Pagkakaisang Kristiyano—Lumuluwalhati sa Diyos
Pagkakaisang Kristiyano—Lumuluwalhati sa Diyos
‘Marubdob na pagsikapang ingatan ang pagkakaisa ng espiritu.’—EFE. 4:3.
1. Paano nagdulot ng kaluwalhatian sa Diyos ang mga Kristiyano sa Efeso?
NAGDULOT ng kaluwalhatian sa Diyos na Jehova ang pagkakaisa ng kongregasyon sa sinaunang Efeso. Sa maunlad na lunsod na iyon, ang ilang Kristiyano ay mayayaman na may mga alipin, at ang iba naman ay mga alipin at maralita. (Efe. 6:5, 9) Ang ilan ay mga Judio na natuto ng katotohanan nang mangaral si Pablo sa kanilang sinagoga sa loob ng tatlong buwan. Ang iba naman ay dating sumasamba kay Artemis at nagsasagawa ng mahika. (Gawa 19:8, 19, 26) Oo, pinagkaisa ng tunay na Kristiyanismo ang iba’t ibang uri ng tao. Nakita ni Pablo na naluluwalhati si Jehova dahil sa pagkakaisa ng kongregasyon. Sumulat siya: “Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng kongregasyon.”—Efe. 3:21.
2. Bakit nanganib ang pagkakaisa ng mga Kristiyano sa Efeso?
2 Pero nanganib ang pagkakaisa ng kongregasyon sa Efeso. Binabalaan ni Pablo ang matatanda roon: “Mula sa inyo mismo ay may mga taong babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.” (Gawa 20:30) Bukod diyan, ang ilang kapatid ay may espiritu pa rin ng pagkakabaha-bahagi, na ayon kay Pablo ay ‘kumikilos sa mga anak ng pagsuway.’—Efe. 2:2; 4:22.
Isang Liham na Nagdiriin ng Pagkakaisa
3, 4. Paano idiniriin ng liham ni Pablo sa mga taga-Efeso ang pagkakaisa?
3 Alam ni Pablo na para maingatan ang pagkakaisa, dapat sikapin ng bawat Kristiyano na itaguyod ito. Kinasihan si Pablo na sulatan ang mga taga-Efeso tungkol sa kahalagahan ng pagkakaisa. Halimbawa, sinabi niyang layunin ng Diyos na “muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo.” (Efe. 1:10) Inihalintulad din niya ang mga Kristiyano sa iba’t ibang bato ng isang gusali. “Ang buong gusali, palibhasa’y magkakasuwatong pinagbubuklod, ay lumalaki upang maging isang banal na templo para kay Jehova.” (Efe. 2:20, 21) Idiniin din niya ang pagkakaisa ng mga Kristiyanong Judio at Gentil at ipinaalala sa kanila na iisa lang ang pinagmulan nila. Sinabi niyang si Jehova ang “Ama, na siyang pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa.”—Efe. 3:5, 6, 14, 15.
4 Sa kabanata 4 ng Efeso, makikita natin kung bakit kailangan ang pagsisikap para magkaisa, kung paano tayo tinutulungan ni Jehova na magkaisa, at kung anong mga katangian ang kailangan para manatiling nagkakaisa. Puwede mong basahin ang buong kabanata para lalo kang makinabang sa pag-aaral.
Marubdob na Pagsisikap—Kailangan sa Pagkakaisa
5. Bakit nakapaglilingkod nang may pagkakaisa ang mga anghel? Bakit mas mahirap para sa atin na magkaisa?
5 Namanhik si Pablo sa mga kapatid sa Efeso na ‘pagsikapan nilang ingatan ang pagkakaisa ng espiritu.’ (Efe. 4:3) Para makita kung bakit kailangan ang pagsisikap, kuning halimbawa ang mga anghel. Lahat ng bagay na nabubuhay sa lupa ay magkakaiba, kaya makatuwirang isipin na magkakaiba rin ang milyun-milyong anghel. (Dan. 7:10) Pero nagkakaisa sila sa paglilingkod kay Jehova dahil nakikinig silang lahat sa kaniya at ginagawa ang kaniyang kalooban. (Basahin ang Awit 103:20, 21.) Ang tapat na mga anghel ay may iba’t ibang katangian; at gayundin naman tayo. Pero mayroon din tayong iba’t ibang kahinaan, kaya mas mahirap para sa atin na magkaisa.
6. Anong mga katangian ang tutulong sa atin na magkaisa kahit may kani-kaniya tayong kahinaan?
6 Palibhasa’y di-sakdal, napakahirap para sa mga tao na magkaisa. Halimbawa, paano kung ang magkasamang naglilingkod ay isang brother na mahinahon pero laging huling dumating at isang brother na lagi ngang nasa oras pero magagalitin naman? Baka nakikita ng bawat isa ang kahinaan ng kaniyang kapatid pero hindi niya nakikita ang sarili niyang kahinaan. Paano kaya sila magkakaisa? Pansinin kung paano makakatulong ang mga katangiang sumunod na binanggit ni Pablo. Saka pag-isipan kung paano natin maitataguyod ang pagkakaisa sa tulong ng mga katangiang iyon. Sumulat Efe. 4:1-3.
si Pablo: “Namamanhik [ako] sa inyo na lumakad nang karapat-dapat . . . na may buong kababaan ng pag-iisip at kahinahunan, na may mahabang pagtitiis, na pinagtitiisan ang isa’t isa sa pag-ibig, na marubdob na pinagsisikapang ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan.”—7. Bakit napakahalagang sikaping maglingkod kaisa ng iba pang di-sakdal na mga Kristiyano?
7 Napakahalagang sikaping maglingkod kaisa ng iba pang di-sakdal na mga kapatid dahil may isang katawan lang, wika nga, ng tunay na mga mananamba. “May isang katawan, at isang espiritu, gaya nga ng pagkatawag sa inyo sa isang pag-asa na doon ay tinawag kayo; isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo; isang Diyos at Ama ng lahat.” (Efe. 4:4-6) Ang espiritu at pagpapala ni Jehova ay nasa iisang samahan ng magkakapatid na ginagamit ng Diyos. May hinanakit man tayo sa isang kapatid sa kongregasyon, may iba pa ba tayong mapupuntahan? Dito lang natin naririnig ang pananalita ng buhay na walang hanggan.—Juan 6:68.
“Kaloob na mga Tao”—Nagtataguyod ng Pagkakaisa
8. Ano ang ginagamit ni Kristo para pagkaisahin tayo?
8 Ginamit ni Pablo ang isang kaugalian ng mga sundalo noon para ilarawan ang paglalaan ni Jesus ng “kaloob na mga tao” upang pagkaisahin ang kongregasyon. Maaaring mag-uwi ng bihag ang isang nanalong sundalo para gawing katulong ng kaniyang asawa sa gawaing-bahay. (Awit 68:1, 12, 18) Sa katulad na paraan, nagkaroon si Jesus ng maraming masunuring alipin nang madaig niya ang sanlibutan. (Basahin ang Efeso 4:7, 8.) Paano niya ginamit ang makasagisag na mga bihag na iyon? “Ibinigay niya ang ilan bilang mga apostol, ang ilan bilang mga propeta, ang ilan bilang mga ebanghelisador, ang ilan bilang mga pastol at mga guro, upang maibalik sa ayos ang mga banal, ukol sa ministeryal na gawain, ukol sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo, hanggang sa makamtan nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya.”—Efe. 4:11-13.
9. (a) Paano tumutulong ang “kaloob na mga tao” para mapanatili ang pagkakaisa? (b) Bakit dapat itaguyod ng bawat isa sa kongregasyon ang pagkakaisa?
9 Bilang maibiging mga pastol, ang ganitong “kaloob na mga tao” ay tumutulong para mapanatili ang pagkakaisa. Halimbawa, kapag napansin ng isang elder na may dalawang brother na “nagsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa,” malaki ang maitutulong niya kung papayuhan niya sila nang sarilinan para ‘ibalik sa ayos sa espiritu ng kahinahunan.’ (Gal. 5:26–6:1) Bilang mga guro naman, tinutulungan nila tayong magkaroon ng matibay na pananampalataya salig sa Bibliya. Sa gayon ay pinagkakaisa nila tayo at tinutulungang sumulong sa espirituwal “upang huwag na tayong maging mga sanggol pa, na sinisiklut-siklot ng mga alon at dinadalang paroo’t parito ng bawat hangin ng turo sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng katusuhan sa pagkatha ng kamalian.” (Efe. 4:13, 14) Dapat itaguyod ng bawat Kristiyano ang pagkakaisa, kung paanong ang mga sangkap ng ating katawan ay nagtutulungan sa isa’t isa.—Basahin ang Efeso 4:15, 16.
Maglinang ng Mabubuting Katangian
10. Paano maaaring masira ng imoral na paggawi ang ating pagkakaisa?
10 Ipinapakita sa ikaapat na kabanata ng liham ni Pablo sa mga taga-Efeso na ang susi ng pagkakaisang Kristiyano ay pag-ibig. Ipinapakita rin nito kung ano ang nasasangkot sa pag-ibig. Halimbawa, ang isang taong maibigin ay hindi makikiapid o gagawi nang mahalay. Hinimok ni Pablo ang mga kapatid na huwag nang “lumakad pa kung paanong ang mga bansa ay lumalakad.” Ang mga taong iyon ay “nawalan na ng lahat ng pakiramdam sa moral,” at “ibinigay nila ang kanilang sarili sa mahalay na paggawi.” (Efe. 4:17-19) Maaaring sirain ng imoral na daigdig na ito ang ating pagkakaisa. Ginagawa nilang biro ang pakikiapid, inaawit ito, pinapanood, at ginagawa nang palihim o lantaran. Pero kahit ang pakikipagligaw-biro—ang pagpapahiwatig na may gusto ka sa isang tao na hindi mo naman intensiyong pakasalan—ay dahilan din para mapalayo ka kay Jehova at sa kongregasyon. Bakit? Dahil madali itong mauwi sa pakikiapid. Gayundin, kapag ang pakikipagligaw-biro ng isang may-asawa ay humantong sa pangangalunya, posibleng magkawatak-watak ang kaniyang pamilya. Nakakasira nga ng pagkakaisa! Kaya naman sumulat si Pablo: “Hindi ninyo natutuhang gayon ang Kristo.”—Efe. 4:20, 21.
11. Anong pagbabago ang dapat gawin ng mga Kristiyano?
11 Idiniin ni Pablo na dapat nating iwaksi ang mapanirang saloobin at sa halip ay linangin ang mga katangiang nagtataguyod ng pagkakaisa. Sinabi niya: “Alisin ninyo ang lumang personalidad na naaayon sa inyong dating landasin ng paggawi at na pinasasamâ ayon sa . . . mapanlinlang na mga pagnanasa [ng lumang personalidad]; . . . magbago kayo sa puwersa na nagpapakilos sa inyong pag-iisip, at magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.” (Efe. 4:22-24) Paano natin ‘mababago ang puwersang nagpapakilos sa ating pag-iisip’? Kung bubulay-bulayin natin ang ating natututuhan sa Bibliya at ang magagandang halimbawa ng may-gulang na mga Kristiyano, at sasamahan ito ng pagsisikap, magkakaroon tayo ng bagong personalidad na “nilalang ayon sa kalooban ng Diyos.”
Gamitin ang Dila sa Tamang Paraan
12. Paano nagtataguyod ng pagkakaisa ang pagsasalita ng katotohanan? Bakit nahihirapan ang ilan na magsabi ng totoo?
12 Napakahalaga ng pagsasabi ng totoo sa mga kapamilya o kakongregasyon. Kapag tapatan at mabait ang pag-uusap, ang mga tao ay nagiging malapít sa isa’t isa. (Juan 15:15) Pero paano kung ang isa ay nagsinungaling sa kaniyang kapatid? Kapag nalaman ito ng kaniyang kapatid, masisira ang tiwala nito sa kaniya. Kaya naman sumulat si Pablo: “Magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa, sapagkat tayo ay mga sangkap na nauukol sa isa’t isa.” (Efe. 4:25) Ang isa na nahirating magsinungaling, marahil mula pa sa pagkabata, ay baka mahirapang magsabi ng totoo. Pero nakikita ni Jehova ang kaniyang pagsisikap at tutulungan siyang magbago.
13. Ano ang nasasangkot sa pag-aalis ng mapang-abusong pananalita?
13 Tinuturuan tayo ni Jehova na kontrolin ang ating pagsasalita para manatili ang paggalang at pagkakaisa sa loob ng kongregasyon at pamilya. “Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig . . . Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo pati na ang lahat ng kasamaan.” (Efe. 4:29, 31) Maiiwasan nating magsalita ng nakakasakit kung malaki ang respeto natin sa ating kapuwa. Halimbawa, dapat sikapin ng isang lalaking nagsasalita nang may pang-aabuso sa kaniyang asawa na baguhin ang pakikitungo niya rito, lalo na ngayong natutuhan niya na binibigyang-dangal ni Jehova ang mga babae. Ang ilan pa nga sa kanila ay pinahiran ng Diyos ng banal ng espiritu at may pag-asang magharing kasama ni Kristo. (Gal. 3:28; 1 Ped. 3:7) Ang isang babae naman na laging nambubulyaw sa kaniyang asawa ay dapat ding magbago ngayong natutuhan niyang nagtimpi si Jesus nang laitin ito.—1 Ped. 2:21-23.
14. Bakit mapanganib kung hindi natin kokontrolin ang galit?
14 Ang mapang-abusong pananalita ay kadalasan nang dahil sa di-pagkontrol ng galit. Ang galit ay nagiging sanhi rin ng pagkakabaha-bahagi. Ito ay gaya ng apoy—mahirap kontrolin at nagdudulot ng malaking pinsala. (Kaw. 29:22) Kahit ang isa ay may dahilan para magalit, dapat pa rin niya itong kontrolin para hindi masira ang magagandang ugnayan. Dapat sikapin ng mga Kristiyano na maging mapagpatawad, anupat hindi nagkikimkim ng sama ng loob at hindi na inuungkat ang nangyari. (Awit 37:8; 103:8, 9; Kaw. 17:9) Pinayuhan ni Pablo ang mga taga-Efeso: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit, ni magbigay man ng dako sa Diyablo.” (Efe. 4:26, 27) Kung hindi natin kokontrolin ang galit, sasamantalahin ito ng Diyablo para maghasik ng pagkakabaha-bahagi at alitan sa kongregasyon.
15. Ano ang magiging epekto kung kukunin natin ang pag-aari ng iba?
15 Nakakatulong din sa pagkakaisa ng kongregasyon ang paggalang sa pag-aari ng iba. Mababasa natin: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa.” (Efe. 4:28) Ang mga mananamba ni Jehova ay may tiwala sa isa’t isa. Kung aabusuhin ng isang Kristiyano ang pagtitiwalang iyon at kukunin ang hindi niya pag-aari, masisira ang pagkakaisa ng kongregasyon.
Pinagkakaisa ng Pag-ibig sa Diyos
16. Paano nakakatulong sa ating pagkakaisa ang nakapagpapatibay na pananalita?
16 Nagkakaisa ang kongregasyong Kristiyano dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos, anupat nauudyukan sila nito na ibigin din ang iba. Dahil sa pagpapahalaga natin sa kabaitan ni Jehova, sinisikap nating ikapit ang payo: “[Magsalita ng] anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibahagi nito ang kaayaaya sa mga nakikinig. . . . Maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusang nagpatawad din sa inyo.” (Efe. 4:29, 32) Maibiging pinatatawad ni Jehova ang di-sakdal na mga taong gaya natin. Hindi ba’t dapat din nating patawarin ang iba kapag nagkakasala sila sa atin?
17. Bakit dapat nating sikaping itaguyod ang pagkakaisa?
17 Nagdudulot ng kaluwalhatian kay Jehova ang pagkakaisa ng kaniyang bayan. Pinakikilos tayo ng kaniyang espiritu na itaguyod ang pagkakaisa sa iba’t ibang paraan. Tiyak na hindi natin tatanggihan ang pag-akay ng espiritu. Sumulat si Pablo: “Huwag ninyong pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos.” (Efe. 4:30) Ang pagkakaisa ay isang kayamanang dapat ingatan. Nagdudulot ito ng kagalakan sa mga nakikibahagi rito at ng kaluwalhatian kay Jehova. “Kaya nga, maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal, at patuloy kayong lumakad sa pag-ibig.”—Efe. 5:1, 2.
Paano Mo Sasagutin?
• Anong mga katangian ang nagtataguyod ng pagkakaisang Kristiyano?
• Paano maitataguyod ng ating paggawi ang pagkakaisa ng kongregasyon?
• Paano makakatulong ang ating pananalita para magkaisa tayo?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 17]
Nagkakaisa ang iba’t ibang uri ng tao
[Larawan sa pahina 18]
Alam mo ba kung bakit mapanganib ang pakikipagligaw-biro?