Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gamitin Nang May Kahusayan ang “Tabak ng Espiritu”

Gamitin Nang May Kahusayan ang “Tabak ng Espiritu”

Gamitin Nang May Kahusayan ang “Tabak ng Espiritu”

“Tanggapin . . . ang tabak ng espiritu, samakatuwid nga, ang salita ng Diyos.”​—EFE. 6:17.

1, 2. Ano ang dapat nating gawin yamang mas marami pang tagapaghayag ng Kaharian ang kailangan?

NANG makita ni Jesus ang espirituwal na pangangailangan ng mga tao, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” Pagkasabi nito, hindi lang basta naghintay si Jesus, “tinawag niya ang kaniyang labindalawang alagad” at isinugo sila para ‘mag-ani,’ o mangaral. (Mat. 9:35-38; 10:1, 5) Nang maglaon, “nag-atas [si Jesus] ng pitumpung iba pa at isinugo sila nang dala-dalawa” para mangaral.​—Luc. 10:1, 2.

2 Sa ngayon, kailangan din ang mas marami pang tagapaghayag ng Kaharian. Ang dumalo sa Memoryal noong 2009 taon ng paglilingkod ay 18,168,323. Mas marami ito nang mahigit 10 milyon kaysa sa kabuuang bilang ng mga Saksi ni Jehova. Oo, handa na ang bukid para sa pag-aani. (Juan 4:34, 35) Kung gayon, dapat tayong manalangin at humingi ng mas marami pang manggagawa. Pero paano tayo kikilos ayon sa ating mga kahilingan? Dapat tayong maging mas epektibong mga ministro habang masigasig na nakikibahagi sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad.​—Mat. 28:19, 20; Mar. 13:10.

3. Paano tayo tinutulungan ng espiritu ng Diyos para maging mabisang ministro?

3 Tinalakay sa naunang artikulo kung paano nakakatulong ang espiritu ng Diyos para ‘makapagsalita tayo ng salita ng Diyos nang may katapangan.’ (Gawa 4:31) Matutulungan din tayo ng espiritung ito para maging mahuhusay na ministro. Ang isang paraan para lalo tayong maging mabisa sa ministeryo ay ang mahusay na paggamit sa napakagandang pantulong na inilaan ng Diyos na Jehova​—ang kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya. Isinulat ito sa patnubay ng banal na espiritu. (2 Tim. 3:16) Ang mensahe nito ay galing sa Diyos. Kaya kapag mahusay nating ginagamit ang Bibliya sa pagtuturo, ginagabayan tayo ng banal na espiritu. Bago natin isaalang-alang kung paano ito gagawin, tingnan muna natin kung gaano talaga kalakas ang Salitang iyan.

‘Ang Salita ng Diyos ay May Lakas’

4. Paano maaaring baguhin ng salita ng Diyos ang isang tao?

4 Makapangyarihan ang salita, o mensahe, ng Diyos! (Heb. 4:12) Sa makasagisag na paraan, ang mensahe mula sa Bibliya ay mas matalas kaysa sa anumang tabak na gawa ng tao, yamang kaya nitong tumagos hanggang sa paghihiwalay ng buto at utak sa buto. Nakakaabot ang katotohanan hanggang sa kaloob-looban ng isang tao at nakakatagos sa kaniyang kaisipan at emosyon, anupat isinisiwalat ang tunay niyang pagkatao. Talagang kayang baguhin ng katotohanang iyon ang isang tao. (Basahin ang Colosas 3:10.) Oo, nakapagpapabago ng buhay ang Salita ng Diyos!

5. Paano tayo ginagabayan ng Bibliya? Ano ang resulta nito?

5 Isa pa, walang kapantay ang karunungan mula sa Bibliya. Naglalaman ito ng impormasyong nagtuturo sa mga tao kung paano mamumuhay sa magulong sanlibutang ito. Tinatanglawan ng Salita ng Diyos hindi lang ang bawat hakbang natin kundi pati na ang landas na lalakaran natin. (Awit 119:105) Napakalaking tulong nito kapag napapaharap tayo sa mga problema o kaya’y pumipili ng kaibigan, libangan, trabaho, damit, at iba pa. (Awit 37:25; Kaw. 13:20; Juan 15:14; 1 Tim. 2:9) Kung ikakapit natin ang mga simulain sa Bibliya, magkakaroon tayo ng mabuting kaugnayan sa iba. (Mat. 7:12; Fil. 2:3, 4) Yamang maliwanag ang landas na ating lalakaran, nakikita natin ang magiging pangmatagalang epekto ng ating mga desisyon. (1 Tim. 6:9) Inihula rin sa Kasulatan ang layunin ng Diyos sa hinaharap. Tumutulong ito sa atin na mamuhay ayon sa layuning iyon. (Mat. 6:33; 1 Juan 2:17, 18) Makabuluhan nga ang buhay ng isang taong nagpapagabay sa mga simulain ng Diyos!

6. Gaano kalakas na sandata ang Bibliya sa ating espirituwal na pakikidigma?

6 Napakalakas na sandata rin ang Bibliya sa ating espirituwal na pakikidigma. Ang salita ng Diyos ay tinawag ni Pablo na “tabak ng espiritu.” (Basahin ang Efeso 6:12, 17.) Kung epektibong gagamitin ang mensahe ng Bibliya, makakalaya ang mga tao mula sa espirituwal na pagkaalipin kay Satanas. Ang tabak na ito ay hindi pumapatay kundi nagliligtas-buhay. Dapat nga natin itong gamitin nang may kahusayan.

Gamitin Nang Wasto

7. Bakit mahalagang matutuhan na gamitin nang wasto ang “tabak ng espiritu”?

7 Para mabisang magamit ng sundalo ang kaniyang sandata sa pakikidigma, dapat na nagsanay siya at natutuhan niya itong gamitin nang wasto. Katulad din ito sa paggamit ng “tabak ng espiritu” sa ating espirituwal na pakikidigma. Isinulat ni Pablo: “Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.”​—2 Tim. 2:15.

8, 9. Ano ang tutulong sa atin para maunawaan ang sinasabi ng Bibliya? Magbigay ng halimbawa.

8 Ano ang tutulong sa atin para ‘magamit nang wasto ang salita ng katotohanan’ sa ministeryo? Para malinaw nating maituro ang sinasabi ng Bibliya, kailangang nauunawaan natin ito. Kaya dapat nating bigyang-pansin ang konteksto ng isang talata o ulat. Ayon sa isang diksyunaryo, “ang konteksto ng isang salita, pangungusap, o ulat ay binubuo ng mga salita, pangungusap, o ulat na mababasa bago at pagkatapos nito na nakakatulong para maging maliwanag ang kahulugan nito.”

9 Upang maunawaan nang wasto ang isang talata sa Kasulatan, mahalagang isaalang-alang ang konteksto. Ang isang halimbawa nito ay ang isinulat ni Pablo sa Galacia 5:13: “Sabihin pa, kayo ay tinawag ukol sa kalayaan, mga kapatid; huwag lamang ninyong gamitin ang kalayaang ito bilang pangganyak para sa laman, kundi sa pamamagitan ng pag-ibig ay magpaalipin kayo sa isa’t isa.” Anong kalayaan ang tinutukoy ni Pablo? Ito ba’y kalayaan mula sa kasalanan at kamatayan, mula sa maling mga paniniwala, o iba pa? Makikita sa konteksto na ang tinutukoy ni Pablo ay ang kalayaang dulot ng ‘paglaya mula sa sumpa ng Kautusan.’ (Gal. 3:13, 19-24; 4:1-5) Ito ang kalayaang natamo dahil sa pagsunod kay Kristo. Ang mga nagpapahalaga sa kalayaang ito ay nagpapaalipin sa isa’t isa udyok ng pag-ibig. Ang mga walang pag-ibig naman ay nagsisiraan at nagtatalu-talo.​—Gal. 5:15.

10. Anong mga impormasyon ang dapat nating alamin para maunawaan nang wasto ang kahulugan ng isang teksto? Saan tayo makakakuha ng gayong mga impormasyon?

10 May iba pang kahulugan ang salitang “konteksto.” Singkahulugan nito ang “pangyayari, kalagayan, . . . sitwasyon.” Para maunawaan nang wasto ang kahulugan ng isang teksto, dapat nating tingnan ang kaugnay na mga impormasyon​—kung sino ang sumulat ng aklat ng Bibliya, pati na kung kailan at kung ano ang mga kalagayan nang isulat ito. Makabubuti ring alamin kung bakit isinulat ang aklat na ito at, hangga’t maaari, pati na ang mga kaugalian, moral na pamantayan, at paraan ng pagsamba noon. *

11. Ano ang dapat nating iwasan kapag ipinaliliwanag ang mga teksto sa Bibliya?

11 Sa ‘paggamit nang wasto ng salita ng katotohanan,’ hindi lang natin basta ipaliliwanag nang tumpak ang mga katotohanan mula sa Kasulatan. Titiyakin din nating hindi natin ginagamit ang Bibliya para takutin ang mga tao. Bagaman magagamit natin ito para ipagtanggol ang katotohanan, gaya ng ginawa ni Jesus nang tuksuhin siya ng Diyablo, hindi ito dapat gawing panghambalos, wika nga, sa ating mga tagapakinig. (Deut. 6:16; 8:3; 10:20; Mat. 4:4, 7, 10) Sundin natin ang payo ni apostol Pedro: “Pabanalin ang Kristo bilang Panginoon sa inyong mga puso, na laging handang gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.”​—1 Ped. 3:15.

12, 13. Anong “mga bagay na matibay ang pagkakatatag” ang kayang itiwarik ng katotohanan ng Salita ng Diyos? Magbigay ng halimbawa.

12 Kapag ginamit nang wasto ang katotohanan ng Salita ng Diyos, ano ang magagawa nito? (Basahin ang 2 Corinto 10:4, 5.) Kayang itiwarik ng katotohanan mula sa Kasulatan ang “mga bagay na matibay ang pagkakatatag,” anupat nailalantad ang mga huwad na doktrina, nakapipinsalang gawain, at pilosopiyang nagtatampok ng di-sakdal na karunungan ng tao. Magagamit ang Bibliya para tagpasin, wika nga, ang mga ideyang “ibinangon laban sa kaalaman sa Diyos.” Magagamit din ang mga turo ng Bibliya upang tulungan ang iba na iayon ang kanilang kaisipan sa katotohanan.

13 Kuning halimbawa ang karanasan ng 93-anyos na babaing taga-India. Mula pagkabata, itinuro na sa kaniya ang reinkarnasyon. Nang makipag-aral siya ng Bibliya sa kaniyang anak na lalaki na nasa ibang bansa sa pamamagitan ng liham, agad niyang tinanggap ang mga natutuhan niya tungkol kay Jehova at sa Kaniyang mga pangako. Pero dahil nakatatak na sa isip niya ang turo ng reinkarnasyon, hindi niya mapaniwalaan ang isinulat ng kaniyang anak tungkol sa kalagayan ng patay. Sinabi niya: “Litung-lito ako sa turo ng Bibliya n’yo. Ang lahat ng relihiyon ay nagsasabing may isang imortal na bagay sa loob natin. Mula’t sapol, naniniwala akong kapag namatay ang katawan, may isang di-nakikitang bahagi nito na lumilipat sa ibang katawan at paulit-ulit itong nangyayari nang mga 8,400,000 beses. Paano magiging mali ’yon? Ibig n’yo bang sabihin, halos lahat ng relihiyon, mali?” Kaya bang itiwarik ng “tabak ng espiritu” ang gayong paniniwala na matibay ang pagkakatatag? Matapos ang higit pang pag-uusap tungkol sa paksang iyon, sumulat siya makalipas ang ilang linggo: “Unti-unti ko nang naiintindihan ang katotohanan tungkol sa kamatayan. Tuwang-tuwa akong malaman na sa pagkabuhay-muli, makikita natin ulit ang namatay nating mga mahal sa buhay. Dumating na sana ang Kaharian ng Diyos.”

Gamitin Nang May Panghihikayat

14. Ano ang ibig sabihin ng hikayatin ang ating kausap?

14 Para maging mabisa sa paggamit ng Bibliya sa ministeryo, hindi sapat na basta sumipi lang ng mga teksto. Dapat nating tularan si Pablo na nagsalita nang may “panghihikayat.” (Basahin ang Gawa 19:8, 9; 28:23.) Ang isang nahikayat ay “kumbinsidung-kumbinsido anupat nagtitiwala sa isang bagay.” Kapag nahikayat natin ang isang tao na tanggapin ang isang turo ng Bibliya, nakumbinsi natin siya na maniwala sa turong iyon. Para magawa ito, kailangan nating kumbinsihin ang ating kausap na totoo ang sinasabi natin. Paano?

15. Paano natin aakayin ang pansin sa Salita ng Diyos sa paraang igagalang ito ng mga tao?

15 Akayin ang pansin sa Salita ng Diyos sa paraang igagalang ito ng mga tao. Sa paggamit ng teksto, idiin na mahalagang malaman ang pangmalas ng Diyos sa mga bagay-bagay. Matapos magtanong at marinig ang sagot ng may-bahay, maaari mong sabihin, ‘Tingnan natin kung ano ang nadarama ng Diyos sa bagay na ito.’ O maaari mong itanong, ‘Ano kaya ang pangmalas ng Diyos sa sitwasyong ito?’ Sa paggawa nito, naidiriin natin na ang Bibliya ay mula sa Diyos at natutulungan natin ang ating kausap na magkaroon ng matinding paggalang dito. Lalo nang mahalagang gawin ito kapag nangangaral tayo sa mga taong naniniwala sa Diyos pero hindi pamilyar sa mga turo ng Bibliya.​—Awit 19:7-10.

16. Paano mo wastong maipaliliwanag ang mga teksto?

16 Huwag lang basta basahin ang mga teksto; ipaliwanag ang mga ito. Kinaugalian na ni Pablo na ‘ipaliwanag at patunayan sa pamamagitan ng mga reperensiya’ ang kaniyang itinuturo. (Gawa 17:3) Ang isang teksto ay kadalasan nang naglalaman ng mahigit sa isang punto, at baka kailangan mong idiin ang mga susing salita na nauugnay sa paksang pinag-uusapan ninyo. Maaari mong ulitin ang mga salitang ito o tanungin ang may-bahay para makita niya ang mga ito. Saka mo ipaliwanag ang kahulugan ng bahaging iyon ng teksto. Pagkatapos, ipakita sa iyong kausap kung ano ang kaugnayan nito sa kaniyang buhay.

17. Paano ka makapangangatuwiran mula sa Kasulatan sa nakakakumbinsing paraan?

17 Mangatuwiran mula sa Kasulatan sa nakakakumbinsing paraan. Sa tulong ng taimtim na pananalita at lohikal na paliwanag, ‘nangatuwiran si Pablo mula sa Kasulatan’ sa nakakakumbinsing paraan. (Gawa 17:2, 4) Tulad niya, sikapin mo ring abutin ang puso ng iyong kausap. ‘Salukin,’ o alamin, kung ano ang nasa puso niya sa pamamagitan ng magagalang na tanong na nagpapakita ng personal na interes. (Kaw. 20:5) Huwag maging masyadong prangka. Iharap sa malinaw at lohikal na paraan ang mga argumento. Suportahan ang mga ito ng matibay na ebidensiya. Dapat na nakasalig lang sa Salita ng Diyos ang iyong mga sinasabi. Mas mabuti nang gumamit ng isang teksto at ipaliwanag itong mabuti kaysa magpaulan ng dalawa o tatlong sunud-sunod na teksto. Ang paggawa nito ay ‘nagdaragdag ng panghihikayat sa iyong mga labi.’ (Kaw. 16:23) Kung minsan, baka kailangan mong magsaliksik at magbigay ng karagdagang impormasyon. Kailangang malaman ng 93-anyos na babaing binanggit kanina kung bakit napakalaganap ng turo tungkol sa imortal na kaluluwa (o espiritu). Mahalagang maintindihan niya kung saan nagmula ang doktrinang ito at kung paano ito nakapasok sa halos lahat ng relihiyon sa daigdig para mahikayat siyang tanggapin ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa paksang ito. *

Patuloy na Gamitin Nang May Kahusayan

18, 19. Bakit dapat nating patuloy na gamitin nang may kahusayan ang “tabak ng espiritu”?

18 “Ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago,” ang sabi ng Bibliya. Ang masasama ay lalong sumasamâ. (1 Cor. 7:31; 2 Tim. 3:13) Kaya napakahalagang patuloy nating itiwarik ang “mga bagay na matibay ang pagkakatatag” gamit ang “tabak ng espiritu, samakatuwid nga, ang salita ng Diyos.”

19 Laking pasasalamat natin na taglay natin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, at magamit ang makapangyarihang mensahe nito para bunutin, wika nga, ang huwad na mga turo at tulungan ang tapat-pusong mga tao! Mas malakas ang mensaheng iyon kaysa sa anumang bagay na matibay na nakatatag. Kaya naman pagsikapan nating mabuti na gamitin nang may kahusayan ang “tabak ng espiritu” sa ating bigay-Diyos na gawaing paghahayag ng Kaharian.

[Mga talababa]

^ par. 10 Makakatulong nang malaki sa pagkuha ng kaugnay na mga impormasyon tungkol sa mga aklat ng Bibliya ang mga publikasyong “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang,” Insight on the Scriptures, at mga artikulong gaya ng “Ang Salita ni Jehova ay Buháy,” sa Ang Bantayan.

Ano ang Natutuhan Mo?

• Gaano kalakas ang Salita ng Diyos?

• Paano natin ‘magagamit nang wasto ang salita ng katotohanan’?

• Ano ang kayang gawin ng mensahe ng Bibliya sa “mga bagay na matibay ang pagkakatatag”?

• Paano ka magiging mas mabisa sa panghihikayat sa ministeryo?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon/Larawan sa pahina 12]

Paano Gagamitin ang Salita ng Diyos Nang May Panghihikayat?

▪ Akayin ang pansin sa Bibliya sa paraang igagalang ito ng mga tao

▪ Ipaliwanag ang Kasulatan

▪ Mangatuwiran sa paraang nakakakumbinsi para maabot ang puso ng iyong kausap

[Larawan sa pahina 11]

Dapat mong matutuhang gamitin nang mabisa ang “tabak ng espiritu”