Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Dapat Bigyang-Dangal ang May-edad?

Bakit Dapat Bigyang-Dangal ang May-edad?

Bakit Dapat Bigyang-Dangal ang May-edad?

SA BAYBAYIN ng California, E.U.A., makikita ang isa sa mga puno sa daigdig na pinakamadalas kunan ng litrato. Ito ang Lone Cypress. Kilala ito sa pagiging matibay. Sa katunayan, sinasabing mahigit 250 taon na ito. Ang magandang punong ito ay alagang-alaga. Halimbawa, tinalian ito ng mga kable at nilagyan ng bato sa may paanan.

Ang Lone Cypress ay maaaring magpaalaala sa atin sa may-edad nang mga Kristiyano, na kahanga-hanga ang tibay, o pagbabata. Naipapakita nila ito lalo na sa kanilang masigasig na pangangaral ng mabuting balita. Inihula ni propeta Joel na sa mga huling araw, ang “matatandang lalaki” ay maghahayag ng mensahe ng Bibliya. (Joel 2:28-32; Gawa 2:16-21) Isip-isipin na lang ang napakaraming oras na ginugugol nila para maturuan ang iba tungkol sa ‘mabuting balita ng kaharian’! (Mat. 24:14) Ang ilan sa may-edad nang mga tagapaghayag na ito ng Kaharian ay nakapagbata ng pag-uusig o iba pang paghihirap sa loob ng maraming taon. Kung ang isang puno ng sipres ay pinahahalagahan dahil sa tibay nito at lalo pa ngang pinatitibay ng mga bato at kable, ang mga may-edad nang kasama natin ay lalong karapat-dapat na pahalagahan at pakitunguhan nang may dignidad at dangal!

Iniutos ng Diyos na Jehova sa kaniyang bayan noon: “Sa harap ng may uban ay titindig ka, at pakukundanganan mo ang pagkatao ng isang matanda.” (Lev. 19:32) Sa bayan ni Jehova sa ngayon, may mga tapat na lingkod na maraming dekada nang ‘lumalakad na kasama ng Diyos.’ (Mik. 6:8) Habang patuloy nilang ikinakapit ang mga simulain ng Bibliya, tunay na nagiging “korona ng kagandahan” ang kanilang ulong may uban.​—Kaw. 16:31.

Tinagubilinan ni apostol Pablo ang kabataang si Timoteo: “Huwag mong punahin nang may katindihan ang isang matandang lalaki.” Sa halip, si Timoteo ay kailangang “mamanhik . . . sa kaniya gaya ng sa isang ama” at sa “matatandang babae gaya ng sa mga ina.” (1 Tim. 5:1, 2) Sa diwa, kailangang ‘tumindig’ si Timoteo sa harap ng may uban. Oo, inaasahan ni Jehova na makikita sa ating paraan ng pakikipag-usap na binibigyang-dangal natin ang mga may-edad.

“Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo,” ang sabi sa Roma 12:10. Tiyak na binibigyang-dangal ng mga tagapangasiwa sa kongregasyon ang may-edad nang mga Kristiyano. Pero tayong lahat ay kailangan ding manguna sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa.

Siyempre pa, ang mga miyembro ng pamilya ang may pantanging pananagutan sa kanilang mga magulang at mga lolo’t lola. Kung paanong patuloy na humahanap ng paraan ang mga tao para maingatan ang Lone Cypress, tiyak na dapat din tayong humanap ng paraan para maingatan ang dangal ng ating tumatanda nang mga magulang at mga lolo’t lola. Halimbawa, kung pakikinggan nating mabuti ang sinasabi nila, mauudyukan tayong isaalang-alang ang kanilang damdamin at huwag igiit ang gusto natin.​—Kaw. 23:22; 1 Tim. 5:4.

Napakahalaga kay Jehova ang mga may-edad. Hindi niya sila iniiwan. (Awit 71:18) Sa katunayan, pinatitibay sila ng tunay na Diyos para makapanatiling tapat sa kaniya. Patuloy din sana nating suportahan at bigyang-dangal ang mga may-edad.

[Mga larawan sa pahina 7]

Kung ang Lone Cypress ay kailangang patibayin, ang mga may-edad ay kailangan ding patibayin at pakitunguhan nang may dignidad at dangal

[Credit Line]

American Spirit Images/age fotostock