Huwag Pighatiin ang Banal na Espiritu ni Jehova
Huwag Pighatiin ang Banal na Espiritu ni Jehova
“Huwag ninyong pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos, na ipinantatak sa inyo.”—EFE. 4:30.
1. Ano ang ginawa ni Jehova para sa milyun-milyong tao? Ano ang pananagutan nila?
MAY espesyal na bagay na ginawa si Jehova para sa milyun-milyong taong nabubuhay sa magulong daigdig na ito. Gumawa siya ng paraan para maging malapít sila sa kaniya, sa pamamagitan ng kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo. (Juan 6:44) Isa ka sa mga indibiduwal na ito kung nag-alay ka na sa Diyos at namumuhay ayon dito. Bilang isa na nabautismuhan sa pangalan ng banal na espiritu, pananagutan mong gumawi ayon sa pag-akay ng espiritung iyon.—Mat. 28:19.
2. Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
2 Tayo na mga “naghahasik may kinalaman sa espiritu” ay nagbibihis ng bagong personalidad. (Gal. 6:8; Efe. 4:17-24) Gayunman, pinapayuhan tayo at binababalaan ni apostol Pablo na huwag pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos. (Basahin ang Efeso 4:25-32.) Susuriin nating mabuti ngayon ang payo ng apostol. Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang napipighati ang espiritu ng Diyos? Sa anu-anong paraan ito puwedeng mapighati ng isang nakaalay kay Jehova? At paano natin maiiwasang mapighati ang Kaniyang espiritu?
Ang Ibig Sabihin ni Pablo
3. Paano mo ipaliliwanag ang Efeso 4:30?
3 Pansinin muna natin ang sinabi ni Pablo sa Efeso 4:30: “Huwag ninyong pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos, na ipinantatak sa inyo ukol sa araw ng pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos.” Ayaw ni Pablo na maisapanganib ng kaniyang minamahal na mga kapananampalataya ang kanilang espirituwalidad. Ang espiritu ni Jehova ang “ipinantatak [sa kanila] ukol sa araw ng pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos.” Mula noon hanggang ngayon, ang banal na espiritu ng Diyos ay isang tatak, o “palatandaan niyaong darating” para sa mga pinahirang nananatiling tapat. (2 Cor. 1:22) Ang tatak ay palatandaan na pag-aari sila ng Diyos at na may pag-asa silang mabuhay sa langit. Ang mga permanenteng natatakan ay may bilang na 144,000.—Apoc. 7:2-4.
4. Bakit mahalagang iwasan na mapighati ang espiritu ng Diyos?
4 Ang pagpighati sa espiritu ng Diyos ay maaaring humantong sa lubusang pagkawala ng impluwensiya nito sa buhay ng isang Kristiyano. Mula sa sinabi ni David matapos siyang magkasala may kaugnayan kay Bat-sheba, makikita nating posible ito. Nagsisising nakiusap si David kay Jehova: “Huwag mo akong itaboy mula sa iyong harapan; at ang iyong banal na espiritu ay huwag mo sanang alisin sa akin.” (Awit 51:11) Ang mga pinahiran lamang na “tapat . . . maging hanggang sa kamatayan” ang tatanggap ng “korona” ng imortal na buhay sa langit. (Apoc. 2:10; 1 Cor. 15:53) Ang mga Kristiyanong may pag-asang mabuhay sa lupa ay nangangailangan din ng banal na espiritu kung gusto nilang manatiling tapat sa Diyos at matanggap ang kaniyang kaloob na buhay salig sa pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo. (Juan 3:36; Roma 5:8; 6:23) Kaya tayong lahat ay dapat mag-ingat para hindi natin mapighati ang banal na espiritu ni Jehova.
Paano Maaaring Mapighati ng Isang Kristiyano ang Espiritu?
5, 6. Paano maaaring mapighati ng isang Kristiyano ang espiritu ni Jehova?
5 Bilang nakaalay na mga Kristiyano, maiiwasan nating mapighati ang espiritu. Posible ito kung ‘patuloy tayong lalakad at mamumuhay ayon sa espiritu.’ Sa paggawa nito, hindi tayo madadala ng mga pagnanasa ng laman, ni magkakaroon man ng masasamang ugali. (Gal. 5:16, 25, 26) Pero puwede iyang magbago. Maaari nating mapighati ang espiritu ng Diyos kung hahayaan nating unti-unti tayong matangay, marahil nang halos hindi namamalayan, ng paggawing hinahatulan ng Salita ng Diyos na kinasihan ng espiritu.
6 Kung ang ating ginagawa ay palaging salungat sa pag-akay ng banal na espiritu, napipighati natin ito, samakatuwid nga, napipighati natin si Jehova na Pinagmumulan ng espiritung iyon. Sa pagsusuri sa Efeso 4:25-32, makikita natin kung paano tayo dapat gumawi, sa gayo’y maiiwasan nating mapighati ang espiritu ng Diyos.
Kung Paano Maiiwasang Mapighati ang Espiritu
7, 8. Bakit dapat na lagi tayong magsabi ng totoo?
7 Dapat na lagi tayong magsabi ng totoo. Isinulat ni Pablo sa Efeso 4:25: “Ngayong inalis na ninyo ang kabulaanan, magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa, sapagkat tayo ay mga sangkap na nauukol sa isa’t isa.” Yamang nagkakaisa tayo bilang “mga sangkap na nauukol sa isa’t isa,” hinding-hindi natin dapat linlangin ang ating mga kapananampalataya, dahil katulad na rin iyon ng pagsisinungaling sa kanila. Kung patuloy itong gagawin ng isa, maiwawala niya ang kaniyang kaugnayan sa Diyos.—Basahin ang Kawikaan 3:32.
8 Ang mapanlinlang na mga salita at gawa ay makakasira sa pagkakaisa ng kongregasyon. Kaya dapat nating tularan ang mapagkakatiwalaang propeta na si Daniel. Walang anumang Dan. 6:4) At dapat nating tandaan ang payo ni Pablo sa mga Kristiyanong may makalangit na pag-asa. Sinabi niyang ang bawat sangkap ng “katawan ng Kristo” ay nauukol sa isa’t isa at kailangang manatiling kaisa ng mga tapat na pinahirang tagasunod ni Jesus. (Efe. 4:11, 12) Kung gusto nating mabuhay magpakailanman sa Paraisong lupa, dapat na lagi rin tayong magsabi ng totoo, sa gayo’y nakakatulong sa pagkakaisa ng ating pandaigdig na kapatiran.
maibutas sa kaniya ang iba. (9. Bakit napakahalagang sundin ang payo sa Efeso 4:26, 27?
9 Dapat nating salansangin ang Diyablo—huwag natin siyang bigyan ng pagkakataong sirain ang ating espirituwalidad. (Sant. 4:7) Tinutulungan tayo ng banal na espiritu na labanan si Satanas. Halimbawa, magagawa natin ito kung kokontrolin natin ang galit. Sumulat si Pablo: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit, ni magbigay man ng dako sa Diyablo.” (Efe. 4:26, 27) Kung may dahilan tayo para magalit, matutulungan tayo ng tahimik at maikling panalangin na maging “malamig ang espiritu,” anupat nagpipigil sa sarili sa halip na gumawa ng isang bagay na makapipighati sa espiritu ng Diyos. (Kaw. 17:27) Kaya huwag tayong manatiling pukáw sa galit. Huwag nating bigyan ng pagkakataon si Satanas na udyukan tayong gumawa ng masama. (Awit 37:8, 9) Malalabanan din natin siya kung lulutasin natin agad ang mga di-pagkakasundo kaayon ng payo ni Jesus.—Mat. 5:23, 24; 18:15-17.
10, 11. Bakit hindi tayo dapat magnakaw o maging di-tapat?
10 Hindi tayo dapat magpadala sa anumang tukso na magnakaw o maging di-tapat. Sumulat si Pablo: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi sa halip ay magtrabaho siya nang masikap, na gumagawa ng mabuting gawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, upang may maipamahagi siya sa sinumang nangangailangan.” (Efe. 4:28) Kung nagnanakaw ang isang nakaalay na Kristiyano, ‘nilalapastangan niya ang pangalan ng Diyos’ dahil nagdudulot siya ng upasala rito. (Kaw. 30:7-9) Kahit ang kahirapan ay hindi lisensiya para magnakaw. Alam ng mga umiibig sa Diyos at sa kanilang kapuwa na ang pagnanakaw ay hindi kailanman magiging tama.—Mar. 12:28-31.
11 Hindi lang basta sinabi ni Pablo kung ano ang dapat nating iwasan; sinabi rin niya kung ano ang dapat nating gawin. Kung namumuhay tayo at lumalakad ayon sa banal na espiritu, magtatrabaho tayong mabuti para mapaglaanan ang ating pamilya at “may maipamahagi . . . sa sinumang nangangailangan.” (1 Tim. 5:8) Si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay nagtatabi noon ng pera para matulungan ang mahihirap, pero kumukupit naman dito ang tagapagkanulong si Hudas Iscariote. (Juan 12:4-6) Tiyak na hindi siya pinapatnubayan ng banal na espiritu. Gaya ni Pablo, tayo na ginagabayan ng espiritu ng Diyos ay ‘gumagawi nang matapat sa lahat ng bagay.’ (Heb. 13:18) Sa gayon, naiiwasan nating mapighati ang banal na espiritu ni Jehova.
Kung Paano Pa Natin Maiiwasang Mapighati ang Espiritu
12, 13. (a) Ayon sa Efeso 4:29, anong pananalita ang dapat nating iwasan? (b) Ano ang dapat na maging katangian ng ating pananalita?
12 Dapat tayong maging maingat sa pagsasalita. Sinabi ni Pablo: “Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig, kundi anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibahagi nito ang kaayaaya sa mga nakikinig.” (Efe. 4:29) Muli, hindi lang basta sinabi ng apostol kung ano ang dapat nating iwasan; sinabi rin niya kung ano ang dapat nating gawin. Kung naiimpluwensiyahan tayo ng espiritu ng Diyos, mauudyukan tayong ‘magsalita ng mabuti sa ikatitibay upang maibahagi nito ang kaayaaya sa mga nakikinig.’ At hindi rin dapat lumabas sa bibig natin ang “bulok na pananalita.” Ang salitang Griego na isinaling “bulok” ay ginamit para lumarawan sa nabubulok na prutas, isda, o karne. Inaayawan natin ang gayong nakapandidiring pagkain. Sa katulad na paraan, inaayawan din natin ang mga pananalitang kinasusuklaman ni Jehova.
13 Ang ating pananalita ay dapat na disente, mabait, at “tinimplahan ng asin.” (Col. 3:8-10; 4:6) Dapat makita ng mga tao sa ating pananalita na naiiba tayo. Kaya lagi tayong magsalita ng “mabuti sa ikatitibay,” at sa gayo’y madama ang nadama ng salmista, na umawit: “Ang mga pananalita ng aking bibig at ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay maging kalugud-lugod nawa sa harap mo, O Jehova na aking Bato at aking Manunubos.”—Awit 19:14.
14. Ayon sa Efeso 4:30, 31, ano ang dapat nating alisin sa ating sarili?
14 Dapat nating alisin sa ating sarili ang mapait na saloobin, poot, mapang-abusong pananalita, at lahat ng kasamaan. Matapos sabihing huwag pighatiin ang espiritu ng Diyos, sumulat si Pablo: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo pati na ang lahat ng kasamaan.” (Efe. 4:30, 31) Yamang lahat tayo’y di-sakdal, kailangang sikapin nating kontrolin ang ating iniisip at ikinikilos. Kung magpapadala tayo sa “mapait na saloobin at galit at poot,” mapipighati natin ang espiritu ng Diyos. Ganoon din ang mangyayari kung bibilangin natin ang mga pagkakamali ng iba, anupat naghihinanakit at ayaw makipagkasundo sa nagkasala sa atin. Kung babale-walain natin ang payo ng Bibliya, baka magkaroon tayo ng mga ugaling aakay sa atin na magkasala laban sa espiritu, na ikapapahamak natin.
15. Kung may nakagawa sa atin ng mali, ano ang dapat nating gawin?
15 Kailangan tayong maging mabait, mahabagin, at mapagpatawad. Sumulat si Pablo: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusang nagpatawad din sa inyo.” (Efe. 4:32) Kahit na nasaktan tayo nang husto sa ginawa ng iba, magpatawad pa rin tayo, gaya ng ginagawa ng Diyos. (Luc. 11:4) Halimbawang may sinabing negatibo tungkol sa atin ang isang kapatid. Nilapitan natin siya para ayusin ang gusot. Sising-sisi siya at humihingi ng tawad. Pinatawad naman natin siya. Pero higit pa ang kailangan. “Huwag kang maghihiganti ni magkikimkim ng sama ng loob laban sa mga anak ng iyong bayan,” ang sabi sa Levitico , “at iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili. Ako ay si Jehova.” 19:18
Kailangan ang Pag-iingat
16. Magbigay ng halimbawa na nagpapakitang baka kailangan nating gumawa ng mga pagbabago para hindi mapighati ang espiritu ni Jehova.
16 Kapag nag-iisa, baka matukso tayong gumawa ng isang bagay na hindi nakalulugod sa Diyos. Halimbawa, baka nakaugalian ng isang brother na makinig sa kuwestiyunableng musika. Nang bandang huli, nakokonsiyensiya na siya dahil binabale-wala niya ang payo ng Bibliya na nasa publikasyon ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45) Baka ipanalangin niya ang bagay na ito at maalaala ang sinabi ni Pablo sa Efeso 4:30. Determinado na siyang iwasan ang anumang bagay na makapipighati sa espiritu ng Diyos, kaya nagdesisyon siyang huwag nang makinig sa kuwestiyunableng musika mula ngayon. Pagpapalain ni Jehova ang brother na iyon dahil sa kaniyang saloobin. Kaya lagi tayong mag-ingat para hindi natin mapighati ang espiritu ng Diyos.
17. Ano ang puwedeng mangyari kung hindi tayo maingat at regular sa pananalangin?
17 Kung hindi tayo maingat at regular sa pananalangin, baka mahulog tayo sa marumi o maling gawain na makapipighati sa espiritu. Ginagamit ng Ama ang kaniyang banal na espiritu ayon sa kaniyang kalooban, kaya kapag napipighati ito, pinipighati natin, o pinalulungkot, si Jehova—isang bagay na ayaw na ayaw nating gawin. (Efe. 4:30) Nagkasala ang mga Judiong eskriba noong unang siglo nang sabihin nilang si Satanas ang nasa likod ng mga himala ni Jesus. (Basahin ang Marcos 3:22-30.) Ang mga kaaway na iyon ni Kristo ay ‘namusong laban sa banal na espiritu,’ kaya nakagawa sila ng kasalanang walang kapatawaran. Huwag sanang mangyari sa atin iyon!
18. Paano tayo makatitiyak na hindi tayo nakagawa ng isang kasalanang wala nang kapatawaran?
18 Yamang ayaw na ayaw nating makagawa ng isang kasalanang wala nang kapatawaran, dapat nating tandaan ang sinabi ni Pablo na huwag pighatiin ang espiritu. Pero paano kung nagkasala tayo nang malubha? Kung nagsisi na tayo at natulungan na ng mga elder, masasabi nating napatawad na tayo ng Diyos at na hindi tayo nagkasala laban sa banal na espiritu. Sa tulong ng Diyos, maiiwasan din nating muling mapighati ang espiritu sa anumang paraan.
19, 20. (a) Anu-anong bagay ang dapat nating iwasan? (b) Ano ang dapat nating maging determinasyon?
19 Ginagamit ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu para mangibabaw ang pag-ibig, kagalakan, at pagkakaisa sa kaniyang bayan. (Awit 133:1-3) Kaya para hindi natin mapighati ang espiritu, iwasan natin ang tsismis o ang pagsasabi ng mga bagay na sisira sa respeto ng iba sa mga pastol na inatasan ng espiritu. (Gawa 20:28; Jud. 8) Sa halip, dapat nating itaguyod ang pagkakaisa ng kongregasyon at ang paggalang sa mga kapatid. Kaya hindi tayo dapat bumuo ng kani-kaniyang grupo sa bayan ng Diyos. Sumulat si Pablo: “Pinapayuhan ko kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay magsalita nang magkakasuwato, at na huwag magkaroon ng mga pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo, kundi lubos kayong magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.”—1 Cor. 1:10.
20 Gustung-gusto at kayang-kaya ni Jehova na tulungan ka para maiwasan mong pighatiin ang kaniyang espiritu. Lagi tayong manalangin ukol sa banal na espiritu at maging determinado na huwag itong pighatiin. Patuloy sana tayong ‘maghasik may kinalaman sa espiritu,’ anupat marubdob na hinahanap ang patnubay nito ngayon at magpakailanman.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang ibig sabihin ng pighatiin ang espiritu ng Diyos?
• Paano maaaring mapighati ng isang nakaalay kay Jehova ang Kaniyang espiritu?
• Paano natin maiiwasang mapighati ang banal na espiritu?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 30]
Lutasin agad ang mga di-pagkakasundo
[Larawan sa pahina 31]
Alin sa dalawang ito ang katulad ng iyong pananalita?