Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ligtas Ka sa Bayan ng Diyos

Ligtas Ka sa Bayan ng Diyos

Ligtas Ka sa Bayan ng Diyos

“Dadakilain kita sa malaking kongregasyon.”​—AWIT 35:18.

1-3. (a) Ano ang maaaring magsapanganib sa espirituwalidad ng ilang Kristiyano? (b) Saan puwedeng manganlong ang bayan ng Diyos?

HABANG nasa bakasyon, si Joe at ang kaniyang asawa ay nag-snorkeling para makakita ng sari-saring isda na iba’t iba ang kulay at laki. Lumangoy pa sila sa malayu-layô para makita ang magagandang korales sa ilalim. Nang makarating sila sa isang napakalalim na lugar, sinabi ng asawa ni Joe: “Mukhang napapalayo na tayo ah.” “Relaks ka lang,” ang sagot ni Joe. “Alam ko’ng ginagawa ko.” Pero biglang nagtaka si Joe, ‘Bakit walang mga isda rito?’ Kinilabutan siya nang malaman niya kung bakit. Mula sa ilalim, biglang lumitaw ang isang pating na papalapit sa kaniya. Wala siyang kalaban-laban. Nang mga isang metro na lang ang layo ng pating, bigla itong nag-iba ng direksiyon at naglaho.

2 Ang isang Kristiyano ay maaaring wiling-wili sa mga atraksiyon ng sistema ng mga bagay ni Satanas​—libangan, trabaho, pag-aari​—anupat hindi na niya namamalayang palalim na siya nang palalim sa mapanganib na tubig. “Dahil sa karanasang iyon, napag-isip-isip ko kung sino ang lagi naming nakakasama,” ang sabi ni Joe, na isang elder. “Lumangoy kung saan ligtas at kasiya-siya​—sa kongregasyon!” Huwag lumangoy sa malalim dahil baka mapahiwalay ka sa mga kapatid at manganib. Kung sakaling mapapunta ka roon, bumalik agad sa ‘ligtas na lugar.’ Kung hindi, baka manganib ang espirituwalidad mo.

3 Sa ngayon, ang daigdig ay isang mapanganib na lugar para sa mga Kristiyano. (2 Tim. 3:1-5) Alam ni Satanas na biláng na ang mga araw niya, at handa niyang silain ang mga nagpapabaya. (1 Ped. 5:8; Apoc. 12:12, 17) Pero may proteksiyon tayo. Pinaglaanan tayo ni Jehova ng isang ligtas na kanlungan​—ang kongregasyong Kristiyano.

4, 5. Ano ang nadarama ng marami tungkol sa kanilang kinabukasan, at bakit?

4 Limitado lang ang seguridad na maibibigay ng lipunan​—sa pisikal man o emosyonal. Iniisip ng marami na nanganganib ang kanilang kaligtasan dahil sa krimen, karahasan, mataas na bilihin, at maging sa pagkasira ng kapaligiran. Ang lahat ay tumatanda at nagkakasakit. Ang iba nga ay malulusog, may trabaho, tahanan, at sapat na kita, pero hindi naman nila alam kung hanggang kailan ito tatagal.

5 Mailap din ang emosyonal na seguridad para sa marami. Nakalulungkot, bigo ang napakaraming umaasang magiging panatag sila at masaya kapag nag-asawa at nagkapamilya. Pagdating naman sa espirituwal, maraming palasimba ang naguguluhan at nalilito, anupat nag-aalinlangan sa patnubay na tinatanggap nila​—lalo na nga’t nakikita nila ang kuwestiyunableng paggawi at di-makakasulatang mga turo ng kanilang mga lider ng relihiyon. Dahil dito, iniisip ng marami na ang pag-asa na lang nila ay ang siyensiya o ang kabaitan at karunungan ng kanilang kapuwa. Hindi nga kataka-takang matakot ang mga tao o ayaw nang masyadong mag-isip tungkol sa kanilang kinabukasan.

6, 7. (a) Bakit magkaiba ang pananaw ng mga lingkod ng Diyos at ng mga hindi lingkod ng Diyos? (b) Ano ang ating isasaalang-alang?

6 Magkaibang-magkaiba ang pananaw ng mga kabilang sa kongregasyong Kristiyano at ng mga hindi kabilang dito! Bagaman nararanasan din nating mga Saksi ni Jehova ang karamihan sa mga problemang dinaranas ng ating kapuwa, ibang-iba naman ang ating reaksiyon. (Basahin ang Isaias 65:13, 14; Malakias 3:18.) Bakit? Dahil malinaw na ipinaliliwanag sa Bibliya kung bakit ganito ang kalagayan ng mga tao, at nakahanda tayong harapin ang mga hamon at problema sa buhay. Kaya naman hindi tayo masyadong nababahala sa kinabukasan. Dahil sumasamba tayo kay Jehova, protektado tayo mula sa pilipit at di-makakasulatang mga pangangatuwiran, imoralidad, at sa mga resulta nito. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga kabilang lamang sa kongregasyong Kristiyano ang nakadarama ng tunay na kapanatagan.​—Isa. 48:17, 18; Fil. 4:6, 7.

7 Makakatulong ang ilang halimbawa para mapag-isipan natin ang seguridad na tanging mga lingkod lang ni Jehova ang nakakaranas. Mauudyukan tayo ng mga halimbawang ito na suriin ang ating pangangatuwiran at gawain at isaalang-alang kung higit pa nating maikakapit ang payo ng Diyos, na sadyang inilaan para sa ating kaligtasan.​—Isa. 30:21.

“Ang Aking mga Paa ay Muntik Nang Mapaliko”

8. Ano ang dapat na laging gawin ng mga lingkod ni Jehova?

8 Mula’t sapol sa kasaysayan ng tao, iniiwasan na ng mga naglilingkod at sumusunod kay Jehova na maging malapít sa mga hindi sumasamba sa Kaniya. Oo, ipinahiwatig ni Jehova na magkakaroon ng alitan sa pagitan ng kaniyang mga mananamba at ng mga sumusunod kay Satanas. (Gen. 3:15) Dahil sa kanilang paninindigan sa mga simulain ng Bibliya, naiiba ang paggawi ng mga lingkod ng Diyos kumpara sa mga nasa sanlibutan. (Juan 17:15, 16; 1 Juan 2:15-17) Pero hindi ito laging madali. Sa katunayan, may ilang lingkod ni Jehova na minsa’y nag-alinlangan din kung sulit nga bang magsakripisyo.

9. Ano ang gumugulo sa isip ng manunulat ng Awit 73?

9 Ang isa sa mga lingkod ni Jehova na nag-alinlangan kung tama nga ang naging pasiya niya ay ang manunulat ng Awit 73, na malamang na isa sa mga inapo ni Asap. Nagtataka ang salmista kung bakit ang masasama ay parang laging matagumpay, maligaya, at masagana, samantalang ang ilang nagsisikap na maglingkod sa Diyos ay dumaranas naman ng mga pagsubok at paghihirap.​—Basahin ang Awit 73:1-13.

10. Bakit mahalaga sa iyo ang mga isyung ibinangon ng salmista?

10 Nag-aalinlangan ka rin ba kung minsan gaya ng salmista? Kung oo, huwag kang masyadong makonsiyensiya o mag-isip na nawawalan ka na ng pananampalataya. Ang totoo, naisip din iyan ng ilang lingkod ni Jehova, pati na ng ilang ginamit Niya para sumulat ng Bibliya. (Job 21:7-13; Awit 37:1; Jer. 12:1; Hab. 1:1-4, 13) Oo, ang lahat ng gustong maglingkod kay Jehova ay dapat mag-isip na mabuti at tanggapin ang sagot sa tanong na ito: Ang paglilingkod ba at pagsunod sa Diyos ang pinakamainam na bagay na dapat gawin? May napakahalagang kaugnayan ito sa pansansinukob na isyu tungkol sa soberanya ng Diyos na ibinangon ni Satanas sa hardin ng Eden. (Gen. 3:4, 5) Kaya makabubuti para sa ating lahat na isaalang-alang ang mga bagay na ibinangon ng salmista. Dapat ba tayong mainggit sa mga hambog na parang walang mga problema? Dapat ba tayong ‘lumiko’ mula sa paglilingkod kay Jehova at tularan sila? Aba, iyan mismo ang gusto ni Satanas na gawin natin.

11, 12. (a) Paano naalis ang pag-aalinlangan ng salmista? Ano ang itinuturo nito sa atin? (b) Ano ang nakatulong sa iyo para maisip din ang gaya ng naisip ng salmista?

11 Ano ang nakatulong para maalis ang pag-aalinlangan ng salmista? Bagaman inamin niyang muntik na siyang lumiko mula sa katuwiran, nagbago ang pangmalas niya nang pumasok siya sa “maringal na santuwaryo ng Diyos”​—samakatuwid nga, nang makisama siya sa mga lingkod ng Diyos sa tabernakulo o templo at mapag-isipan ang layunin ng Diyos. Naging maliwanag na ngayon sa salmista na ayaw niyang sapitin ang kahihinatnan ng masasama. Nakita niyang sila’y nasa “madulas na dako.” Lahat ng humihiwalay kay Jehova, ayon sa salmista, ay sasapit sa “biglaang kakilabutan,” samantalang ang mga naglilingkod kay Jehova ay aalalayan Niya. (Basahin ang Awit 73:16-19, 27, 28.) Tiyak na nakita mong totoo ang pananalitang iyan. Ang pamumuhay nang sarili lang ang iniisip at hiwalay sa kautusan ng Diyos ay waring kaakit-akit sa marami, pero walang makakatakas sa masasamang ibubunga nito.​—Gal. 6:7-9.

12 Ano pa ang matututuhan natin sa karanasan ng salmista? Nakasumpong siya ng seguridad at karunungan sa bayan ng Diyos. Nang magpunta siya sa dako ng pagsamba kay Jehova, nakapag-isip-isip siya at naliwanagan. Sa ngayon, makakasumpong din tayo ng marurunong na tagapayo at makikinabang sa pagkaing espirituwal sa mga pulong sa kongregasyon. Kaya may magandang dahilan si Jehova nang sabihin niya sa kaniyang mga lingkod na dumalo sa mga pulong. Mapapatibay sila roon at mauudyukang kumilos nang may karunungan.​—Isa. 32:1, 2; Heb. 10:24, 25.

Maging Marunong sa Pagpili ng Kasama

13-15. (a) Ano ang nangyari kay Dina? Ano ang itinuturo nito sa atin? (b) Bakit proteksiyon sa atin ang pakikipagkaibigan sa mga kapuwa Kristiyano?

13 Ang anak ni Jacob na si Dina ay napahamak dahil sa pakikisama sa mga tagasanlibutan. Ayon sa ulat ng Genesis, nakaugalian na niyang makisama sa mga kabataang babaing Canaanita sa lugar nila. Di-gaya ng mga mananamba ni Jehova, walang mataas na pamantayang moral ang mga Canaanita. Makikita sa natuklasan ng mga arkeologo na dahil sa paraan ng pamumuhay nila, ang kanilang lupain ay napuno ng idolatriya, imoralidad, kasuklam-suklam na pagsamba sa sekso, at karahasan. (Ex. 23:23; Lev. 18:2-25; Deut. 18:9-12) Alalahanin natin ang ibinunga ng pakikisama ni Dina sa mga taong ito.

14 Nakita ni Sikem, “ang pinakamarangal sa buong sambahayan ng kaniyang ama,” si Dina “at pagkatapos ay kinuha siya at sinipingan siya at hinalay siya.” (Gen. 34:1, 2, 19) Napakasaklap nga! Walang-wala naman marahil sa isip ni Dina na mangyayari ito sa kaniya. Baka naman gusto lang niyang makipagkaibigan sa mga kabataan doon, na sa tingin niya’y hindi naman gagawa ng masama. Pero laking pagkakamali ni Dina.

15 Ano ang itinuturo nito sa atin? Na sa pakikipagkaibigan sa mga di-kapananampalataya, hindi tayo makakatiyak na walang masamang mangyayari sa atin. Sinasabi ng Kasulatan na “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Cor. 15:33) Sa kabilang dako naman, proteksiyon sa iyo ang pakikipagkaibigan sa mga taong kapareho mo ng paniniwala at pamantayang moral, at katulad mo ring umiibig kay Jehova. Mapapatibay ka ng gayong mga kaibigan na gumawi nang may karunungan.​—Kaw. 13:20.

“Hinugasan Na Kayong Malinis”

16. Ano ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa ilang miyembro ng kongregasyon sa Corinto?

16 Natulungan na ng kongregasyong Kristiyano ang maraming indibiduwal na linisin ang kanilang sarili mula sa maruruming gawain. Nang isulat ni apostol Pablo ang una niyang liham sa kongregasyon sa Corinto, binanggit niya ang mga pagbabagong ginawa ng mga Kristiyano roon para makasunod sa mga pamantayan ng Diyos. Ang ilan ay dating mapakiapid, mananamba sa idolo, mangangalunya, homoseksuwal, magnanakaw, lasenggo, at iba pa. “Ngunit hinugasan na kayong malinis,” ang sabi ni Pablo sa kanila.​—Basahin ang 1 Corinto 6:9-11.

17. Paano binago ng mga pamantayan sa Bibliya ang buhay ng marami?

17 Ang mga taong walang pananampalataya ay walang sinusunod na mga simulain. Ginagawa nila kung ano ang gusto nila, o nagpapadala na lang sa imoral na mga gawain, gaya ng ginawa ng ilan noon sa Corinto bago sila naging mánanampalatayá. (Efe. 4:14) Pero ang tumpak na kaalaman sa Salita at layunin ng Diyos ay may kakayahang bumago sa buhay ng lahat ng nagkakapit ng Kasulatan. (Col. 3:5-10; Heb. 4:12) Maraming kapatid sa kongregasyong Kristiyano sa ngayon ang makapagsasabi na noong hindi pa nila natututuhan at naikakapit ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova, ginagawa nila ang lahat ng gusto nila. Pero hindi pa rin sila maligaya. Nakadama lang sila ng kapanatagan nang makisama na sila sa bayan ng Diyos at mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya.

18. Ano ang naranasan ng isang sister? Ano ang pinatutunayan nito?

18 Sa kabaligtaran naman, ang ilan na nagpasiyang umalis sa ‘ligtas na lugar’ ng kongregasyong Kristiyano ay sising-sisi sa kanilang ginawa. Ayon sa sister na si Tanya, * bata pa siya’y alam na niya ang katotohanan. Pero pag-edad niya ng 16, iniwan niya ang kongregasyon para “magpakasasa sa mga pang-akit ng sanlibutan.” Ang resulta? Nabuntis siya at ipinalaglag ito. Ganito ang sabi niya ngayon: “Ang tatlong taon ko sa labas ng kongregasyon ay nag-iwan ng permanente at malalalim na pilat sa aking damdamin. Ang isang bagay na hindi magpatahimik sa aking budhi ay ang pagpatay ko sa aking ipinagbubuntis na anak. . . . Gusto kong sabihin sa lahat ng kabataang nangangarap ‘matikman’ ang sanlibutan kahit saglit lang: ‘Huwag!’ Masarap nga ito sa umpisa, pero nag-iiwan naman ng napakapait na lasa. Walang ibang maidudulot ang sanlibutan kundi puro kapighatian. Alam ko. Natikman ko na ’yon. Huwag kang aalis sa organisasyon ni Jehova! Dito ka lang magiging tunay na maligaya.”

19, 20. Anong proteksiyon ang maibibigay ng kongregasyong Kristiyano?

19 Ano na lang ang mangyayari sa iyo kung iiwan mo ang ligtas na dako ng kongregasyong Kristiyano? Ni ayaw man lang itong isipin ng marami na walang direksiyon ang buhay bago natuto ng katotohanan. (Juan 6:68, 69) Mananatili kang panatag at ligtas mula sa mga kapighatiang laganap sa sanlibutan ni Satanas kung hindi ka lalayo sa mga kapatid sa kongregasyon. Ang pakikisama sa kanila at regular na pagdalo sa mga pulong ay patuloy na magpapaalaala sa iyo na isang katalinuhang sundin ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova at magpapatibay sa iyo na mamuhay ayon dito. Maraming dahilan para ‘dakilain mo si Jehova sa malaking kongregasyon,’ gaya ng ginawa ng salmista.​—Awit 35:18.

20 Siyempre pa, may mga pagkakataong waring napakahirap para sa mga Kristiyano na manatiling tapat. Baka naman kailangan lang na may magturo sa kanila ng tamang direksiyon. Ano ang puwede mong gawin​—pati na ng buong kongregasyon​—para maalalayan ang mga kapananampalataya sa gayong mga pagkakataon? Susuriin sa susunod na artikulo kung paano mo ‘patuloy na aaliwin at patitibayin’ ang iyong mga kapatid.​—1 Tes. 5:11.

[Talababa]

^ par. 18 Binago ang pangalan.

Paano Mo Sasagutin?

• Ano ang matututuhan natin sa karanasan ng manunulat ng Awit 73?

• Ano ang itinuturo sa atin ng nangyari kay Dina?

• Bakit masasabing ligtas ka sa kongregasyong Kristiyano?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 7]

Lumangoy sa ligtas na lugar; huwag lumayo sa kongregasyon!