Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Kailangang Laging Nasa Oras?

Bakit Kailangang Laging Nasa Oras?

Bakit Kailangang Laging Nasa Oras?

ISANG hamon ang pagiging nasa oras lalo na kapag mahaba ang biyahe, matindi ang trapik, at punung-punô ang iskedyul. Pero mahalaga ito. Halimbawa sa trabaho, ang isa na laging nasa oras ay itinuturing na maaasahan at masipag. Pero kapag lagi siyang hulí, apektado ang iba, pati na ang kalidad ng trabaho at serbisyo. Kapag laging hulí ang estudyante, hindi niya napapasukan ang ilang klase at naaapektuhan ang grades niya. Kapag hulí sa appointment sa doktor o dentista ang isa, baka makaapekto ito sa paggamot sa kaniya.

Pero may mga lugar na hindi ganoon kahigpit sa oras. Kapag ganito ang kalagayan, madali nating makakasanayan ang pagiging hulí. Kaya kailangan ang pagsisikap. Malaking tulong kapag alam natin kung gaano kahalaga ang pagiging nasa oras. Bakit kailangan nating maging laging nasa oras? Bagaman mahirap, paano natin ito magagawa? At ano ang mga pakinabang nito?

Si Jehova​—Laging Nasa Oras

Gusto nating maging nasa oras dahil gusto nating tularan ang Diyos na sinasamba natin. (Efe. 5:1) Napakagandang halimbawa ni Jehova pagdating sa bagay na ito. Hindi siya kailanman náhuhulí. Lagi siyang nasa iskedyul sa pagtupad ng kaniyang layunin. Halimbawa, nang ipasiya ni Jehova na lipulin ang masasama, sinabi niya kay Noe: “Gumawa ka para sa iyo ng isang arka mula sa kahoy ng isang madagtang punungkahoy.” Nang malapit na ang delubyo, pinapasok na ni Jehova si Noe sa arka at sinabi: “Pitong araw na lamang at magpapaulan ako sa ibabaw ng lupa nang apatnapung araw at apatnapung gabi; at papawiin ko ang lahat ng bagay na umiiral na aking ginawa mula sa ibabaw ng lupa.” At sa eksaktong panahon nga, “pagkaraan ng pitong araw ay dumating ang tubig ng delubyo sa ibabaw ng lupa.” (Gen. 6:14; 7:4, 10) Ano na lang kaya ang nangyari kay Noe at sa pamilya niya kung náhulí sila sa pagpasok sa arka? Gaya ng kanilang Diyos, kailangan nilang maging nasa oras.

Mga 450 taon pagkatapos ng Baha, sinabi ni Jehova kay Abraham na magkakaanak ito, na pagmumulan ng ipinangakong Binhi. (Gen. 17:15-17) Sinabi ng Diyos na si Isaac ay ipanganganak “sa takdang panahong ito sa susunod na taon.” Nangyari ba ito? Sinasabi ng Kasulatan: “Si Sara ay nagdalang-tao at pagkatapos ay nanganak ng isang lalaki kay Abraham sa kaniyang katandaan sa takdang panahon na sinalita ng Diyos sa kaniya.”​—Gen. 17:21; 21:2.

Napakaraming halimbawa sa Bibliya tungkol sa pagiging nasa oras ng Diyos. (Jer. 25:11-13; Dan. 4:20-25; 9:25) Sinasabi ng Bibliya na patuloy nating hintayin ang araw ng paghatol ni Jehova. Kung iyon man ay waring ‘nagluluwat’ sa pangmalas ng tao, tinitiyak sa atin na “hindi iyon maaantala.”​—Hab. 2:3.

Pagiging Nasa Oras​—Mahalaga sa Pagsamba

Lahat ng lalaking Israelita ay dapat na nasa oras sa itinalagang dako para sa “mga pangkapanahunang kapistahan ni Jehova.” (Lev. 23:2, 4) Itinakda rin ng Diyos kung kailan dapat ihandog ang ilang hain. (Ex. 29:38, 39; Lev. 23:37, 38) Hindi ba’t nagpapakita ito na gusto ng Diyos na nasa oras ang kaniyang mga lingkod kapag sumasamba sila?

Noong unang siglo, tinagubilinan ni apostol Pablo ang mga taga-Corinto kung paano idaraos ang mga pulong: “Maganap ang lahat ng bagay nang disente at ayon sa kaayusan.” (1 Cor. 14:40) Kaya naman dapat simulan ang pagpupulong ng mga Kristiyano sa itinakdang oras. Hindi nagbabago ang pananaw ni Jehova sa pagiging nasa oras. (Mal. 3:6) Kung gayon, ano ang puwede nating gawin para dumating nang nasa oras sa Kristiyanong mga pagtitipon?

Laging Nasa Oras​—Paano?

Malaking tulong sa ilan ang patiunang paghahanda. (Kaw. 21:5) Halimbawa, kung kailangan nating makarating sa isang lugar nang nasa oras, tama bang umalis tayo nang halos eksakto lang sa oras? Hindi ba’t mas maganda kung aagahan natin para hindi tayo máhulí, magkaroon man ng “di-inaasahang pangyayari”? (Ecles. 9:11) “Para makarating sa oras, dapat na alam mo kung gaano katagal ang biyahe,” ang sabi ng kabataang si José. *

Para sa ilan, baka kailangan nilang umalis nang mas maaga sa trabaho para makarating sa pulong sa tamang oras. Ganiyan ang ginawa ng isang Saksi sa Etiopia nang mapag-isip-isip niyang máhuhulí siya nang 45 minuto dahil sa pagbabago ng iskedyul sa trabaho. Nakipag-usap siya sa isang katrabaho na palitan siya nang mas maaga kapag may pulong. Bilang bayad, magtatrabaho naman siya nang buong pitong oras para sa katrabaho.

Mahirap din ang pagdalo nang nasa oras kung may mga anak na inaasikaso. Karaniwan nang pananagutan ng ina na igayak ang mga bata, pero puwede ring makatulong, at dapat tumulong, ang ibang kapamilya. Walo ang anak ni Esperanza, taga-Mexico. Nasa 5 hanggang 23 ang edad ng mga ito. Ganito ang sinabi niya kung bakit lagi silang nasa oras: “Ang malalaki kong anak ang naggagayak sa maliliit. Dahil dito, natatapos ko ang mga gawain sa bahay at nakakaalis kami nang nasa oras.” May itinakdang oras ang pamilyang ito, at ang lahat ay nakikipagtulungan.

Pakinabang ng Pagiging Nasa Oras sa mga Pulong

Kapag naiisip natin ang mga pagpapalang dulot ng pagiging maaga sa pulong, lalo tayong nagiging determinadong dumalo nang nasa oras. Ganito ang sinabi ng kabataang si Sandra na palaging maaga sa pulong: “Gustung-gusto kong dumating nang maaga para mabati at makausap ang mga kapatid, at mas makilala pa sila.” Kapag maaga tayo sa Kingdom Hall, mapapatibay tayo ng mga kuwento tungkol sa pagbabata at tapat na paglilingkod ng iba. Kapag naroroon tayo at nakikipagkuwentuhan, napapatibay rin natin ang mga kapatid anupat ‘nauudyukan sila sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.’​—Heb. 10:24, 25.

Mahalagang bahagi ng ating pagsamba ang pambukas na awit at panalangin. (Awit 149:1) Ang ating mga awit ay pumupuri kay Jehova, nagpapaalala ng mga katangiang dapat linangin, at nagpapasigla sa masayang pakikibahagi sa ministeryo. Kumusta naman ang pambukas na panalangin? Noon, tinawag ni Jehova ang templo na “bahay-panalanginan.” (Isa. 56:7) Sa ngayon, nagtitipon tayo sa mga pulong para manalangin sa Diyos. Ang pambukas na panalangin ay hindi lang para hilingin ang patnubay at banal na espiritu ni Jehova, kundi para ihanda rin ang ating puso’t isip sa pagtanggap ng impormasyon. Dapat na nasa pulong na tayo bago ang pambukas na awit at panalangin.

Ganito ang sinabi ng 23-anyos na si Helen kung bakit maaga siya sa pulong: “Isang paraan ito para maipakitang mahal ko si Jehova, dahil galing sa kaniya ang mga tinatalakay sa pulong, pati na ang mga awit at pambukas na panalangin.” Hindi ba’t ganito rin ang dapat na maging saloobin natin? Oo naman! Kaya sikapin nating maging laging nasa oras, lalo na kung may kaugnayan sa pagsamba sa tunay na Diyos.

[Talababa]

^ par. 12 Binago ang mga pangalan.

[Larawan sa pahina 26]

Patiunang maghanda

[Larawan sa pahina 26]

Magpataan ng panahon para sa “di-inaasahang pangyayari”

[Mga larawan sa pahina 26]

Makinabang sa pagdalo nang maaga