‘Salitain ang Salita ng Diyos Nang May Katapangan’
‘Salitain ang Salita ng Diyos Nang May Katapangan’
“[Sila] ay napuspos ng banal na espiritu at nagsalita ng salita ng Diyos nang may katapangan.”—GAWA 4:31.
1, 2. Bakit dapat tayong magsikap na maging epektibo sa ating ministeryo?
TATLONG araw bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Bago siya umakyat sa langit, inatasan ng binuhay-muling si Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ‘gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng bagay na iniutos niya sa kanila.’ Ipinangako niyang siya ay sasakanila “sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mat. 24:14; 26:1, 2; 28:19, 20.
2 Bilang mga Saksi ni Jehova, masigasig tayong nakikibahagi sa gawaing ito na nagsimula noong unang siglo. Wala nang mas mahalaga pa kaysa sa nagliligtas-buhay na gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. Kaya napakahalaga ngang maging epektibo tayo sa ating ministeryo! Sa artikulong ito, makikita natin kung paanong sa tulong ng banal na espiritu ay nakapagsasalita tayo nang may katapangan kapag nakikibahagi sa ministeryo. Ipakikita naman ng dalawang kasunod na artikulo kung paano tayo gagabayan ng espiritu ni Jehova para maging mahusay sa pagtuturo at palagian sa pangangaral.
Kailangan Natin ang Katapangan
3. Bakit kailangan ang katapangan kapag ipinangangaral ang Kaharian?
3 Isang napakalaking pribilehiyo ang ating bigay-Diyos na gawaing paghahayag ng Kaharian. Pero hindi ito ganoon kadali kung minsan. Oo nga’t may tumatanggap sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, pero marami ang katulad ng Mat. 24:38, 39) Bukod diyan, may mga nanunuya pa at sumasalansang sa atin. (2 Ped. 3:3) Maaaring salansangin tayo ng mga nasa awtoridad, kaklase o katrabaho, o maging ng sarili nating pamilya. Nariyan din ang ating sariling mga kahinaan, gaya ng pagkamahiyain at takot na tanggihan tayo. Napakaraming puwedeng makahadlang sa ating “kalayaan sa pagsasalita” ng salita ng Diyos. Kaya kailangan ang “katapangan” para patuloy na makapangaral. (Efe. 6:19, 20) Ano ang tutulong sa atin na magkaroon nito?
mga tao noong panahon ni Noe. “Hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat,” ang sabi ni Jesus. (4. (a) Ano ang katapangan? (b) Paano nag-ipon ng katapangan si apostol Pablo para makapangaral sa Tesalonica?
4 Ang salitang Griego na isinaling “katapangan” ay nangangahulugang “pagiging tahasan, pagiging prangka.” Nauugnay ang salitang ito sa “lakas ng loob, kumpiyansa, . . . at kawalang-takot.” Ang katapangan ay hindi naman nangangahulugan ng kawalang-galang o kagaspangan sa pagsasalita. (Col. 4:6) Bagaman matapang, gusto rin nating makipagpayapaan sa lahat. (Roma 12:18) Sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, kailangan nating maging matapang pero mataktika rin naman para hindi tayo makasakit. Oo, para magkaroon ng wastong katapangan, kailangan itong lakipan ng iba pang mga katangiang hindi ganoon kadaling linangin. Ang ganitong uri ng katapangan ay hindi likas sa atin at hindi malilinang kung sa sariling sikap lang. Matapos ‘pakitunguhan nang walang pakundangan sa Filipos,’ paano ‘nag-ipon ng katapangan’ sina apostol Pablo para makapangaral sa Tesalonica? “Sa pamamagitan ng ating Diyos,” ang isinulat ni Pablo. (Basahin ang 1 Tesalonica 2:2.) Kayang pawiin ng Diyos na Jehova ang ating takot at bigyan tayo ng gayon ding katapangan.
5. Paano binigyan ni Jehova ng katapangan sina Pedro, Juan, at ang iba pang alagad?
5 Nang hamunin sila ng “mga tagapamahala [ng mga tao] at matatandang lalaki at mga eskriba,” sinabi ng mga apostol na sina Pedro at Juan: “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig sa inyo sa halip na sa Diyos, kayo ang humatol. Ngunit kung para sa amin, hindi namin magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.” Sa halip na ipanalanging matapos na sana ang pag-uusig, sila at ang kanilang mga kapananampalataya ay nagsumamo: “Jehova, pagtuunan mo ng pansin ang kanilang mga banta, at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na patuloy na salitain ang iyong salita nang buong katapangan.” (Gawa 4:5, 19, 20, 29) Paano sinagot ni Jehova ang kanilang panalangin? (Basahin ang Gawa 4:31.) Tinulungan sila ni Jehova na mag-ipon ng katapangan sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Tayo rin ay matutulungan ng espiritu ng Diyos. Kung gayon, paano tayo magkakaroon ng espiritu ng Diyos at magagabayan nito sa ating ministeryo?
Magkaroon ng Katapangan
6, 7. Ano ang pinakatuwirang paraan para makatanggap ng banal na espiritu ng Diyos? Magbigay ng mga halimbawa.
6 Ang pinakatuwirang paraan para magkaroon ng banal na espiritu ng Diyos ay ang hilingin ito. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig: “Kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!” (Luc. 11:13) Oo, kailangang lagi nating ipanalangin na bigyan sana tayo ng banal na espiritu. Kung natatakot tayong makibahagi sa ilang pitak ng ating paglilingkod—di-pormal na pagpapatotoo, pagpapatotoo sa lansangan, o lugar ng negosyo—maaari nating hilingin kay Jehova na bigyan tayo ng kaniyang espiritu at tulungan tayong mag-ipon ng katapangang kailangan natin.—1 Tes. 5:17.
7 Ganiyan ang ginawa ni Rosa. * Minsan, isang titser na katrabaho niya ang nagbabasa ng report mula sa ibang paaralan tungkol sa pagmamaltrato sa mga bata. Apektadong-apektado ang titser, kaya nasabi nito, “Ano na ba itong nangyayari sa daigdig natin?” Hindi maatim ni Rosa na palampasin ang pagkakataong iyon na makapagpatotoo. Ano ang ginawa niya para magkaroon ng lakas ng loob na magsalita? “Nanalangin ako kay Jehova at hiniling ko ang tulong ng kaniyang espiritu,” ang sabi ni Rosa. Nakapagbigay siya ng mainam na patotoo at napagkasunduan nilang pag-usapang muli ang paksang iyon. Tingnan din natin ang karanasan ng limang-taóng-gulang na si Milane, na taga-New York City. Sinabi ni Milane: “Palagi po kaming nagpe-pray ng mommy ko kay Jehova bago pumasok sa iskul.” Ano ang ipinapanalangin nila? Lakas ng loob para makapanindigan si Milane at makapagsalita tungkol sa kaniyang Diyos! “Nakatulong ito kay Milane na maipaliwanag ang kaniyang paniniwala tungkol sa birthday at iba pang selebrasyon at huwag makisali sa gayong mga okasyon,” ang sabi ng nanay niya. Hindi ba’t ipinakikita lang ng mga halimbawang ito na kailangan ang panalangin para makapag-ipon ng katapangan?
8. Paano nagkaroon ng katapangan si propeta Jeremias?
8 Pag-isipan din kung ano ang nakatulong kay propeta Jeremias na magkaroon ng katapangan. Nang atasan siya ni Jehova na maging propeta sa mga bansa, sinabi ni Jeremias: “Narito, hindi nga ako marunong magsalita, sapagkat ako ay isang bata lamang.” (Jer. 1:4-6) Pero nang maglaon, naging gayon na lamang siya kapursigido at kasigasig anupat itinuring siya ng marami bilang tagapagpalahaw ng kapahamakan. (Jer. 38:4) Sa loob ng mahigit 65 taon, buong-tapang niyang inihayag ang mga kahatulan ni Jehova. Kilalang-kilala siya sa Israel dahil sa kaniyang katapangan at lakas ng loob sa pangangaral. Kaya nga noong magsalita si Jesus nang may katapangan makalipas ang mahigit 600 taon, inakala ng ilan na siya ang binuhay-muling si Jeremias. (Mat. 16:13, 14) Paano napagtagumpayan ni propeta Jeremias ang pagkamahiyain? Sinabi niya: “Sa aking puso [ang salita ng Diyos] ay naging gaya . . . ng nagniningas na apoy na nakukulong sa aking mga buto; at pagod na ako sa kapipigil, at hindi ko na iyon matiis.” (Jer. 20:9) Oo, pinalakas si Jeremias ng salita ni Jehova kung kaya naudyukan siyang magsalita.
9. Gaya ng naranasan ni Jeremias, bakit malaki rin ang magiging epekto sa atin ng salita ng Diyos?
9 Sa kaniyang liham sa mga Hebreo, sinabi ni apostol Pablo: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim at tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Heb. 4:12) Gaya ng naranasan ni Jeremias, malaki rin ang magiging epekto sa atin ng mensahe, o salita, ng Diyos. Tandaan na bagaman mga tao ang ginamit para isulat ang Bibliya, hindi ito isang koleksiyon ng mga aklat mula sa karunungan ng tao dahil kinasihan ito ng Diyos. Sa 2 Pedro 1:21, mababasa natin: “Ang hula ay hindi kailanman dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.” Kung maglalaan tayo ng panahon para sa makabuluhang personal na pag-aaral ng Bibliya, mapupuno ang ating isip ng mensaheng kinasihan ng banal na espiritu. (Basahin ang 1 Corinto 2:10.) Ang mensaheng iyon ay magiging ‘gaya ng nagniningas na apoy’ sa ating kalooban kung kaya hindi natin ito matitiis na sarilinin.
10, 11. (a) Paano natin dapat pag-aralan ang Bibliya para magkaroon ng katapangan sa pagsasalita? (b) Bumanggit ng kahit isang bagay na plano mong gawin para mapasulong ang iyong personal na pag-aaral.
10 Para magkaroon ng malaking epekto sa atin ang personal na pag-aaral ng Bibliya, dapat itong gawin sa paraang makatatagos ang mensahe ng Bibliya sa ating puso, anupat naiimpluwensiyahan ang ating pagkatao. Halimbawa, sa pangitain ni propeta Ezekiel, inutusan siyang kainin ang balumbon ng isang aklat na naglalaman ng matinding mensahe para sa mga taong ayaw tumanggap. Kailangang maunawaang mabuti ni Ezekiel ang mensahe at dibdibin ito. Sa gayon, magiging kasiya-siyang gaya ng pagkain ng pulut-pukyutan ang paghahayag ng mensaheng iyon.—Basahin ang Ezekiel 2:8–3:4, 7-9.
11 Ang kalagayan natin ay tulad din ng kay Ezekiel. Sa ngayon, marami ang walang kainte-interes sa Bibliya. Para makapagpatuloy tayo sa paghahayag ng salita ng Diyos, mahalagang pag-aralan natin ang Kasulatan sa paraang mauunawaan nating mabuti ang mensahe nito. Dapat na regular ang ating pag-aaral, hindi kung kailan lang tayo may panahon. Tularan natin ang hangarin ng salmista na umawit: “Ang mga pananalita ng aking bibig at ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay maging kalugud-lugod nawa sa harap mo, O Jehova na aking Bato at aking Manunubos.” (Awit 19:14) Para makatagos sa ating puso ang mga katotohanan sa Bibliya, napakahalaga ngang maglaan tayo ng panahon sa pagbubulay-bulay sa nababasa natin! Oo, dapat nating pasulungin ang ating personal na pag-aaral. *
12. Bakit tayo natutulungan ng mga Kristiyanong pagpupulong na magabayan ng banal na espiritu?
12 Ang isa pang paraan para makatanggap ng banal na espiritu ni Jehova ay ang “isaalang-alang . . . ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon.” (Heb. 10:24, 25) Ang pagsisikap na dumalo nang regular, makinig na mabuti, at magkapit ng ating natututuhan sa mga Kristiyanong pagpupulong ay maiinam na paraan para magabayan tayo ng espiritu. Binibigyan kasi tayo ng patnubay ng espiritu ni Jehova sa pamamagitan ng kongregasyon.—Basahin ang Apocalipsis 3:6.
Mga Kapakinabangan sa Pagkakaroon ng Katapangan
13. Ano ang matututuhan natin sa nagawang pangangaral ng unang-siglong mga Kristiyano?
13 Ang banal na espiritu ang pinakamakapangyarihang puwersa sa uniberso, at napapalakas nito ang mga tao na gawin ang kalooban ni Jehova. Sa tulong nito, malawakang nakapangaral ang unang-siglong mga Kristiyano. Naipangaral nila ang mabuting balita “sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.” (Col. 1:23) Yamang karamihan sa kanila ay “walang pinag-aralan at pangkaraniwan,” maliwanag na isang mas malakas na puwersa ang nagpakilos sa kanila para magawa ito.—Gawa 4:13.
14. Ano ang tutulong sa atin na maging ‘maningas sa espiritu’?
14 Ang pagsunod sa patnubay ng banal na espiritu ay magpapakilos din sa atin na mangaral nang may katapangan. Ang palagiang pananalangin ukol sa espiritu, masikap na personal na pag-aaral, pagbubulay-bulay na may kasamang pananalangin, at regular na pagdalo sa Kristiyanong pagpupulong ay tutulong sa atin na maging “maningas . . . sa espiritu.” (Roma 12:11) Tungkol sa “isang Judio na nagngangalang Apolos, isang katutubo ng Alejandria, isang lalaking mahusay magsalita, [na] dumating sa Efeso,” sinasabi ng Bibliya: “Palibhasa’y maningas siya sa espiritu, siya ay nagsalita at nagturo nang may kawastuan ng mga bagay tungkol kay Jesus.” (Gawa 18:24, 25) Kung ‘nag-aalab tayo sa Espiritu,’ nagkakaroon tayo ng higit na katapangan sa ministeryo sa bahay-bahay at sa di-pormal na pagpapatotoo.—Roma 12:11, The Bible—An American Translation.
15. Paano tayo nakikinabang sa pagsasalita nang may higit na katapangan?
15 May magagandang epekto sa atin ang pagkakaroon ng higit na katapangan sa pagpapatotoo. Lalong nagiging positibo ang ating saloobin dahil mas nauunawaan natin ang kahalagahan at kapakinabangan ng ating gawain. Lalo tayong nananabik dahil nakadarama tayo ng higit na kagalakan kapag mabisa tayo sa ministeryo. At lalo tayong nagiging masigasig dahil alam na alam nating apurahan ang ating pangangaral.
16. Ano ang dapat nating gawin kung hindi na gaya ng dati ang ating sigasig sa ministeryo?
16 Paano kung matamlay tayo sa ministeryo o hindi na gaya ng dati ang ating sigasig dito? Aba, kailangan na rito ang tapatang pagsusuri sa sarili. Isinulat ni Pablo: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya, patuloy na patunayan kung ano nga kayo.” (2 Cor. 13:5) Tanungin ang sarili: ‘Maningas pa rin ba ako sa espiritu? Hinihiling ko ba kay Jehova ang kaniyang espiritu? Makikita ba sa aking panalangin na umaasa ako sa kaniya para magawa ang kaniyang kalooban? Punung-puno ba ito ng pasasalamat para sa ministeryong ipinagkatiwala sa atin? Kumusta ang aking personal na pag-aaral? Gaano katagal kong binubulay-bulay ang aking nababasa at napapakinggan? Lubos ba akong nakikibahagi sa mga pulong ng kongregasyon?’ Sa tulong ng mga tanong na ito, matutukoy mo ang iyong mga kahinaan at makagagawa ka ng kinakailangang pagbabago.
Magpagabay sa Espiritu ng Diyos Para Magkaroon ng Katapangan
17, 18. (a) Gaano na kalawak ang pangangaral sa ngayon? (b) Paano natin tataglayin ang “buong kalayaan sa pagsasalita” ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos?
17 Sinabi ng binuhay-muling si Jesus sa kaniyang mga alagad: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Higit kailanman, ang gawaing pinasimulan noon ay napakalawak nang isinasagawa sa ngayon. Mahigit pitong milyong Saksi ni Jehova ang naghahayag ng mensahe ng Kaharian sa mahigit 230 bansa, anupat gumugugol ng halos 1.5 bilyong oras sa ministeryo taun-taon. Kapana-panabik ngang makibahagi sa gawaing ito na hindi na kailanman mauulit!
18 Gaya noong unang siglo, pinapatnubayan din ng espiritu ng Diyos ang pambuong-daigdig na pangangaral sa ngayon. Kung susunod tayo sa patnubay ng espiritu, tataglayin natin ang “buong kalayaan sa pagsasalita” sa ating ministeryo. (Gawa 28:31) Kaya magpagabay nawa tayo sa espiritu habang inihahayag natin ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos!
[Mga talababa]
^ par. 7 Binago ang mga pangalan.
^ par. 11 Para makinabang nang husto sa iyong pagbabasa at personal na pag-aaral ng Bibliya, tingnan ang aklat na Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, sa mga kabanatang “Magsikap Ka sa Pagbabasa” at “Ang Pag-aaral ay Kapaki-pakinabang,” sa pahina 21-32.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Bakit kailangan nating maging matapang sa paghahayag ng salita ng Diyos?
• Ano ang nakatulong sa unang mga alagad para makapagsalita nang may katapangan?
• Paano tayo magkakaroon ng katapangan?
• Paano tayo makikinabang sa pagkakaroon ng katapangan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 7]
Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng katapangan?
[Mga larawan sa pahina 8]
Makakatulong sa iyo ang maikling panalangin para makapag-ipon ng katapangan sa ministeryo