Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Abala sa Organisasyon ni Jehova

Abala sa Organisasyon ni Jehova

Abala sa Organisasyon ni Jehova

Ayon sa salaysay ni Vernon Zubko

LUMAKI ako sa isang farm malapit sa Stenen, isang nayon sa lalawigan ng Saskatchewan, Canada. Lima kaming magkakapatid, si Ate Aurellia, ako, at ang nakababatang sina Alvin, Allegra, at Daryl. Ang aming mga magulang, sina Fred at Adella, ay nagsikap para mapaglaanan kami sa espirituwal at materyal na paraan. Hanggang sa ngayon, nagpapasalamat pa rin kami sa kanila dahil sa pagtuturo sa amin ng katotohanan.

Si Itay, na isang pinahirang Kristiyano, ay matapang na ebanghelisador. Masipag siyang maghanapbuhay, pero tiniyak din niyang kilala siya ng lahat bilang isang Saksi. Lagi niyang ipinakikipag-usap ang tungkol sa katotohanan. Hindi ko malilimot ang kaniyang sigasig at lakas ng loob. Madalas niyang sabihin sa akin, “Kapag abala ka sa organisasyon ni Jehova, makakaiwas ka sa maraming problema.”

Madalas kaming magpatotoo sa lansangan sa Stenen at sa karatig na mga komunidad. Hindi ito madali para sa akin. Bawat bayan ay may mga siga na nanunukso sa mga batang tulad ko. Minsan, noong walong taóng gulang pa lang ako, nakatayo ako sa isang kanto hawak ang Bantayan at Gumising! nang palibutan ako ng isang grupo ng mga tin-edyer. Hinablot nila ang bago kong sombrero at inilagay sa posteng nasa tabi ko. Mabuti na lang at nakita ito ng isang nakatatandang brother. Lumapit siya at nagtanong, “Vern, may problema ba?” Biglang nag-alisan ang mga tin-edyer. Bagaman nakakainis ang nangyaring ito, may natutuhan akong leksiyon​—na kapag nagpapatotoo sa lansangan, hindi dapat na basta nakatayo ka lang na parang poste. Ang maagang pagsasanay ring ito ang nagpalakas ng loob ko para magbahay-bahay.

Kami ni Alvin ay nabautismuhan noong Mayo 1951. Trese anyos ako noon. Tandang-tanda ko pa nang payuhan kami ni Brother Jack Nathan, ang nagpahayag sa bautismo, na huwag naming hayaang lumipas ang isang buwan nang hindi man lang nakikipag-usap tungkol kay Jehova. * Para sa aming pamilya, wala nang pinakamainam na karera kundi ang pagpapayunir. Kaya noong 1958, pagkatapos ng aking pag-aaral, lumipat ako sa Winnipeg, Manitoba, para magpayunir. Bagaman gusto ni Itay na magtrabaho ako bilang tagakinis ng tabla sa negosyo ng aming pamilya, mas mahalaga pa rin sa kanila ni Inay ang buong-panahong ministeryo kaya naman sinuportahan nila ang paglipat ko.

Bagong Tahanan, Bagong Kapareha

Noong 1959, nanawagan ang tanggapang pansangay sa mga puwedeng lumipat sa Quebec dahil kailangang-kailangan doon ang mga ebanghelisador. Nagpayunir ako sa Montreal. Kaylaking pagbabago! Isa itong bagong kabanata sa buhay ko dahil kinailangan kong matutuhan ang wikang Pranses at makasanayan ang ibang kultura. Sinabi sa akin ng aming tagapangasiwa ng sirkito: “Huwag na huwag mong sasabihin, ‘Sa aming lugar, ganito ang ginagawa namin.’” Nakatulong ang payong iyon.​—1 Cor. 9:22, 23.

Wala akong kapartner na payunir nang lumipat ako sa Quebec. Pero isang sister na nakilala ko noon sa Winnipeg, si Shirley Turcotte, ang naging permanenteng kapareha ko nang ikasal kami noong Pebrero 1961. Nanggaling din siya sa isang pamilyang umiibig kay Jehova. Hindi ko sukat-akalaing magiging malaking pampatibay-loob siya sa akin sa paglipas ng mga taon.

Pangangaral sa Gaspé

Dalawang taon pagkatapos ng aming kasal, inatasan kaming mag-special pioneer sa Rimouski, Quebec. Nang sumunod na tagsibol, hiniling ng tanggapang pansangay na mangaral kami sa Gaspé Peninsula, sa silangang baybayin ng Canada, para makapagtanim ng maraming binhi ng katotohanan. (Ecles. 11:6) Kinargahan namin ang aming sasakyan ng mahigit 1,000 magasin at halos 400 aklat, mga pagkain at damit, at saka kami naglakbay para mangaral sa Gaspé sa loob ng isang buwan. Inisa-isa namin ang maliliit na nayon doon. Nagbabala ang istasyon ng radyo na may darating na mga Saksi at pinagsabihan ang mga residente na huwag tanggapin ang aming mga publikasyon. Pero hindi naintindihan ng marami ang babala, anupat inakalang iniaanunsiyo ang mga publikasyon, kaya naman nagkuhanan sila ng literatura.

Noon pa lang nagiging malaya ang pangangaral sa ilang lugar sa Quebec, kaya madalas kaming pigilan ng mga pulis. Nangyari ito sa isang lunsod kung saan halos lahat ng residente ay kumukuha ng literatura. Isinama kami ng pulis sa kanilang istasyon. Napag-alaman ko na galing sa abogado ng lunsod ang utos na patigilin ang aming pangangaral. Dahil wala ang hepe ng pulisya, sa abogadong iyon ko ipinakita ang isang dokumentadong liham mula sa tanggapang pansangay sa Toronto na nagpapaliwanag ng aming karapatang mangaral. Pagkabasa ng liham, agad na sinabi ng abogado: “Teka, ayoko ng gulo. Napag-utusan lang ako ng pari na pagbawalan kayo.” Para makita ng mga tagaroon na hindi ilegal ang aming gawain, bumalik agad kami sa mismong lugar na pinaghulihan sa amin at nagpatuloy sa pangangaral.

Kinabukasan, nakipagkita kami sa hepe. Nagalit siya nang malaman niyang pinahinto kami sa pangangaral. Tinawagan niya ang abogado at sinermunan ito nang husto. Sinabi sa amin ng hepe na kapag nagkaproblema kami, siya mismo ang tawagan namin at siya na ang bahala. Bagaman mga dayuhan kami at di-gaanong makapagsalita ng Pranses, nakita namin na mababait at mapagpatuloy ang mga tagaroon. Pero iniisip namin, ‘Matututuhan kaya nila ang katotohanan?’ Nasagot iyan pagkalipas ng ilang taon nang bumalik kami para magtayo ng mga Kingdom Hall sa iba’t ibang lugar sa Gaspé. Nakita namin na marami sa mga napatotohanan namin ang naging mga Saksi. Oo, talagang si Jehova ang nagpapalago.​—1 Cor. 3:6, 7.

Isang Pamana

Noong 1970, isinilang ang aming anak na si Lisa. Dahil sa pamanang ito mula kay Jehova, lalong sumaya ang buhay namin. Kasama ko sina Shirley at Lisa sa mga proyekto ng pagtatayo ng Kingdom Hall. Nang makatapos ng pag-aaral si Lisa, sinabi niya: “Mom, Dad, alam ko pong dahil sa akin kung kaya pansamantala kayong nawala sa buong-panahong paglilingkod. Kaya ako naman po ang magpapayunir para makabawi sa inyo.” Pagkalipas ng 20 taon, payunir pa rin si Lisa, pero kasama na niya ngayon ang kaniyang asawang si Sylvain. Nagkapribilehiyo silang makasama sa ilang proyekto ng pagtatayo sa iba’t ibang bansa. Tunguhin ng aming pamilya na pasimplehin ang buhay namin para makapaglingkod kay Jehova. Hindi ko malilimutan ang sinabi ni Lisa nang magsimula siyang magpayunir. Sa katunayan, siya ang humimok sa akin na bumalik sa buong-panahong ministeryo noong 2001, at payunir pa rin ako hanggang ngayon. Ang pagpapayunir ang nagtuturo sa akin na magtiwala kay Jehova sa lahat ng aking ginagawa at mamuhay nang simple pero kontento at masaya.

Pag-ibig at Katapatan​—Kailangan sa Proyekto ng Pagtatayo

Natutuhan ko kay Jehova na kung handa kaming maglingkod at tumanggap ng anumang atas mula sa kaniya, magdudulot ito ng maraming pagpapala. Napakalaking pribilehiyo ang maglingkod sa Regional Building Committee at maging bahagi ng mga proyekto ng pagtatayo kasama ng mga kapatid sa Quebec at sa iba pang mga lugar.

May ilang boluntaryo na hindi gaanong mahusay magbigay ng pahayag sa plataporma, pero pagdating sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, para silang mga bituing nagniningning. Dibdibang magtrabaho ang mga kapatid na ito, kaya naman lumalabas ang kanilang galíng. Dahil dito, nakapagtatayo sila ng magagandang gusali para sa pagsamba kay Jehova.

May nagtanong sa akin, “Ano ang pinakamahahalagang katangian ng isang boluntaryo sa pagtatayo ng Kingdom Hall?” Batay sa karanasan ko, dapat na may pag-ibig siya kay Jehova, sa Kaniyang Anak, at sa mga kapatid. (1 Cor. 16:14) Kailangan din ang katapatan. Kahit hindi masunod ang gusto natin​—na nangyayari kung minsan​—ang isang taong matapat ay susuporta pa rin sa teokratikong kaayusan. Dahil sa katapatan, magboboluntaryo pa rin siya sa susunod na mga proyekto.

Salamat kay Jehova

Bagaman namatay si Itay noong 1985, nakatimo pa rin sa isip ko ang payo niya na maging abala sa organisasyon ni Jehova. Gaya ng iba na tumanggap na ng kanilang atas sa langit, tiyak na abala rin siya ngayon. (Apoc. 14:13) Si Inay ay 97 anyos na. Dahil sa istrok, hindi na siya malinaw magsalita; pero marunong pa rin siya sa Bibliya. Sa kaniyang mga liham, naglalagay siya ng mga teksto at pinatitibay kaming magpatuloy sa tapat na paglilingkod kay Jehova. Nagpapasalamat kaming magkakapatid dahil nagkaroon kami ng mapagmahal na mga magulang.

Nagpapasalamat din ako kay Jehova dahil kay Shirley, ang aking tapat na kabiyak. Hindi niya kinalilimutan ang payo ng nanay niya, “Magiging abala si Vern sa katotohanan, kaya pag-aralan mong huwag siyang ipagdamot sa iba.” Nang ikasal kami 49 na taon na ang nakalilipas, pinag-usapan naming tatanda kaming magkasama sa paglilingkod kay Jehova, at kung makaliligtas kami sa katapusan ng sistemang ito, magkasama kaming babata at maglilingkod sa kaniya magpakailanman. Oo, lagi kaming “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Cor. 15:58) Talagang pinangalagaan kami ni Jehova at tiniyak na hindi kami napagkakaitan ng mabubuting bagay.

[Talababa]

^ par. 6 Tingnan Ang Bantayan, Setyembre 1, 1990, pahina 10-14, para sa talambuhay ni Jack Halliday Nathan.

[Larawan sa pahina 31]

“Tunguhin ng aming pamilya na pasimplehin ang buhay namin para makapaglingkod kay Jehova”