Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kristiyanismo Noon at ang mga Diyos ng Roma

Ang Kristiyanismo Noon at ang mga Diyos ng Roma

Ang Kristiyanismo Noon at ang mga Diyos ng Roma

SA ISANG liham sa emperador ng Roma na si Trajan, sinabi ng gobernador ng Bitinia na si Pliny na Nakababata: “Ganito ang ginagawa ko sa mga pinaratangang Kristiyano. Itinatanong ko kung mga Kristiyano nga sila, at kapag umamin sila, dalawang beses ko pa ulit silang tatanungin na may kasama nang pagbabanta. Kung ganoon pa rin ang sagot nila, ipinapapatay ko na sila.” Tungkol naman sa mga tumalikod sa Kristiyanismo, anupat isinusumpa ang Kristo at sumasamba sa estatuwa ng emperador at mga imahen ng mga diyos na dinala ni Pliny sa korte, isinulat niya: “Natural lang na palayain ko sila.”

Ang mga Kristiyano noon ay inuusig dahil ayaw nilang sumamba sa emperador at sa imahen ng iba’t ibang diyos. Kumusta naman ang iba pang mga relihiyon sa Imperyo ng Roma? Sinu-sinong diyos ang sinasamba nila, at ano ang tingin dito ng mga Romano? Bakit inuusig noon ang mga Kristiyanong hindi naghahain sa mga diyos ng Roma? Ang sagot sa mga tanong na ito ay tutulong sa atin na harapin ang kasalukuyang mga isyu may kinalaman sa pagiging tapat kay Jehova.

Mga Relihiyon ng Imperyo

Kung gaano karami ang wika at kultura sa buong Imperyo ng Roma, ganoon din karami ang diyos na sinasamba rito. Bagaman kakatwa ang Judaismo para sa mga Romano, pinoproteksiyunan pa rin nila ito bilang religio licita, o kinikilalang relihiyon. Dalawang beses sa isang araw sa templo ng Jerusalem, dalawang tupa at isang barakong baka ang inihahain para kay Cesar at sa bansang Roma. Kung ito man ay nakapagpapalugod sa isang diyos o sa maraming diyos, hindi na iyon importante sa mga Romano. Ang importante sa kanila ay na pinatutunayan ng paghahaing iyon ang katapatan ng mga Judio sa Roma.

Kitang-kita ang iba’t ibang uri ng paganismo sa mga kulto ng imperyo. Marami ang naniniwala sa Griegong mitolohiya, at laganap ang panghuhula. Itinuturo ng tinatawag na mahihiwagang relihiyon mula sa Silangan na ang mga deboto nito ay tatanggap ng imortalidad at pagsisiwalat, at makalalapit sa mga diyos sa pamamagitan ng mistikong mga ritwal. Laganap ang mga relihiyong ito sa buong imperyo. Ang popular noong unang mga siglo C.E. ay ang mga kulto ng diyos na si Serapis at ng diyosang si Isis ng Ehipto, ng diyosang-isdang si Atargatis ng Sirya, at ng diyos-araw na si Mithra ng Persia.

Malinaw na inilalarawan sa aklat ng Mga Gawa kung gaano kalakas ang impluwensiya ng paganismo noong panahon ng sinaunang mga Kristiyano. Halimbawa, ang Romanong proconsul ng Ciprus ay may kasa-kasamang Judiong manggagaway. (Gawa 13:6, 7) Sa Listra, sina Pablo at Bernabe ay napagkamalang sina Hermes at Zeus na diyos ng mga Griego. (Gawa 14:11-13) Noong nasa Filipos, sumalubong kay Pablo ang isang alilang babae na nanghuhula. (Gawa 16:16-18) Sa Atenas, sinabi naman ng apostol na ang mga naninirahan dito ay ‘waring higit na matatakutin sa mga bathala.’ Nakita rin niya sa lunsod na iyon ang isang altar na may nakasulat na “Sa Isang Di-kilalang Diyos.” (Gawa 17:22, 23) Sinasamba ng mga taga-Efeso ang diyosang si Artemis. (Gawa 19:1, 23, 24, 34) Sa pulo ng Malta, sinabi ng mga tao na si Pablo ay diyos dahil hindi siya tinablan ng kamandag ng ahas. (Gawa 28:3-6) Sa ganitong mga kalagayan, kailangang mag-ingat ang mga Kristiyano laban sa mga impluwensiyang magpaparumi sa kanilang dalisay na pagsamba.

Relihiyon ng mga Romano

Habang lumalawak ang kanilang imperyo, tinatanggap ng mga Romano ang mga bagong diyos, anupat naniniwalang iyon din ang mga diyos nila na nag-ibang anyo lang. Sa halip na buwagin ang mga banyagang kulto, tinanggap ito ng mga manlulupig na Romano. Kaya naman nagkaroon ng iba’t ibang relihiyon sa Roma kung paanong iba’t iba rin ang kultura ng populasyon nito. Sa relihiyon ng mga Romano, hindi kailangang sa isang diyos lang sumamba. Puwede silang sumamba sa iba’t ibang diyos.

Ang pinakapangunahin sa orihinal na mga diyos ng Roma ay si Jupiter, na tinatawag ding Optimus Maximus, ang pinakamagaling sa lahat ng magaling. Diumano’y nagpaparamdam siya sa pamamagitan ng hangin, ulan, kidlat, at kulog. Ang kaniyang kapatid at asawang si Juno, na iniuugnay sa buwan, ang nagbabantay diumano sa mga kababaihan. Ang kaniyang anak naman na si Minerva ang diyosa ng mga gawang-kamay, propesyon, sining, at digmaan.

Parang walang katapusan ang bilang ng mga diyos ng Roma. Sina Lares at Penates ang mga diyos ng pamilya. Si Vesta ang diyosa ng apuyan. Si Janus, na may dalawang mukha, ang diyos ng lahat ng pasimula. Bawat hanapbuhay ay may kani-kaniyang patron. May mga diyos pa nga ang mga Romano para sa mga katangian at konsepto. Si Pax ang nag-iingat sa kapayapaan, si Salus sa kalusugan, si Pudicitia sa kahinhinan at kalinisan, si Fides sa katapatan, si Virtus sa katapangan, at si Voluptas sa kaluguran. Kontrolado raw ng mga diyos ang lahat ng ginagawa ng mga Romano. Kaya para magtagumpay, dapat munang paluguran ang angkop na diyos sa pamamagitan ng ritwal na mga dasal, hain, at kapistahan.

Ang isang paraan para matiyak kung ano ang gusto ng mga diyos ay ang paghahanap ng mga palatandaan. Pangunahin na rito ang pagtingin sa mga lamang-loob ng inihaing mga hayop. Nalalaman daw kung gusto o ayaw ng mga diyos ang isang gawain depende sa kondisyon at hitsura ng mga lamang-loob na ito.

Sa huling bahagi ng ikalawang siglo B.C.E., ang pangunahing mga diyos ng mga Romano ay iniugnay nila sa diyos ng mga Griego​—si Jupiter kay Zeus, si Juno kay Hera, at iba pa. Ginaya rin ng mga Romano ang mitolohiya tungkol sa diyos ng mga Griego. Sa mga alamat na ito, hindi maganda ang imahe ng mga diyos, na gaya rin ng mga taong may kapintasan at limitasyon. Halimbawa, inilarawan si Zeus bilang manghahalay at mang-aabuso ng mga bata na nakikipagrelasyon sa mga mortal at diumano’y mga imortal. Dahil sa kahiya-hiyang gawain ng mga diyos​—na kadalasa’y pinagkakaguluhan sa mga teatro noon​—inisip ng mga deboto na puwede na silang magpakasasa sa kanilang napakasamang mga pagnanasa.

Malamang na iilang edukado lang ang naniniwala sa mga alamat na ito. Alegoriya naman ang turing dito ng iba. Kaya siguro nagtanong si Poncio Pilato, “Ano ang katotohanan?” (Juan 18:38) Ang tanong na ito ay nagpapaaninag ng “karaniwang pananaw ng mga edukado, na imposibleng malaman ang katotohanan sa lahat ng bagay.”

Pagsamba sa Emperador

Nagsimula ang pagsamba sa emperador nang mamahala si Augusto (27 B.C.E. hanggang 14 C.E.). Malaki ang utang na loob sa kaniya ng marami, partikular na ng mga nasakop niya sa Silangan na Griego ang wika. Napairal niya kasi ang kapayapaan at kasaganaan matapos ang napakatagal na digmaan. Gusto ng mga tao na proteksiyunan sila ng isang nakikitang tagapamahala. Hangad nila ang isang institusyong magbubuklod sa mga relihiyon, magtataguyod ng pagkamakabayan, at magdudulot ng pagkakaisa sa buong daigdig sa ilalim ng “tagapagligtas” nito. Kaya itinuring nilang diyos ang emperador.

Bagaman hindi pumayag si Augusto na tawagin siyang diyos noong nabubuhay siya, ipinag-utos naman niyang sambahin ang Roma Dea​—ang personipikasyon ng Roma bilang diyosa. Ginawang diyos si Augusto pagkamatay niya. Kaya ang debosyon at pagkamakabayan ng mga sakop ng Roma ay naibaling sa sentro ng imperyo at sa mga tagapamahala nito. Ang bagong kultong ito, na lumaganap sa buong imperyo, ay itinuring na isang paraan ng pagpapakita ng paggalang at katapatan sa Estado.

Si Domitian, emperador mula 81 hanggang 96 C.E., ang kauna-unahang tagapamahala ng Roma na nag-utos na sambahin siya bilang diyos. Noong panahon niya, nakita na ng mga Romano ang pagkakaiba ng mga Kristiyano at ng mga Judio, at sinalansang nila ang itinuturing na bagong kulto. Malamang na noong panahon ng pamamahala ni Domitian ipinatapon si apostol Juan sa isla ng Patmos dahil sa “pagpapatotoo tungkol kay Jesus.”​—Apoc. 1:9.

Isinulat ang aklat ng Apocalipsis nang ipatapon si Juan. Doon, binanggit niya ang Kristiyanong si Antipas na pinatay sa Pergamo, isang kilalang sentro ng pagsamba sa emperador. (Apoc. 2:12, 13) Noong panahong iyon, malamang na ipinag-uutos na ng Roma na dapat makibahagi ang mga Kristiyano sa mga ritwal ng relihiyon ng Estado. Totoo man iyan o hindi, noong 112 C.E., gaya ng ipinahihiwatig ng kaniyang liham kay Trajan na binanggit sa pasimula, ipinag-uutos na ni Pliny na dapat makibahagi sa gayong mga ritwal ang mga Kristiyano sa Bitinia.

Pinuri ni Trajan ang paghawak ni Pliny sa mga kasong inihaharap sa kaniya at ipinag-utos na patayin ang mga Kristiyanong ayaw sumamba sa mga diyos ng Roma. “Pero,” isinulat ni Trajan, “kapag itinanggi ng akusado na isa siyang Kristiyano, at patutunayan ito sa pamamagitan ng pagdarasal sa ating mga diyos, patatawarin siya sa kaniyang pagsisisi (kahit pinagsuspetsahan na siya).”

Hindi matanggap ng mga Romano ang isang relihiyon na humihiling ng pagsamba sa iisang Diyos. Hindi ito hinihiling ng mga diyos ng Roma, kaya bakit ito hihilingin ng Diyos ng mga Kristiyano? Ang pagsamba sa mga diyos ng Estado ay itinuturing na pagkilala sa pulitikal na sistema. Kaya kapag hindi sinamba ang mga ito, itinuturing itong pagtataksil. Gaya ng napatunayan ni Pliny, talagang hindi mapipilit ang karamihan sa mga Kristiyano na gawin iyon. Para sa kanila, ang pagsamba sa mga diyos ay pagtataksil kay Jehova, at mamatamisin pa nilang mamatay kaysa sumamba sa emperador.

Bakit dapat tayong maging interesado rito sa ngayon? Sa ilang lupain, ang mga mamamayan ay inaasahang magpaparangal sa pambansang mga simbolo. Bilang mga Kristiyano, iginagalang natin ang awtoridad ng sekular na mga gobyerno. (Roma 13:1) Pero pagdating sa mga seremonyang nagpaparangal sa pambansang bandila, napakikilos tayo ng payo ng Bibliya at ng utos ng Diyos na Jehova tungkol sa pagbibigay sa kaniya ng bukod-tanging debosyon na “tumakas . . . mula sa idolatriya” at ‘bantayan ang sarili mula sa mga idolo.’ (1 Cor. 10:14; 1 Juan 5:21; Na. 1:2) Sinabi ni Jesus: “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.” (Luc. 4:8) Kaya manatili nawa tayong tapat sa Diyos na sinasamba natin.

[Blurb sa pahina 5]

Ibinibigay ng tunay na mga Kristiyano kay Jehova ang kanilang bukod-tanging debosyon

[Mga larawan sa pahina 3]

Hindi sumamba sa emperador o sa imahen ng mga diyos ang mga Kristiyano noon

Emperador Domitian

Zeus

[Credit Lines]

Emperor Domitian: Todd Bolen/Bible Places.com; Zeus: Photograph by Todd Bolen/Bible Places.com, taken at Archaeological Museum of Istanbul

[Larawan sa pahina 4]

Tumanggi ang mga Kristiyano sa Efeso na sambahin ang popular na diyosang si Artemis.​—Gawa 19:23-41