Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Nakinabang ka ba sa nakaraang mga isyu ng Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:
• Bakit kailangang mamatay ang Mesiyas?
Una, para mapatunayan na kayang mapanatili ng isang sakdal na tao ang makadiyos na debosyon sa kabila ng napakatitinding pagsubok. Ikalawa, para mabayaran ang kasalanang minana ng mga supling ni Adan, at sa gayo’y mabigyan sila ng buhay na walang hanggan.—12/15, pahina 22-23.
• Ano ang makakatulong para magkaroon ng tamang pangmalas sa alak?
Makakatulong ang panalangin at pag-aaral ng Bibliya. Mahalagang linangin ang pagpipigil sa sarili, gawin ang iyong ipinasiya, at pumili ng mabubuting kasama. Ang mga umiinom ay dapat magtakda ng limitasyon at matutong magsabi ng hindi.—1/1, pahina 7-9.
• Ano ang ibig sabihin ng makabuluhang komunikasyon sa mga anak?
Hindi lang ito basta pakikipag-usap sa kanila. Kasama rito ang pagtatanong at matiyagang pakikinig sa kanilang sagot. Napatunayan ng marami na ang panahon ng pagkain ay magandang pagkakataon para makapag-usap.—1/15, pahina 18-19.
• Sakdal si Jehova, kaya bakit siya nakadarama ng lungkot?
May mga pagkakataong nagbabago ang saloobin ng Diyos sa mga tao. Halimbawa, hindi lang miminsang iniwan ng sinaunang mga Israelita si Jehova at sumunod sa ibang mga diyos. Kaya inalis ni Jehova ang kaniyang proteksiyon sa kanila. Gayunman, nang magsisi ang bayan sa kanilang pagkakamali at humingi ng tulong sa Diyos, ‘nalungkot’ siya sa diwang nagbago ang saloobin niya sa kanila. (Huk. 2:18)—2/1, pahina 21.
• Kailan puwedeng magpabautismo-muli?
Puwedeng magpabautismo-muli ang isa kung noong bautismuhan siya ay mayroon pang lihim na ginagawa na maaari niyang ikatiwalag kung bautisado na siya.—2/15, pahina 22.
• Ano ang tatlong dahilan ng ilan para bigyang-katuwiran ang pagnanakaw?
Iniisip ng ilan na maaari silang magnakaw dahil sa hirap ng buhay nila. Sinasabi naman ng iba, “Ginagawa naman ito ng lahat.” Kapag nakapulot ng isang bagay na mahalaga, ikinakatuwiran ng iba, “Kung sinong makakita, kaniya na ’yon.” Hindi sang-ayon ang Bibliya sa ganitong mga pagdadahilan.—3/1, pahina 12-14.
• Sa talinghaga ni Jesus tungkol sa trigo at sa panirang-damo, saan tumutukoy ang paghahasik, o pagtatanim, ng mainam na binhi?
Inihanda ni Jesus, na siyang Anak ng tao, ang bukid sa panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa. Mula Pentecostes 33 C.E. patuloy, naihasik ang mainam na binhi nang ang mga Kristiyano ay pahiran, o hirangin, bilang mga anak ng Diyos o mga anak ng Kaharian.—3/15, pahina 20.
• Paano dinadala sa kamalig ni Jehova ang makasagisag na trigo sa talinghaga ni Jesus? (Mat. 13:30)
Ang katuparan ay nagaganap sa loob ng isang yugto ng panahon sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Ang pinahirang mga anak ng Kaharian, ang makasagisag na trigo, ay dinadala sa kamalig ni Jehova kapag sila ay dinadala sa isinauling kongregasyong Kristiyano o kaya’y tumatanggap ng kanilang gantimpala sa langit.—3/15, pahina 22.
• Sino ang bumuo ng kanon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan?
Hindi ang anumang konsilyo ng simbahan o sinumang lider ng relihiyon kundi ang mga tunay na Kristiyano. Sa patnubay ng banal na espiritu ng Diyos, nalaman nila kung aling mga kasulatan ang talagang kinasihan. Tama naman iyon dahil ang isa sa makahimalang mga kaloob ng espiritu na ibinigay sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo ay ang “kaunawaan sa kinasihang mga pananalita.” (1 Cor. 12:4, 10)—4/1, pahina 28.