapag may problema ako.”

Tanungin ang sarili, ‘Sa loob ng isang linggo, gaano kadalas kaming magkakasabay kumain bilang pamilya?’ Puwede ka kayang gumawa ng ilang pagbabago pagdating sa bagay na ito para maging mas madalas at mas makabuluhan ang pakikipag-usap mo sa iyong mga anak?

Ang Kahalagahan ng mga Sesyon sa Pagsasanay

Nakakatulong din ang linggu-linggong pagdaraos ng Gabi ng Pampamilyang Pagsamba para makapag-usap nang husto ang pamilya at matulungan ang mga kabataan na harapin ang kanilang partikular na mga problema. Sinabi ni Alan, na nabanggit kanina: “Ginagamit ng mga magulang namin ang pampamilyang pag-aaral para malaman ang aming niloloob. Ginagamit nila ang mga paksang may kaugnayan sa problema namin.” Sinabi naman ng nanay ni Alan: “May mga sesyon kami ng pagsasanay sa panahon ng pag-aaral. Nakatulong ito para malaman ng mga anak namin kung paano ipagtatanggol ang kanilang pananampalataya at patutunayang totoo ang kanilang mga paniniwala. Nagbigay ito sa kanila ng lakas ng loob para harapin ang mga hamon.”

Oo, kapag ginigipit ng mga kasamahan, kadalasan nang hindi sapat na basta tatanggi lang ang mga bata sabay alis. Kailangang alam nila kung paano sasagutin ang mga tanong na bakit at bakit hindi puwede. Dapat na alam din nila ang gagawin kapag tinutuya sila dahil sa pagiging Saksi. Kung hindi nila kayang ipagtanggol ang kanilang pananampalataya, mahihirapan silang manindigan para sa tunay na pagsamba. Makakatulong sa kanila ang mga sesyon sa pagsasanay.

Ang  kahon sa pahina 18 ay may mga senaryo na puwedeng isadula sa Gabi ng Pampamilyang Pagsamba. Kontrahin ang sagot ng iyong mga anak para maging makatotohanan ang mga sesyong ito. Bukod dito, talakayin din ang mga aral na matututuhan mula sa mga halimbawa sa Bibliya. Ang gayong pagsasanay ay siguradong makakatulong sa iyong mga anak na maharap ang mga hamon sa paaralan at sa iba pang lugar.

Tahanan​—Ligtas na Kanlungan?

Sabik bang umuwi ng bahay ang mga anak mo pagkagaling sa eskuwela? Kung ligtas na kanlungan ang tahanan ninyo, makakatulong ito para makayanan ng iyong mga anak ang mga hamong napapaharap sa kanila araw-araw. Sinabi ng isang sister na Bethelite: “Noong bata pa ako, napakalaking bagay sa akin na isang ligtas na kanlungan ang tahanan namin. Hindi man maganda ang araw ko sa paaralan, alam kong pag-uwi ko ng bahay, magiging okey na ’ko.” Kumusta ang inyong tahanan? Normal na lang ba rito ang “mga silakbo ng galit, mga pagtatalo, [at] mga pagkakabaha-bahagi,” o pugad ito ng “pag-ibig, kagalakan, [at] kapayapaan”? (Gal. 5:19-23) Kung madalas na walang kapayapaan dito, sinisikap mo bang alamin kung paano gagawing ligtas na kanlungan para sa iyong mga anak ang inyong tahanan?

Matutulungan mo rin ang iyong mga anak na maharap ang mga hamon kung ihahanap mo sila ng nakapagpapatibay na mga kasama. Halimbawa, puwede mo bang isama sa paglilibang ng inyong pamilya ang ilang maygulang na kapatid sa kongregasyon? O puwede mo bang anyayahang kumain sa inyo ang naglalakbay na tagapangasiwa o iba pang nasa buong-panahong paglilingkod? May kilala ka bang misyonero o Bethelite na puwedeng maging kaibigan ng iyong anak, kahit man lang sa pamamagitan ng liham, e-mail, o paminsan-minsang pagtawag sa telepono? Makakatulong ang gayong pagkakaibigan para mapabuti at magkaroon ng espirituwal na mga tunguhin ang iyong mga anak. Naging mabuting impluwensiya si apostol Pablo sa kabataang si Timoteo. (2 Tim. 1:13; 3:10) Dahil palagi siyang kasama ni Pablo, nakapagtuon siya ng pansin sa espirituwal na mga tunguhin.​—1 Cor. 4:17.

Purihin ang Iyong mga Anak

Natutuwa si Jehova na makitang naninindigan ang mga kabataan sa harap ng panggigipit ng sanlibutan ni Satanas. (Awit 147:11; Kaw. 27:11) Tiyak na ganiyan din ang nadarama mo kapag gumagawa ng matatalinong pasiya ang mga kabataan. (Kaw. 10:1) Sabihin sa iyong mga anak ang nadarama mo sa kanila, at lagi silang purihin. Mainam na halimbawa si Jehova para sa mga magulang. Nang bautismuhan si Jesus, sinabi ni Jehova: “Ikaw ang aking Anak, ang minamahal; ikaw ay aking sinang-ayunan.” (Mar. 1:11) Tiyak na nagpalakas kay Jesus ang sinabi ng kaniyang Ama para makayanan ang mga hamon na malapit na niyang harapin noon! Sa katulad na paraan, ipaalam din sa iyong mga anak na mahal mo sila, at pahalagahan ang mga nagagawa nila.

Siyempre pa, hindi mo lubusang mapoprotektahan ang iyong mga anak laban sa panggigipit, panggugulo, at panunuya. Pero malaki pa rin ang maitutulong mo sa kanila. Paano? Tulungan silang magkaroon ng personal na kaugnayan kay Jehova. Laging makipagkuwentuhan sa kanila para madali nilang masabi ang kanilang nadarama. Gawing praktikal ang Gabi ng Pampamilyang Pagsamba, at gawing ligtas na kanlungan ang inyong tahanan. Tiyak na makakatulong ito sa iyong mga anak na harapin ang mga hamon.

[Talababa]

^ par. 2 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

[Kahon/Larawan sa pahina 18]

 MAKAKATULONG ANG MGA SESYON SA PAGSASANAY

Narito ang ilang sitwasyon na napapaharap sa mga kabataan. Puwede ninyong praktisin ang ilan sa mga senaryong ito sa inyong Gabi ng Pampamilyang Pagsamba.

▸ Pinasasali ng coach ang iyong anak sa team ng eskuwelahan.

▸ Pauwi na ang iyong anak mula sa eskuwela nang may mag-alok sa kaniya ng sigarilyo.

▸ Pinagbabantaan ng ilang bata ang iyong anak na bubugbugin siya kapag nakita ulit siyang nangangaral.

▸ Habang nagbabahay-bahay ang anak mo, nakita siya ng isang kaeskuwela.

▸ Sa harap ng klase, tinatanong ang iyong anak kung bakit hindi siya umaawit ng pambansang awit.

▸ Laging tinutuya ng isang bata ang iyong anak dahil Saksi siya.

[Larawan sa pahina 17]

Regular bang nagbabasa ng Bibliya ang iyong mga anak?

[Larawan sa pahina 19]

Isinasama mo ba sa paglilibang ng inyong pamilya ang mga maygulang na kapatid?