Patuloy Kang Magsikap . . . sa Pagtuturo
Patuloy Kang Magsikap . . . sa Pagtuturo
“TINATAWAG ninyo akong, ‘Guro,’ at, ‘Panginoon,’ at tama ang inyong sinasabi, sapagkat gayon ako.” (Juan 13:13) Sa mga salitang iyan, idiniin ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang papel niya bilang guro. At bago siya umakyat sa langit, inutusan niya ang kaniyang mga tagasunod: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mat. 28:19, 20) Nang maglaon, muling idiniin ni apostol Pablo ang kahalagahan ng pagiging guro ng Salita ng Diyos. Ganito ang ipinayo niya kay Timoteo, na isang elder na noon: “Magsikap ka sa pangmadlang pagbabasa, sa pagpapayo, sa pagtuturo. . . . Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.”—1 Tim. 4:13-15.
Sa ngayon, ang pagtuturo ay napakahalagang bahagi pa rin ng ating ministeryo at mga pulong. Paano tayo patuloy na magsisikap sa pagtuturo, at paano ito tutulong sa atin na sumulong bilang mga guro ng Salita ng Diyos?
Tularan ang Dakilang Guro
Marami ang naakit sa paraan ng pagtuturo ni Jesus. Pansinin ang reaksiyon ng mga nakarinig sa kaniya sa sinagoga sa Nazaret. Ganito ang ulat ni Lucas, isang manunulat ng Ebanghelyo: “Silang lahat ay nagsimulang magbigay ng mabuting patotoo tungkol sa kaniya at mamangha sa kaakit-akit na mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig.” (Luc. 4:22) Tinularan ng mga alagad ni Jesus ang halimbawa niya sa kanilang pangangaral. Kaya naman hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Maging mga tagatulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo.” (1 Cor. 11:1) Dahil sa pagtulad sa pamamaraan ni Jesus, talagang naging epektibo si Pablo sa ‘pagtuturo nang hayagan at sa bahay-bahay.’—Gawa 20:20.
Pagtuturo “sa Pamilihan”
Sa Gawa kabanata 17, mababasa natin kung gaano kahusay si Pablo sa pagtuturo sa madla. Nasa Atenas siya noon, sa Gresya. Saan man siya tumingin—sa mga lansangan at pampublikong lugar—puro idolo ang nakikita niya. Kaya naman ganoon na lang ang pagkainis ni Pablo! Pero hindi siya nagpadala sa kaniyang emosyon. Sa halip, “nagsimula siyang mangatuwiran sa sinagoga . . . at sa bawat araw sa pamilihan doon sa mga nagkataong naroroon.” (Gawa 17:16, 17) Napakaganda ngang halimbawa! Kung magalang nating kakausapin ang mga tao anuman ang kanilang lahi o pinagmulan nang hindi sila hinuhusgahan, maaari silang makinig sa atin at sa kalaunan, makalaya mula sa huwad na relihiyon.—Gawa 10:34, 35; Apoc. 18:4.
Naging mahirap kay Pablo ang pangangaral sa mga nasa pamilihan. Ang ilan sa mga tagapakinig niya ay mga pilosopo na iba ang paniniwala, malayung-malayo sa katotohanang ipinangangaral niya. Nang makipagtalo sila kay Pablo, pinakinggan muna niya sila. Tinawag siya ng ilan na “mamumulot ng binhi,” isang idyomatikong salita sa wikang Griego na nangangahulugang ‘daldalero.’ Sabi naman ng iba: “Siya ay waring isang tagapaghayag ng mga bathalang banyaga.”—Gawa 17:18.
Gayunman, hindi nasiraan ng loob si Pablo sa mga pang-aalipusta nila. Sa halip, nang hilingan siyang ipaliwanag ang kaniyang itinuturo, sinamantala ni Pablo na magharap ng isang malinaw na pahayag. Kitang-kita rito ang husay niya sa pagtuturo. (Gawa 17:19-22; 1 Ped. 3:15) Suriin natin ang kaniyang pahayag at tingnan kung paano ito makakatulong sa atin na mapasulong ang ating kakayahan sa pagtuturo.
Maghanap ng Mapagkakasunduan
Sinabi ni Pablo: “Mga lalaki ng Atenas, nakikita ko na sa lahat ng bagay ay waring higit kayong matatakutin sa mga bathala kaysa sa iba. Bilang halimbawa, habang . . . maingat na nagmamasid sa mga bagay na inyong pinakukundanganan ay nakasumpong din ako ng isang altar na doon ay nakasulat ‘Sa Isang Di-kilalang Diyos.’ Kaya nga yaong pinag-uukulan ninyo ng makadiyos na debosyon nang di-namamalayan, ito ang ipinahahayag ko sa inyo.”—Gawa 17:22, 23.
Nagmasid muna si Pablo. Dahil sa mga nakita niya, nagkaroon siya ng maraming ideya tungkol sa mga tagapakinig niya. May malalaman din tayo tungkol sa may-bahay kung mapagmasid tayo. Halimbawa, kung may makita kang mga laruan sa bakuran o sign sa pinto, ano kaya ang ipinahihiwatig nito? Kapag may ideya tayo sa posibleng kalagayan ng may-bahay, napag-iisipan natin kung ano ang ating sasabihin at kung paano ito sasabihin.—Col. 4:6.
Hindi mapanghusga ang paraan ng pagsasalita ni Pablo. Pero nang mapansin niyang hindi salig sa tumpak na kaalaman ang “makadiyos na debosyon” ng mga taga-Atenas, malinaw niyang itinuro sa kanila kung sino ang Diyos na dapat sambahin. (1 Cor. 14:8) Napakahalaga ngang maging malinaw at positibo ang ating paraan ng paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian!
Maging Mataktika, Huwag Magtangi
Sinabi rin ni Pablo: “Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng bagay na naririto, yamang ang Isang ito nga ay Panginoon ng langit at lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong gawa ng kamay, ni pinaglilingkuran man siya ng mga kamay ng tao na para bang nangangailangan siya ng anumang bagay, sapagkat siya mismo ang nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay.”—Gawa 17:24, 25.
Sa tekstong ito, ipinakilala ni Pablo si Jehova bilang ang ating Tagapagbigay-Buhay, pero naging mataktika siya at tinukoy si Jehova bilang “Panginoon ng langit at lupa.” Isa ngang pribilehiyo na tulungan ang tapat-pusong mga tao, anuman ang kanilang relihiyon at pinagmulan, na maunawaang ang Diyos na Jehova ang bukal ng buhay!—Awit 36:9.
Pagkatapos, sinabi ni Pablo: “At ginawa niya mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, . . . at itinalaga niya ang mga takdang panahon at ang tiyak na mga hangganan ng pananahanan ng mga tao, upang hanapin nila ang Diyos, kung maaapuhap nila siya at talagang masusumpungan siya, bagaman, sa katunayan, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.”—Gawa 17:26, 27.
Sa ating paraan ng pagtuturo, maipapakita natin ang mga katangian ng Diyos na ating sinasamba. Hindi nagtatangi si Jehova. Hinahayaan niya ang mga tao sa lahat ng bansa na ‘maapuhap siya at talagang masumpungan siya.’ Dahil diyan, kinakausap natin ang lahat ng ating natatagpuan. Gusto nating tulungan ang mga naniniwala sa Maylalang na mápalapít sa kaniya at tumanggap ng walang-hanggang pagpapala. (Sant. 4:8) Pero paano natin tutulungan ang mga nag-aalinlangang may Diyos? Tinutularan natin ang halimbawa ni Pablo. Pansinin ang sumunod niyang sinabi.
“Sa pamamagitan niya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral, gaya nga ng sinabi ng ilan sa mga makata sa inyo, ‘Sapagkat tayo rin ay kaniyang mga supling.’ Kung gayon, yamang tayo ay mga supling ng Diyos, hindi natin dapat akalain Gawa 17:28, 29.
na ang Isa na Diyos ay tulad ng ginto o ng pilak o ng bato.”—Para makuha ang interes ng mga taga-Atenas, binanggit ni Pablo ang sinabi ng ilang makatang pinaniniwalaan nila. Tayo rin naman ay pakikinggan ng mga tao kung ipakikipag-usap natin sa kanila ang mga bagay na alam nating pinaniniwalaan nila. Halimbawa, epektibo pa rin sa ngayon ang ilustrasyong ginamit ni Pablo sa liham niya sa mga Hebreo: “Bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.” (Heb. 3:4) Kung gagamitin natin sa may-bahay ang ilustrasyong ito, mapag-iisip-isip nila na totoo ang sinasabi natin. Pansinin sa pahayag ni Pablo ang isa pang mahalagang bagay sa mabisang pagtuturo—ang pangganyak.
Idiin ang Pagkaapurahan ng Panahon
Sinabi ni Pablo: “Totoo, pinalagpas ng Diyos ang mga panahon ng gayong kawalang-alam, gayunma’y sinasabi niya ngayon sa sangkatauhan na silang lahat sa lahat ng dako ay dapat na magsisi. Sapagkat nagtakda siya ng isang araw kung kailan nilalayon niyang hatulan ang tinatahanang lupa ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaki na kaniyang inatasan.”—Gawa 17:30, 31.
Ang pansamantalang pagpapahintulot ng Diyos sa kasamaan ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na ipakita sa kaniya kung ano talaga ang laman ng ating puso. Napakahalagang idiin ang pagkaapurahan ng ating panahon at makita sa ating sinasabi na nananalig tayo sa mga pagpapala ng Kaharian na napakalapit na.—2 Tim. 3:1-5.
Iba’t Ibang Reaksiyon
“Buweno, nang marinig nila ang tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay, ang ilan ay nagsimulang manlibak, samantalang ang iba ay nagsabi: ‘Pakikinggan ka namin tungkol dito sa iba pang pagkakataon.’ Sa gayon ay umalis si Pablo sa gitna nila, ngunit ang ilang mga tao ay nakisama sa kaniya at naging mga mananampalataya.”—Gawa 17:32-34.
May mga taong tumutugon agad sa ating itinuturo; ang iba nama’y matagal makumbinsi. Pero kung dahil sa ating malinaw at simpleng pagpapaliwanag ng katotohanan, isang indibiduwal ang natuto tungkol kay Jehova, laking pasasalamat natin na ginamit tayo ng Diyos para ilapít ang mga tao sa kaniyang Anak!—Juan 6:44.
Mga Aral na Matututuhan
Sa pagbubulay-bulay sa pahayag ni Pablo, marami tayong matututuhan kung paano ipaliliwanag sa iba ang mga katotohanan sa Bibliya. Kung may pribilehiyo tayong magbigay ng pahayag pangmadla, matutularan natin si Pablo kung magiging mataktika tayo sa ating sasabihin para maunawaan at tanggapin ng mga di-sumasampalataya ang mga katotohanan sa Bibliya. Malinaw nating ipaliwanag ang mga ito nang hindi naman binabatikos ang paniniwala ng mga di-sumasampalatayang tagapakinig. At kapag nangangaral tayo, sikapin nating maging mapanghikayat at mataktika. Sa paggawa nito, talagang nasusunod natin ang payo ni Pablo na ‘magsikap sa pagtuturo.’
[Larawan sa pahina 30]
Ang paraan ng pagtuturo ni Pablo ay malinaw, simple, at mataktika
[Larawan sa pahina 31]
Tinutularan natin si Pablo kapag isinasaalang-alang natin ang damdamin ng ating mga nakakausap