May-Pananabik na Hanapin ang Pagpapala ni Jehova
May-Pananabik na Hanapin ang Pagpapala ni Jehova
“[Ang Diyos] ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.”—HEB. 11:6.
1, 2. (a) Paano humihiling ng pagpapala ng Diyos ang marami? (b) Bakit gusto nating matamo ang pagpapala ni Jehova?
“GOD bless you!” Sa ilang bansa, ito ang madalas sabihin ng mga tao sa mga bumabahin kahit hindi nila kilala. Pinagpapala ng ilang klerigo ang mga tao, hayop, at mga bagay na walang buhay. May mga pumupunta sa ilang relihiyosong lugar para makatanggap ng pagpapala. Hinihiling ng mga pulitiko na pagpalain sana ng Diyos ang kanilang bansa. Tama kaya ang gayong mga paghiling? Mabisa ba ang mga ito? Sino nga ba ang nakakatanggap ng pagpapala ng Diyos, at bakit?
2 Inihula ni Jehova na sa mga huling araw, magkakaroon siya ng malilinis at mapagpayapang mga lingkod mula sa lahat ng bansa, na mangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong lupa sa kabila ng poot at pagsalansang. (Isa. 2:2-4; Mat. 24:14; Apoc. 7:9, 14) Tayong lahat na tumanggap ng pananagutang ito ay nagnanais—at nangangailangan—ng pagpapala ng Diyos, dahil kung wala ito, hinding-hindi tayo magtatagumpay. (Awit 127:1) Pero paano natin ito matatamo?
Aabutan ng Pagpapala ang mga Masunurin
3. Ano sana ang resulta kung naging masunurin ang mga Israelita?
3 Basahin ang Kawikaan 10:6, 7. Bago pumasok sa Lupang Pangako ang mga Israelita, sinabi ni Jehova na sila’y pagpapalain at iingatan kung susunod sila sa kaniya. (Deut. 28:1, 2) Hindi lang darating sa kanila ang pagpapala kundi ‘aabutan’ pa nga sila nito. Tiyak na pagpapalain ang mga masunurin.
4. Ano ang nasasangkot sa taimtim na pagsunod?
4 Ano ang dapat na maging saloobin ng mga Israelita sa kanilang pagsunod sa Diyos? Ayon sa Kautusan, hindi nalulugod ang Diyos kapag ang kaniyang bayan ay hindi naglilingkod sa kaniya “nang may pagsasaya at kagalakan ng puso.” (Basahin ang Deuteronomio 28:45-47.) Hindi sapat ang basta pagsunod lang sa mga utos, na magagawa rin naman ng mga hayop o mga demonyo. (Mar. 1:27; Sant. 3:3) Ang taimtim na pagsunod sa Diyos ay kapahayagan ng pag-ibig. Ginagawa ito nang may kagalakan, anupat nagtitiwalang hindi pabigat ang mga utos ni Jehova at na “siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.”—Heb. 11:6; 1 Juan 5:3.
5. Paano makakatulong ang pagtitiwala sa pangako ni Jehova para masunod ang utos sa Deuteronomio 15:7, 8?
5 Pag-isipan kung paano maipapakita ang gayong pagsunod may kaugnayan sa utos sa Deuteronomio 15:7, 8. (Basahin.) Ang pilít na pagsunod sa utos na iyon ay maaaring makatulong sa dukha, pero magbubunga kaya ito ng malapít na ugnayan sa gitna ng bayan ng Diyos? Higit sa lahat, magpapakita ba ito ng pagtitiwala sa kakayahan ni Jehova na maglaan sa kaniyang mga lingkod at ng pagpapahalaga sa pagkakataong matularan ang pagkabukas-palad niya? Hinding-hindi! Nakikita ng Diyos ang nasa puso ng isang tunay na bukas-palad at nangangako Siyang pagpapalain ang kaniyang mga gawa at pagpapagal. (Deut. 15:10) Kung nananampalataya ang isa sa pangakong iyan, kikilos siya at tatanggap ng maraming pagpapala.—Kaw. 28:20.
6. Ano ang tinitiyak sa atin ng Hebreo 11:6?
6 Bukod sa pananampalataya kay Jehova bilang Tagapagbigay-Gantimpala, itinatampok ng Hebreo 11:6 ang isa pang katangian para pagpalain ng Diyos. Pansinin na ginagantimpalaan ni Jehova ang mga “may-pananabik na humahanap sa kaniya.” Sa orihinal na wika, ang salitang ginamit dito ay nagpapahiwatig ng marubdob at puspusang pagsisikap. Tinitiyak nito sa atin na talagang pagpapalain tayo! Magmumula ito sa tunay na Diyos, na “hindi makapagsisinungaling.” (Tito 1:2) Sa loob ng libu-libong taon, naipakita niyang mapagkakatiwalaan ang kaniyang mga pangako. Lagi itong nagkakatotoo. (Isa. 55:11) Kaya kung tunay ang ating pananampalataya, tiyak na magiging Tagapagbigay-Gantimpala siya sa atin.
7. Paano tayo magtatamo ng pagpapala sa pamamagitan ng “binhi” ni Abraham?
7 Si Jesu-Kristo ang pangunahing bahagi ng “binhi” ni Abraham. Ang mga pinahirang Kristiyano naman ang bumubuo ng pangalawahing bahagi nito. Inatasan silang ‘ipahayag nang malawakan ang mga kagalingan ng isa na tumawag sa kanila mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.’ (Gal. 3:7-9, 14, 16, 26-29; 1 Ped. 2:9) Hindi tayo magkakaroon ng mabuting kaugnayan kay Jehova kapag binabale-wala natin ang mga inatasan ni Jesus na mangalaga sa kaniyang mga pag-aari. Kung wala ang tulong ng “tapat at maingat na alipin,” hindi natin lubusang mauunawaan ang Bibliya ni masusunod man ang sinasabi nito. (Mat. 24:45-47) At kung ikakapit natin ang ating mga natututuhan, matatamo natin ang pagpapala ng Diyos.
Magtuon ng Pansin sa Paggawa ng Kalooban ng Diyos
8, 9. Paano sinikap ni Jacob na kumilos ayon sa pangako ng Diyos?
8 Ang patriyarkang si Jacob ay puspusang nagsikap para makamit ang pagpapala ng Diyos. Hindi niya alam kung paano matutupad ang pangako ng Diyos sa kaniyang lolong si Abraham, pero naniniwala siyang pararamihin ni Jehova ang binhi nito hanggang sa maging isang dakilang bansa. Kaya noong 1781 B.C.E., nagpunta si Jacob sa Haran para humanap ng mapapangasawa. Ang hinanap
niya ay hindi lang isang mabait na kasama kundi isa ring masigasig na mananamba ni Jehova na magiging mabuting ina sa kanilang mga anak.9 Nakilala niya ang kamag-anak niyang si Raquel. Inibig niya ito at nagtrabaho nang pitong taon sa ama nitong si Laban para mapangasawa ito. Hindi lang ito isang kuwento ng pag-ibig. Alam na alam ni Jacob ang pangako ng Diyos kay Abraham na inulit sa kaniyang amang si Isaac. (Gen. 18:18; 22:17, 18; 26:3-5, 24, 25) Sinabi naman ni Isaac sa anak niyang si Jacob: “Pagpapalain ka ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat at gagawin kang palaanakin at pararamihin ka, at ikaw ay tiyak na magiging isang kongregasyon ng mga bayan. At ibibigay niya sa iyo ang pagpapala ni Abraham, sa iyo at sa iyong binhi na kasama mo, upang ariin mo ang lupain na iyong pinanirahan bilang dayuhan, na ibinigay ng Diyos kay Abraham.” (Gen. 28:3, 4) Kaya ang pagsisikap ni Jacob na humanap ng tamang mapapangasawa at magkaroon ng mga anak ay katibayan ng pagtitiwala niya sa sinabi ni Jehova.
10. Bakit nalugod si Jehova na pagpalain si Jacob?
10 Hindi nagpayaman si Jacob para sa kaniyang pamilya. Ang pangako ni Jehova ang nasa isip niya, anupat nagtuon ng pansin sa kalooban ng Diyos. Determinado si Jacob na gawin ang buong makakaya para pagpalain ni Jehova. Ganiyan pa rin ang saloobin niya hanggang sa pagtanda at pinagpala naman siya.—Basahin ang Genesis 32:24-29.
11. Ano ang dapat nating pagsikapang gawin kaayon ng kalooban ng Diyos na binabanggit sa Bibliya?
11 Gaya ni Jacob, hindi rin natin alam ang lahat ng detalye kung paano matutupad ang layunin ni Jehova. Pero kung pag-aaralan natin ang Bibliya, magkakaroon tayo ng ideya kung ano ang magaganap sa “araw ni Jehova.” (2 Ped. 3:10, 17) Halimbawa, hindi natin alam kung kailan ito eksaktong darating, pero alam nating malapit na iyon. Naniniwala tayo sa sinasabi ng Bibliya na kung lubusan tayong magpapatotoo sa kaunting panahong natitira, maililigtas natin ang ating sarili at ang mga nakikinig sa atin.—1 Tim. 4:16.
12. Sa ano tayo makakatiyak?
12 Alam nating darating ang wakas anumang oras; hindi kailangang hintayin ni Jehova na mapangaralan muna natin ang lahat ng tao. Mat. 10:23) Gayunman, binigyan tayo ng mga tagubilin kung paano mabisang gagawin ang pangangaral. Taglay ang pananampalataya, nakikibahagi tayo rito sa abot ng ating makakaya, gamit ang ating mga tinatangkilik. Maaasahan ba natin na palaging magiging mabunga ang teritoryo natin? Hindi natin alam. (Basahin ang Eclesiastes 11:5, 6.) Ang ating atas ay ang mangaral, anupat nagtitiwalang pagpapalain tayo ni Jehova. (1 Cor. 3:6, 7) Makakatiyak tayong nakikita niya ang ating puspusang pagsisikap, at sa tulong ng banal na espiritu, bibigyan niya tayo ng mga tagubiling kailangan natin.—Awit 32:8.
(Humingi ng Banal na Espiritu
13, 14. Ano ang nagpapakitang kayang tulungan ng banal na espiritu ang mga lingkod ng Diyos?
13 Paano kung nadarama nating hindi natin kayang mangaral o gawin ang isang atas? Dapat tayong humingi kay Jehova ng banal na espiritu para mapasulong ang ating kakayahan sa paglilingkod. (Basahin ang Lucas 11:13.) Makakatulong ang espiritu ng Diyos para maging kuwalipikado tayo sa isang atas o pribilehiyo anuman ang ating naging kalagayan o karanasan sa buhay. Halimbawa, pagkalabas ng Israel sa Ehipto, ang espiritu ng Diyos ang tumulong sa mga pastol at aliping walang karanasan sa digmaan para malupig ang kanilang mga kaaway. (Ex. 17:8-13) Pagkaraan, ang espiritu ring iyon ang tumulong kina Bezalel at Oholiab na maitayo ang tabernakulo batay sa arkitektural na plano mula kay Jehova.—Ex. 31:2-6; 35:30-35.
14 Ang makapangyarihang espiritung iyan ang tumulong sa modernong-panahong mga lingkod ng Diyos nang kailanganin nilang mag-imprenta ng mga literatura. Sa isang liham, sinabi ni Brother R. J. Martin, tagapangasiwa ng palimbagan noon, kung ano ang naisagawa pagsapit ng 1927. “Sa tamang panahon, binuksan ng Panginoon ang pinto; at nagkaroon kami ng isang malaking rotary [press] kahit wala kaming kaalam-alam sa kayarian at pagpapatakbo nito. Pero alam ng Panginoon kung paano pakikilusin ang isip ng mga naglilingkod sa kaniya nang buong kaluluwa. . . . Ilang linggo lang, napatakbo na namin ang imprentahan; at patuloy pa rin itong tumatakbo sa paraang di-sukat akalain maging ng mga gumawa nito.” Hanggang sa ngayon, pinagpapala pa rin ni Jehova ang gayong marubdob na pagsisikap.
15. Paano mapapatibay ng Roma 8:11 ang mga napapaharap sa tukso?
15 Ang espiritu ni Jehova ay kumikilos sa iba’t ibang paraan. Ang espiritung iyan ay maaaring hingin ng lahat ng lingkod ng Diyos, at ito ang tutulong sa kanila na makayanan ang mabibigat na hamon. Paano kung napapaharap Roma 7:21, 25 at 8:11. Oo, “ang espiritu niya na nagbangon kay Jesus mula sa mga patay” ang tutulong sa atin na mapaglabanan ang pagnanasa ng laman. Ang pananalitang iyan ay para sa mga pinahirang Kristiyano, pero kapit sa lahat ng lingkod ng Diyos ang simulain nito. Magtatamo tayo ng buhay kung tayo ay mananampalataya kay Kristo, magsisikap na iwaksi ang maling mga pagnanasa, at mamumuhay ayon sa patnubay ng espiritu.
tayo sa matinding tukso? Mapapalakas tayo ng sinabi ni Pablo sa16. Ano ang dapat nating gawin para makatanggap ng banal na espiritu?
16 Bibigyan ba tayo ng Diyos ng kaniyang aktibong puwersa kung wala tayong gagawing pagsisikap? Hindi. Kailangan natin itong hingin sa panalangin at dapat nating pag-aralang mabuti ang kinasihang Salita ng Diyos. (Kaw. 2:1-6) Bukod diyan, ang espiritu ng Diyos ay nasa kongregasyong Kristiyano. Ang regular na pagdalo sa pulong ay nagpapakitang gusto nating “makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.” (Apoc. 3:6) Dapat din nating ikapit ang ating mga natututuhan. Pinapayuhan tayo ng Kawikaan 1:23: “Manumbalik kayo dahil sa aking saway. Kung magkagayon ay pabubukalin ko sa inyo ang aking espiritu.” Oo, ibinibigay ng Diyos ang banal na espiritu “sa mga sumusunod sa kaniya bilang tagapamahala.”—Gawa 5:32.
17. Sa ano maihahalintulad ang epekto ng pagpapala ng Diyos sa ating pagsisikap?
17 Bagaman kailangan ang marubdob na pagsisikap para pagpalain ng Diyos, hindi lang ito ang dahilan kung bakit saganang pinagpapala ni Jehova ang kaniyang bayan. Ang epekto ng pagpapala niya sa ating pagsisikap ay maihahalintulad sa pakinabang na nakukuha ng ating katawan mula sa masustansiyang pagkain. Ginawa ng Diyos ang ating katawan para masiyahan sa pagkain at makuha ang sustansiya nito. Siya rin ang naglalaan ng pagkain. Hindi natin lubusang alam kung paano nagkakaroon ng sustansiya ang ating pagkain, at hindi rin kayang ipaliwanag ng marami sa atin kung paano nakakagawa ng enerhiya ang ating katawan mula sa ating kinakain. Basta ang alam natin, nangyayari ang prosesong ito at nakikipagtulungan tayo rito kapag kumakain tayo. Kung masustansiya ang ating kakainin, mas maganda ang resulta. Sa gayunding paraan, nagtakda si Jehova ng mga kahilingan para matamo natin ang buhay na walang hanggan, at siya rin ang naglalaan ng tulong para maabot ang mga kahilingang iyon. Maliwanag na mas malaki ang papel na ginagampanan niya at na siya ang dapat papurihan. Pero kailangan nating makipagtulungan at kumilos ayon sa kalooban niya para tumanggap ng pagpapala.—Hag. 2:18, 19.
18. Ano ang determinado mong gawin, at bakit?
18 Kaya pakadibdibin ang iyong mga atas. Palaging umasa kay Jehova para magtagumpay ka. (Mar. 11:23, 24) Makakatiyak kang “bawat isa na naghahanap ay nakasusumpong.” (Mat. 7:8) Ang mga pinahiran ng espiritu ay pagkakalooban ng “korona ng buhay” sa langit. (Sant. 1:12) Ang “ibang mga tupa,” na nagsisikap magtamo ng pagpapala sa pamamagitan ng binhi ni Abraham, ay magagalak kapag sinabi Niya: “Halikayo, kayo na mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.” (Juan 10:16; Mat. 25:34) Oo, “ang mga pinagpapala [ng Diyos] ang siyang magmamay-ari ng lupa, . . . at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:22, 29.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Ano ang nasasangkot sa taimtim na pagsunod?
• Ano ang kailangan para makamit ang pagpapala ng Diyos?
• Ano ang dapat nating gawin para makatanggap ng banal na espiritu ng Diyos? Paano tayo tinutulungan nito?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 9]
Nakipagbuno si Jacob sa anghel para makamit ang pagpapala ni Jehova
Gayon din ba karubdob ang iyong pagsisikap?
[Larawan sa pahina 10]
Tinulungan ng banal na espiritu ng Diyos sina Bezalel at Oholiab