Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulungan ang mga Bata na Maging Pamilyar sa Organisasyon ni Jehova

Tulungan ang mga Bata na Maging Pamilyar sa Organisasyon ni Jehova

Tulungan ang mga Bata na Maging Pamilyar sa Organisasyon ni Jehova

SABIK matuto ang mga bata. Isipin na lang ang mga itinanong ng mga batang Israelita sa Ehipto noong gabi ng unang Paskuwa: ‘Bakit po pinatay ang kordero?’ ‘Bakit po pinapahiran ni Itay ng dugo ang pintuan?’ ‘Saan po tayo pupunta?’ Sa utos na ibinigay ni Jehova sa mga amang Israelita, makikitang pinakikinggan niya ang ganitong mga tanong. Tungkol sa mga pagdiriwang ng Paskuwa sa hinaharap, sinabi ni Jehova sa kanila: “Kapag sinabi sa inyo ng inyong mga anak, ‘Ano ang kahulugan sa inyo ng paglilingkod na ito?’ kung gayon ay sabihin ninyo, ‘Ito ang hain ng paskuwa para kay Jehova, na lumampas sa mga bahay ng mga anak ni Israel sa Ehipto nang salutin niya ang mga Ehipsiyo, ngunit iniligtas niya ang aming mga sambahayan.’” (Ex. 12:24-27) Nang maglaon, ipinaalaala ni Jehova sa mga magulang na Israelita na mahalagang sagutin ang tanong ng kanilang mga anak tungkol sa ‘mga tuntunin at mga hudisyal na pasiya’ na iniutos ni Jehova.​—Deut. 6:20-25.

Maliwanag na gusto ni Jehova na mabigyan ng kasiya-siyang sagot ang tanong ng mga bata tungkol sa tunay na pagsamba​—mga sagot na mag-uudyok sa kanila na ibigin si Jehova bilang kanilang Diyos at Tagapagligtas. Ganiyan din ang gusto niya para sa mga bata ngayon. Ang isang paraan para maikintal ng mga magulang sa kanilang mga anak ang taimtim na pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang mga lingkod ay ang pagtulong sa kanila na maging pamilyar sa organisasyon ni Jehova at maintindihan kung paano sila nakikinabang dito. Kaya talakayin natin ang ilang paraan na makatutulong sa mga bata para matutuhan ang iba pang mga detalye tungkol sa organisasyon ng Diyos.

Lokal na Kongregasyon

Kailangang maging pamilyar ang inyong mga anak sa kongregasyong kinauugnayan ninyo. Mangyayari iyan kung isasama ninyo sila sa lahat ng pulong ng kongregasyon. Sa gayon ay sinusunod ninyo ang iniutos ni Jehova sa mga Israelita: “Tipunin mo ang bayan, ang mga lalaki at ang mga babae at ang maliliit na bata . . . , upang makapakinig sila at upang matuto sila, upang matakot sila kay Jehova na inyong Diyos at maingat na tuparin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito. At ang kanilang mga anak na hindi pa nakaaalam ay dapat makinig, at pag-aaralan nilang matakot kay Jehova na inyong Diyos.”​—Deut. 31:12, 13.

Mula sa pagkasanggol, puwede nang matuto ang mga bata tungkol sa Salita ni Jehova. Sinabi ni Pablo tungkol kay Timoteo: “Mula sa pagkasanggol ay alam mo na ang banal na mga kasulatan.” (2 Tim. 3:15) Sa mga pulong sa Kingdom Hall, maging ang mga musmos ay may naiintindihan na rin sa mga paksang tinatalakay at nagiging pamilyar sa mga awiting pang-Kaharian. Natututuhan nilang maingat na gamitin ang Bibliya at salig-Bibliyang mga literatura. Bukod diyan, madarama nila sa mga pulong ang isang katangiang pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano​—ang tunay na pag-ibig. Sinabi ni Jesus: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Makaaakit sa mga bata ang pagmamahalan at katiwasayan sa loob ng kongregasyon kung kaya mawiwili silang dumalo sa mga pulong.

Kapag lagi kayong maagang dumating sa Kingdom Hall at hindi agad umuuwi pagkatapos ng pulong, magkakaroon ng pagkakataon ang iyong mga anak na makipagkaibigan. Sa halip na hayaan silang makigrupo lang sa mga kaedad nila, bakit hindi sila ipakilala sa iba pang mga kapatid? Kung may makikilala rin silang mga nakatatanda, marami silang maririnig na magagandang karanasan at payo. Kung paanong si Zacarias na “tagapagturo ng pagkatakot sa tunay na Diyos” ay naging mabuting impluwensiya sa kabataang si Uzias na hari ng Juda, magiging mabuting impluwensiya rin sa mga bata ang matatagal nang lingkod ni Jehova. (2 Cro. 26:1, 4, 5) Habang nasa Kingdom Hall, puwede mo ring ipaliwanag sa iyong mga anak kung para saan ang aklatan, ang information board, at iba pa.

Pandaigdig na Organisasyon

Dapat maunawaan ng mga bata na ang lokal na kongregasyon ay bahagi ng pandaigdig na organisasyon na may mahigit 100,000 kongregasyon. Ipaliwanag sa kanila kung paano kumikilos ang organisasyong ito at kung ano ang papel ng mga bata para suportahan ang gawain nito. Sabihin sa kanila kung bakit mo pinananabikan ang mga pansirkitong asamblea, pandistritong kombensiyon, at dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito.​—Tingnan ang kahong  “Mga Paksang Mapag-uusapan sa Pampamilyang Pagsamba,” sa pahina 28.

Kung may pagkakataon, anyayahang kumain sa inyong bahay ang mga naglalakbay na tagapangasiwa, misyonero, Bethelite, at iba pang nasa buong-panahong paglilingkod. Huwag isiping wala silang panahon sa mga bata. Sinisikap din nilang tularan si Jesus, na laging naglalaan ng panahon sa mga bata at nakikipag-usap sa kanila. (Mar. 10:13-16) Kapag naririnig ng iyong mga anak ang magagandang karanasan at nakikita ang kagalakan ng mga lingkod na ito, baka gawin din nilang tunguhin ang buong-panahong paglilingkod.

Ano pa ang puwedeng gawin ng pamilya para tulungan ang mga bata na maging pamilyar sa organisasyon ni Jehova? Narito ang ilang mungkahi: Gawing tunguhin ng inyong pamilya na basahin ang aklat na Mga Saksi ni Jehova​Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Idiin ang debosyon, kapakumbabaan, at katapatang ipinakita ng mga lingkod ni Jehova. Ipakita kung paano sila ginamit ni Jehova para mapalaganap ang mabuting balita sa buong lupa. Gamitin ang mga video na ginawa ng organisasyon ni Jehova para ituro ang mahahalagang aral noon at ngayon. Kung posible, pumasyal kayo sa Bethel sa inyong bansa o kaya’y sa ibang bansa. Doon, makikita mismo ng iyong mga anak ang mga kaayusan ng makalupang organisasyon ni Jehova sa ilalim ng uring tapat na alipin para makapaglaan ng espirituwal na pagkain at patnubay sa mga kapatid sa buong daigdig, gaya rin noong unang siglo C.E.​—Mat. 24:45-47; Gawa 15:22-31.

Ibagay sa Bata ang Impormasyon

Sa pagtuturo sa iyong mga anak, tandaan ang paraan ni Jesus ng pagtuturo sa kaniyang mga apostol. Minsan ay sinabi niya sa kanila: “Marami pa akong mga bagay na sasabihin sa inyo, ngunit hindi ninyo makakaya ang mga iyon sa kasalukuyan.” (Juan 16:12) Hindi pinaulanan ni Jesus ng napakaraming impormasyon ang mga alagad. Sa halip, unti-unti niyang itinuro sa kanila ang mahahalagang katotohanan para madali nila itong maintindihan. Gayundin naman sa iyong mga anak. Kung unti-unti pero palagian ang pagtuturo sa kanila hinggil sa organisasyon, mapananatili mo ang interes nila at masisiyahan silang matuto tungkol sa kongregasyong Kristiyano. Yamang nagbabago ang pangangailangan ng iyong mga anak, puwede mong ulitin o palawakin pa ang mga natutuhan na nila.

Ang kongregasyong Kristiyano ay pinagmumulan ng espirituwal na kalakasan, at ang mga kabataang masigasig sa mga gawain ng kongregasyon ay mas nakaiiwas sa impluwensiya ng sanlibutan ni Satanas. (Roma 12:2) Natitiyak namin na kapag tinulungan mo ang iyong mga anak na maging pamilyar sa organisasyon ni Jehova, magdudulot ito sa iyo ng malaking kagalakan. Hangad naming sa tulong niya ay makapanatili silang malapít sa organisasyon at sa maibiging Diyos na pinaglilingkuran natin.

[Kahon/Larawan sa pahina 28]

 Mga Paksang Mapag-uusapan sa Pampamilyang Pagsamba

Narito ang ilang paksa tungkol sa organisasyon ni Jehova na puwede ninyong pag-usapan sa Pampamilyang Pagsamba.

▪ Repasuhin ang kasaysayan ng inyong kongregasyon. Kailan at paano ito nagsimula? Aling mga Kingdom Hall ang ginamit ng kongregasyon? Puwede mong anyayahan ang isang kapatid na matagal nang kaugnay sa kongregasyon para sagutin ang mga tanong ng iyong mga anak.

▪ Ipaliwanag ang layunin ng mga pulong sa kongregasyon at ng malalaking pagtitipon at kung paano makikinabang dito ang mga bata.

▪ Ipaliwanag ang layunin ng mga paaralang itinatag ng organisasyon ni Jehova. Bumanggit ng mga karanasan ng mga nagtapos dito na nagpapakita ng magagandang resulta ng kanilang pag-aaral.

▪ Sabihin sa mga bata kung bakit mahalagang maging regular sa pangangaral ng mabuting balita. Ipaliwanag sa kanila kung paano sila magkakaroon ng bahagi sa pandaigdig na ulat na nasa Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova.

▪ Pag-usapan ang iba’t ibang uri ng buong-panahong paglilingkod na bukás sa mga kabataan sa organisasyon ni Jehova. Tinatalakay ito sa kabanata 10 ng aklat na Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova.

▪ Ipaliwanag sa mga bata kung bakit may mga kaayusang sinusunod sa kongregasyon. Sabihin kung bakit hindi sila dapat magpasiya o kumilos nang hiwalay sa organisasyon ni Jehova, kahit sa maliliit na bagay. Ipaliwanag sa kanila na makatutulong sila sa kapayapaan ng kongregasyon kung magiging masunurin sila sa mga elder.

[Larawan]

Makikinabang ang iyong mga anak sa pakikipagkaibigan sa matatagal nang lingkod ng Diyos

[Mga larawan sa pahina 26]

Gaya noon sa Israel, sinisikap ng mga magulang na magbigay ng kasiya-siyang sagot kapag tinatanong sila tungkol sa organisasyon ni Jehova