Nangunguna Ka ba sa Pagbibigay-Dangal sa mga Kapananampalataya?
Nangunguna Ka ba sa Pagbibigay-Dangal sa mga Kapananampalataya?
“Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.”—ROMA 12:10.
1, 2. (a) Ano ang ipinayo ni Pablo sa mga taga-Roma? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
SA KANIYANG liham sa mga taga-Roma, idiniin ni Pablo na mahalagang magpakita tayo ng pag-ibig sa loob ng kongregasyon. Sinabi niya na ang ating pag-ibig ay “huwag magkaroon ng pagpapaimbabaw.” Binanggit din niya ang “pag-ibig na pangkapatid” at na dapat itong lakipan ng “magiliw na pagmamahal.”—Roma 12:9, 10a.
2 Siyempre pa, ang pag-ibig na pangkapatid ay hindi lang basta pagkadama ng pagmamahal. Ang gayong damdamin ay dapat makita sa gawa. Hindi kasi malalaman ng iba na mahal natin sila kung hindi natin iyon ipakikita. Kaya naman idinagdag ni Pablo: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10b) Ano ang nasasangkot sa pagpapakita ng dangal? Bakit mahalagang manguna sa paggawa nito? Paano natin ito magagawa?
Paggalang at Karangalan
3. Ano ang ipinahihiwatig ng salitang “dangal” sa orihinal na mga salita sa Bibliya?
3 Ang pangunahing salitang Hebreo para sa “karangalan” (o, dangal) ay literal na nangangahulugang “bigat.” Ang isang taong binibigyang-dangal ay itinuturing na bigatin o importante. Ang salitang iyon ay madalas ding isalin sa Kasulatan bilang “kaluwalhatian,” na nagpapahiwatig ng pagpipitagan sa isa na binibigyang-dangal. (Gen. 45:13) Ang salitang Griego naman na isinaling “karangalan” ay nagpapahiwatig ng mataas na pagtingin, pagpapahalaga, pagiging katangi-tangi. (Luc. 14:10) Oo, ang mga taong binibigyan natin ng dangal ay katangi-tangi at mahalaga sa atin.
4, 5. Paano nagkakaugnay ang pagbibigay-dangal at paggalang? Ilarawan.
4 Ano ang nasasangkot sa pagbibigay-dangal sa iba? Nagsisimula ito sa paggalang. Sa katunayan, ang mga salitang “karangalan” at “paggalang” ay madalas gamiting magkasama dahil malaki ang kaugnayan ng mga ito sa isa’t isa. Ang pagbibigay-dangal ay pagpapakita ng paggalang. Sa ibang pananalita, ang paggalang ay tumutukoy sa pangmalas natin sa ating kapatid samantalang ang pagbibigay-dangal naman ay sa pakikitungo natin sa ating kapatid.
5 Paano mabibigyang-dangal ng isang Kristiyano ang mga kapananampalataya kung wala naman siyang taimtim na paggalang sa kanila? (3 Juan 9, 10) Kung paanong ang isang halaman ay lalago lamang at mabubuhay nang matagal kapag nakatanim sa matabang lupa, ang pagbibigay-dangal din naman ay magiging tunay lamang at magtatagal kapag may taimtim na paggalang. Yamang ang pakunwaring pagbibigay-dangal ay hindi nakaugat sa taimtim na paggalang, madali itong malalanta, wika nga. Kaya naman bago magpayo si Pablo tungkol sa pagpapakita ng dangal, sinabi muna niya: “Ang inyong pag-ibig ay huwag magkaroon ng pagpapaimbabaw.”—Roma 12:9; basahin ang 1 Pedro 1:22.
Bigyang-Dangal ang mga Nilalang “sa Wangis ng Diyos”
6, 7. Bakit dapat nating igalang ang iba?
6 Yamang ang taimtim na paggalang ay kailangan sa pagbibigay-dangal, mahalagang tandaan ang mga dahilan sa Bibliya kung bakit dapat igalang ang lahat ng kapatid. Talakayin natin ang dalawa sa mga ito.
7 Di-gaya ng ibang mga nilalang sa lupa, ang tao ay nilalang “sa wangis ng Diyos.” (Sant. 3:9) Kaya naman taglay natin ang mga katangian ng Diyos gaya ng pag-ibig, karunungan, at katarungan. Pansinin kung ano pa ang ibinigay sa atin ng Maylalang. Sinabi ng salmista: “O Jehova . . . , ikaw na ang dangal ay isinasalaysay sa ibabaw ng langit! . . . Ginawa mo rin [ang tao na] mas mababa nang kaunti kaysa sa mga tulad-diyos, at pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karilagan [“karangalan,” Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino].” (Awit 8:1, 4, 5; 104:1) * Ang mga tao sa pangkalahatan ay pinutungan, o ginayakan, ng Diyos ng isang antas ng dangal, kaluwalhatian, at karangalan. Kaya kapag binibigyang-dangal natin ang ating kapuwa, sa diwa, kinikilala natin si Jehova, ang Pinagmulan ng dangal ng tao. Kung mayroon tayong makatuwirang mga dahilan para igalang ang lahat ng tao, hindi ba’t mas dapat nating igalang ang ating mga kapananampalataya?—Juan 3:16; Gal. 6:10.
Magkakapamilya
8, 9. Ayon kay Pablo, bakit dapat igalang ang mga kapananampalataya?
8 Binanggit ni Pablo ang isa pang dahilan kung bakit dapat igalang ang isa’t isa. Bago siya magpayo tungkol sa pagpapakita ng dangal, sinabi niya: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa.” Ang pananalitang Griego na isinaling “magiliw na pagmamahal” ay tumutukoy sa mahigpit na taling nagbubuklod sa isang pamilyang nagmamahalan at nagtutulungan. Kaya nang gamitin ito ni Pablo, idiniriin niyang dapat na maging matibay at magiliw ang kaugnayan ng mga kapatid sa kongregasyon tulad ng isang nagkakaisang pamilya. (Roma 12:5) Tandaan din na isinulat ito ni Pablo sa mga pinahirang Kristiyano, na inampon ni Jehova bilang kaniyang mga anak. Kaya naman maituturing nga silang isang nagkakaisang pamilya. Dahil dito, ang mga pinahiran noong panahon ni Pablo ay may matibay na dahilan para igalang ang isa’t isa. Totoo rin ito sa mga pinahiran sa ngayon.
9 Kumusta naman ang “ibang mga tupa”? (Juan 10:16) Bagaman hindi pa sila inaampon ng Diyos bilang mga anak, puwede na silang magtawagan ng brother at sister dahil kabilang sila sa isang pandaigdig na pamilya. (1 Ped. 2:17; 5:9) Kaya kung lubusang nauunawaan ng ibang mga tupa kung bakit “brother” o “sister” ang tawagan nila, sila man ay may matibay na dahilan para taimtim na igalang ang kanilang mga kapananampalataya.—Basahin ang 1 Pedro 3:8.
Bakit Napakahalaga?
10, 11. Bakit napakahalagang magkaroon ng paggalang at magpakita ng dangal sa ating mga kapatid?
10 Bakit napakahalagang magkaroon ng paggalang at magpakita ng dangal sa ating mga kapatid? Dahil kapag ginagawa natin ito, malaki ang naitutulong natin sa espirituwalidad at pagkakaisa ng kongregasyon.
11 Siyempre pa, alam natin na ang malapít na kaugnayan kay Jehova at ang tulong ng kaniyang espiritu ang pangunahing pinagmumulan ng lakas ng mga tunay na Kristiyano. (Awit 36:7; Juan 14:26) Pero napatitibay rin tayo kapag nakikita nating pinahahalagahan tayo ng ating mga kapananampalataya. (Kaw. 25:11) Natutuwa tayo kapag may sinasabi o ginagawa ang iba bilang paggalang sa atin. Nagpapalakas ito sa atin para patuloy na lumakad sa daan ng buhay nang may kagalakan at katatagan. Malamang na naranasan mo na rin ito.
12. Paano makatutulong ang bawat isa para magkaroon ng magiliw na pagmamahalan sa loob ng kongregasyon?
Roma 12:10, Biblia ng Sambayanang Pilipino; basahin ang Mateo 7:12.) Kapag sinusunod ng lahat ng Kristiyano ang di-nagbabagong payong iyan, nakatutulong sila para magkaroon ng magiliw na pagmamahalan sa loob ng kongregasyon. Kaya makabubuting tanungin ang sarili, ‘Kailan ko huling ipinakita sa salita at gawa ang aking taimtim na paggalang sa isang kapatid sa kongregasyon?’—Roma 13:8.
12 Yamang alam ni Jehova na likas sa atin ang maghangad ng paggalang, hinihimok niya tayo sa pamamagitan ng kaniyang Salita na “mag-unahan . . . sa pagbibigay-galang.” (Obligasyon ng Lahat
13. (a) Sino ang dapat manguna sa pagpapakita ng dangal? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng sinabi ni Pablo sa Roma 1:7?
13 Sino ang dapat manguna sa pagpapakita ng dangal? Sa kaniyang liham sa mga Hebreo, inilarawan ni Pablo ang mga elder sa kongregasyon bilang “mga nangunguna sa inyo.” (Heb. 13:17) Totoo, ang mga elder ang nangunguna sa maraming gawain. Pero bilang mga pastol ng kawan, dapat lang na manguna rin sila sa pagbibigay-dangal sa mga kapananampalataya—kasama na rito ang mga kapuwa nila elder. Halimbawa, kapag nagmimiting ang mga elder para pag-usapan ang espirituwal na pangangailangan ng kongregasyon, pinakikinggan nilang mabuti ang sinasabi ng isa’t isa bilang pagpapakita ng dangal. Isinasaalang-alang din nila ang punto de vista at komento ng bawat isa bago magpasiya. (Gawa 15:6-15) Pero tandaan natin na ang liham ni Pablo sa mga taga-Roma ay hindi lang para sa mga elder kundi para din sa buong kongregasyon. (Roma 1:7) Kaya ang payong manguna sa pagpapakita ng dangal ay kapit sa ating lahat.
14. (a) Ipaliwanag ang pagkakaiba ng pagpapakita ng dangal at ng pangunguna sa pagpapakita nito. (b) Ano ang maitatanong natin sa ating sarili?
14 Pansinin din ang aspektong ito ng payo ni Pablo. Hinimok niya ang kaniyang mga kapananampalataya sa Roma na huwag lang basta magpakita ng dangal kundi manguna sa pagpapakita nito. May pagkakaiba ba ito? Halimbawa: Hihimukin pa ba ng guro na mag-aral bumasa ang mga estudyanteng marunong nang magbasa? Hindi na. Sa halip, tutulungan sila ng guro na pagbutihin pa ang pagbabasa. Sa katulad na paraan, ang pag-ibig sa isa’t isa, na nag-uudyok sa atin na magpakita ng dangal, ay isa nang pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano. (Juan 13:35) Pero kung paanong puwede pang pagbutihin ng mga estudyanteng marunong nang magbasa ang kanilang kakayahang bumasa, puwede pa nating pasulungin ang pagpapakita ng dangal kung mangunguna tayo rito. (1 Tes. 4:9, 10) Ang obligasyong iyan ay ibinigay sa ating lahat. Maitatanong natin sa ating sarili, ‘Ginagawa ko ba iyan anupat ako ang nauunang magbigay-dangal sa mga kapatid sa kongregasyon?’
Bigyang-Dangal ang “mga Maralita”
15, 16. (a) Sa pagpapakita ng dangal, sino ang hindi natin dapat kaligtaan? Bakit? (b) Paano natin malalaman kung talagang taimtim nating iginagalang ang lahat ng kapatid?
15 Sa pagpapakita ng dangal, sino sa kongregasyon ang hindi natin dapat kaligtaan? Sinasabi ng Bibliya: “Siyang nagpapakita ng lingap sa maralita ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang pakikitungo ay babayaran Niya sa kaniya.” (Kaw. 19:17) Paano dapat makaapekto sa atin ang simulain sa pananalitang iyan habang nagsisikap tayong manguna sa pagpapakita ng dangal?
16 Marami ang nagpapakita ng dangal sa mga nakatataas sa kanila, pero baka hindi naman nila gaanong iginagalang, o hindi talaga iginagalang, ang mga itinuturing nilang nakabababa sa kanila. Hindi ganiyan si Jehova. Sinabi niya: “Yaong mga nagpaparangal sa akin ay pararangalan ko.” (1 Sam. 2:30; Awit 113:5-7) Siya ay nagpapakita ng dangal sa lahat ng naglilingkod at nagbibigay-dangal sa kaniya. Hindi niya kinaliligtaan ang “mga maralita.” (Basahin ang Isaias 57:15; 2 Cro. 16:9) Siyempre pa, gusto nating tularan si Jehova. Kaya kung gusto nating suriin ang ating sarili sa bagay na ito, makabubuting itanong, ‘Paano ko pinakikitunguhan ang mga kapatid na walang prominenteng posisyon sa kongregasyon?’ (Juan 13:14, 15) Makikita sa ating sagot kung talagang taimtim nating iginagalang ang iba.—Basahin ang Filipos 2:3, 4.
Maglaan ng Panahon Bilang Pagpapakita ng Dangal
17. Ano ang isang mahalagang paraan para maipakitang nangunguna tayo sa pagbibigay-dangal? Bakit?
17 Ano ang isang mahalagang paraan para maipakitang nangunguna tayo sa pagbibigay-dangal sa mga kapatid sa kongregasyon? Paglaanan sila ng panahon. Bakit? Bilang mga Kristiyano, masyado tayong abala, at malaking panahon ang ginagamit natin sa mahahalagang gawain sa kongregasyon. Kaya naman napakahalaga sa atin ng panahon. Hindi rin tayo umaasang makapaglalaan sa atin ng malaking panahon ang mga kapatid. At pinahahalagahan naman natin kapag hindi rin sila umaasa na lagi tayong may panahon sa kanila.
18. Gaya ng larawan sa pahina 18, paano natin maipakikita na handa tayong maglaan ng panahon sa ating mga kapananampalataya?
18 Pero alam din natin (lalo na ng mga pastol sa kongregasyon) na kapag handa nating isaisantabi ang ating ginagawa para mapaglaanan ng panahon ang ating mga kapananampalataya, ipinakikita nito na may paggalang tayo sa kanila. Paano? Kapag inihihinto natin ang ating ginagawa para mapaglaanan sila ng panahon, para na rin nating sinasabi, ‘Mas mahalaga ka kaysa sa ginagawa ko.’ (Mar. 6:30-34) Pero kapag atubili tayong huminto sa ating ginagawa, baka madama niyang hindi siya gaanong mahalaga sa atin. Siyempre pa, may mga pagkakataong hindi talaga natin maihihinto ang ating ginagawa. Gayunman, ang ating pagiging handa—o pagiging atubili—na paglaanan ng panahon ang iba ay magpapakita kung talagang taimtim nating iginagalang ang ating mga kapatid.—1 Cor. 10:24.
Maging Determinadong Manguna
19. Bukod sa paglalaan ng panahon, paano pa natin mabibigyang-dangal ang ating mga kapananampalataya?
19 May iba pang mahahalagang paraan ng pagbibigay-dangal sa ating mga kapananampalataya. Halimbawa, kapag naglalaan tayo ng panahon sa kanila, dapat na nasa kanila rin ang ating atensiyon. Muli, nagpakita si Jehova ng halimbawa. Sinabi ni David: “Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang paghingi ng tulong.” (Awit 34:15) Tinutularan natin si Jehova kapag itinutuon natin ang ating mata at tainga—ang ating buong atensiyon—sa mga kapatid, lalo na sa mga humihingi ng tulong. Sa paggawa nito, nagpapakita tayo ng dangal sa kanila.
20. Anong mga paalaala tungkol sa pagpapakita ng dangal ang gusto nating tandaan?
20 Gaya ng tinalakay natin, gusto nating laging isaisip kung bakit dapat nating taimtim na igalang ang mga kapananampalataya. Bukod diyan, humahanap tayo ng pagkakataon para mauna sa pagbibigay-dangal sa lahat, pati na sa mga maralita. Sa paggawa nito, pinatitibay natin ang buklod ng pag-ibig at pagkakaisa sa loob ng kongregasyon. Kaya maging determinado sana tayong lahat na hindi lang basta magpakita ng dangal, kundi manguna sa pagbibigay-dangal sa isa’t isa. Handa ka bang gawin iyan?
[Talababa]
^ par. 7 Ang sinabi ni David sa ika-8 Awit ay makahula rin yamang tumutukoy ito sa sakdal na taong si Jesu-Kristo.—Heb. 2:6-9.
Natatandaan Mo Ba?
• Paano nagkakaugnay ang pagbibigay-dangal at paggalang?
• Ano ang mga dahilan kung bakit dapat bigyang-dangal ang mga kapananampalataya?
• Bakit mahalagang magpakita ng dangal sa isa’t isa?
• Paano tayo makapagpapakita ng dangal sa mga kapananampalataya?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 18]
Paano tayo makapagpapakita ng dangal sa mga kapananampalataya?