Lalakad Tayo sa Ating Katapatan!
Lalakad Tayo sa Ating Katapatan!
“Sa ganang akin, lalakad ako sa aking katapatan.”—AWIT 26:11.
1, 2. Ano ang sinabi ni Job tungkol sa kaniyang katapatan? Ano ang ipinahihiwatig ng Job kabanata 31 tungkol sa kaniya?
NOON, ang mga bagay ay kadalasan nang tinitimbang sa simpleng timbangan. Ito’y may pahalang na pingga na ang gitnang bahagi ay nakakabit sa tulos. Sa magkabilang dulo ay may nakasabit na bandeha. Inilalagay sa isang bandeha ang bagay na tinitimbang at sa kabila naman ang pabigat. Dapat gumamit ng hustong timbangan at pabigat ang bayan ng Diyos.—Kaw. 11:1.
2 Noong pinahihirapan ni Satanas, sinabi ng makadiyos na si Job: ‘Titimbangin ako ni Jehova sa hustong timbangan at malalaman ng Diyos ang aking katapatan.’ (Job 31:6) Kaugnay nito, binanggit ni Job ang ilang sitwasyon kung saan maaaring masubok ang katapatan ng isa. Pero napagtagumpayan ni Job ang pagsubok, gaya ng ipinahihiwatig ng mga sinabi niya sa Job kabanata 31. Mauudyukan tayo ng kaniyang halimbawa na tularan siya at magsabi nang may pananalig gaya ni David: “Sa ganang akin, lalakad ako sa aking katapatan.”—Awit 26:11.
3. Bakit mahalagang maging tapat sa Diyos sa malalaki at maliliit na bagay?
3 Bagaman dumanas si Job ng napakatitinding pagsubok, nanatili pa rin siyang tapat sa Diyos. Baka sabihin pa nga ng ilan na isa siyang pambihirang halimbawa ng katapatan sa kabila ng napakabibigat na pagsubok. Hindi natin nararanasan ang mismong mga pagsubok na dinanas ni Job. Gayunman, dapat tayong maging tapat sa Diyos sa malalaki at maliliit na bagay para maipakitang tapat tayo kay Jehova at sumusuporta sa kaniyang soberanya.—Basahin ang Lucas 16:10.
Kailangan ang Katapatan sa Moral
4, 5. Para makapanatiling tapat, anong paggawi ang iniwasan ni Job?
4 Para makapanatiling tapat kay Jehova, dapat tayong manghawakan sa kaniyang mga pamantayang moral, gaya ni Job. Sinabi niya: “Nakipagtipan ako sa aking mga mata. Kaya paano ako makapagbibigay-pansin sa isang dalaga? . . . Kung ang aking puso ay naakit sa isang babae, at lagi akong nag-aabang sa mismong pasukang-daan ng aking kasamahan, ipaggiling ng aking asawa ang ibang lalaki, at sa ibabaw niya ay paluhurin ang ibang mga lalaki.”—Job 31:1, 9, 10.
5 Palibhasa’y determinadong manatiling tapat sa Diyos, iniwasan ni Job na tumingin sa babae nang may pagnanasa. Bilang may-asawa, hindi siya nakipagligaw-biro sa dalaga o nagkagusto sa asawa ng iba. Sa Sermon sa Bundok, idiniin ni Jesus ang kalinisang-asal sa sekso—isang bagay na dapat tandaan ng mga nag-iingat ng katapatan.—Basahin ang Mateo 5:27, 28.
Huwag Maging Mapanlinlang
6, 7. (a) Gaya sa kaso ni Job, ano ang ginagamit ng Diyos para sukatin ang ating katapatan? (b) Bakit hindi tayo dapat maging mapanlinlang?
6 Kung gusto nating mapabilang sa mga tapat, hindi tayo dapat na maging mapanlinlang. (Basahin ang Kawikaan 3:31-33.) Sinabi ni Job: ‘Kung lumakad akong kasama ng mga taong bulaan, at ang aking paa ay nagmamadali patungo sa panlilinlang, titimbangin ako ni Jehova sa hustong timbangan at malalaman ng Diyos ang aking katapatan.’ (Job 31:5, 6) Ang lahat ng tao ay tinitimbang ni Jehova sa “hustong timbangan.” Gaya sa kaso ni Job, ginagamit ng Diyos ang kaniyang sakdal na pamantayan ng katarungan para sukatin ang ating katapatan bilang mga lingkod niya.
7 Kung tayo ay mapanlinlang, hindi masasabing tapat tayo sa Diyos. “Tinalikuran na [ng mga nananatiling tapat] ang mga bagay na ginagawa nang pailalim na dapat ikahiya” at hindi na sila “lumalakad na may katusuhan.” (2 Cor. 4:1, 2) Pero paano kung mapanlinlang tayo sa salita o sa gawa, anupat dahil sa atin ay humihingi ng tulong sa Diyos ang isang kapananampalataya? Napakasaklap niyan para sa atin! “Tumawag ako kay Jehova sa aking kabagabagan, at sinagot niya ako,” inawit ng salmista. “O Jehova, iligtas mo ang aking kaluluwa mula sa mga labing bulaan, mula sa mapandayang dila.” (Awit 120:1, 2) Tandaan na nakikita ng Diyos ang kaloob-looban natin, anupat ‘sinusubok niya ang puso at mga bato’ para alamin kung talaga ngang tapat tayo.—Awit 7:8, 9.
Maging Mabuting Halimbawa sa Pakikitungo sa Iba
8. Paano pinakitunguhan ni Job ang iba?
8 Para makapanatiling tapat, dapat nating tularan si Job, na makatarungan, mapagpakumbaba, at makonsiderasyon. Sinabi niya: “Kung pinagkaitan ko noon ng katarungan ang aking aliping lalaki o ang aking aliping babae sa kanilang usapin sa batas laban sa akin, kung magkagayon ay ano ang magagawa ko kapag ang Diyos ay bumabangon? At kapag humihingi siya ng pagsusulit, ano ang maisasagot ko sa kaniya? Hindi ba ang Isa na lumikha sa akin sa tiyan ang lumikha sa kaniya, at hindi ba Isa lamang ang naghanda sa amin sa bahay-bata?”—Job 31:13-15.
9. Anong mga katangian ang ipinakita ni Job sa pakikitungo sa kaniyang mga tagapaglingkod? Ano ang dapat nating gawin may kaugnayan dito?
9 Lumilitaw na noong panahon ni Job, hindi komplikado ang proseso sa paghawak ng mga usapin sa batas. Inaasikaso ang mga ito sa maayos na paraan, at puwedeng dumulog sa hukuman kahit ang mga alipin. Si Job ay makatarungan at maawain sa pakikitungo sa kaniyang mga tagapaglingkod. Kung gusto nating manatiling tapat, dapat nating ipakita ang gayong mga katangian, lalo na kung tayo’y mga elder sa kongregasyon.
Maging Bukas-Palad, Hindi Mapag-imbot
10, 11. (a) Paano natin nalaman na si Job ay bukas-palad at matulungin? (b) Anong mga payo sa Bibliya ang ipinaaalaala sa atin ng Job 31:16-25?
10 Si Job ay bukas-palad at matulungin, hindi makasarili ni mapag-imbot. Sinabi niya: “Kung . . . ang mga mata ng babaing balo ay pinalalabo ko, at mag-isa kong kinakain noon ang aking subo ng pagkain, habang ang batang lalaking walang ama ay hindi kumakain mula roon . . . Kung nakakakita ako noon ng mamamatay na dahil sa kawalan ng kasuutan . . . Kung ikinaway ko ang aking kamay laban sa batang lalaking walang ama, kapag nakikita kong kailangan ang aking tulong sa pintuang-daan, malaglag na sana ang aking paypay mula sa balikat nito, at mabali na sana ang aking bisig mula sa buto nito sa itaas.” Hindi rin makapananatiling tapat si Job kung sinabi niya sa ginto: “Ikaw ang aking tiwala!”—Job 31:16-25.
11 Ang gayong patulang pananalita ay nagpapaalaala sa sinabi ni Santiago: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at ingatan ang sarili na walang batik mula sa sanlibutan.” (Sant. 1:27) Maaalaala rin natin ang babala ni Jesus: “Maging mapagmasid kayo at magbantay kayo laban sa bawat uri ng kaimbutan, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” Pagkatapos ay nagbigay si Jesus ng ilustrasyon tungkol sa mapag-imbot na taong mayaman na namatay nang “hindi mayaman sa Diyos.” (Luc. 12:15-21) Para makapanatiling tapat, hindi tayo dapat magpadaig sa kaimbutan o kasakiman. Ang kaimbutan ay idolatriya dahil naaagaw ng bagay na pinagnanasaan ang atensiyong dapat sana’y nakaukol kay Jehova anupat nagiging idolo iyon. (Col. 3:5) Imposibleng maging tapat ang isang taong sakim!
Manghawakang Mahigpit sa Tunay na Pagsamba
12, 13. Anong halimbawa ang ipinakita ni Job may kinalaman sa pag-iwas sa idolatriya?
12 Ang mga tapat ay hindi lumilihis sa dalisay na pagsamba. Ganiyan si Job, dahil sinabi niya: “Kung tinitingnan ko noon ang liwanag kapag ito ay sumisinag, o ang maringal na buwan habang lumalakad, at ang aking puso ay nagsimulang maakit sa lihim at ang aking kamay ay humalik sa aking bibig, iyon din ay kamalian na dapat asikasuhin ng mga hukom, sapagkat para ko na ring ikinaila ang tunay na Diyos sa itaas.”—Job 31:26-28.
13 Hindi sumamba si Job sa mga bagay na walang buhay. Kung lihim na naakit ang puso niya sa mga bagay na nasa kalangitan, gaya ng buwan, at kung ang kaniyang ‘kamay ay humalik sa kaniyang bibig,’ marahil ay nagpalipad ng halik bilang pagsamba sa idolo, para na rin niyang ikinaila ang Diyos. (Deut. 4:15, 19) Para makapanatiling tapat sa Diyos, dapat nating iwasan ang lahat ng uri ng idolatriya.—Basahin ang 1 Juan 5:21.
Huwag Maging Mapaghiganti o Mapagpaimbabaw
14. Bakit masasabing hindi marumi ang isip ni Job?
14 Hindi marumi ang isip ni Job at hindi rin siya malupit. Alam niyang ang gayong pag-uugali ay hindi pagpapakita ng katapatan, dahil sinabi niya: “Kung nagsasaya ako noon sa pagkalipol niyaong masidhing napopoot sa akin, o natuwa ako dahil nasumpungan siya ng kasamaan . . . , hindi ko pinahintulutang magkasala ang aking ngalangala sa paghiling ng isang sumpa laban sa kaniyang kaluluwa.”—Job 31:29, 30.
15. Bakit hindi tamang magsaya sa kasakunaan ng sinumang napopoot sa atin?
15 Hindi kailanman nagsaya si Job sa kasakunaan ng sinumang napopoot sa kaniya. Nagbabala ang isang kawikaan: “Kapag ang iyong kaaway ay nabuwal, huwag kang magsaya; at kapag siya ay natisod, huwag nawang magalak ang iyong puso, upang hindi makita ni Jehova at maging masama iyon sa kaniyang paningin at pawiin nga niya ang kaniyang galit sa kaniya.” (Kaw. 24:17, 18) Dahil nakakabasa ng puso si Jehova, alam niya kung lihim tayong nagsasaya sa kasakunaan ng iba at tiyak na hindi ito nakalulugod sa kaniya. (Kaw. 17:5) Mananagot tayo sa Diyos, dahil sinabi niya: “Akin ang paghihiganti, at ang kagantihan.”—Deut. 32:35.
16. Paano natin maipakikita ang pagkamapagpatuloy kahit hindi tayo mayaman?
16 Si Job ay mapagpatuloy. (Job 31:31, 32) Kahit hindi tayo mayaman, puwede pa rin nating ‘sundan ang landasin ng pagkamapagpatuloy.’ (Roma 12:13) Maaari tayong maghanda ng simpleng pagkain para sa iba, yamang “mas mabuti ang pagkaing gulay na doon ay may pag-ibig kaysa sa pinatabang toro na may kasamang poot.” (Kaw. 15:17) Ang pakikisalo sa isa na nag-iingat din ng katapatan ay kasiya-siya pa rin kahit simple lang ang pagkain at tiyak na makapagpapatibay sa atin.
17. Bakit hindi natin dapat itago ang malubhang pagkakasala?
17 Tiyak na nakapagpapatibay ang pagkamapagpatuloy ni Job dahil hindi siya mapagpaimbabaw. Hindi siya tulad ng mga taong di-makadiyos na nakapuslit sa loob ng unang-siglong kongregasyon at “humahanga sa mga personalidad alang-alang sa kanilang sariling kapakinabangan.” (Jud. 3, 4, 16) Hindi rin tinakpan ni Job ang kaniyang pagsalansang o ‘itinago ang kaniyang kamalian sa bulsa ng kaniyang damit’ sa takot na hamakin siya ng iba kapag nalaman ito. Nais niyang suriin siya ng Diyos, na mapagtatapatan niya ng pagkakasala. (Job 31:33-37) Kapag nagkasala tayo nang malubha, huwag natin itong itago para lang makaiwas sa kahihiyan. Paano natin maipakikita na sinisikap nating manatiling tapat? Sa pamamagitan ng pag-amin sa kasalanan, pagsisisi, paghingi ng espirituwal na tulong, at pagsisikap na maituwid iyon.—Kaw. 28:13; Sant. 5:13-15.
Sinubok ang Katapatan
18, 19. (a) Bakit masasabing hindi naging mapagsamantala si Job kaninuman? (b) Ano ang handang gawin ni Job kapag napatunayan siyang nagkasala?
18 Si Job ay tapat at makatarungan. Kaya naman masasabi niya: “Kung laban sa akin ay hihingi ng saklolo ang aking sariling lupa, at magkakasamang tatangis ang mga tudling nito; kung ang mga bunga nito ay kinain ko nang walang salapi, at ang kaluluwa ng mga may-ari nito ay pinahingal ko, sa halip na trigo ay bayaang tumubo ang matinik na panirang-damo, at sa halip na sebada ay mababahong panirang-damo.” (Job 31:38-40) Hindi kailanman nangamkam ng lupa si Job, at hindi siya naging mapagsamantala sa mga manggagawa. Gaya niya, dapat tayong manatiling tapat kay Jehova sa malalaki at maliliit na bagay.
19 Sa harap ng tatlo niyang kasamahan at ni Elihu, sinabi ni Job kung paano siya namuhay. Hinamon ni Job ang sinumang kalaban-sa-batas na magsampa ng reklamo laban sa rekord ng kaniyang buhay na ‘nilagdaan’ niya. Kapag napatunayang nagkasala si Job, handa niyang tanggapin ang parusa. Kaya iniharap niya ang kaniyang kaso at hinintay ang hatol ng Diyos. Sa gayon, “ang mga salita ni Job ay natapos na.”—Job 31:35, 40.
Makapananatili Kang Tapat
20, 21. (a) Bakit nakapanatiling tapat si Job? (b) Paano natin malilinang ang pag-ibig sa Diyos?
20 Nakapanatiling tapat si Job dahil iniibig niya ang Diyos, at iniibig din siya ni Jehova kung kaya tinulungan Niya siya. Sinabi ni Job: “Pinagkalooban mo [Jehova] ako ng buhay at maibiging-kabaitan [“tapat na pag-ibig,” tlb. sa Reference Bible]; at ang aking espiritu ay binantayan ng iyong sariling pangangalaga.” (Job 10:12) Nagpakita rin si Job ng pag-ibig sa iba, dahil alam niya na ang sinumang nagkakait ng tapat na pag-ibig sa kaniyang kapuwa ay hindi natatakot sa Makapangyarihan-sa-lahat. (Job 6:14) Ang mga tapat ay umiibig sa Diyos at sa kapuwa.—Mat. 22:37-40.
21 Malilinang natin ang pag-ibig sa Diyos kung babasahin natin ang kaniyang Salita araw-araw at bubulay-bulayin ang mga isinisiwalat nito tungkol sa kaniya. Sa taimtim na pananalangin, maaari nating purihin at pasalamatan si Jehova sa kaniyang kabutihan sa atin. (Fil. 4:6, 7) Maaari tayong umawit kay Jehova at makinabang sa regular na pakikisama sa kaniyang bayan. (Heb. 10:23-25) Sisidhi rin ang ating pag-ibig sa Diyos kung makikibahagi tayo sa ministeryo at maghahayag ng “mabuting balita ng kaniyang pagliligtas.” (Awit 96:1-3) Sa ganitong paraan, makapananatili tayong tapat, gaya ng salmista na umawit: “Ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin. Ang Soberanong Panginoong Jehova ang ginawa kong aking kanlungan.”—Awit 73:28.
22, 23. Bilang mga tagapagtaguyod ng soberanya ni Jehova, paano maihahambing ang ating mga gawain sa gawain ng mga nag-iingat ng katapatan noon?
22 Sa nakalipas na mga siglo, nagbigay si Jehova ng iba’t ibang atas sa mga nag-iingat ng katapatan. Si Noe ay gumawa ng arka at naging “mangangaral ng katuwiran.” (2 Ped. 2:5) Si Josue ang nanguna sa mga Israelita papasók sa Lupang Pangako. Nagtagumpay siya dahil binasa niya ang ‘aklat ng kautusan araw at gabi’ at kumilos kaayon nito. (Jos. 1:7, 8) Ang unang-siglong mga Kristiyano naman ay gumawa ng mga alagad at regular na nagtipon para pag-aralan ang Kasulatan.—Mat. 28:19, 20.
23 Itinataguyod natin ang soberanya ni Jehova at iniingatan ang ating katapatan sa pamamagitan ng pangangaral ng katuwiran, paggawa ng alagad, pagkakapit sa payo ng Bibliya, at pakikisama sa mga kapatid sa mga pulong, asamblea, at kombensiyon. Ang gayong mga gawain ay tumutulong sa atin na magkaroon ng lakas ng loob, maging matibay sa espirituwal, at magawa ang kalooban ng Diyos. Hindi ito masyadong mahirap dahil inaalalayan tayo ng ating makalangit na Ama at ng kaniyang Anak. (Deut. 30:11-14; 1 Hari 8:57) Bukod diyan, nariyan ang tulong ng “buong samahan ng mga kapatid,” na lumalakad din sa katapatan at nagpaparangal kay Jehova bilang kanilang Soberanong Panginoon.—1 Ped. 2:17.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang dapat na maging pangmalas natin sa mga pamantayang moral ni Jehova?
• Anu-anong katangian ni Job ang nagustuhan mo?
• Paano gumawi si Job gaya ng ipinakikita sa Job 31:29-37?
• Bakit posibleng makapanatili tayong tapat sa Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 29]
Si Job ay nakapanatiling tapat kay Jehova. Magagawa rin natin iyon!
[Larawan sa pahina 32]
Makapananatili tayong tapat!