Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Nakinabang ka ba sa nakaraang mga isyu ng Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:

• Paano mo mapalalaking responsable ang iyong mga anak?

‘Magbigay ng parisan’ sa iyong anak kung paano magiging responsable. (Juan 13:15) Maging makatuwiran sa mga inaasahan; habang lumalaki siya, maaari mo siyang hilingang maging malinis, nasa oras, at masipag sa mga gawain sa paaralan. Magbigay ng espesipikong mga tagubilin upang masanay ang iyong anak na gampanan ang kaniyang mga pananagutan.​—5/1, pahina 19-20.

• Bakit hindi pinarusahan ng Diyos si Aaron sa paggawa ng ginintuang guya?

Totoo, nilabag ni Aaron ang batas ng Diyos tungkol sa idolatriya. (Ex. 20:3-5) Pero nagsumamo si Moises para kay Aaron, at ang pagsusumamo niya ay may “malakas na puwersa.” (Sant. 5:16) Si Aaron ay naglingkod nang tapat sa loob ng maraming taon. At bagaman ginipit siya ng mga tao na gumawa ng guya, ipinakita ng sumunod na mga ginawa niya na hindi siya talaga sang-ayon dito. Matatag siyang pumanig kay Jehova kasama ng mga anak ni Levi. (Ex. 32:25-29)​—5/15, pahina 21.

• Saan masusumpungan ang Opir na binanggit sa Bibliya na isang pinagmumulan ng ginto?

Nagpagawa si Solomon ng mga barko sa Ezion-geber para makapagdala ng ginto mula sa Opir. (1 Hari 9:26-28) Ang daungang iyon ay nasa itaas na bahagi ng Gulpo ng Aqaba, malapit sa makabagong Elat at Aqaba, sa Dagat na Pula. Kaya ang Opir ay posibleng nasa Arabia, malapit sa Dagat na Pula o sa mga baybayin ng Aprika o India.​—6/1, pahina 15.

• Saan tumutukoy ang “balsamo sa Gilead”? (Jer. 8:22)

Ang langis ng balsamo ay mabango at madagtang langis mula sa iba’t ibang halaman na matatagpuan sa mga lugar gaya ng Gilead, na nasa silangan ng Ilog Jordan. Palibhasa’y nakapagpapagaling, ipinapahid ito sa mga sugat. Dahil sa kahabag-habag na kalagayan ng Israel, dapat sana’y naghanap sila ng lunas, pero hindi nila iyon ginawa. (Jer. 8:9)​—6/1, pahina 21-22.

• Ano ang makakatulong sa isang Kristiyano na makayanan ang pagtataksil ng kaniyang asawa?

Kung ang pinagkasalahang asawa ay nagsisikap na mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya, walang dahilan para sisihin niya ang kaniyang sarili sa pagtataksil ng kaniyang asawa. Alam ng Diyos na kailangan mo ng kaaliwan at pampatibay-loob. Maaari niyang ilaan ito sa pamamagitan ng mga kapananampalataya.​—6/15, pahina 30-31.

• Paano mo matutulungan ang isang maysakit?

Maging mabuting tagapakinig. (Ecles. 3:1, 7) Maging makonsiderasyon at magpakita ng empatiya. (Roma 12:15) Maging nakapagpapatibay at matulungin. (Col. 4:6; 1 Juan 3:18) Manatiling malapít. (Kaw. 17:17)​—7/1, pahina 10-13.

• Paano natin nalaman na walang pasimula ang Diyos?

Sinabi ito ni Moises sa panalangin. (Awit 90:2) Kaya naman si Jehova lang ang may titulong “Haring walang hanggan.” (1 Tim. 1:17)​—7/1, pahina 28.

• Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na magkahilig sa pagbabasa?

Malaking tulong ang pagmamahal at halimbawa ng mga magulang. Bukod diyan, sanayin sila sa mga aklat. Magbasa nang malakas. Pagkomentuhin sila at ipaliwanag ang iyong binasa. Pabasahin sila at himukin silang magtanong.​—7/15, pahina 26.

• Bakit hindi nagmadali si Jesus na puntahan ang kaniyang kaibigang si Lazaro at pagalingin ito?

Nang dumating si Jesus, apat na araw nang patay si Lazaro. Dahil hindi nagmadali si Jesus, mas magandang patotoo ang naibigay niya tungkol sa kaniyang Ama. Kaya marami ang nanampalataya sa Diyos. (Juan 11:45)​—8/1, pahina 14-15.

• Ano ang “matataas na dako”?

Kadalasan, ang mga ito ay tumutukoy sa itaas ng mga burol o iba pang mga lugar para sa huwad na pagsamba. Kung minsan, naglalagay doon ng mga altar, sagradong haligi o poste, at iba pang mga kagamitan na ginagamit sa mga gawaing hinahatulan ng Diyos. (Bil. 33:52)​—8/1, pahina 23.