Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pantulong Para Maalaala ng mga Kabataan ang Kanilang Maylikha

Pantulong Para Maalaala ng mga Kabataan ang Kanilang Maylikha

Pantulong Para Maalaala ng mga Kabataan ang Kanilang Maylikha

“ALALAHANIN ang Lumikha sa iyo habang bata ka pa,” ang isinulat ng marunong na si Solomon mga 3,000 taon na ang nakalilipas. (Ecles. 12:1, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Mayroon na ngayong karagdagang pantulong para magawa ito ng mga kabataang Kristiyano. Ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, ay inilabas sa “Ginagabayan ng Espiritu ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ginanap sa buong daigdig noong Mayo 2008 hanggang Enero 2009.

Mababasa sa likod ng harapang pabalat ng aklat ang liham ng Lupong Tagapamahala para sa mga kabataan. Ganito ang sabi sa isang bahagi: “Marubdob naming ipinapanalangin na makatulong sa iyo ang impormasyon sa aklat na ito na mapagtagumpayan ang mga hamon at mga tuksong napapaharap sa mga kabataan ngayon at makapagpasiya ka ayon sa kalooban ng Diyos.”

Mangyari pa, gusto ng mga magulang na lumaki ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4) Pero kapag nagbibinata’t nagdadalaga na, marami sa kanila ang nawawalan ng tiwala sa sarili kung kaya nangangailangan sila ng patnubay. Kung may anak kang tin-edyer, paano mo siya matutulungang makinabang nang husto sa publikasyong ito? Narito ang ilang mungkahi.

Kumuha ng sarili mong aklat at maging pamilyar dito. Hindi sapat na basta basahin lang ito. Pansinin din kung paano nito iniharap ang impormasyon. Sa halip na basta sabihin sa mga kabataan kung ano ang tama at mali, sinasanay ng aklat na ito ang kanilang “kakayahan sa pang-unawa.” (Heb. 5:14) Mayroon din itong praktikal na mga mungkahi kung paano sila makapaninindigan. Halimbawa, sa Kabanata 15 (“Paano Kung Ginigipit Ako ng Iba?”), hindi lang basta sinasabi sa mga kabataan na tanggihan ang mga panggigipit. Ipinaliliwanag din nito kung paano gagamitin ang mga simulain sa Bibliya kapag ginigipit at kung paano ‘makapagbibigay ng sagot sa bawat isa.’​—Col. 4:6.

Sagutan ang aklat. Bagaman ang mga bahaging sinasagutan ay para sa mga kabataan, puwede mo rin namang sagutan ang sarili mong aklat. * Halimbawa, sa pahina 16 ay may dalawang tanong tungkol sa pakikipag-date. Isipin kung ano ang pananaw mo rito noong nasa kabataan ka pa at iyon ang isagot mo. Saka tanungin ang iyong sarili: ‘Paano nabago ng panahon ang pananaw ko sa paksang ito? Anong mga aral ang natutuhan ko mula nang magbinata/magdalaga ako, at paano ko ito maituturo sa aking anak?’

Bigyan ng privacy ang iyong anak na tin-edyer. Ang mga bahagi ng aklat na puwedeng sagutan ay hihimok sa iyong anak na isulat o pag-isipan ang kaniyang niloloob. Tunguhin mong makita ang laman ng kaniyang puso, hindi ang laman ng kaniyang aklat. Sa pahina 3 ng seksiyong “Mensahe sa mga Magulang,” ganito ang mungkahi ng aklat: “Para hindi mahiya ang inyong mga anak na isulat ang kanilang niloloob, makabubuting huwag basta-basta basahin ang personal na kopya nila ng aklat. Sa kalaunan, baka sila na mismo ang kusang magsabi sa inyo kung ano ang isinulat nila rito.”

Pantulong sa Pampamilyang Pag-aaral ng Bibliya

Napakagandang pantulong ng Tanong ng mga Kabataan, Tomo 2, sa inyong Pampamilyang Pagsamba. Pero wala itong mga tanong para sa bawat parapo. Paano mo ito magagamit? Maaari mong ibagay ang pag-aaral sa pangangailangan ng iyong mga anak.

Halimbawa, ineensayo ng ilang pamilya kung ano ang kanilang gagawin o sasabihin kapag pinag-aaralan ang “Plano Ko Laban sa Panggigipit” sa pahina 132 at 133. Maaaring makatulong sa iyong anak ang unang tanong dito para matukoy niya kung anong panggigipit ang pinakamahirap sa kaniya. Ang ikalawang tanong naman ay kung saan malamang na mangyari ang panggigipit na ito. Matapos isaalang-alang ang maaaring ibunga ng pagsuko o paglaban sa panggigipit, hihilingan ang iyong anak na magplano kung paano niya sasaluhin, sasanggahin, o ibabalik ang panggigipit. Tulungan siyang maging mapamaraan at makapaghanda ng mga sagot na masasabi niya nang may kumpiyansa.​—Awit 119:46.

Pantulong sa Pakikipag-usap

Ang Tanong ng mga Kabataan, Tomo 2, ay nagpapasigla sa mga kabataan na makipag-usap sa kanilang mga magulang. Halimbawa, ang mga kahong “Paano Ako Magtatanong kay Itay o Inay Hinggil sa Sex?” (pahina 63-64) at “Makipag-usap sa Iyong mga Magulang!” (pahina 189) ay may praktikal na mga mungkahi kung paano uumpisahan ang pakikipag-usap tungkol sa maseselang paksa. Isinulat ng isang 13-anyos na batang babae, “Dahil sa aklat na ito, lumakas ang loob kong sabihin sa aking mga magulang ang nasa isip ko​—kahit ang mga nagawa ko.”

May iba pang paraan ang aklat na ito para mapasigla ang pag-uusap. Sa dulo ng bawat kabanata ay may kahong “Ano sa Palagay Mo?” Bukod sa pagrerepaso, puwede rin itong gawing paksa sa pag-uusap ng pamilya. Bago matapos ang bawat kabanata, mayroon ding kahong “Ang Plano Kong Gawin!” Puwedeng isulat dito ng mga kabataan kung paano nila maikakapit ang mga natutuhan nila sa kabanatang iyon. Sa huling bahagi ng bawat kahon, ganito ang sinasabi: “Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay . . . ” Pinasisigla nito ang mga kabataan na lumapit sa kanilang mga magulang para humingi ng payo.

Abutin ang Puso!

Bilang magulang, tunguhin mong maabot ang puso ng iyong anak. Makakatulong sa iyo ang Tanong ng mga Kabataan, Tomo 2. Tingnan natin kung paano nagamit ng isang ama ang aklat na ito para makausap nang puso sa puso ang kaniyang anak.

“May magagandang lugar na gustung-gusto naming puntahan ni Rebekah. Doon kami naglalakad-lakad, namimisikleta, o nagda-drive. Napansin kong nagkukuwento siya kapag nasa gayong mga lugar kami.

“Ang una naming pinag-usapan sa aklat na ito ay ang liham ng Lupong Tagapamahala at ang ‘Mensahe sa mga Magulang.’ Gusto kong malaman ng anak ko na, gaya ng sinasabi sa pahina 3, malaya niyang masasagutan ang kaniyang aklat, at hindi ko babasahin ang isinulat niya.

“Si Rebekah ang pinapili ko kung aling mga kabanata ang gusto niyang unahin naming pag-usapan. Ang isa sa mga pinili niya ay ang kabanatang ‘Puwede ba Akong Maglaro ng mga Video Game?’ Hindi ko inaasahang mapipili niya ’yon! Pero may dahilan siya. Marami kasi sa mga kaibigan niya ang naglalaro ng isang nakapangingilabot na game. Wala akong kaide-ideya kung gaano karahas ang larong iyon at kung gaano kalaswa ang mga salita roon. Nalaman ko lang ito nang pag-usapan na namin ang kahong “Ang Plano Kong Gawin!” sa pahina 251. Nakatulong din kay Rebekah ang kahong ito para mapaghandaan kung ano ang isasagot niya kapag may pumilit sa kaniyang laruin iyon.

“Sa ngayon, ikinukuwento na ni Rebekah ang mga isinusulat niya sa aklat. Tuluy-tuloy ang usapan namin kapag nag-aaral. Salitan kami sa pagbabasa, at wiling-wili siyang pag-usapan ang lahat ng punto, pati na ang mga larawan at kahon. Kaya naikukuwento ko sa kaniya kung ano ang ginagawa ko noong kabataan ko, at sinasabi naman niya sa akin kung ano ang ginagawa ng mga kabataan sa ngayon. Gustung-gusto niyang makipagkuwentuhan!”

Kung isa kang magulang, tiyak na tuwang-tuwa ka noong ilabas ang aklat na ito. Pagkakataon mo ngayon na gamitin ito nang husto. Umaasa ang Lupong Tagapamahala na magiging isang pagpapala sa inyong pamilya ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2. Matulungan sana nito ang lahat​—lalo na ang ating mahal na mga kabataan​—na ‘patuloy na lumakad ayon sa banal na espiritu.’​—Gal. 5:16.

[Talababa]

^ par. 6 Ang ilan sa mga worksheet sa aklat ay magagamit din ng mga adulto. Halimbawa, ang kahong “Kontrolin ang Iyong Galit” (pahina 221) ay baka makatulong din sa iyo kung paanong makakatulong ito sa iyong anak. Gayon din ang “Plano Ko Laban sa Panggigipit” (pahina 132-133), “Buwanan Kong Badyet” (pahina 163), at “Mga Tunguhin Ko” (pahina 314).

[Kahon sa pahina 30]

Ang Sinasabi ng Ilang Kabataan

“Isa itong aklat na kailangang gamitan ng lapis at isip. Para itong diary, kaya puwede mong isulat dito kung ano ang nasa isip mong gawin para magkaroon ng masayang buhay.”​—Nicola.

“Maraming nagsasabi sa akin na makipag-date na raw ako, pati nga ’yung mga nagmamalasakit sa akin. Nakumbinsi ako ng unang seksiyon ng aklat na ito na anuman ang sabihin nila, hindi pa talaga ako handang makipag-date.”​—Katrina.

“Dahil sa kahong ‘Gusto Mo Na Bang Magpabautismo?,’ mas sineryoso ko na ang pagpapabautismo. Nag-isip-isip na rin ako kung tama ba ang paraan ko ng pag-aaral at pananalangin.”​—Ashley.

“Mula pagkabata, tinuruan na ako ng aking mga magulang na Kristiyano. Pero ang aklat na ito ang tumulong sa akin na magpasiya kung ano ang dapat kong gawin sa aking buhay. Natulungan din ako nito na maging mas open sa mga magulang ko.”​—Zamira.

[Larawan sa pahina 31]

Mga magulang, maging pamilyar sa aklat na ito

[Larawan sa pahina 32]

Gawing tunguhin na abutin ang puso ng iyong anak