Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Yamang ipinagbabawal ni Jehova ang idolatriya, bakit hindi niya pinarusahan si Aaron sa paggawa ng ginintuang guya?

Nang gawin ni Aaron ang ginintuang guya, gaya ng nakaulat sa Exodo kabanata 32, nilabag niya ang batas tungkol sa idolatriya. (Ex. 20:3-5) Kaya ‘lubhang nagalit si Jehova kay Aaron hanggang sa punto ng paglipol sa kaniya; ngunit nagsumamo si Moises para kay Aaron nang mismong panahong iyon.’ (Deut. 9:19, 20) Ang pagsusumamo ba ng taong matuwid na si Moises ay may “malakas na puwersa” sa kaso ni Aaron? (Sant. 5:16) Oo. Dahil sa gayong pagsusumamo at sa dalawa pang ibang dahilan, lumilitaw na pinakinggan ni Jehova ang panalangin ni Moises at hindi niya pinarusahan si Aaron.

Ang unang dahilan ay may kaugnayan sa katapatang naipakita na ni Aaron. Nang atasan si Moises na humarap kay Paraon at ilabas ang mga Israelita mula sa Ehipto, pinasama ni Jehova si Aaron kay Moises para maging tagapagsalita nito. (Ex. 4:10-16) Sumunod ang dalawang lalaking ito at paulit-ulit na humarap sa hari ng Ehipto, anupat tinitiis ang katigasan ng puso nito. Kaya sa Ehipto pa lang, naipakita na ni Aaron na siya ay matapat at matatag sa paglilingkod kay Jehova.​—Ex. 4:21.

Tingnan din natin kung bakit gumawa si Aaron ng ginintuang guya. Si Moises ay 40 araw nang nasa Bundok Sinai. Nang ‘makita ng bayan na si Moises ay nagtatagal sa pagbaba mula sa bundok,’ kinumbinsi nila si Aaron na igawa sila ng isang imahen. Pumayag naman si Aaron at gumawa ng isang ginintuang estatuwa ng guya. (Ex. 32:1-6) Pero ipinakikita ng sumunod na mga ginawa ni Aaron na hindi siya talaga sang-ayon dito. Maliwanag na nagipit lang siya. Nang papiliin ni Moises ang mga Israelita para matapos na ang isyung ito, ang lahat ng mga anak ni Levi​—kasali na si Aaron​—ay matatag na pumanig kay Jehova. Tatlong libong mananamba sa idolo na siyang may kagagawan sa idolatriyang ito ang pinatay.​—Ex. 32:25-29.

Pagkatapos, sinabi ni Moises sa bayan: “Kayo ay nagkasala ng isang malaking kasalanan.” (Ex. 32:30) Oo, hindi lang si Aaron ang nagkasala. Kaya nang magpatawad si Jehova, si Aaron at ang bayan ang nakinabang sa Kaniyang dakilang awa.

Matapos ang insidente tungkol sa ginintuang guya, iniutos ni Jehova na italaga si Aaron bilang mataas na saserdote. “Daramtan mo si Aaron ng mga banal na kasuutan at papahiran mo siya at pababanalin mo siya,” ang sabi ng Diyos kay Moises, “at siya ay maglilingkod bilang saserdote sa akin.” (Ex. 40:12, 13) Maliwanag na pinatawad ni Jehova si Aaron sa kaniyang kahinaan. Sa kaibuturan ng kaniyang puso, si Aaron ay isang tapat na tagapagtaguyod ng tunay na pagsamba, at hindi isang idolatrosong rebelde.