Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagtagumpay ang Espesyal na Kampanya sa Bulgaria

Nagtagumpay ang Espesyal na Kampanya sa Bulgaria

Nagtagumpay ang Espesyal na Kampanya sa Bulgaria

“Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.”​—MAT. 9:37, 38.

ANGKOP na angkop ang mga salitang iyan ni Jesus sa sitwasyon sa Bulgaria, isang magandang bansa sa Balkan sa timog-silangang Europa. Mahigit pitong milyon katao ang kailangang mapaabutan ng mabuting balita pero mga 1,700 mamamahayag lang ang nasa Bulgaria at hindi nila kayang mapangaralan ang buong teritoryo. Dahil dito, isinaayos ng Lupong Tagapamahala na anyayahan ang mga Saksing nagsasalita ng Bulgariano mula sa ilang bansa sa Europa para makibahagi sa isang espesyal na kampanya noong tag-araw ng 2009. Isinagawa ito sa loob ng pitong linggo at natapos sa “Patuloy na Magbantay!” na Pandistritong Kombensiyon sa Sofia noong Agosto 14-16, 2009.

Napakaraming Tumugon

Iniisip ng mga kapatid sa tanggapang pansangay sa Sofia kung ilan kaya ang tutugon mula sa Alemanya, Espanya, Gresya, Italya, Poland, at Pransiya. Kailangang maglakbay ang mga boluntaryo patungong Bulgaria sa sarili nilang gastos at magbakasyon sa trabaho para mangaral. Nakakatuwa naman dahil parami nang parami ang nagpapatala linggu-linggo hanggang sa umabot ng 292! Sa dami ng tumugon, maaari nang magpadala ng mga boluntaryo sa tatlong lunsod sa Bulgaria: Kazanlak, Sandanski, at Silistra. Inanyayahan din ng mga tagapangasiwa ng sirkito sa Bulgaria ang mga payunir at mamamahayag na tagaroon. Umabot sa 382 boluntaryo ang masigasig na nangaral sa mga teritoryong bihirang mapaabutan ng mabuting balita.

Ang mga kapatid sa kalapít na mga kongregasyon ang inatasang humanap ng matutuluyan ng mga boluntaryo. Umupa sila ng mga apartment at nagpareserba sa mga murang hotel. Inasikasong mabuti ng mga kapatid na ito ang mga boluntaryo para maihatid sa tuluyan nila at mailaan ang kanilang mga pangangailangan. Umupa rin ng mga lugar na mapagtitipunan sa tatlong lunsod na iyon. Nagsaayos din ng mga pulong na pangangasiwaan ng mga boluntaryong brother. Napakasayang makita na 50 mamamahayag ang magkakasamang pumupuri kay Jehova sa mga lugar na wala man lang kahit isang Saksi.

Napakasigasig ng mga kapatid na dumayo para sa kampanya. Kapag tag-araw, umaabot ng mahigit 40 digri Celsius ang temperatura sa Bulgaria, pero hindi ito nakahadlang sa kanila. Sa loob lang ng tatlong linggo, napangaralan nila ang buong Silistra, isang lunsod sa tabi ng Ilog Danube na may mahigit 50,000 mamamayan. Kaya nakapangaral ang mga kapatid pati sa kalapít na mga nayon, at nakaabot pa nga sa Tutrakan, na 55 kilometro sa kanluran ng Silistra. Nagsisimula silang mangaral tuwing alas 9:30 n.u. Pagkapananghalian, nagpapatuloy sila hanggang alas 7:00 n.g. o lampas pa rito. Ganiyan din ang nangyari sa Kazanlak at Sandanski. Dahil sa sigasig ng mga boluntaryo, nakapangaral din sila sa kalapít na mga nayon at lunsod.

Ano ang Resulta?

Napakaraming napangaralan sa loob ng pitong linggo. Masasabi ng mga nakatira sa mga lunsod na iyon, ‘Pinunô ninyo ng inyong turo ang aming lunsod.’ (Gawa 5:28) Nakapamahagi ang mga Saksi ng mga 50,000 magasin at nakapagpasimula ng 482 pag-aaral sa Bibliya. Nakagagalak na noong Setyembre 1, 2009, isang kongregasyon ang naitatag sa Silistra, at may mga grupo naman sa Kazanlak at Sandanski. Nakagagalak ding makita na sumusulong sa espirituwal ang mga indibiduwal na noon lang napangaralan.

Sa unang linggo ng kampanya, isang special pioneer na sister na taga-Espanya ang nagpatotoo kay Karina, isang babaing taga-Silistra na nagtitinda ng diyaryo sa lansangan. Nagpakita ng interes si Karina at dumalo sa pulong. Pumayag siyang makipag-aral ng Bibliya. Pero ateista ang asawa niya kaya hiniling niyang sa parke idaos ang pag-aaral. Kasama sa pag-aaral ang kaniyang dalawang anak na babae. Si Daniela, ang nakatatandang anak, ay interesadung-interesado sa Bibliya. Natapos niyang basahin ang aklat na Itinuturo ng Bibliya sa loob lang ng isang linggo at agad na ikinapit ang utos ng Bibliya na huwag gumamit ng imahen sa pagsamba. Ikinuwento rin niya sa kaniyang mga kaibigan ang mga natutuhan niya. Tatlong linggo lang mula nang una siyang dumalo sa pulong, sinabi niya sa sister na nagtuturo sa kaniya: “Pakiramdam ko po’y Saksi na rin ako. Ano po ang dapat kong gawin para makapangaral din?” Patuloy na sumusulong si Daniela, pati ang kaniyang nanay at kapatid.

Sa Kazanlak, naglalakad pauwi si Orlin, isang Bulgarianong brother na taga-Italya. Nagpatotoo siya sa dalawang kabataang lalaki na nadaanan niya sa isang parke. Nakapag-iwan siya sa kanila ng aklat na Itinuturo ng Bibliya at isinaayos na makausap sila uli. Kinabukasan, napasimulan niya ang pag-aaral sa Bibliya kay Svetomir at ipinagpatuloy iyon nang sumunod na araw. Sa loob ng siyam na araw, walong beses silang nag-aral. Sinabi ni Svetomir: “Dalawang araw bago kita nakilala, nanalangin ako sa Diyos na tulungan sana akong makilala siya. At nangako akong iaalay sa kaniya ang buhay ko kung tutulungan niya ako.” Nang bumalik si Orlin sa Italya, ipinagpatuloy ng mga kapatid sa Bulgaria ang pakikipag-aral kay Svetomir, at patuloy itong sumusulong sa espirituwal.

Saganang Pinagpapala ang mga Mapagsakripisyo

Ano ang nadama ng mga kapatid na iyon na gumamit ng kanilang bakasyon at salapi para makapangaral sa ibang bansa? Isang elder sa Espanya ang sumulat: “Dahil sa kampanyang iyon, naging mas malapít sa isa’t isa ang mga kapatid na nagsasalita ng Bulgariano sa Espanya. Malaki ang epekto nito sa mga nagboluntaryo.” Isang mag-asawa mula sa Italya ang sumulat: “Ito ang pinakamasayang buwan sa buhay namin!” Sabi pa nila: “Binago nito ang aming buhay! Ibang-iba na kami ngayon.” Plano ng mag-asawang ito na manirahan sa Bulgaria para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Si Carina ay isang dalagang regular pioneer mula sa Espanya na nagboluntaryo sa Silistra. Pagkatapos ng kampanya, nagbitiw siya sa trabaho at lumipat sa Bulgaria para suportahan ang bagong kongregasyon sa lunsod na iyon. May naipon siyang sapat na pera para makapanirahan doon nang isang taon. Sinabi ni Carina: “Ang saya-saya ko dahil pinahintulutan ako ni Jehova na maglingkod dito. Makapanatili sana ako rito nang mahabang panahon. Lima na ang Bible study ko, at dumadalo na sa pulong ang tatlo sa kanila.”

Isang sister na Italyana ang gustong makibahagi sa kampanya, pero dahil kasisimula pa lang niya sa trabaho, hindi pa siya puwedeng magbakasyon. Palibhasa’y determinado siya, hiniling niyang makapagbakasyon nang isang buwan kahit walang suweldo at handa siyang magbitiw kung hindi siya papayagan. Laking gulat niya nang sabihin ng kaniyang boss: “Sige, pero sa isang kundisyon: Padalhan mo ako ng postkard mula sa Bulgaria.” Nadama ng sister na sinagot ni Jehova ang panalangin niya.

Si Stanislava, isang kabataang sister mula sa lunsod ng Varna sa Bulgaria, ay may full-time na trabaho at malaki ang suweldo. Para makapagboluntaryo sa Silistra, nagbakasyon siya sa trabaho. Napaiyak siya nang makita niya kung gaano kasaya ang mga payunir na dumayo pa sa kanilang bansa para mangaral. Napag-isip-isip niya tuloy na walang pinatutunguhan ang buhay niya. Pagkauwi niya makaraan ang dalawang linggo, nagbitiw siya sa trabaho at nagregular pioneer. Ngayon ay maligayang-maligaya na siya, anupat inaalala ang kaniyang Maylalang sa panahon ng kabataan.​—Ecles. 12:1.

Napakalaking pagpapala ang idinudulot ng paglilingkod kay Jehova. Wala nang mas makabuluhan pa kaysa sa paggamit ng iyong panahon at lakas sa pagtuturo at pangangaral ng mabuting balita. Mapapalawak mo pa ba ang iyong pakikibahagi sa nagliligtas-buhay na ministeryong ito? Baka may mga lugar sa inyong bansa na malaki ang pangangailangan. Puwede ka bang lumipat doon? O baka naman puwede kang mag-aral ng ibang wika para makatulong sa mga taong uháw sa katotohanan. Makakatiyak ka na saganang pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap mong palawakin ang iyong ministeryo.​—Kaw. 10:22.

[Kahon/Larawan sa pahina 32]

Isang Di-malilimot na Araw

Marami sa mga nanggaling sa ibang mga bansa sa Europa para sumuporta sa espesyal na kampanya sa Bulgaria ang dumalo sa “Patuloy na Magbantay!” na Pandistritong Kombensiyon sa Sofia. Talagang napatibay ang mga kapatid sa Bulgaria na makasama ang maraming bisita mula sa iba’t ibang bansa. Noong Biyernes, tuwang-tuwa ang 2,039 na dumalo nang ilabas ni Brother Geoffrey Jackson ng Lupong Tagapamahala ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Bulgariano! Sinundan ito ng malakas at mahabang palakpakan. Marami ang napaiyak. Ang tumpak na saling ito na madaling maintindihan ay makakatulong sa taimtim na mga Bulgariano na makilala si Jehova.

[Mapa sa pahina 30, 31]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

BULGARIA

SOFIA

Sandanski

Silistra

Kazanlak

[Mga larawan sa pahina 31]

Napakaraming napangaralan sa loob ng pitong linggo