Itinuturing Mo ba si Jehova Bilang Iyong Ama?
Itinuturing Mo ba si Jehova Bilang Iyong Ama?
“PANGINOON, turuan mo kaming manalangin.” Nang hilingin iyan ng isa sa kaniyang mga alagad, sinabi ni Jesus: “Kailanma’t mananalangin kayo, sabihin ninyo, ‘Ama, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.’” (Luc. 11:1, 2) Puwede namang gamitin ni Jesus ang matatayog na titulong gaya ng “Makapangyarihan-sa-lahat,” “Dakilang Tagapagturo,” “Maylalang,” “Sinauna sa mga Araw,” at “Haring walang hanggan.” (Gen. 49:25; Isa. 30:20; 40:28; Dan. 7:9; 1 Tim. 1:17) Pero pinili niya ang terminong “Ama.” Bakit? Marahil, gusto niyang lumapit tayo sa pinakamataas na Persona sa buong uniberso na gaya ng paglapit ng isang munting bata sa kaniyang mapagmahal na ama.
Pero may mga taong nahihirapang ituring ang Diyos bilang kanilang Ama. Inamin ng Kristiyanong si Atsuko, * “Matagal na akong bautisado noon, pero nahihirapan pa rin akong maging malapít kay Jehova at manalangin sa kaniya bilang aking Ama.” Bakit? Sinabi niya ang isang dahilan, “Kahit kailan, hindi ako nakadama ng pagmamahal mula kay Itay.”
Sa mga huling araw na ito, nawawala na ang “likas na pagmamahal” na inaasahan sa isang ama. (2 Tim. 3:1, 3) Kaya hindi nga kataka-takang may mga taong gaya ni Atsuko. Pero hindi tayo dapat masiraan ng loob dahil may matitibay na dahilan para ituring si Jehova bilang ating maibiging Ama.
Si Jehova—Maibiging Tagapaglaan
Para maituring si Jehova bilang ating Ama, dapat na kilalang-kilala natin siya. “Walang sinuman ang lubos na nakakakilala sa Anak kundi ang Ama,” ang sabi ni Jesus, “ni may sinumang lubos na nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinuman na sa kaniya ay nais ng Anak na isiwalat siya.” (Mat. 11:27) Ang isang napakagandang paraan para malaman kung anong uri ng Ama si Jehova ay ang pag-isipan kung ano ang itinuro ni Jesus tungkol sa tunay na Diyos. Ano nga ba ang itinuro ni Jesus tungkol sa Ama?
Kinilala ni Jesus si Jehova bilang Bukal ng kaniyang buhay nang sabihin niya: “Ako ay nabubuhay dahil sa Ama.” (Juan 6:57) Utang din natin ang ating buhay sa Ama. (Awit 36:9; Gawa 17:28) Bakit kaya nagbigay si Jehova ng buhay? Hindi ba’t dahil sa pag-ibig? Kaya dapat lang na suklian natin ng pag-ibig ang ating makalangit na Ama.
Ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa mga tao ay ang paglalaan niya ng haing pantubos ni Jesus. Dahil dito, ang makasalanang mga tao ay maaari nang magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang sinisintang Anak. (Roma 5:12; 1 Juan 4:9, 10) At dahil Tagatupad ng mga pangako ang ating makalangit na Ama, makakatiyak tayo na ang lahat ng umiibig at sumusunod sa kaniya ay magtatamasa ng “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:21.
Gayundin, laging ‘pinasisikat sa atin ng ating makalangit na Ama ang kaniyang araw.’ (Mat. 5:45) Malamang na iniisip nating hindi na ito kailangang ipanalangin. Pero napakahalaga ng mainit na sikat ng araw at gustung-gusto natin ito! Hindi lang iyan, ang ating Ama ay isang dakilang Tagapaglaan, na nakaaalam ng ating materyal na pangangailangan bago pa man ito hingin sa kaniya. Kaya dapat nating pagmasdan at bulay-bulayin kung paano pinangangalagaan ng ating Ama ang kaniyang mga nilalang.—Mat. 6:8, 26.
Ang Ating Ama—“Magiliw na Tagapagsanggalang”
Sa hula ni Isaias, tiniyak ng Diyos sa kaniyang sinaunang bayan: “Ang mga bundok ay maaalis at ang mga burol ay makikilos, pero ang aking pakikipagkaibigan ay hindi kailanman maaalis sa iyo ni makikilos man ang aking tipan ng kapayapaan, ang sabi ng iyong magiliw na tagapagsanggalang na si Jehova.” (Isa. 54:10, The Bible in Living English) Idiniriin ng panalangin ni Jesus noong huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa na si Jehova ay isang “magiliw na tagapagsanggalang.” Tungkol sa kaniyang mga alagad, ipinanalangin ni Jesus: “Sila ay nasa sanlibutan at paroroon ako sa iyo. Amang Banal, bantayan mo sila dahil sa iyong sariling pangalan.” (Juan 17:11, 14) Binantayan nga at ipinagsanggalang ni Jehova ang mga tagasunod ni Jesus.
Ang isang paraan ng pagsasanggalang sa atin ng Diyos mula sa mga pakana ni Satanas sa ngayon ay ang paglalaan ng napapanahong espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45) Mahalaga ang nakapagpapalakas na pagkaing iyon para ‘maisuot natin ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos.’ Ang isang halimbawa nito ay ang “malaking kalasag ng pananampalataya” na magagamit natin para ‘sugpuin ang lahat ng nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot.’ (Efe. 6:11, 16) Dahil sa ating pananampalataya, naipagsasanggalang tayo mula sa espirituwal na mga panganib at naipakikita nating nagtitiwala tayo sa kakayahan ng ating Ama na ipagsanggalang tayo.
Marami pa tayong matututuhan tungkol sa pagiging magiliw ng ating Ama kung isasaalang-alang natin ang pakikitungo sa iba ng Anak ng Diyos samantalang nasa lupa siya. Kuning halimbawa ang ulat sa Marcos 10:13-16. Dito, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata.” Nang palibutan si Jesus ng mumunting mga bata, magiliw niya silang kinalong at pinagpala. Tiyak na nagningning ang kanilang mga mata sa tuwa! At yamang sinabi ni Jesus: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama,” alam nating gusto rin ng tunay na Diyos na lumapit tayo sa kaniya.—Juan 14:9.
Ang Diyos na Jehova ang walang-hanggang Bukal ng pag-ibig. Siya ang dakilang Tagapaglaan at walang-katulad na Tagapagsanggalang, at gusto niyang maging malapít tayo sa kaniya. (Sant. 4:8) Si Jehova nga ang pinakamabuting Ama sa lahat!
Kaylaking Kapakinabangan!
Makikinabang tayo nang husto kung magtitiwala tayo kay Jehova bilang ating maibigin at magiliw na Ama sa langit. (Kaw. 3:5, 6) Nakinabang si Jesus sa lubos na pagtitiwala sa kaniyang Ama. “Hindi ako nag-iisa,” ang sabi ni Kristo sa kaniyang mga alagad, “kundi ang Ama na nagsugo sa akin ay kasama ko.” (Juan 8:16) Laging nakakatiyak si Jesus sa pag-alalay ni Jehova. Halimbawa, nang bautismuhan si Jesus, nakatanggap siya ng maibiging katiyakan mula sa Ama, na nagsabi: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mat. 3:15-17) At ilang sandali bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa malakas na tinig: “Ama, sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu.” (Luc. 23:46) Nanatiling matibay ang pagtitiwala niya sa kaniyang Ama.
Maaari din tayong magkaroon ng gayong pagtitiwala. Kung nasa panig natin si Jehova, ano ang dapat nating ikatakot? (Awit 118:6) Si Atsuko, na nabanggit kanina, ay sa kaniyang sarili umaasa kapag may problema. Pero sinimulan niyang pag-aralan ang tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus, lalo na ang malapít na kaugnayan ng Anak sa kaniyang makalangit na Ama. Ang resulta? “Naunawaan ko kung paano magkaroon ng Ama at magtiwala sa kaniya,” ang sabi ni Atsuko. Dagdag pa niya: “Nadama ko ang tunay na kapayapaan at kaligayahan. Talagang wala tayong dapat ikabahala.”
Ano ang iba pang kapakinabangan kung ituturing natin si Jehova bilang ating Ama? Karaniwan na, mahal ng mga anak ang kanilang mga magulang at gusto nilang mapasaya sila. Dahil sa pag-ibig, ‘laging ginagawa ng Anak ng Diyos ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniyang Ama.’ (Juan 8:29) Sa katulad na paraan, mauudyukan tayo ng pag-ibig sa ating makalangit na Ama na gumawi nang may katalinuhan at ‘hayagan siyang purihin.’—Mat. 11:25; Juan 5:19.
Ang Ating Ama ay ‘Nakahawak sa Ating Kanang Kamay’
Ang ating Ama ay nagbigay rin ng “katulong”—ang kaniyang banal na espiritu. ‘Aakayin kayo nito sa lahat ng katotohanan,’ ang sabi ni Jesus. (Juan 14:15-17; 16:12, 13) Sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos, higit nating makikilala ang ating Ama. Matutulungan tayo nito na itiwarik ang “mga bagay na matibay ang pagkakatatag,” gaya ng sariling mga palagay, maling ideya, o pilipit na pananaw, at sa gayo’y “dinadala . . . sa pagkabihag ang bawat kaisipan upang gawin itong masunurin sa Kristo.” (2 Cor. 10:4, 5) Kaya nga hingin natin kay Jehova sa panalangin ang ipinangakong “katulong,” na nagtitiwalang “ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.” (Luc. 11:13) Angkop din na ipanalanging tulungan tayo ng banal na espiritu na maging mas malapít kay Jehova.
Panatag at walang takot ang isang bata kapag magkahawak silang naglalakad ng kaniyang ama. Kung talagang itinuturing mo si Jehova bilang iyong Ama, makapagtitiwala ka sa nakaaaliw na pangakong ito: “Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.’” (Isa. 41:13) Magkakaroon ka ng kamangha-manghang pribilehiyo na ‘lumakad’ na kasama ng Diyos magpakailanman. (Mik. 6:8) Patuloy mong gawin ang kaniyang kalooban. Tiyak na makadarama ka ng kagalakan, pag-ibig, at kapanatagan dahil itinuturing mo si Jehova bilang iyong Ama.
[Talababa]
^ par. 3 Binago ang pangalan.