Gumaganda ang Samahan Kapag Nagsasalita Nang May Kagandahang-Loob
Gumaganda ang Samahan Kapag Nagsasalita Nang May Kagandahang-Loob
“Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob.”—COL. 4:6.
1, 2. Ano ang naging resulta ng pagsasalita nang may kagandahang-loob?
“SA PAGBABAHAY-BAHAY, galít na galít ang lalaking kausap ko. Nanginginig ang kaniyang mga labi at buong katawan,” ang sabi ng isang brother. “Malumanay akong nagpaliwanag sa kaniya gamit ang Bibliya, pero lalo lang siyang nagalit. Pinagsisigawan na rin ako ng kaniyang asawa’t mga anak, kaya naisip kong dapat na akong umalis. Ipinaliwanag ko sa kanila na lumapit ako nang payapa at gusto ko sanang umalis din nang payapa. Ipinakita ko ang Galacia 5:22 at 23, kung saan binabanggit ang pag-ibig, kahinahunan, pagpipigil sa sarili, at kapayapaan. Saka ako umalis.
2 “Pagkaraan, nang nasa tapat ulit kami ng kanilang bahay, nakita ko ang pamilya na nakaupo sa may pinto nila. Tinawag nila ako. ‘Naku, bakit kaya?’ naisip ko. May dalang malamig na tubig ang lalaki at inalok akong uminom. Humingi siya ng pasensiya sa ginawa niya at pinuri ang aking matibay na pananampalataya. Naghiwalay kami nang maayos.”
3. Bakit hindi tayo dapat gumanti ng galit?
3 Dahil sa igting ng buhay ngayon, hindi natin maiiwasang makatagpo ng galít na mga tao, pati na sa ating ministeryo. Kapag nangyari iyan, mahalagang magpakita tayo ng “mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Ped. 3:15) Kung gumanti ng galit ang brother na binanggit kanina, malamang na hindi lumamig ang ulo ng lalaki; baka nga lalo pa itong nagngitngit sa galit. Dahil nakapagpigil ang brother at nagsalita nang may kagandahang-loob, maganda ang kinalabasan.
Paano ba Magsasalita Nang May Kagandahang-Loob?
4. Bakit importanteng gumamit ng pananalitang may kagandahang-loob?
4 Sa pakikitungo sa iba at sa mga kapatid sa kongregasyon, maging sa ating mga kapamilya, napakahalagang sundin ang payo ni apostol Pablo: “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin.” (Col. 4:6) Ang ganitong angkop na pagsasalita na masarap pakinggan ay importante para maging maganda at payapa ang pag-uusap.
5. Ano ang hindi kahulugan ng magandang pag-uusap? Ilarawan.
5 Ang magandang pag-uusap ay hindi naman nangangahulugang sasabihin mo na agad ang lahat ng iyong naiisip at nadarama, lalo na kung galít ka. Sinasabi sa Kasulatan na ang di-mapigil na galit ay tanda ng kahinaan, hindi ng kalakasan. (Basahin ang Kawikaan 25:28; 29:11.) Si Moises ay “totoong pinakamaamo” sa lahat ng tao noon. Pero nang maghimagsik ang bansang Israel, hindi niya napigil ang galit at dahil dito, hindi niya naluwalhati ang Diyos. Malinaw niyang sinabi ang kaniyang nadarama, pero hindi natuwa si Jehova. Matapos ang 40-taóng pangunguna sa mga Israelita, hindi nagkapribilehiyo si Moises na akayin sila papasók sa Lupang Pangako.—Bil. 12:3; 20:10, 12; Awit 106:32.
6. Ano ang kahulugan ng pagiging maingat sa pagsasalita?
6 Inirerekomenda ng Kasulatan ang pagpipigil at pag-iingat, o mahusay na pagpapasiya, kapag nagsasalita tayo. “Dahil sa karamihan ng Kaw. 10:19; 17:27) Pero hindi naman komo nag-iingat tayo ay mananahimik na lang tayo. Nangangahulugan lang ito na magsasalita tayo nang “may kagandahang-loob,” anupat ginagamit ang dila para magpagaling, hindi para manakit.—Basahin ang Kawikaan 12:18; 18:21.
mga salita ay hindi magkukulang ng pagsalansang, ngunit ang sumusupil sa kaniyang mga labi ay kumikilos nang may kapantasan.” (“Panahon ng Pagtahimik at Panahon ng Pagsasalita”
7. Anu-anong bagay ang dapat iwasan, at bakit?
7 Kung paanong dapat makita sa atin ang kagandahang-loob at pagpipigil kapag nakikipag-usap sa mga katrabaho o mga estranghero sa ating ministeryo, dapat na ganito rin tayo sa loob ng kongregasyon at tahanan. Ang paglalabas ng galit nang hindi inaalintana ang ibubunga ay posibleng makasira sa espirituwal, emosyonal, at pisikal na kalusugan natin at ng iba. (Kaw. 18:6, 7) Dapat kontrolin ang mga negatibong damdamin, na bunga ng di-kasakdalan. Ang mapang-abusong pananalita, panunuya, paghamak, at poot ay hindi nararapat sa isang Kristiyano. (Col. 3:8; Sant. 1:20) Sisirain nito ang mahalagang kaugnayan sa iba at kay Jehova. Itinuro ni Jesus: “Ang bawat isa na patuloy na napopoot sa kaniyang kapatid ay magsusulit sa hukuman ng katarungan; ngunit ang sinumang nagsasalita sa kaniyang kapatid ng isang di-mabigkas na salita ng paghamak ay magsusulit sa Kataas-taasang Hukuman; samantalang ang sinumang nagsasabi, ‘Ikaw na kasuklam-suklam na mangmang!’ ay nararapat sa maapoy na Gehenna.”—Mat. 5:22.
8. Kailan natin dapat sabihin ang nasa loob natin, at paano?
8 Gayunman, may mga bagay na baka mas makabubuting ipakipag-usap. Kung may nasabi o nagawa ang isang kapatid na talagang hindi mo kayang palampasin, huwag hayaang mamuo ang galit sa iyong dibdib. (Kaw. 19:11) Kung mayroon kang ikinagagalit, magpalamig ka muna ng ulo saka ka gumawa ng paraan para malutas iyon. Isinulat ni Pablo: “Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit.” Kung ayaw kang patahimikin ng problema, lutasin iyon nang mahinahon sa angkop na panahon. (Basahin ang Efeso 4:26, 27, .) Kausapin ang iyong kapatid nang deretso pero may kagandahang-loob, sa layuning makipagkasundo.— 31, 32Lev. 19:17; Mat. 18:15.
9. Bakit dapat muna tayong magpalamig ng ulo bago ipakipag-usap ang problema?
9 Siyempre pa, dapat kang pumili ng angkop na panahon. May “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Ecles. 3:1, 7) Bukod diyan, “ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot.” (Kaw. 15:28) Baka kailangan mong maghintay bago ipakipag-usap ang problema. Kung makikipag-usap ka nang mainit pa ang ulo mo, lalo lang lulubha ang sitwasyon; pero hindi rin naman tamang maghintay nang matagal.
Gumaganda ang Samahan Dahil sa mga Gawang May Kagandahang-Loob
10. Paano nakapagpapaganda ng samahan ang mga gawang may kagandahang-loob?
10 Dahil sa magandang pakikipag-usap at pananalitang may kagandahang-loob, nagkakaroon ng mapayapang samahan at napananatili ito. Sa katunayan, ang pagsisikap na mapaganda ang ating pakikipagsamahan sa iba ay magpapaganda rin ng ating komunikasyon sa kanila. Ang pagkukusang gumawa ng mabuti sa iba—paghanap ng pagkakataong makatulong, pagreregalo mula sa puso, pagiging mapagpatuloy—ay magbubukas ng daan para sa kasiya-siyang pag-uusap. ‘Makapagbubunton ka pa nga ng maaapoy na baga’ sa tao para mapakilos siyang magpakita ng magagandang ugali, at sa gayo’y madali nang pag-usapan ang problema.—Roma 12:20, 21.
11. Ano ang ginawa ni Jacob para makipag-ayos kay Esau? Ano ang resulta?
11 Alam ito ng patriyarkang si Jacob. Galít na galít ang kaniyang kakambal na si Esau kung kaya tumakas si Jacob sa takot na patayin siya nito. Pagkalipas ng maraming taon, nagbalik si Jacob. Sasalubungin siya ni Esau kasama ang 400 lalaki. Nanalangin si Jacob kay Jehova na tulungan sana siya. Pagkatapos, nagpadala siya kay Esau ng napakaraming kaloob na hayop. Dahil sa mga kaloob na iyon, lumambot ang puso ni Esau at patakbo nitong niyakap si Jacob.—Gen. 27:41-44; 32:6, 11, 13-15; 33:4, 10.
Magpatibay sa Pamamagitan ng Pananalitang May Kagandahang-Loob
12. Bakit dapat na may kagandahang-loob ang pakikipag-usap natin sa ating mga kapatid?
12 Sa Diyos naglilingkod ang mga Kristiyano, hindi sa tao. Pero natural lang na gusto rin nating makuha ang pagsang-ayon ng iba. Gumagaan ang dalahin ng ating mga kapatid dahil sa ating mga salitang may kagandahang-loob. Pero ang sobrang pamimintas ay lalong nagpapabigat sa mga dalahing iyon. Baka nga isipin pa ng ilan na hindi na sila sinasang-ayunan ni Jehova. Kaya taimtim tayong magpatibay sa pamamagitan ng “anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibahagi nito ang kaayaaya sa mga nakikinig.”—Efe. 4:29.
13. Ano ang dapat tandaan ng mga elder (a) kapag nagpapayo? (b) kapag gumagawa ng liham?
13 Ang mga elder, lalo na, ang dapat na maging “banayad” at makitungo nang magiliw sa kawan. (1 Tes. 2:7, 8) Kapag kailangang magpayo ng mga elder, ginagawa nila ito “nang may kahinahunan,” kahit ang kausap nila ay “hindi nakahilig sa mabuti.” (2 Tim. 2:24, 25) Dapat ding magpakita ng kagandahang-loob ang mga elder kapag gumagawa ng liham para sa ibang lupon ng matatanda o sa tanggapang pansangay. Dapat silang maging mabait at mataktika, kaayon ng mababasa natin sa Mateo 7:12.
Pagsasalita Nang May Kagandahang-Loob sa mga Kapamilya
14. Ano ang ipinayo ni Pablo sa mga asawang lalaki, at bakit?
14 Madalas na wala sa isip natin kung gaano kalaki ang epekto sa iba ng ating pananalita, ekspresyon ng mukha, at pagkilos. Halimbawa, baka hindi lubusang alam ng ilang lalaki kung gaano kalaki ang epekto sa mga babae ng kanilang pananalita. Sinabi ng isang sister, “Nerbiyos na nerbiyos ako kapag pinagtataasan ako ng boses ng asawa ko.” Ang masasakit na salita ay posibleng may mas malaking epekto sa babae kaysa sa lalaki, at baka hindi na niya ito malimutan. (Luc. 2:19) Lalo nang totoo ito kung ang nagsabi ay minamahal at nirerespeto niya. Pinayuhan ni Pablo ang mga asawang lalaki: “Patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae at huwag kayong magalit sa kanila nang may kapaitan.”—Col. 3:19.
15. Ilarawan kung bakit dapat maging banayad ang pakikitungo ng lalaki sa kaniyang asawa.
15 Kaugnay nito, inilarawan ng isang may-asawang brother kung bakit dapat pakitunguhan ng lalaki ang kaniyang asawa nang banayad, gaya ng “isang mas mahinang sisidlan.” “Sa paghawak ng isang mamahalin at babasaging plorera, huwag masyadong mahigpit dahil puwede itong mabasag. Idikit mo man ito, kita pa rin ang lamat,” ang sabi niya. “Kung masakit magsalita ang lalaki, baka damdamín ito ng asawa niya. Puwede itong maging permanenteng lamat sa kanilang pagsasama.”—Basahin ang 1 Pedro 3:7.
16. Paano mapapatibay ng asawang babae ang kaniyang pamilya?
16 Ang mga lalaki rin ay puwedeng mapatibay o masiraan ng loob dahil sa sinasabi ng iba, pati na ng kanilang asawa. “Ang pantas na asawang babae,” na ‘pinagtitiwalaan’ ng kaniyang asawa ay makonsiderasyon sa damdamin nito, kung paanong gusto niyang maging makonsiderasyon din sa kaniya ang kaniyang asawa. (Kaw. 19:14; 31:11) Ang asawang babae ay puwedeng maging malaking impluwensiya sa pamilya, sa ikabubuti o ikasasama. “Ang babaing tunay na marunong ay nagpapatibay ng kaniyang bahay, ngunit ginigiba iyon ng mangmang ng sarili niyang mga kamay.”—Kaw. 14:1.
17. (a) Paano dapat makipag-usap ang mga kabataan sa kanilang mga magulang? (b) Paano dapat makipag-usap sa mga kabataan ang mga nakatatanda, at bakit?
17 Ang mga magulang at mga anak ay dapat ding magsalita sa isa’t isa nang may kagandahang-loob. (Mat. 15:4) Kapag nakikipag-usap sa mga kabataan, makatutulong kung isasaalang-alang natin ang kanilang damdamin para hindi sila ‘mayamot’ o ‘mapukaw sa galit.’ (Col. 3:21; Efe. 6:4, tlb. sa Reference Bible) Kung didisiplinahin man ang mga bata, dapat silang kausapin sa magalang na paraan. Kapag ganito ang pakikitungo sa kanila ng mga magulang at mga elder, magiging madali para sa mga kabataan na ituwid ang kanilang landas at mapanatili ang kaugnayan nila sa Diyos. Talagang mas mabuti ito kaysa sa madama nilang suko na tayo sa kanila at sa gayo’y isipin nilang wala na silang pag-asa. Maaaring hindi matandaan ng mga kabataan ang lahat ng ipinayo sa kanila, pero matatandaan nila kung paano sila kinausap.
Magsalita ng Mabubuting Bagay Mula sa Puso
18. Paano natin maaalis sa ating isip at puso ang galit?
18 Kapag galít, hindi ka puwedeng basta magkunwang kalmado. Hindi sapat na basta pigilin lang ang galit. Nakaka-stress magkunwang kalmado gayong kumukulo naman ang dugo mo. Para itong pagtapak sa preno at silinyador nang sabay. Mahihirapan ang makina at masisira ang sasakyan. Kaya huwag kang magkimkim ng galit na ilalabas mo rin naman kapag hindi mo na nakayanan. Ipanalangin kay Jehova na alisin sana ang galit sa dibdib mo. Hayaan mong baguhin ng espiritu ni Jehova ang iyong isip at puso ayon sa kalooban niya.—Basahin ang Roma 12:2; Efeso 4:23, 24.
19. Ano ang magagawa natin para maiwasan ang away?
19 Gumawa ng paraan. Kung tensiyonado na ang sitwasyon at nararamdaman mong para ka nang sasabog, makabubuting umalis na lang at magpalamig muna. (Kaw. 17:14) Kung galít na ang kausap mo, sikaping magsalita nang may kagandahang-loob. Tandaan: “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit, ngunit ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.” (Kaw. 15:1) Ang masakit o palabang sagot ay magpapalaki lang ng sunog kahit malumanay pa ang pagkakasabi. (Kaw. 26:21) Kaya kapag nasusubok na ang pagpipigil mo sa sarili, maging “mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” Manalangin kay Jehova na tulungan ka sana ng kaniyang espiritu na makapagsalita ng mabubuting bagay, sa halip na masasama.—Sant. 1:19.
Magpatawad Mula sa Puso
20, 21. Ano ang makakatulong para mapatawad natin ang iba? Bakit tayo dapat magpatawad?
20 Nakalulungkot, walang isa man sa atin ang ganap na makakakontrol ng dila. (Sant. 3:2) Kahit anong ingat, makapagsasalita pa rin nang masakit maging ang ating mga kapamilya at mahal na mga kapatid sa kongregasyon. Sa halip na maghinanakit agad, pag-isipan munang mabuti kung bakit nila nasabi iyon. (Basahin ang Eclesiastes 7:8, 9.) Sila ba’y nai-stress, takót, masama ang pakiramdam, o may problema?
21 Hindi naman puwedeng idahilan ang mga ito sa paglalabas ng galit. Pero kung isasaalang-alang natin ang mga ito, mauunawaan natin kung bakit ang mga tao kung minsan ay nakapagsasalita o nakagagawa ng di-maganda at mauudyukan tayo nitong magpatawad. Tayong lahat ay nakapagsasalita at nakagagawa ng mga bagay na nakakasakit sa iba, at gusto nating patawarin nila tayo. (Ecles. 7:21, 22) Sinabi ni Jesus na para patawarin tayo ng Diyos, dapat muna tayong magpatawad sa iba. (Mat. 6:14, 15; 18:21, 22, 35) Kaya dapat tayong maging mabilis humingi ng tawad at mabilis magpatawad, para mapanatili ang pag-ibig—ang “sakdal na bigkis ng pagkakaisa”—sa loob ng pamilya at ng kongregasyon.—Col. 3:14.
22. Bakit sulit na sulit ang pagsisikap nating magsalita nang may kagandahang-loob?
22 Habang papalapít na ang wakas ng magagaliting sistemang ito, lalong nagiging mahirap panatilihin ang ating kagalakan at pagkakaisa. Kung ikakapit natin ang praktikal na mga simulain sa Salita ng Diyos, magagamit natin ang ating dila sa mabuti, hindi sa masama. Magiging payapa ang ating pamilya at ang kongregasyon, at ang ating halimbawa ay magsisilbing isang malaking patotoo sa iba tungkol sa ating “maligayang Diyos,” si Jehova.—1 Tim. 1:11.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Bakit importanteng pumili ng angkop na panahon para pag-usapan ang problema?
• Bakit dapat na laging “may kagandahang-loob” ang pag-uusap ng pamilya?
• Paano natin maiiwasang makapagsalita nang masakit?
• Ano ang makakatulong sa atin na maging mapagpatawad?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 21]
Magpalamig muna ng ulo, at saka humanap ng angkop na panahon para makipag-usap
[Larawan sa pahina 23]
Dapat na laging banayad ang lalaki kapag nakikipag-usap sa kaniyang asawa