Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Huwag Kang Matakot. Ako ang Tutulong sa Iyo”

“Huwag Kang Matakot. Ako ang Tutulong sa Iyo”

“Huwag Kang Matakot. Ako ang Tutulong sa Iyo”

BINABALAAN ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Patuloy na itatapon ng Diyablo ang ilan sa inyo sa bilangguan upang lubos kayong mailagay sa pagsubok.” Pero bago nito, sinabi niya: ‘Huwag kayong matakot sa mga bagay na malapit na ninyong pagdusahan.’ Dahil ginagamit pa rin ni Satanas ang pagbibilanggo sa mga tunay na Kristiyano para mapatigil sila sa pangangaral, talagang may posibilidad na usigin sila ng mga pamahalaan. (Apoc. 2:10; 12:17) Kaya ano ang tutulong sa atin na mapaghandaan ang mga pakana ni Satanas at ‘huwag matakot’ gaya ng sinabi ni Jesus?

Totoo, nakadarama tayo ng takot paminsan-minsan. Pero tinitiyak sa atin ng Bibliya na tutulungan tayo ni Jehova na madaig ito. Paano? Ipinaaalam niya sa atin ang mga pakanang ginagamit ni Satanas at ng mga kampon nito. (2 Cor. 2:11) Isaalang-alang natin ang isang pangyayari sa Bibliya, pati na ang halimbawa ng ilan nating kapatid na ‘nakatayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.’​—Efe. 6:11-13.

Tinakot ang Isang Mabuting Hari

Noong ikawalong siglo B.C.E., sunud-sunod na bansa ang pinatumba ng masamang hari ng Asirya na si Senakerib. At determinado siyang lupigin ang bayan ni Jehova, pati na ang Jerusalem, kung saan namamahala ang may-takot sa Diyos na si Hezekias. (2 Hari 18:1-3, 13) Oo, sinamantala ni Satanas ang sitwasyon​—inudyukan niya si Senakerib na isakatuparan ang kaniyang plano na pawiin ang tunay na pagsamba.​—Gen. 3:15.

Nagsugo si Senakerib ng mga tao sa Jerusalem. Isa na rito si Rabsases, ang tagapagsalita ng hari. * (2 Hari 18:17) Gusto ni Rabsases na takutin ang mga Judio at mapasuko ang mga ito nang walang labanan. Paano niya ito ginawa?

Tapat Kahit Nag-iisa

Sinabi ni Rabsases sa mga kinatawan ni Hezekias: “Ito ang sinabi ng dakilang hari, ang hari ng Asirya: ‘Ano ang pag-asang ito na pinagtitiwalaan mo? . . . Narito! naglalagak ka ng iyong tiwala sa pagsuhay ng lamog na tambong ito, sa Ehipto, na kung sasandig doon ang isang tao ay tiyak na tutusok iyon sa kaniyang palad at uulusin ito.’” (2 Hari 18:19, 21) Mali ang bintang na ito dahil hindi naman totoong nakipag-alyansa si Hezekias sa Ehipto. Ipinapakita lang nito kung ano ang gustong itanim ni Rabsases sa isipan ng mga Judio: ‘Kawawa naman kayo. Walang tutulong sa inyo.’

Sa modernong panahon, iyan din ang panakot ng mga mananalansang sa mga tunay na Kristiyano. Isang sister ang nabilanggo dahil sa kaniyang pananampalataya at maraming taóng napawalay sa mga kapananampalataya niya. Sinabi niya kung bakit hindi siya nadaig ng takot: “Nakatulong sa akin ang panalangin para maging malapít kay Jehova . . . Lagi kong inaalala ang sinasabi sa Isaias 66:2 na binabantayan ng Diyos ang ‘isa na napipighati at may espiritu ng pagsisisi.’ Ito ang nagpalakas at umaliw sa akin.” Sinabi naman ng isang brother na ilang taóng nabartolina: “Napag-isip-isip kong ang isang makipot na selda ay puwede ring maging sinlawak ng uniberso basta malapít ka lang sa Diyos.” Oo, dahil sa malapít na kaugnayan kay Jehova, nanatiling malakas ang dalawang kapatid na ito kahit nag-iisa. (Awit 9:9, 10) Maihiwalay man sila ng mga mang-uusig sa kanilang pamilya, mga kaibigan, at kapananampalataya, alam ng nakabilanggong mga Saksi na hindi sila kailanman maihihiwalay kay Jehova.​—Roma 8:35-39.

Kaya samantalahin natin ang bawat pagkakataong mapatibay ang ating kaugnayan kay Jehova! (Sant. 4:8) Laging tanungin ang sarili: ‘Gaano katotoo si Jehova sa akin? Isinasaalang-alang ko bang mabuti ang kaniyang salita kapag nagpapasiya, sa maliliit man o malalaking bagay?’ (Luc. 16:10) Kung lagi nating sinisikap na maging malapít sa Diyos, walang dahilan para matakot. Sinabi ni Jeremias alang-alang sa napipighating mga Judio: “Tinawag ko ang iyong pangalan, O Jehova, mula sa isang hukay na napakalalim . . . Lumapit ka nang araw na patuloy akong tumawag sa iyo. Sinabi mo: ‘Huwag kang matakot.’”​—Panag. 3:55-57.

Hindi Nagtagumpay ang Pagtatanim ng Pag-aalinlangan

Gumamit si Rabsases ng tusong mga pangangatuwiran para mag-alinlangan ang mga Judio. Sinabi niya: “Hindi ba [kay Jehova] ang matataas na dako at ang mga altar na inalis ni Hezekias? . . . Si Jehova ang nagsabi sa akin, ‘Umahon ka laban sa lupaing ito, at wasakin mo ito.’” (2 Hari 18:22, 25) Pinalabas ni Rabsases na hindi ipaglalaban ni Jehova ang Kaniyang bayan dahil galit Siya sa kanila. Pero ang totoo, nalulugod si Jehova kay Hezekias at sa mga Judiong nanumbalik sa tunay na pagsamba.​—2 Hari 18:3-7.

Sa ngayon, maaaring magbigay ng ilang totoong impormasyon ang mga mang-uusig para makuha ang loob natin. Pero hinahaluan nila ito ng kasinungalingan para magtanim ng pag-aalinlangan. Halimbawa, may mga nakabilanggong kapatid na ilang beses sinabihang nakipagkompromiso raw ang isang brother na nangangasiwa sa gawaing pangangaral, kaya ayos lang na ikompromiso rin nila ang kanilang pananampalataya. Pero hindi makitid ang pag-iisip ng tapat na mga Kristiyano para magpadala sa ganitong mga pakana.

Isang sister ang nabilanggo noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II. Ipinabasa sa kaniya ang isang dokumento na nagpapakitang nakipagkompromiso ang isang tagapangasiwa. Tinanong siya kung may tiwala siya sa Saksing iyon. Sinabi ng sister, “Hindi po [siya] sakdal.” Sinabi pa niya na hangga’t sumusunod ang brother sa mga simulain ng Bibliya, ginagamit siya ng Diyos. “Pero dahil labag na po sa Bibliya ang sinabi niya sa dokumento, hindi ko na siya kapatid.” Sinunod ng sister ang payo ng Bibliya: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas.”​—Awit 146:3.

Kung mayroon tayong tumpak na kaalaman sa Bibliya at sinusunod ang mga payo nito, hindi tayo malilinlang ng mapandayang pangangatuwiran na makapagpapahina sa atin. (Efe. 4:13, 14; Heb. 6:19) Kaya para makapag-isip tayo nang malinaw kapag nasa pagsubok, kailangan nating basahin ang Bibliya araw-araw at pag-aralan ito. (Heb. 4:12) Oo, ito na ang panahon para palalimin ang kaalaman at patatagin ang pananampalataya. Isa pang brother na maraming taon ding nabartolina ang nagsabi: “Pahalagahan sana ng bawat isa ang lahat ng espirituwal na pagkaing ibinibigay sa atin. Napakalaking tulong kasi nito kapag napaharap na tayo sa pagsubok.” Oo, kung pag-aaralan nating mabuti ang Salita ng Diyos at ang mga publikasyon mula sa uring alipin, ‘ibabalik ng banal na espiritu sa ating mga pag-iisip’ ang ating mga natutuhan kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok.​—Juan 14:26.

Tulong Laban sa Pananakot

Sinubukan ni Rabsases na takutin ang mga Judio. “Makipagpustahan ka, pakisuyo, sa panginoon kong hari ng Asirya, at bibigyan kita ng dalawang libong kabayo upang tingnan kung ikaw, sa ganang iyo, ay makapaglalagay ng mga sasakay sa mga iyon. Paano mo nga maitatalikod ang mukha ng isang gobernador ng pinakamaliliit na lingkod ng aking panginoon?” (2 Hari 18:23, 24) Sa pangmalas ng tao, walang kalaban-laban si Hezekias at ang mga Judio sa napakalakas na puwersa ng Asirya.

Baka waring nakakatakot din ang mga mang-uusig ngayon, lalo na’t kakampi nila ang gobyerno. Ganiyan ang mga mang-uusig na Nazi noong Digmaang Pandaigdig II. Tinakot nila ang mga lingkod ng Diyos. Isa sa mga brother na matagal na nakulong ang nagkuwento kung paano siya pinagbantaan noon. Minsan, tinanong siya ng isang opisyal: “Nakita mo ba ang pagbaril sa kapatid mo? Gusto mo bang ganun din ang abutin mo?” Ang sagot niya: “Saksi ako ni Jehova, at mananatili akong Saksi.” “Puwes, ikaw na ang susunod,” ang banta ng opisyal. Pero talagang matatag ang brother, kaya tinigilan na nila ang pananakot. Bakit hindi natinag ang brother? Sinabi niya: “Nagtiwala ako sa pangalan ni Jehova.”​—Kaw. 18:10.

Ang matibay na pananampalataya kay Jehova ay gaya ng malaking kalasag na nagsasanggalang sa atin laban sa lahat ng pakana ni Satanas. (Efe. 6:16) Kaya mahalagang ipanalangin kay Jehova na tulungan tayong mapatibay ang ating pananampalataya. (Luc. 17:5) Samantalahin din natin ang nakapagpapalakas na mga paglalaan ng uring tapat na alipin. Kapag may nagbabanta sa atin, mapapatibay tayo sa sinabi ni Jehova kay propeta Ezekiel, na nangaral sa mga taong matitigas ang ulo. Sinabi sa kaniya ni Jehova: “Ang iyong mukha ay ginawa kong sintigas mismo ng kanilang mga mukha at ang iyong noo ay sintigas mismo ng kanilang mga noo. Ang iyong noo ay ginawa kong gaya ng diamante, mas matigas pa kaysa sa batong pingkian.” (Ezek. 3:8, 9) Kung kailangan, tutulungan tayo ni Jehova para maging sintigas ng diamante tulad ni Ezekiel.

Labanan ang mga Tukso

Natutuhan ng mga mananalansang na kapag hindi umubra ang mga pamamaraan nila, puwedeng maging mabisa ang nakatutuksong mga alok para sirain ang katapatan ng isa. Ginawa rin iyan noon ni Rabsases. Sinabi niya sa mga nasa Jerusalem: “Ito ang sinabi ng hari ng Asirya: ‘Makipagkasundo kayong sumuko sa akin, at labasin ninyo ako . . . hanggang sa dumating ako at dalhin ko nga kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, isang lupain ng butil at bagong alak, isang lupain ng tinapay at mga ubasan, isang lupain ng punong langis-olibo at pulot-pukyutan; at manatili kayong buháy upang hindi kayo mamatay.’” (2 Hari 18:31, 32) Tiyak na pinag-isip nito ang mga nasa lunsod. Sino ba naman ang ayaw sa masarap na tinapay at bagong alak?

Ganito rin ang inialok sa isang nakabilanggong misyonero para sirain ang kaniyang determinasyon. Sinabi sa kaniya na ililipat siya sa isang “magandang bahay” na may “magandang hardin” sa loob ng anim na buwan para makapag-isip-isip. Pero hindi nakipagkompromiso ang brother. Ano ang nakatulong sa kaniya? Ipinaliwanag niya: “Lagi kong iniisip na ang Kaharian ang tunay na pag-asa. . . . Naging matatag ako dahil sa kaalaman ko tungkol sa kaharian ng Diyos. Ni minsan ay hindi ko ito pinag-alinlanganan.”

Gaano katotoo sa atin ang Kaharian ng Diyos? Nakapagbata ang patriyarkang si Abraham, ang apostol na si Pablo, at maging si Jesus mismo dahil totoo sa kanila ang Kaharian. (Fil. 3:13, 14; Heb. 11:8-10; 12:2) Kung lagi nating uunahin ang Kaharian at iisipin ang permanenteng mga pagpapala nito, hindi natin tatanggapin ang pansamantalang kaginhawahang iaalok sa atin sa panahon ng pagsubok.​—2 Cor. 4:16-18.

Hindi Tayo Pababayaan ni Jehova

Walang nagawa ang pananakot ni Rabsases. Si Hezekias at ang kaniyang mga sakop ay lubos na nagtiwala kay Jehova. (2 Hari 19:15, 19; Isa. 37:5-7) At sinagot naman ni Jehova ang kanilang mga panalangin. Isang gabi, nagsugo siya ng isang anghel para patayin ang 185,000 mandirigmang Asiryano. Kinabukasan, hiyang-hiyang bumalik si Senakerib sa Nineve kasama ang iilang natirang sundalo.​—2 Hari 19:35, 36.

Maliwanag na hindi pinabayaan ni Jehova ang mga nagtiwala sa kaniya. Napatunayan din iyan ng mga kapatid natin sa modernong panahong ito na nanatiling tapat sa ilalim ng pagsubok. Kaya naman tinitiyak sa atin ng ating makalangit na Ama: “Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.’”​—Isa. 41:13.

[Talababa]

^ par. 6 Ang “Rabsases” ay titulo para sa isang prominenteng opisyal ng Asirya. Hindi binanggit sa ulat ang personal niyang pangalan.

[Blurb sa pahina 13]

Sa Bibliya, mahigit 30 beses na sinabi ni Jehova sa kaniyang mga lingkod: “Huwag kang matakot”

[Larawan sa pahina 12]

Anong mga pakana ang ginamit ni Rabsases na ginagamit din ng mga kaaway ng bayan ng Diyos sa ngayon?

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang malapít na kaugnayan kay Jehova ay tutulong sa atin na manatiling tapat kapag nasa pagsubok