Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Manatiling Malakas sa Espirituwal Habang Nag-aalaga ng May-sakit na Kamag-anak

Manatiling Malakas sa Espirituwal Habang Nag-aalaga ng May-sakit na Kamag-anak

Manatiling Malakas sa Espirituwal Habang Nag-aalaga ng May-sakit na Kamag-anak

NANG matuklasan ang isang bukol malapit sa kaniyang gulugod, sinabi ng mga doktor na may kanser si Kim, isang Saksi. * “Matapos alisin ang bukol,” ang sabi ng asawa niyang si Steve, “sumailalim si Kim sa radiotherapy at chemotherapy. Nanghina ang kaniyang katawan at halos hindi na siya makakilos.”

Naguguniguni mo ba ang kirot na nadarama ni Steve habang pinagmamasdan ang paghihirap ng kaniyang pinakamamahal na asawa? Marahil ay may malapit kang kamag-anak na unti-unting humihina dahil sa pagtanda o lumalalang sakit. (Ecles. 12:1-7) Kung mayroon, dapat mo munang alagaan ang iyong sarili para maalagaan silang mabuti. Kung manghihina ka sa espirituwal, manghihina ka rin sa emosyonal at pisikal na paraan at baka hindi mo na matulungan ang iyong kamag-anak. Paano ka makapananatiling timbang sa espirituwal habang nag-aalaga ng isang kamag-anak na may-sakit o may-edad na? May maitutulong ba ang kongregasyong Kristiyano sa gayong mga maysakit?

Manatiling Timbang​—Paano?

Para makapanatiling timbang sa espirituwal at malusog habang nag-aalaga ng may-sakit na kamag-anak, kailangang marunong kang makibagay sa sitwasyon at magbadyet ng panahon at lakas. “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin,” ang sabi sa Kawikaan 11:2. Sa kontekstong ito, ang salitang “mahinhin” ay nangangahulugang alam mo ang iyong limitasyon. Para matiyak na hindi mo sinasagad ang iyong sarili, baka kailangan mong suriin ang iyong iskedyul at mga responsibilidad.

Si Steve ay nagpakita ng karunungan at kahinhinan. Pinag-isipan niya kung kakayanin pa niya ang mga hawak niyang responsibilidad. Bukod sa sekular na trabaho, naglilingkod din siya bilang koordineytor ng lupon ng matatanda at tagapangasiwa sa paglilingkod sa kanilang kongregasyon sa Ireland. Miyembro din siya ng Hospital Liaison Committee sa kanilang lugar. “Hindi kailanman nagreklamo si Kim na napapabayaan ko siya dahil sa mga responsibilidad na ito,” ang sabi ni Steve. “Pero alam kong sinasagad ko na ang aking sarili.” Paano ito nilutas ni Steve? “Matapos manalangin,” sinabi niya, “ipinasiya kong magbitiw bilang koordineytor. Elder pa rin ako, pero nang ibigay ko sa iba ang ilan sa aking mga responsibilidad sa kongregasyon, naibigay ko kay Kim ang panahon at atensiyong kailangan niya.”

Nang maglaon, bumuti ang kalagayan ni Kim. Pinag-aralan nila ang kanilang sitwasyon, at sa tulong ni Kim, nagampanan ulit ni Steve ang dati niyang mga responsibilidad sa kongregasyon. “Natutuhan naming tanggapin ang mga limitasyong dulot ng karamdaman,” ang sabi ni Steve. “Lubos akong nagpapasalamat sa tulong ni Jehova at sa suporta ng aking asawa sa kabila ng kaniyang kalagayan.”

Tingnan din natin ang karanasan ni Jerry, naglalakbay na tagapangasiwa, at ng kaniyang asawang si Maria. Kinailangan nilang baguhin ang kanilang mga tunguhin para maalagaan ang kanilang nagkakaedad nang mga magulang. “Tunguhin sana naming mag-asawa na maging mga misyonero sa ibang bansa,” ang sabi ni Maria. “Pero nag-iisang anak si Jerry, at kailangan siya ng kaniyang mga magulang. Kaya nagpasiya kaming manatili sa Ireland para maalagaan sila. Dahil dito, nakapagbantay kami sa tatay ni Jerry sa buong panahon niya sa ospital bago siya mamatay. Sa ngayon, palagi naming nakukumusta ang nanay ni Jerry at madali kaming nakakapunta kapag kailangan niya kami. Napakalaking tulong ng kongregasyong kinauugnayan niya, kaya naman nakapanatili kami sa gawaing paglalakbay.”

Kung Paano Makakatulong ang Iba

Nang talakayin kung anong materyal na tulong ang dapat ibigay sa mga may-edad nang babaing balo sa kongregasyon, isinulat ni apostol Pablo: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para roon sa mga sariling kaniya, at lalo na para roon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.” Ipinaalaala ni Pablo sa mga Kristiyano na para maging “kaayaaya sa paningin ng Diyos” ang kanilang pagsamba, dapat nilang tustusan ang kanilang nagkakaedad nang mga magulang at mga lolo’t lola. (1 Tim. 5:4, 8) Pero ang ibang kapatid sa kongregasyon ay makakatulong at dapat talagang tumulong.

Pansinin ang kalagayan nina Hakan at Inger, may-edad nang mag-asawa sa Sweden. “Nang matuklasang may kanser ang aking asawa,” ang sabi ni Hakan, “napatulala kaming mag-asawa. Malakas at hindi sakitin si Inger. Pero ngayon, araw-araw na kaming pumupunta sa ospital para sa gamutan, at unti-unti nang bumabagsak ang kaniyang katawan dahil sa gamot. Nasa bahay lang si Inger, at kailangan ko siyang samahan para alagaan.” Paano kaya nakatulong kina Hakan at Inger ang kanilang kongregasyon?

Isinaayos ng mga elder sa kongregasyon na makapakinig sila sa mga pulong sa pamamagitan ng telepono. Hindi lang iyan, palaging dumadalaw sa kanila ang mga kapatid at nangungumusta sa telepono. Nagpapadala rin sila ng mga sulat at kard. “Damang-dama namin ang suporta ng mga kapatid at ang tulong ni Jehova,” ang sabi ni Hakan. “Malaking tulong ang pag-aasikasong ito para makapanatili kaming malakas sa espirituwal. Salamat na lang at bumuti ang kalagayan ni Inger. Nakakadalo na ulit kami sa mga pulong sa Kingdom Hall.” Kapag ginagawa ng mga miyembro ng kongregasyon ang lahat para makatulong sa mga kasamahan nilang maysakit at may-edad, pinatutunayan nilang sila’y ‘tunay na mga kaibigan na umiibig sa lahat ng panahon, at mga kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.’​—Kaw. 17:17.

Pinahahalagahan ni Jehova ang Iyong mga Pagsisikap

Talagang mahirap mag-alaga ng isang may-sakit na kamag-anak. Pero sumulat si Haring David: “Maligaya ang sinumang gumagawi nang may pakundangan sa maralita,” gaya ng isang nangangailangan ng tulong dahil sa karamdaman.​—Awit 41:1.

Bakit kaya puwedeng maging maligaya ang mga nag-aalaga ng maysakit? “Siyang nagpapakita ng lingap sa maralita ay nagpapautang kay Jehova,” ang sabi sa Kawikaan 19:17, “at ang kaniyang pakikitungo ay babayaran Niya sa kaniya.” Pinagmamalasakitan ng tunay na Diyos ang kaniyang tapat na mga lingkod na may karamdaman, at pinagpapala niya ang nagpapakita ng lingap sa kanila. Umawit ang salmistang si David: ‘Ang gayong tao ay aalalayan ni Jehova sa kama ng karamdaman; ang buong higaan niya ay papalitan mo nga sa panahon ng kaniyang pagkakasakit.’ (Awit 41:3) Kapag ang nag-aalaga naman ang nangailangan o dumanas ng kahirapan, tiyak na tutulungan din siya ni Jehova.

Napakasarap isiping napapansin at ikinatutuwa ng Diyos na Jehova ang ating pag-aalaga sa may-sakit nating kamag-anak! Bagaman hindi ito madali, tinitiyak naman sa atin ng Kasulatan na “sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.”​—Heb. 13:16.

[Talababa]

^ par. 2 Binago ang mga pangalan.

[Mga larawan sa pahina 18]

Manatiling timbang sa espirituwal at tanggapin ang tulong ng iba