Patuloy na Hanapin Muna ang “Kaniyang Katuwiran”
Patuloy na Hanapin Muna ang “Kaniyang Katuwiran”
“Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”—MAT. 6:33.
1, 2. Ano ang katuwiran ng Diyos? Saan ito nakasalig?
“PATULOY, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian.” (Mat. 6:33) Ang payong ito ni Jesu-Kristo sa kaniyang Sermon sa Bundok ay alam na alam ng mga Saksi ni Jehova. Sa bawat pitak ng ating buhay, sinisikap nating ipakita ang pag-ibig at katapatan sa Kahariang iyan. Pero dapat din nating pansinin ang kasunod na bahagi ng payong iyon—“at ang kaniyang katuwiran.” Ano ba ang katuwiran ng Diyos, at ano ang ibig sabihin ng paghanap muna rito?
2 Ang orihinal na mga salita para sa “katuwiran” ay maaari ding isaling “katarungan” o “katapatan.” Kaya ang katuwiran ng Diyos ay ang katapatan ayon sa kaniyang mga pamantayan. Bilang Maylalang, si Jehova ang may karapatang magtakda ng pamantayan ng mabuti at masama, ng tama at mali. (Apoc. 4:11) Gayunman, ang katuwiran ng Diyos ay hindi isang kalipunan ng mahihigpit na batas o napakahabang listahan ng mga tuntunin at regulasyon. Sa halip, nakasalig ito sa personalidad ni Jehova at sa kaniyang katarungan, kasama ang iba pa niyang pangunahing katangian na pag-ibig, karunungan, at kapangyarihan. Kaya naman ang katuwiran ng Diyos ay kaugnay ng kaniyang kalooban at layunin. Kasama rito ang mga inaasahan niya sa mga gustong maglingkod sa kaniya.
3. (a) Ano ang ibig sabihin ng paghanap muna sa katuwiran ng Diyos? (b) Bakit natin itinataguyod ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova?
3 Ano ang ibig sabihin ng paghanap muna sa katuwiran ng Diyos? Sa simpleng pananalita, nangangahulugan ito ng paggawa ng kalooban ng Diyos para palugdan siya. Kasali rito ang pagsisikap na mamuhay ayon sa kaniyang sakdal na mga pamantayan at hindi ayon sa ating sariling pamantayan. (Basahin ang Roma 12:2.) Sangkot dito ang atin mismong kaugnayan kay Jehova. Sumusunod tayo sa kaniyang mga utos hindi dahil sa takot na maparusahan. Pag-ibig sa Diyos ang nag-uudyok sa atin na itaguyod ang kaniyang mga pamantayan sa halip na gumawa ng sariling pamantayan. Alam nating ito ang tamang gawin yamang nilalang tayo para gawin ang mismong bagay na ito. Gaya ni Jesu-Kristo, ang Hari ng Kaharian ng Diyos, dapat din nating ibigin ang katuwiran.—Heb. 1:8, 9.
4. Bakit napakahalagang hanapin ang katuwiran ng Diyos?
4 Gaano ba kahalaga ang paghanap sa katuwiran ni Jehova? Isaalang-alang ito: Sa hardin ng Eden, sinubok sina Adan at Eva kung kikilalanin nila o hindi ang karapatan ni Jehova na magtakda ng mga pamantayan. (Gen. 2:17; 3:5) Yamang hindi nila ito kinilala, tayo ngayon ay nagdurusa at namamatay. (Roma 5:12) Gayunman, sinasabi ng Bibliya: “Siyang nagtataguyod ng katuwiran at maibiging-kabaitan ay makasusumpong ng buhay, katuwiran at kaluwalhatian.” (Kaw. 21:21) Oo, kung hahanapin muna natin ang katuwiran ng Diyos, magkakaroon tayo ng mapayapang kaugnayan kay Jehova na aakay sa ating kaligtasan.—Roma 3:23, 24.
Panganib ng Pagiging Mapagmatuwid-sa-Sarili
5. Anong panganib ang dapat nating iwasan?
5 Sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Roma, idiniin ni Pablo ang isang panganib na dapat iwasan para mahanap muna natin ang katuwiran ng Diyos. Tungkol sa kaniyang mga kapuwa Judio, sinabi ni Pablo: “Nagpapatotoo ako tungkol sa kanila na may sigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman; sapagkat, dahil sa hindi pagkaalam sa katuwiran ng Diyos kundi pinagsisikapang itatag ang sa kanilang sarili, hindi sila nagpasakop sa katuwiran ng Diyos.” (Roma 10:2, 3) Ayon kay Pablo, hindi nauunawaan ng mga Judiong iyon ang katuwiran ng Diyos dahil abalang-abala sila sa pagtatatag ng kanilang sariling katuwiran. *
6. Anong saloobin ang dapat nating iwasan, at bakit?
6 Maaari tayong mahulog sa bitag na ito kung ituturing nating isang kompetisyon ang paglilingkod sa Diyos, anupat ikinukumpara ang ating sarili sa iba. Ang ganitong saloobin ay madaling mauwi sa sobrang pagtitiwala sa ating mga kakayahan. Kung ganiyan tayo, binabale-wala natin ang katuwiran ni Jehova. (Gal. 6:3, 4) Pag-ibig kay Jehova ang tamang motibo sa paggawa ng tama. Anumang pagtatangkang itanghal ang sariling katuwiran ay magpapawalang-saysay sa ating pag-aangkin na iniibig natin siya.—Basahin ang Lucas 16:15.
7. Paano ipinakita ni Jesus na mali ang pagiging mapagmatuwid-sa-sarili?
7 Nabahala si Jesus sa mga “nagtitiwala sa kanilang sarili na sila ay matuwid at itinuturing na walang kabuluhan ang iba.” Para ipakitang mali ang pagiging mapagmatuwid-sa-sarili, nagbigay siya ng ilustrasyon: “Dalawang tao ang umahon sa templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa pa ay maniningil ng buwis. Ang Pariseo ay tumayo at pinasimulang ipanalangin ang mga bagay na ito sa kaniyang sarili, ‘O Diyos, nagpapasalamat Luc. 18:9-14.
ako sa iyo na hindi ako gaya ng ibang tao, mga mangingikil, mga di-matuwid, mga mangangalunya, o maging ng maniningil ng buwis na ito. Nag-aayuno akong makalawang ulit sa isang sanlinggo, ibinibigay ko ang ikasampu ng lahat ng bagay na aking natatamo.’ Ngunit ang maniningil ng buwis na nakatayo sa malayo ay ayaw man lamang itingala sa langit ang kaniyang mga mata, kundi patuloy na dinadagukan ang kaniyang dibdib, na sinasabi, ‘O Diyos, magmagandang-loob ka sa akin na isang makasalanan.’” Ganito ang konklusyon ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, Ang taong ito ay bumaba patungo sa kaniyang tahanan at napatunayang higit na matuwid kaysa sa taong iyon; sapagkat ang bawat isa na nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, ngunit siya na nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.”—Panganib ng Pagiging ‘Lubhang Mapagmatuwid’
8, 9. Ano ang ibig sabihin ng pagiging ‘lubhang mapagmatuwid’? Saan tayo maaaring akayin nito?
8 Ang isa pang panganib na dapat iwasan ay ang binanggit sa Eclesiastes 7:16: “Huwag kang lubhang magpakamatuwid, ni labis-labis na magpakarunong. Bakit mo dudulutan ng kaabahan ang iyong sarili?” Sa talata 20, sinasabi ng manunulat ng Bibliya ang isang dahilan kung bakit dapat itong iwasan: “Sapagkat walang taong matuwid sa lupa na patuloy na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.” Ang isang taong ‘lubhang mapagmatuwid’ ay nagtatakda ng sariling pamantayan ng katuwiran at hinahatulan niya ang iba salig dito. Pero hindi niya naiisip na sa paggawa nito, itinuturing niyang mas mataas ang kaniyang pamantayan kaysa sa pamantayan ng Diyos. Dahil dito, hindi siya nagiging matuwid sa paningin ng Diyos.
9 Kapag tayo ay ‘lubhang mapagmatuwid,’ baka kuwestiyunin pa nga natin ang mga pasiya ni Jehova. Pero dapat tandaan na kung kukuwestiyunin natin ang pagiging makatarungan o matuwid ng mga desisyon ni Jehova, para na rin nating sinasabing mas mataas ang ating pamantayan ng katuwiran kaysa sa kaniyang pamantayan. Sa diwa, inilalagay natin si Jehova sa paglilitis at hinahatulan siya ayon sa ating pamantayan ng tama at mali. Pero si Jehova ang may karapatang magtakda ng pamantayan ng katuwiran, hindi tayo!—Roma 14:10.
10. Gaya ni Job, ano ang posibleng maging dahilan para hatulan natin ang Diyos?
10 Hindi natin gustong hatulan ang Diyos, pero baka magawa natin ito dahil sa di-kasakdalan. Malamang na mangyari ito kapag may problema tayo o kapag may nakita tayo na sa tingin natin ay di-makatarungan. Kahit ang tapat na si Job ay nakagawa rin ng ganitong pagkakamali. Sa pasimula, inilarawan si Job bilang isa na “walang kapintasan at matuwid, at natatakot sa Diyos at lumilihis sa kasamaan.” (Job 1:1) Pero dumanas si Job ng sunud-sunod na trahedyang sa tingin niya’y hindi makatarungan. Kaya naman ipinahayag niyang “matuwid ang kaniyang sariling kaluluwa sa halip na ang Diyos.” (Job 32:1, 2) Kinailangang ituwid ang pananaw ni Job. Kaya hindi tayo dapat magtaka kung paminsan-minsan ay magkamali rin tayong gaya ni Job. Kapag nangyari ito, ano ang tutulong sa atin na baguhin ang ating kaisipan?
Hindi Natin Alam ang Lahat ng Detalye
11, 12. (a) Kung sa tingin natin ay hindi makatarungan ang isang bagay, ano ang dapat nating tandaan? (b) Bakit posibleng isipin ng isa na ang ilustrasyon ni Jesus ay naglalarawan ng isang bagay na di-makatarungan?
11 Una, tandaan na hindi natin alam ang lahat ng detalye. Ganiyan ang nangyari kay Job. Hindi niya alam na nagtipon ang mga anghel ng Diyos sa langit at inakusahan pala siya ni Satanas noon. (Job 1:7-12; 2:1-6) Walang kamalay-malay si Job na si Satanas ang may kagagawan ng mga problema niya. Baka ni hindi nga kilala ni Job kung sino si Satanas! Kaya inakala niyang ang Diyos ang sanhi ng kaniyang mga problema. Oo, madaling makagawa ng maling konklusyon kapag hindi natin alam ang lahat ng detalye.
12 Tingnan natin ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga manggagawa sa ubasan. (Basahin ang Mateo 20:8-16.) Sinabi ni Jesus na isang may-bahay ang nagbigay ng pare-parehong suweldo sa lahat ng kaniyang manggagawa, sila man ay nagtrabaho nang maghapon o isang oras lang. Anong masasabi mo rito? Makatarungan ba ito? Sa unang tingin, baka kaawaan mo agad ang mga manggagawa na maghapong nagtrabaho sa init ng araw. Dapat lang na mas malaki ang suweldo nila! Batay sa ganiyang pananaw, baka isipin nating walang konsiderasyon at di-makatarungan ang may-bahay. Maging ang sagot niya sa nagrereklamong mga manggagawa ay lumilitaw na parang pag-abuso sa awtoridad. Pero alam ba natin ang lahat ng detalye?
13. Sa anong ibang pananaw maaaring tingnan ang ilustrasyon ni Jesus?
13 Suriin naman natin ang ilustrasyong ito sa ibang pananaw. Tiyak na alam ng may-bahay na kailangang pakanin ng mga lalaking ito ang kani-kanilang pamilya. Ang suweldo noon ng mga manggagawa sa bukid ay arawan. Umaasa rito ang kanilang pamilya araw-araw. Kaya isip-isipin ang mangyayari sa mga huling nakita ng may-bahay anupat nakapagtrabaho lang nang isang oras. Baka hindi nila mapakain ang kanilang pamilya sa isang oras na suweldo; pero handa naman silang magtrabaho kaya maghapon silang naghintay ng uupa sa kanila. (Mat. 20:1-7) Hindi nila kasalanan na hindi sila pinagtrabaho nang maghapon. At walang pahiwatig na sinadya nilang hindi agad magtrabaho. Isipin na lang na maghapon kang naghihintay at umaasa ang iyong pamilya sa kikitain mo sa araw na iyon. Tiyak na tuwang-tuwa ka nang may magpatrabaho sa iyo—at gulat na gulat pa nga nang tumanggap ka ng sapat na suweldo para may maipakain sa iyong pamilya!
14. Anong mahalagang aral ang matututuhan natin sa ilustrasyon tungkol sa ubasan?
14 Balikan natin ang ginawa ng may-bahay. Wala siyang inagrabyadong sinuman. Sa halip, itinuring niyang bawat isa ay may karapatang kumita para sa kaniyang pamilya. Bagaman kulang ang trabaho sa dami ng manggagawa, hindi niya ito sinamantala para babaan ang suweldo nila. Ang lahat ay umuwing may sapat na suweldo. Kung isasaalang-alang natin ang mga detalyeng ito, maaaring magbago ang
ating pananaw sa may-bahay. Naging makonsiderasyon siya at hindi niya inabuso ang kaniyang awtoridad. Anong aral ang matututuhan natin dito? Na kapag ilang detalye lang ang alam natin, maaari tayong magkamali sa ating konklusyon. Oo, idiniriin ng talinghagang ito na talagang nakahihigit ang katuwiran ng Diyos anupat hindi lang ito basta nakasalig sa batas at sa karapatan ng tao.Baka Pilipit o Limitado ang Ating Pananaw
15. Bakit maaaring mapilipit o malimitahan ang ating pananaw tungkol sa katarungan?
15 Ikalawa, tandaan na kapag inaakala nating hindi makatarungan ang isang sitwasyon, ito’y dahil sa baka pilipit o limitado ang ating pananaw. Maaari itong mapilipit dahil sa di-kasakdalan, maling akala, o kultura. Limitado rin ito dahil wala tayong kakayahang alamin kung ano ang nasa puso at motibo ng isa. Pero walang ganitong limitasyon si Jehova at si Jesus.—Kaw. 24:12; Mat. 9:4; Luc. 5:22.
16, 17. Bakit hindi ipinatupad ni Jehova ang kaniyang kautusan nang mangalunya si David kay Bat-sheba?
16 Suriin natin ang ulat ng pangangalunya ni David kay Bat-sheba. (2 Sam. 11:2-5) Ayon sa Kautusang Mosaiko, dapat silang patayin. (Lev. 20:10; Deut. 22:22) Bagaman pinarusahan sila ni Jehova, hindi niya ipinatupad ang kaniyang kautusan. Ibig bang sabihin nito ay hindi makatarungan si Jehova? Paborito ba niya si David kung kaya nilabag niya ang kaniyang matuwid na pamantayan? Ganiyan ang palagay ng ilang mambabasa ng Bibliya.
17 Pero ang kautusang ito tungkol sa pangangalunya ay ibinigay ni Jehova sa di-sakdal na mga hukom, na hindi nakababasa ng puso. Sa kabila ng mga limitasyon nila, nakatulong ang kautusang ito para maging batayan ng kanilang paghatol. Samantala, nakababasa ng puso si Jehova. (Gen. 18:25; 1 Cro. 29:17) Kaya hindi natin aasahang mahigpit siyang susunod sa kautusang ibinigay niya sa di-sakdal na mga hukom. Kung ito ang aasahan natin, hindi kaya parang pilit nating pinagsusuot ng salaming may grado ang isang taong hindi naman malabo ang mata? Nabasa ni Jehova ang puso nina David at Bat-sheba at nakita niyang talagang nagsisisi sila. Dahil dito, naging maawain at maibigin siya sa paghatol sa kanila.
Patuloy na Hanapin ang Katuwiran ni Jehova
18, 19. Ano ang tutulong sa atin na huwag hatulan si Jehova ayon sa ating sariling pamantayan ng katuwiran?
18 Kaya kung sa tingin natin ay hindi naging makatarungan si Jehova—ito man ay sa nabasa natin sa Bibliya o sa personal na karanasan—huwag na huwag nating hahatulan ang Diyos ayon sa ating sariling pamantayan ng katuwiran. Tandaan na hindi natin alam ang lahat ng detalye at na baka pilipit o limitado ang ating pananaw. Huwag na huwag kalilimutan na “ang poot ng tao ay hindi gumagawa ukol sa katuwiran ng Diyos.” (Sant. 1:19, 20) Sa gayon, ang ating puso ay hindi kailanman ‘magngangalit laban kay Jehova mismo.’—Kaw. 19:3.
19 Gaya ni Jesus, laging tandaan na si Jehova lang ang may karapatang magtakda ng pamantayan ng matuwid at mabuti. (Mar. 10:17, 18) Sikaping matamo ang “tumpak na kaalaman” tungkol sa kaniyang mga pamantayan. (Roma 10:2; 2 Tim. 3:7) Kung tatanggapin natin ito at iaayon ang ating buhay sa kalooban ni Jehova, maipakikita nating hinahanap muna natin ang “kaniyang katuwiran.”—Mat. 6:33.
[Talababa]
^ par. 5 Ayon sa isang iskolar, ang orihinal na salitang isinaling ‘magtatag’ ay puwede ring mangahulugang ‘magtayo ng monumento.’ Kaya sa diwa, ang mga Judiong iyon ay nagtatayo ng makasagisag na monumento para sa kanilang sariling kapurihan at hindi sa Diyos.
Natatandaan Mo Ba?
• Bakit mahalagang hanapin ang katuwiran ni Jehova?
• Anong dalawang panganib ang dapat iwasan?
• Paano maipakikitang hinahanap muna natin ang katuwiran ng Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 9]
Anong aral ang matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa dalawang taong nanalangin sa templo?
[Larawan sa pahina 10]
Makatarungan bang ipareho ang suweldo ng mga nagtrabaho nang isang oras sa mga nagtrabaho nang maghapon?