Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Patuloy na Daigin ang Masama’—Kontrolin ang Galit

‘Patuloy na Daigin ang Masama’—Kontrolin ang Galit

‘Patuloy na Daigin ang Masama’​—Kontrolin ang Galit

“Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, . . . kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.”​—ROMA 12:19, 21.

1, 2. Anong magandang halimbawa ang ipinakita ng mga pasaherong Saksi?

ISANG grupo ng 34 na Saksi ni Jehova ang papunta sa pag-aalay ng isang tanggapang pansangay nang maantala ang biyahe nila dahil sa aberya sa sinasakyan nilang eroplano. Gagasolinahan lang sana ito nang isang oras, pero inabot sila ng 44 na oras sa isang liblib na paliparan na walang sapat na pagkain, tubig, o malinis na palikuran. Nagalit ang mga pasahero at pinagbantaan ang staff ng paliparan. Pero kalmado lang ang mga kapatid.

2 Sa wakas, nakarating din ang mga Saksi pero huling bahagi na ng programa ang naabutan nila. Kahit pagod, hindi pa rin sila agad umalis pagkatapos ng programa at nakipagkuwentuhan muna sa mga kapatid doon. Pagkaraan, nabalitaan nilang napansin pala ng iba ang kanilang pagpapasensiya at pagpipigil sa sarili. Isa sa mga pasahero ang nagsabi sa staff ng airline, “Kung ’di dahil sa 34 na pasaherong Kristiyano, nagka-riot na sa airport.”

Nasa Isang Magagaliting Sanlibutan

3, 4. (a) Ano ang naging epekto sa tao ng matinding galit? Gaano katagal na nitong apektado ang tao? (b) Puwede kaya sanang nakontrol ni Cain ang kaniyang galit? Ipaliwanag.

3 Dahil sa mga kaigtingan sa buhay sa kasalukuyang masamang sistemang ito, nagiging mainitin ang ulo ng mga tao. (Ecles. 7:7) Kadalasan nang nauuwi ito sa pagkapoot at karahasan pa nga. Kaya naman nagkakaroon ng mga digmaan sa mga bansa at pag-aaway sa loob ng pamilya. Nangyayari na ito noon pa man. Pinatay ni Cain, panganay nina Adan at Eva, ang kaniyang nakababatang kapatid na si Abel dahil sa inggit at galit. Ginawa ni Cain ang malagim na krimeng ito kahit na hinimok siya ni Jehova na kontrolin ang kaniyang damdamin at pinangakuang pagpapalain kung gagawin niya ito.​—Basahin ang Genesis 4:6-8.

4 Oo nga’t hindi sakdal si Cain, pero nasa kaniya ang pagpapasiya. Puwede naman sana niyang kontrolin ang galit. Kaya dapat lang siyang managot sa ginawa niya. Hindi rin tayo sakdal, kaya mahirap para sa atin na makaiwas sa galit. Nariyan din ang mabibigat na problemang lalong nagpapaigting sa ‘mapanganib na panahong ito.’ (2 Tim. 3:1) Halimbawa, maaari tayong ma-stress dahil sa hirap ng buhay. Ayon sa pulisya at mga organisasyong umaalalay sa pamilya, ang pagbagsak ng ekonomiya ang dahilan ng malimit na pagsilakbo ng galit at pagdami ng kaso ng karahasan sa tahanan.

5, 6. Anong makasanlibutang pangmalas tungkol sa galit ang posibleng makaimpluwensiya sa atin?

5 Bukod diyan, marami sa mga taong nakakasalamuha natin ang ‘maibigin sa sarili,’ “palalo,” at “mabangis” pa nga. Napakadali nating mahawa sa ganitong masasamang ugali at maging magagalitin. (2 Tim. 3:2-5) Sa katunayan, sa mga pelikula at palabas sa TV, kadalasan nang pinalilitaw na isang kagitingan ang paghihiganti, at isang likas at makatuwirang solusyon sa problema ang karahasan. Karaniwan nang inaabangan ng mga mánonoód ang eksenang makakaganti na ang bida sa kontrabida​—kadalasan nang sa marahas na paraan.

6 Ang ganitong mga palabas ay nagtataguyod, hindi ng mga daan ng Diyos, kundi ng “espiritu ng sanlibutan” at ng galít na tagapamahala nito, si Satanas. (1 Cor. 2:12; Efe. 2:2; Apoc. 12:12) Ang espiritung iyon ay nagpapalugod sa di-sakdal na laman at salungat na salungat sa banal na espiritu ng Diyos at sa mga bunga nito. Sa katunayan, isang pangunahing turo ng Kristiyanismo na huwag gumanti kahit ginagalit. (Basahin ang Mateo 5:39, 44, 45.) Kung gayon, paano natin higit na maikakapit ang mga turo ni Jesus?

Mabuti at Masamang Halimbawa

7. Ano ang nangyari nang hindi kinontrol nina Simeon at Levi ang kanilang galit?

7 Sa Bibliya, maraming payo tungkol sa pagkontrol sa galit. May mga halimbawa rin dito ng maaaring mangyari kapag kinontrol o di-kinontrol ang galit. Tingnan natin ang nangyari nang maghiganti ang mga anak ni Jacob na sina Simeon at Levi kay Sikem dahil sa panghahalay nito sa kanilang kapatid na si Dina. “Nasaktan ang kalooban [nila] at sila ay lubhang nagalit.” (Gen. 34:7) Pagkatapos, nilusob ng iba pang anak ni Jacob ang lunsod ni Sikem, dinambong ito, at binihag ang mga babae at bata. Ginawa nila ang lahat ng ito hindi lang dahil kay Dina, kundi dahil din sa labis na kahihiyan. Iniisip nilang isang malaking insulto sa kanilang pamilya ang ginawa ni Sikem. Pero ano naman ang tingin ni Jacob sa ginawa nila?

8. Ano ang ipinakikita ng ulat tungkol kina Simeon at Levi hinggil sa paghihiganti?

8 Siguradong halos madurog ang puso ni Jacob sa nangyari kay Dina; pero hindi siya sang-ayon sa paghihiganti ng kaniyang mga anak. Tinangka pang mangatuwiran nina Simeon at Levi: “Nararapat bang pakitunguhan ng sinuman ang aming kapatid na babae na tulad ng isang patutot?” (Gen. 34:31) Hindi rin natuwa si Jehova sa ginawa nila. Makalipas ang maraming taon, inihula ni Jacob na dahil sa karahasang ginawa nina Simeon at Levi, ang kanilang mga inapo ay mangangalat sa mga tribo ng Israel. (Basahin ang Genesis 49:5-7.) Oo, dahil sa di-kinontrol na galit, naiwala nila ang pagsang-ayon ng Diyos at ng kanilang ama.

9. Kailan muntik nang hindi nakapagpigil si David?

9 Ibang-iba naman si Haring David. Marami sana siyang pagkakataong makaganti, ngunit hindi niya ito ginawa. (1 Sam. 24:3-7) Pero minsan, muntik na siyang hindi nakapagpigil. Pinagsisigawan ng mayamang si Nabal ang mga tauhan ni David, gayong pinroteksiyunan nila noon ang mga kawan at pastol ni Nabal. Malamang na nasaktan si David sa ginawa ni Nabal sa kaniyang mga tauhan, kaya gusto niyang gumanti. Nang papunta na si David at ang kaniyang mga tauhan para salakayin si Nabal at ang kaniyang sambahayan, ikinuwento ng isang kabataang lalaki sa matalinong asawa ni Nabal na si Abigail ang nangyari at hinimok itong umaksiyon. Dali-daling naghanda si Abigail ng maraming regalo at sinalubong si David. Buong-pagpapakumbaba niyang inihingi ng tawad ang masamang iginawi ni Nabal at inantig ang puso ni David yamang alam niyang may takot ito kay Jehova. Nahimasmasan si David at nagsabi: “Pagpalain ka na siyang pumigil sa akin sa araw na ito mula sa pagpasok sa pagkakasala sa dugo.”​—1 Sam. 25:2-35.

Saloobing Kristiyano

10. Ano ang dapat na maging saloobin ng mga Kristiyano sa paghihiganti?

10 Batay sa nangyari kina Simeon at Levi at kina David at Abigail, maliwanag na hindi sang-ayon si Jehova sa mararahas at sa mga hindi makapagpigil ng galit, samantalang pinagpapala naman niya ang mga nakikipagpayapaan. “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao,” isinulat ni apostol Pablo. “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ Kundi, ‘kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya; kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom; sapagkat sa paggawa nito ay magbubunton ka ng maaapoy na baga sa kaniyang ulo.’ Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.”​—Roma 12:18-21. *

11. Paano natutuhan ng isang sister na kontrolin ang galit?

11 Puwede nating ikapit ang payong iyon. Halimbawa, inilapit ng isang sister sa elder ang problema niya sa kaniyang bagong manedyer. Masungit daw ito at hindi makatuwiran. Inis siya rito kaya gusto na niyang magbitiw sa trabaho. Pinayuhan ng elder ang sister na huwag magpadalus-dalos. Nakita niya na ang nagpalala sa sitwasyon ay ang pagkainis ng sister sa di-magandang pakikitungo ng manedyer. (Tito 3:1-3) Sinabi ng elder na makakuha man siya ng ibang trabaho, kailangan pa rin niyang baguhin ang kaniyang reaksiyon sa di-magandang pakikitungo ng iba. Pinayuhan niya ang sister na pakitunguhan ang manedyer sa paraang gusto niyang pakitunguhan siya ng iba, gaya ng itinuro ni Jesus. (Basahin ang Lucas 6:31.) Sumang-ayon ang sister. Ang resulta? Di-nagtagal, bumait ang manedyer, at pinasalamatan pa nga siya sa kaniyang trabaho.

12. Bakit mas masakit kung mga Kristiyano na ang di-nagkakasundo?

12 Hindi na marahil nakapagtataka kung magkaroon man tayo ng ganitong mga problema sa labas ng kongregasyon. Alam nating sa sistemang ito ni Satanas, madalas na may naaagrabyado kung kaya kailangan ang pagtitimpi. (Awit 37:1-11; Ecles. 8:12, 13; 12:13, 14) Pero mas masakit kapag kapatid na sa kongregasyon ang nasasangkot. Sinabi ng isang sister, “Nang maging Saksi ako, napakahirap para sa akin na tanggaping hindi sakdal ang mga lingkod ni Jehova.” Matapos iwan ang sanlibutang salat sa pag-ibig, inaasahan nating maganda ang samahan ng magkakapatid sa kongregasyon. Kaya masakit at nakakagalit kapag ang isang kapatid, lalo na kung may pribilehiyo sa kongregasyon, ay walang konsiderasyon o gumagawi na parang di-Kristiyano. ‘Bakit kaya may ganiyan sa bayan ni Jehova?’ baka maitanong natin. Ang totoo, nangyari din iyan sa mga pinahirang Kristiyano noong panahon ng mga apostol. (Gal. 2:11-14; 5:15; Sant. 3:14, 15) Paano kung tayo na ang apektado?

13. Bakit dapat nating lutasin ang mga di-pagkakasundo? Paano natin ito magagawa?

13 “Natutuhan kong ipanalangin ang mga taong nakakasakit sa akin,” ang sabi ng sister na kababanggit lang. “Lagi itong nakakatulong.” Gaya ng nabasa na natin, tinuruan tayo ni Jesus na ipanalangin ang mga umuusig sa atin. (Mat. 5:44) Lalo nang dapat nating ipanalangin ang ating mga kapatid! Kung paanong gusto ng isang ama na makitang nagmamahalan ang kaniyang mga anak, gusto rin ni Jehova na nagkakasundo ang kaniyang mga lingkod sa lupa. Inaasam nating mamuhay nang magkakasama, payapa, at maligaya magpakailanman, at tinuturuan tayo ni Jehova na gawin ito ngayon pa lang. Gusto niyang magtulungan tayo sa kaniyang dakilang gawain. Kaya lutasin ang mga problema o kaya’y “palampasin” na lang ang pagsalansang at patuloy na magkaisa. (Basahin ang Kawikaan 19:11.) Sa halip na lumayo sa mga kapatid kapag nagkakaproblema, dapat tayong magtulungan na manatili sa bayan ng Diyos​—ligtas sa “walang hanggang mga bisig” ni Jehova.​—Deut. 33:27, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

Maganda ang Resulta Kapag Banayad Tayo sa Lahat

14. Paano natin malalabanan ang masamang impluwensiya ni Satanas?

14 Para mahadlangan ang pagpapalaganap ng mabuting balita, walang tigil si Satanas at ang mga demonyo sa panggugulo sa maliligayang pamilya at mga kongregasyon. Pilit silang naghahasik ng mga pag-aaway dahil alam nilang sisirain nito ang ugnayan ng magkakapatid. (Mat. 12:25) Para malabanan ang kanilang masamang impluwensiya, kailangang sundin natin ang payo ni Pablo: “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad sa lahat.” (2 Tim. 2:24) Tandaan na ang pakikipaglaban natin ay ‘hindi sa dugo at laman, kundi sa balakyot na mga puwersang espiritu.’ Para manalo sa labang ito, kailangang suot natin ang espirituwal na kagayakang pandigma, kasali na ang “panyapak para sa mabuting balita ng kapayapaan.”​—Efe. 6:12-18.

15. Ano ang dapat na maging reaksiyon natin sa pang-uusig ng mga kaaway ni Jehova?

15 Buong-bangis na inuusig ng mga kaaway ni Jehova ang kaniyang mapayapang bayan. Literal na sinasaktan ng ilan sa mga kaaway na ito ang mga Saksi ni Jehova. Ang iba naman ay naninira sa atin sa media o sa korte. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na aasahan na natin ito. (Mat. 5:11, 12) Ano ang dapat na maging reaksiyon natin? Hinding-hindi tayo dapat ‘gumanti ng masama para sa masama,’ sa salita man o sa gawa.​—Roma 12:17; basahin ang 1 Pedro 3:16.

16, 17. Anong problema ang napaharap sa isang kongregasyon?

16 Anuman ang gawin sa atin ng Diyablo, makapagbibigay pa rin tayo ng mainam na patotoo kung ‘dadaigin natin ng mabuti ang masama.’ Halimbawa, isang kongregasyon sa isang isla sa Pasipiko ang umarkila ng bulwagan para sa Memoryal. Nang mabalitaan ito ng mga opisyal ng simbahan doon, sinabihan nila ang kanilang mga miyembro na magtipon sa bulwagang iyon para sa isang misa sa mismong oras ng Memoryal. Pero sinabihan ng hepe ang mga opisyal ng simbahan na dapat ay bakante na ang bulwagan kapag gagamitin na ito ng mga Saksi. Oras na ng Memoryal, pero punung-puno pa rin ang bulwagan at noon pa lang sila magsisimula ng misa.

17 Habang pinaghahandaan ng mga pulis na puwersahang paalisin ang mga tao, nilapitan ng lider ng simbahan ang isang elder at nagtanong: “May espesyal na okasyon ba kayo ngayong gabi?” Binanggit ng elder ang tungkol sa Memoryal, at sumagot ang lalaki: “Ganun? Hindi ko alam!” Sumabad ang pulis: “Di ba’t sinabihan na kita kaninang umaga?” Nakangising sinabi ng lalaki sa elder: “Ano ngayon ang balak mo? Napakarami nang tao rito. Ipapataboy mo ba kami sa mga pulis?” Talagang pinagplanuhan niya ang lahat ng ito para magtinging mang-uusig ang mga Saksi! Ano kaya ang gagawin ng mga kapatid?

18. Ano ang ginawa ng mga kapatid nang tangkaing galitin sila? Ano ang ibinunga nito?

18 Nagmungkahi ang mga Saksi na ituloy ang misa nang kalahating oras, at pagkatapos, sila naman ang magdaraos ng Memoryal. Nag-obertaym ang misa, pero pagkaalis ng mga tao, isinunod naman ang Memoryal. Kinabukasan, ipinatawag ng gobyerno ang isang komite para mag-imbestiga sa nangyari. Matapos ang imbestigasyon, inobliga ng komite ang simbahan na ipaalam sa publiko na ang dahilan ng problema ay hindi ang mga Saksi, kundi ang lider ng simbahan. Pinasalamatan din ng komite ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang pagpapasensiya. Maganda ang ibinunga ng pagsisikap ng mga Saksi na ‘makipagpayapaan sa lahat ng tao.’

19. Paano pa natin mapananatili ang pakikipagpayapaan sa iba?

19 Ang isa pang paraan para mapanatili ang pakikipagpayapaan sa iba ay ang mabait na pananalita. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung ano ang mabait na pananalita at kung paano natin ito malilinang at maikakapit.

[Talababa]

^ par. 10 Ang “maaapoy na baga” ay tumutukoy sa sinaunang paraan ng pagtunaw sa inambato (ore), na nilalagyan ng baga sa ibabaw at sa ilalim para makuha ang metal. Kung magiging mabait tayo sa matitigas ang loob, baka mapalambot ang puso nila at mapakilos na magpakita ng magagandang ugali.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Bakit ba masyadong magagalitin ang mga tao sa ngayon?

• Anong mga halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita ng mga resulta ng pagkontrol at di-pagkontrol sa galit?

• Ano ang dapat na maging reaksiyon natin kapag nasaktan ng isang kapatid ang ating damdamin?

• Ano ang dapat na maging reaksiyon natin sa pang-uusig ng mga kaaway ni Jehova?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 16]

Umuwi sina Simeon at Levi matapos magpadala sa galit

[Mga larawan sa pahina 18]

Ang pagpapakita ng kabaitan ay makapagpapalambot sa puso ng iba