Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maginhawahan sa Espirituwal na mga Bagay

Maginhawahan sa Espirituwal na mga Bagay

Maginhawahan sa Espirituwal na mga Bagay

“Pasanin ninyo ang aking pamatok . . . , at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.”​—MAT. 11:29.

1. Ano ang isinaayos ng Diyos sa Bundok Sinai, at bakit?

NANG pasinayaan ang tipang Kautusan sa Bundok Sinai, inilakip dito ang kaayusan sa pangingilin ng lingguhang Sabbath. Sa pamamagitan ni Moises, inutusan ni Jehova ang bansang Israel: “Anim na araw mong gagawin ang iyong gawain; ngunit sa ikapitong araw ay hihinto ka, upang ang iyong toro at ang iyong asno ay makapagpahinga at ang anak ng iyong aliping babae at ang naninirahang dayuhan ay maginhawahan.” (Ex. 23:12) Oo, alang-alang sa mga nasa ilalim ng Kautusan, maibiging nagsaayos si Jehova ng isang araw na pahinga para “maginhawahan” ang kaniyang bayan.

2. Paano nakinabang ang Israel sa pangingilin ng Sabbath?

2 Para lang ba sa pagrerelaks ang Sabbath? Hindi, napakahalagang bahagi ito ng pagsamba ng mga Israelita kay Jehova. Sa pangingilin ng Sabbath, may pagkakataon ang mga ulo ng pamilya na turuan ang kanilang sambahayan na ‘ingatan ang daan ni Jehova at isagawa ang katuwiran.’ (Gen. 18:19) May pagkakataon din ang magkakapamilya at magkakaibigan na magsama-sama para pag-usapan ang mga gawa ni Jehova at masiyahan sa pakikihalubilo sa isa’t isa. (Isa. 58:13, 14) Higit sa lahat, ipinakikita ng Sabbath na darating ang panahon, matutupad ang hula tungkol sa pagkakaroon ng tunay na kaginhawahan sa Milenyong Paghahari ni Kristo. (Roma 8:21) Kumusta naman sa ngayon? Saan at paano makakasumpong ng kaginhawahan ang mga tunay na Kristiyanong gustong lumakad sa mga daan ni Jehova?

Maginhawahan sa Pakikihalubilo sa mga Kapuwa Kristiyano

3. Paano nagtulungan ang mga Kristiyano noong unang siglo? Ano ang resulta?

3 Inilarawan ni apostol Pablo ang kongregasyong Kristiyano bilang “haligi at suhay ng katotohanan.” (1 Tim. 3:15) Malaking tulong sa unang mga Kristiyano ang kanilang maibiging pagpapatibayan. (Efe. 4:11, 12, 16) Habang nasa Efeso, si Pablo ay dinalaw at pinatibay ng mga kapatid sa kongregasyon sa Corinto. Pansinin ang epekto nito: “Ako ay nagsasaya sa pagkanaririto nina Estefanas at Fortunato at Acaico,” ang sabi ni Pablo, “sapagkat pinaginhawa nila ang aking espiritu.” (1 Cor. 16:17, 18) Gayundin, nang pumunta si Tito sa Corinto para maglingkod sa mga kapatid doon, sinulatan ni Pablo ang kongregasyon: “Ang kaniyang espiritu ay pinaginhawa ninyong lahat.” (2 Cor. 7:13) Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay nakakasumpong din ng tunay na kaginhawahan sa nakapagpapatibay na pakikipagsamahan sa mga kapatid sa kongregasyon.

4. Paano tayo napagiginhawa ng mga pulong ng kongregasyon?

4 Napatunayan mo nang talagang nagdudulot ng malaking kagalakan ang mga pulong ng kongregasyon. Doon nagkakaroon ng ‘pagpapalitan ng pampatibay-loob ang bawat isa sa pamamagitan ng pananampalataya ng iba.’ (Roma 1:12) Hindi lang natin basta kakilala o kabatian ang mga kapatid sa kongregasyon. Sila’y tunay na mga kaibigan, mga taong iniibig at nirerespeto natin. Tuwang-tuwa tayo at naaaliw kapag regular tayong dumadalo sa mga pulong at nakakasama sila.​—Flm. 7.

5. Paano natin mapagiginhawa ang isa’t isa sa mga kombensiyon at asamblea?

5 Nakagiginhawa rin ang ating taunang mga kombensiyon at asamblea. Bukod sa napaglalaanan tayo ng nagbibigay-buhay na tubig ng katotohanan mula sa Bibliya, pagkakataon din ito para ‘palawakin’ ang ating pakikipagsamahan. (2 Cor. 6:12, 13) Pero paano kung mahiyain tayo at hindi marunong humarap sa tao? Ang isang paraan para makilala ang ating mga kapatid ay ang pagboboluntaryo sa kombensiyon. Matapos magboluntaryo sa isang internasyonal na kombensiyon, sinabi ng isang sister: “Wala akong masyadong kakilala doon, pamilya’t ilang kaibigan lang. Pero nang magboluntaryo ako sa paglilinis, marami akong nakilalang kapatid! Ang saya-saya!”

6. Ano ang isang paraan para maging nakagiginhawa ang ating bakasyon?

6 Tatlong ulit sa isang taon, sa panahon ng kapistahan, naglalakbay ang mga Israelita papuntang Jerusalem para sumamba. (Ex. 34:23) Iniiwan ng marami ang kanilang bukid at tindahan, at ilang araw na naglalakad sa maalikabok na mga lansangan. Pero pagdating nila sa templo at makita ang mga ‘naghahandog ng papuri kay Jehova,’ nakadama sila ng “malaking pagsasaya.” (2 Cro. 30:21) Sa ngayon, maraming lingkod ni Jehova ang may malaki ring pagsasaya kapag pumapasyal sa Bethel, ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Ano kaya kung pumasyal din kayo roon sa susunod na bakasyon ng inyong pamilya?

7. (a) Paano magiging kapaki-pakinabang ang pagsasalu-salo? (b) Paano magiging kasiya-siya at nakapagpapatibay ang salu-salo?

7 Nakapagpapatibay rin ang pagsasalu-salo ng magkakapamilya at magkakaibigan. Sinabi ng matalinong haring si Solomon: “Sa tao ay wala nang mas mabuti kundi ang kumain siya at uminom nga at magdulot ng kabutihan sa kaniyang kaluluwa dahil sa kaniyang pagpapagal.” (Ecles. 2:24) Bukod sa nagpapaginhawa ng kaluluwa, ang pagsasalu-salo ay nagpapatibay rin ng bigkis ng ating pag-ibig habang lalo nating nakikilala ang ating mga kapuwa Kristiyano. Para maging kasiya-siya at nakapagpapatibay ang salu-salo, mas maganda kung maliit lang ang grupo at napapangasiwaan itong mabuti, lalo na kung may alak.

Maginhawahan sa Ministeryo

8, 9. (a) Ano ang pagkakaiba ng mensahe ni Jesus at ng mga eskriba at Pariseo? (b) Paano tayo nakikinabang sa pagsasabi sa iba ng mga katotohanan mula sa Bibliya?

8 Masigasig si Jesus sa ministeryo, at pinasigla niya ang kaniyang mga alagad na maging masigasig din. Makikita ito sa mga sinabi niya: “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Mat. 9:37, 38) Talagang nakagiginhawa ang mensaheng itinuro ni Jesus; ‘mabuting balita’ ito. (Mat. 4:23; 24:14) Ibang-iba ito sa mabibigat na tuntuning ipinapapasan ng mga Pariseo sa mga tao.​—Basahin ang Mateo 23:4, 23, 24.

9 Kapag sinasabi natin sa iba ang mensahe ng Kaharian, pinagiginhawa natin sila sa espirituwal, at kasabay nito, naikikintal sa ating puso’t isip ang mahahalagang katotohanan mula sa Bibliya. Tama ang sinabi ng salmista: “Purihin ninyo si Jah, sapagkat mabuti ang umawit sa ating Diyos; sapagkat kaiga-igaya [ito].” (Awit 147:1) Puwede mo bang pag-ibayuhin ang iyong pagpuri kay Jehova sa ministeryo para magkaroon ka ng higit na kagalakan?

10. Sukatán ba ng tagumpay ang pagtugon ng mga tao sa ating mensahe? Ipaliwanag.

10 Sa ilang teritoryo, maganda ang pagtanggap ng mga tao sa mabuting balita ng Kaharian. (Basahin ang Gawa 18:1, 5-8.) Pero kung kakaunti lang ang tumutugon sa inyong lugar, pagtuunan ng pansin ang mabubuting bagay na nagagawa mo sa ministeryo. Tandaan na ang iyong walang-sawang pagsisikap na ihayag ang pangalan ni Jehova ay hindi nawawalan ng kabuluhan. (1 Cor. 15:58) Bukod diyan, hindi sukatán ng tagumpay ang pagtugon ng mga tao sa mabuting balita. Makapagtitiwala tayong titiyakin ni Jehova na mapapaabutan ng mensahe ng Kaharian ang mga taong matuwid ang puso.​—Juan 6:44.

Maginhawahan sa Pampamilyang Pagsamba

11. Anong pananagutan ang ibinigay ni Jehova sa mga magulang? Paano nila ito magagampanan?

11 Pananagutan ng mga Kristiyanong magulang na turuan ang kanilang mga anak tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga daan. (Deut. 11:18, 19) Kung isa kang magulang, may iskedyul ka ba ng pagtuturo sa iyong mga anak tungkol sa ating maibiging Ama sa langit? Para magampanan ang mahalagang pananagutang ito at matugunan ang pangangailangan ng iyong pamilya, naglaan si Jehova ng napakaraming nakapagpapalusog na espirituwal na pagkain​—aklat, magasin, video, at audio recording.

12, 13. (a) Paano nakikinabang ang mga pamilya sa gabi ng Pampamilyang Pagsamba? (b) Paano matitiyak ng mga magulang na nakapagpapaginhawa sa espirituwal ang kanilang pampamilyang pagsamba?

12 Hindi lang iyan, nagsaayos din ang uring tapat at maingat na alipin ng gabi ng Pampamilyang Pagsamba. Isang gabi ito na inilaan para sa pampamilyang pag-aaral ng Bibliya linggu-linggo. Maraming pamilya ang nagsasabing nakatulong ang kaayusang ito para lalo silang mapalapít sa isa’t isa at mapatibay ang kanilang kaugnayan kay Jehova. Pero paano matitiyak ng mga magulang na nakapagpapaginhawa sa espirituwal ang kanilang pampamilyang pagsamba?

13 Hindi dapat na nakakaantok at masyadong seryoso ang Pampamilyang Pagsamba. Tutal, ang sinasamba natin ay isang “maligayang Diyos,” at gusto niyang maging masaya tayo sa pagsamba. (1 Tim. 1:11; Fil. 4:4) Isa ngang pagpapala na magkaroon ng ekstrang gabi para pag-usapan ang mahahalagang katotohanan mula sa Bibliya. Puwedeng bagu-baguhin ng mga magulang ang paraan nila ng pagtuturo sa kanilang mga anak, gamit ang imahinasyon at pagkamalikhain. Halimbawa, ang sampung-taóng-gulang na si Brandon ay pinaghanda ng kaniyang mga magulang ng report sa paksang “Bakit Tinutukoy ng Bibliya si Satanas Bilang Ahas?” Noon pa man, gumugulo na sa isip ni Brandon ang tanong na ito dahil mahilig siya sa ahas, at ikinalungkot niyang iniugnay ito kay Satanas. Kung minsan, binubuhay ng ilang pamilya ang mga tauhan sa Bibliya sa kanilang pagbabasa. Halimbawa, ang bawat miyembro ng pamilya ay gumaganap ng isang karakter at binabasa ang kani-kaniyang linya mula sa Bibliya, o kaya naman ay isinasadula nila mismo ang mga eksena. Hindi lang kasiya-siya ang ganitong paraan ng pagtuturo, may partisipasyon din ang mga bata kaya tumatagos sa puso nila ang mga simulain ng Bibliya. *

Iwasan ang mga Bagay na Nakapagpapahina

14, 15. (a) Bakit masasabing sa mga huling araw ay lalong tumitindi ang stress at pagkabahala? (b) Bakit may mga pagkakataong mas tensiyonado tayo?

14 Sa mga huling araw ng masamang sistemang ito, lalong tumitindi ang stress at pagkabahala. Milyun-milyon ang walang trabaho at naghihikahos. May trabaho nga ang iba, pero para naman nilang isinisilid sa butas-butas na bulsa ang suweldo nila, kaya halos wala rin silang maiuwi sa kanilang pamilya. (Ihambing ang Hagai 1:4-6.) Hindi man lang maasahan ang mga lider at pulitiko na masugpo ang terorismo at iba pang kasamaan. Marami ang binabagabag ng sarili nilang mga pagkukulang.​—Awit 38:4.

15 Ang mga tunay na Kristiyano ay apektado rin ng mga problema at panggigipit na dulot ng sistema ng mga bagay ni Satanas. (1 Juan 5:19) May mga pagkakataon pa ngang mas tensiyonado ang mga alagad ni Kristo habang sinisikap nilang manatiling tapat kay Jehova. “Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo,” ang sabi ni Jesus. (Juan 15:20) Pero kahit ‘pinag-uusig, hindi naman tayo iniiwan sa kagipitan.’ (2 Cor. 4:9) Sa anong paraan?

16. Ano ang makakatulong sa atin na makapanatiling maligaya?

16 Sinabi ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo.” (Mat. 11:28) Kung lubos tayong nananampalataya sa pantubos ni Kristo, ipinauubaya natin kay Jehova ang ating sarili. Sa gayo’y nagkakaroon tayo ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Cor. 4:7) “Ang katulong,” ang banal na espiritu ng Diyos, ay nagpapatibay ng ating pananampalataya kung kaya bukod sa nababata natin ang mga pagsubok at kapighatian, nakapananatili pa tayong maligaya.​—Juan 14:26; Sant. 1:2-4.

17, 18. (a) Sa anong espiritu tayo dapat mag-ingat? (b) Ano ang posibleng resulta kung uunahin ang kaluguran?

17 Ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay kailangang mag-ingat sa espiritu ng sanlibutang ito na haling na haling sa kaluguran. (Basahin ang Efeso 2:2-5.) Kung hindi, maaari tayong masilo ng ‘pagnanasa ng laman at ng pagnanasa ng mga mata at ng pagpaparangya ng kabuhayan ng isa.’ (1 Juan 2:16) O baka akalain nating magdudulot ng kaginhawahan ang pagpapadala sa mga pagnanasa ng laman. (Roma 8:6) Halimbawa, may mga nagdodroga at naglalasing, nanonood ng pornograpya, o sumasali sa mapanganib na sports at iba’t ibang bawal na gawain para ma-enjoy raw nila ang buhay. Ang “tusong mga gawa” ni Satanas ay sinadya para pilipitin ang pananaw ng mga tao sa kaginhawahan.​—Efe. 6:11, tlb. sa Reference Bible.

18 Totoo, walang masama sa pagkain, pag-inom, at kapaki-pakinabang na libangan, kung katamtaman lang ito. Pero hindi ito ang pangunahin sa ating buhay. Napakahalaga ng pagiging timbang at ng pagpipigil sa sarili, lalo na sa ngayon. Ang pansariling mga bagay ay posibleng magpahina sa atin hanggang sa tayo’y maging “di-aktibo o di-mabunga may kinalaman sa tumpak na kaalaman sa ating Panginoong Jesu-Kristo.”​—2 Ped. 1:8.

19, 20. Paano masusumpungan ang tunay na kaginhawahan?

19 Kung kaayon ng mga tuntunin ni Jehova ang ating kaisipan, malinaw sa atin na anumang kalugurang iniaalok ng sanlibutang ito ay pansamantala lang. Alam iyan ni Moises, at alam din natin iyan. (Heb. 11:25) Ang tunay na kaginhawahan na nagdudulot ng namamalagi at masidhing kagalakan ay nagmumula sa paggawa ng kalooban ng ating Ama sa langit.​—Mat. 5:6.

20 Patuloy sana tayong maginhawahan sa espirituwal na mga bagay. Sa paggawa nito, ‘itinatakwil natin ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa habang hinihintay ang maligayang pag-asa at maluwalhating pagkakahayag ng dakilang Diyos at ng Tagapagligtas natin, si Kristo Jesus.’ (Tito 2:12, 13) Kaya maging determinado nawa tayo na manatili sa pamatok ni Jesus, anupat nagpapasakop sa kaniyang awtoridad at patnubay. Sa gayon, makakasumpong tayo ng tunay na kaligayahan at kaginhawahan!

[Talababa]

^ par. 13 Para sa karagdagang impormasyon kung paano magiging kasiya-siya at nakapagtuturo ang pampamilyang pag-aaral, tingnan Ang Bantayan, Oktubre 15, 2009, pahina 29-31.

Paano Mo Sasagutin?

• Paano nakakasumpong ng kaginhawahan ang bayan ni Jehova sa ngayon?

• Bakit tayo nagiginhawahan sa ministeryo pati na ang mga taong pinangangaralan natin?

• Paano matitiyak ng mga ulo ng pamilya na nakapagpapaginhawa ang kanilang pampamilyang pagsamba?

• Anong mga bagay ang makapagpapahina ng ating espirituwalidad?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 26]

Kung papasanin natin ang pamatok ni Jesus, marami tayong mapagkukunan ng kaginhawahan