“Ang Karapatan ng Bata na Sumulong sa Espirituwal”
“Ang Karapatan ng Bata na Sumulong sa Espirituwal”
NOONG Disyembre 9, 2008, nagdaos ang Swedish Academy for the Rights of the Child ng isang kakaibang seminar na may temang “Ang Karapatan ng Bata na Sumulong sa Espirituwal.” Nagharap ng iba’t ibang opinyon ang mga tagapagsalita mula sa Church of Sweden, iba pang denominasyon ng Sangkakristiyanuhan, Islam, at kilusang humanista.
Kabilang sa mga tagapagsalita ang isang klerigo na nagsabi: “Napakahirap magbigay ng eksakto at makatuwirang paglalarawan sa kahalagahan ng mga ulat ng Bibliya para sa espirituwalidad ng mga bata.” Paano nasasapatan ng mga ulat na ito ang espirituwal na pangangailangan ng mga bata?
“Ang mga ulat sa Bibliya ay puwedeng bulay-bulayin ng mga bata,” ang sabi ng klerigo. Binanggit niya ang “kuwento tungkol kina Adan at Eva, kina Cain at Abel, kina David at Goliat, sa pagsilang ni Jesus, sa maniningil ng buwis na si Zaqueo, sa talinghaga hinggil sa alibughang anak, sa madamaying Samaritano.” Tinukoy ang mga ito bilang “ilan sa mga huwarang ulat na papatnubay sa pag-iisip [ng isang bata] tungkol sa mahahalagang isyu gaya ng pagtataksil, pagpapatawad, pagsisisi, pagkapoot, kahihiyan, pagkakasundo, pangkapatiran at walang-pag-iimbot na pag-ibig.” Idinagdag pa niya: “Ang mga ulat na ito ay nagsisilbing halimbawa na maaaring tularan at isabuhay ng isa.”
Mahalaga ngang pasiglahin ang mga bata na magbasa ng Bibliya. Pero kaya na ba nilang “bulay-bulayin” ang nababasa nila sa Kasulatan at makapulot dito ng aral?
Maging ang mga adulto ay nangangailangan pa rin ng paliwanag tungkol sa mga ulat ng Bibliya. Halimbawa, may binabanggit ang Bibliya tungkol sa isang lalaking hindi pa rin maunawaan ang Kasulatan kahit pa “bulay-bulayin” niya ito. Ang lalaking iyon ay isang opisyal na Etiope. Binabasa niya ang hula ni Isaias pero hindi niya ito maintindihan. Yamang gusto niyang maintindihan ang mensahe ng propeta, pinakinggan niya ang paliwanag ng alagad na si Felipe. (Gawa 8:26-40) Tulad ng Etiopeng iyon, tayong lahat—lalo na ang mga bata—ay nangangailangan din ng paliwanag sa mga ulat ng Bibliya.
Nagbababala ang Bibliya: “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata.” (Kaw. 22:15) Ang mga bata ay nangangailangan ng patnubay at tagubilin. Pananagutan ng mga magulang na turuan sila tungkol sa moralidad at sa espirituwal na mga bagay gamit ang Bibliya at ang impormasyong tinatalakay sa mga pulong ng kongregasyon. Karapatan ng mga bata na tumanggap ng gayong pagsasanay. Maliliit pa lang sila, kailangan na nilang maunawaan ang Bibliya para sumulong sa espirituwal at maging “mga taong may-gulang . . . na dahil sa paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.”—Heb. 5:14.