Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Kailan puwedeng magpabautismo-muli?
Sa ilang kalagayan, baka maisip ng isang bautisado na walang bisa ang kaniyang bautismo kung kaya kailangan niyang magpabautismo-muli. Halimbawa, nang bautismuhan ang isa, baka mayroon pa siyang lihim na ginagawa na maaari niyang ikatiwalag kung bautisado na siya. Puwede ba siyang mag-alay sa Diyos sa ganitong kalagayan? Maaari siyang mag-alay kay Jehova tangi lamang kung wala na siyang ginagawang labag sa Kasulatan. Kaya kung ang isa ay nabautismuhan gayong may ginagawa pang malubhang kasalanan, angkop lang na isaalang-alang niya ang muling pagpapabautismo.
Paano naman ang isang indibiduwal na walang ginagawang kasalanan sa panahon ng kaniyang bautismo pero pagkatapos nito ay nakagawa ng pagkakamaling nangangailangang iharap sa isang hudisyal na komite? Paano kung sabihin niyang hindi niya lubos na naiintindihan noon ang kahulugan ng bautismo kung kaya wala naman itong bisa? Kapag kinakausap ang isang nagkasala, hindi dapat ipahiwatig ng mga elder na walang bisa ang kaniyang bautismo, ni tanungin man siya kung sa palagay niya’y may bisa ang kaniyang pag-aalay at bautismo. Tutal, napakinggan naman niya ang pahayag tungkol sa kahulugan ng bautismo. Sumagot siya ng “Oo” nang iharap ang mga tanong tungkol sa pag-aalay at bautismo. Pagkaraan ay nagpalit siya ng damit at inilubog sa tubig. Kaya makatuwiran lang na isiping lubos niyang naiintindihan ang kaselangan ng kaniyang ginagawa. Kung gayon, ituturing siya ng mga elder bilang isang bautisadong kapatid.
Kung pinag-aalinlangan ng indibiduwal ang bisa ng kaniyang bautismo, puwedeng ipabasa sa kaniya ng mga elder ang The Watchtower ng Marso 1, 1960, pahina 159 at 160, at ng Pebrero 15, 1964, pahina 123-126, kung saan detalyadong tinalakay ang tungkol sa muling pagpapabautismo. Ang muling pagpapabautismo depende sa kalagayan (gaya ng kakulangan ng sapat na unawa sa Bibliya nang bautismuhan ang isa) ay isang personal na desisyon.
Anu-ano ang dapat isaalang-alang ng mga Kristiyano sa sama-samang pagtira sa isang bahay?
Kailangan ng bawat isa ang tirahan. Pero sa ngayon, maraming tao ang walang sariling bahay. Dahil sa hirap ng buhay, pagkakasakit, o iba pang dahilan, baka kailangang magsama-sama sa isang bahay ang magkakamag-anak. Sa ilang bahagi ng daigdig, baka nagsisiksikan sa isang kuwarto ang magkakamag-anak at halos wala na silang privacy.
Hindi pananagutan ng organisasyon ni Jehova na gumawa ng mahabang listahan ng mga tuntunin kung ano ang angkop na tirahan para sa mga kapatid sa buong daigdig. Pinasisigla ang mga Kristiyano na isaalang-alang ang mga simulain sa Bibliya para makatiyak
kung katanggap-tanggap sa Diyos ang kaayusan nila sa bahay. Anu-ano ang ilan sa mga simulaing ito?Ang unang dapat pag-isipan ay kung ano ang magiging epekto nito sa atin at sa ating espirituwalidad. Sinu-sino ba ang makakasama natin sa bahay? Mga lingkod ba sila ni Jehova? Sumusunod ba sila sa mga pamantayan ng Bibliya? “Huwag kayong palíligaw,” ang sabi ni apostol Pablo. “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Cor. 15:33.
Sinasabi sa Kasulatan na hinahatulan ni Jehova ang pakikiapid at pangangalunya. (Heb. 13:4) Kaya maliwanag na hindi katanggap-tanggap sa Diyos na matulog nang magkasama sa isang kuwarto ang lalaki’t babae na hindi naman mag-asawa. Hindi papayag ang isang Kristiyano na tumira sa isang bahay kung saan kinukunsinti ang imoralidad.
Bukod diyan, hinihimok ng Bibliya ang lahat ng gustong makalugod sa Diyos na “tumakas . . . mula sa pakikiapid.” (1 Cor. 6:18) Kaya isang katalinuhan para sa mga Kristiyano na iwasan ang anumang kaayusan sa bahay na posibleng humantong sa imoralidad. Halimbawa, paano kung sama-samang natutulog sa iisang bubong ang mga Kristiyano? Hindi kaya sila malagay sa alanganing sitwasyon? Paano kung biglang maiwan sa bahay ang dalawang hindi naman mag-asawa? Mapanganib din para sa dalawang nagkakagustuhan na tumira sa iisang bahay. Isang katalinuhang iwasan ang ganitong mga sitwasyon.
Hindi rin dapat na magkasama sa iisang bubong ang mga nagdiborsiyo na. Yamang dati silang mag-asawa, posibleng matukso sila sa isa’t isa.—Kaw. 22:3.
Ang isa pang dapat isaalang-alang ay ang sasabihin ng ibang tao. Maaaring katanggap-tanggap sa isang Kristiyano ang kaayusan nila sa bahay, pero baka pinagtsitsismisan naman sila ng mga tao. Ayaw na ayaw nating magdulot ng upasala sa pangalan ni Jehova. Sinabi ni Pablo: “Iwasan ninyo ang maging mga sanhi ng ikatitisod sa mga Judio at gayundin sa mga Griego at sa kongregasyon ng Diyos, kung paano ngang pinalulugdan ko ang lahat ng tao sa lahat ng bagay, na hindi hinahanap ang sarili kong kapakinabangan kundi yaong sa marami, upang sila ay maligtas.”—1 Cor. 10:32, 33.
Baka isang malaking hamon para sa mga taong sumusunod sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova na humanap ng angkop na matitirhan. Pero dapat na “patuloy [nilang] tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.” Dapat nilang tiyakin na walang nangyayaring imoralidad sa loob ng bahay. (Efe. 5:5, 10) Para magawa ito, kailangang hingin ng mga Kristiyano ang patnubay ng Diyos sa tulong ng panalangin at gawin ang kanilang buong makakaya para maingatan ang pisikal at moral na kapakanan ng bawat isa, gayundin ang mabuting pangalan ni Jehova.