Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Magkasalungat nga ba ang Ezekiel 18:20, na nagsasabing “ang anak ay hindi magdurusa ng anuman dahil sa kamalian ng ama,” at ang Exodo 20:5, na nagsasabi namang si Jehova ay naglalapat ng “kaparusahan sa mga anak dahil sa kamalian ng mga ama”?

Hindi magkasalungat ang dalawang tekstong ito. Ang isa ay nagdiriin na mananagot ang bawat indibiduwal, at ang isa naman ay nagpapakita na maaaring maapektuhan ng pagkakamali ng isang tao ang kaniyang mga inapo.

Itinatampok sa konteksto ng Ezekiel 18:20 na mananagot ang bawat indibiduwal sa kaniyang kamalian. “Ang kaluluwa na nagkakasala​—iyon mismo ang mamamatay,” ang sabi sa talata 4. Kumusta naman ang isang taong ‘matuwid at naglalapat ng katarungan at katuwiran’? “Tiyak na patuloy siyang mabubuhay.” (Ezek. 18:5, 9) Kaya kapag nasa hustong edad na ang isa para managot sa kaniyang ginawa, hahatulan siya “ayon sa kaniyang mga daan.”​—Ezek. 18:30.

Makikita ang simulaing ito sa nangyari kay Kora, isang Levita. Noong naglalakbay sa iláng ang mga Israelita, hindi nakontento si Kora sa pantanging atas na ibinigay sa kaniya ni Jehova. Sa kagustuhang maagaw ang pagkasaserdote, si Kora at ang iba pa ay nagrebelde sa mga kinatawan ni Jehova, sina Moises at Aaron. Dahil nangahas silang kunin ang isang katungkulang hindi naman para sa kanila, pinatay ni Jehova si Kora at ang kasama niyang mga rebelde. (Bil. 16:8-11, 31-33) Pero hindi sumama ang mga anak ni Kora sa rebelyong iyon. Hindi sila pinanagot ng Diyos sa kasalanan ng kanilang ama. Naligtas ang kanilang buhay dahil sa katapatan kay Jehova.​—Bil. 26:10, 11.

Kumusta naman ang babala sa Exodo 20:5 na bahagi ng Sampung Utos? Tingnan natin muli ang konteksto. Iniharap ni Jehova sa bansang Israel ang tipang Kautusan. Matapos marinig ang mga kahilingan ng tipan, sumagot ang mga Israelita: “Ang lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin.” (Ex. 19:5-8) Sa gayon, ang buong bansa ay nagkaroon ng pantanging kaugnayan kay Jehova. Kaya ang mga salita sa Exodo 20:5 ay talagang para sa buong bansa.

Kapag nananatiling tapat kay Jehova ang mga Israelita, ang bansa ay nakikinabang at nagtatamasa ng maraming pagpapala. (Lev. 26:3-8) Pero kapag tinatanggihan ng bansang Israel si Jehova at sumusunod sa huwad na mga diyos, inaalis niya sa kanila ang kaniyang pagpapala at proteksiyon; napapahamak ang bansa. (Huk. 2:11-18) Mayroon din namang ilang nanatiling tapat at sumunod sa mga utos ng Diyos sa kabila ng idolatrosong gawain ng bansa. (1 Hari 19:14, 18) Malamang na nagdusa rin sila dahil sa mga kasalanan ng bansa, pero nagpakita naman si Jehova ng maibiging-kabaitan sa kanila.

Nang maging lantaran na ang paglabag ng Israel sa mga simulain ni Jehova, anupat inaalipusta na ng mga bansa ang kaniyang pangalan, pinarusahan ni Jehova ang kaniyang bayan at hinayaan silang maging bihag sa Babilonya. Siyempre pa, kasama sa pagpaparusang ito ang mga indibiduwal at ang kaniyang bayan bilang isang grupo. (Jer. 52:3-11, 27) Oo, ipinakikita sa Bibliya na napakalaki ng kasalanan ng buong bansang Israel anupat tatlo, apat, o posibleng mas marami pang henerasyon ang naapektuhan ng kasalanan ng kanilang mga ninuno, gaya mismo ng sinasabi sa Exodo 20:5.

May mga ulat din sa Bibliya tungkol sa mga pamilyang naapektuhan ng pagkakamali ng mga magulang. Nagalit si Jehova sa mataas na saserdoteng si Eli dahil hinayaan niyang manatili pa ring saserdote ang kaniyang ‘walang-kabuluhan’ at imoral na mga anak. (1 Sam. 2:12-16, 22-25) Dahil mas pinarangalan ni Eli ang kaniyang mga anak kaysa kay Jehova, iniutos ng Diyos na alisin ang pamilya ni Eli sa mataas na pagkasaserdote, at nagsimula itong matupad kay Abiatar na apo niya sa talampakan. (1 Sam. 2:29-36; 1 Hari 2:27) Makikita rin ang simulain ng Exodo 20:5 sa nangyari kay Gehazi. Inabuso niya ang kaniyang posisyon bilang tagapaglingkod ni Eliseo para makinabang sa mga regalo ng napagaling na Siryanong heneral na si Naaman. Sa pamamagitan ni Eliseo, nagbigay ng hatol si Jehova: “Ang ketong ni Naaman ay kakapit sa iyo at sa iyong supling hanggang sa panahong walang takda.” (2 Hari 5:20-27) Kaya apektado ang mga inapo ni Gehazi sa ginawa niyang kasalanan.

Bilang Maylalang at Tagapagbigay-Buhay, si Jehova lang ang makapagsasabi kung anong parusa ang angkop at makatuwiran. Ipinakikita ng nabanggit na mga pangyayari na ang mga anak o inapo ay maaaring magdusa dahil sa kasalanan ng kanilang ninuno. Gayunman, “dinirinig [ni Jehova] ang hiyaw ng mga napipighati,” at ang mga indibiduwal na taimtim na umaasa sa kaniya ay maaaring tumanggap ng kaniyang lingap at ng kaginhawahan pa nga.​—Job 34:28.

[Larawan sa pahina 29]

Si Kora at ang kasama niyang mga rebelde ay nanagot sa kanilang ginawa