Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kabataan—Gawing Gabay ang Salita ng Diyos

Mga Kabataan—Gawing Gabay ang Salita ng Diyos

Mga Kabataan​—Gawing Gabay ang Salita ng Diyos

“Magtamo ka ng karunungan, magtamo ka ng pagkaunawa.”​—KAW. 4:5.

1, 2. (a) Ano ang nakatulong kay Pablo para magtagumpay sa pakikipagpunyaging gawin ang tama? (b) Paano ka makapagtatamo ng karunungan at pagkaunawa?

“KAPAG nais kong gawin ang tama, yaong masama ay narito sa akin.” Alam mo ba kung sino ang nagsabi nito? Si apostol Pablo mismo. Bagaman iniibig niya si Jehova, may mga pagkakataong nahirapan siyang gawin ang tama. Ano ang nadama niya sa ganitong pakikipagpunyagi? “Miserableng tao ako!” ang sabi niya. (Roma 7:21-24) Nakadarama ka rin ba ng ganito? Nahihirapan ka rin ba kung minsan na gawin ang tama? Nakakasira ba ito ng loob mo gaya ng nadama ni Pablo? Kung oo, huwag kang susuko. Napagtagumpayan ito ni Pablo, kaya mapagtatagumpayan mo rin ito.

2 Nagtagumpay si Pablo dahil ginawa niyang gabay ang “nakapagpapalusog na mga salita.” (2 Tim. 1:13, 14) Kaya naman nagtamo siya ng karunungan at pagkaunawa na kailangan para magtagumpay sa pakikipagpunyagi at makagawa ng tamang desisyon. Matutulungan ka ni Jehova na matamo ang mga ito. (Kaw. 4:5) Naglaan siya ng napakahuhusay na payo mula sa kaniyang Salita, ang Bibliya. (Basahin ang 2 Timoteo 3:16, 17.) Talakayin natin kung paano makatutulong sa iyo ang mga simulain sa Bibliya pagdating sa pakikitungo sa iyong mga magulang, sa paghawak ng pera, at sa iyong paggawi kapag nag-iisa.

Sa Pamilya

3, 4. Ano ang posibleng dahilan kung bakit nahihirapan kang sundin ang mga tuntunin ng iyong mga magulang? Pero bakit sila gumagawa ng mga tuntunin?

3 Nahihirapan ka bang sundin ang mga tuntuning ipinatutupad ng iyong mga magulang? Bakit kaya? Baka dahil gusto mong magkaroon ng higit na kalayaan. Natural lang iyan. Bahagi iyan ng iyong paglaki. Pero habang nasa poder ka pa ng iyong mga magulang, obligasyon mong sundin sila.​—Efe. 6:1-3.

4 Kapag naintindihan mo kung bakit may mga tuntunin at utos na ipinatutupad ang iyong mga magulang, magiging madali para sa iyo na sumunod. Totoo, baka kung minsan ay nasasabi mo rin ang sinabi ng 18-anyos na si Brielle * tungkol sa kaniyang mga magulang: “Parang hindi sila dumaan sa pagiging tin-edyer. Hindi ako puwedeng magsalita o gumawa ng sarili kong desisyon.” Gaya ni Brielle, baka nadarama mo ring masyado kang hinihigpitan ng iyong mga magulang. Pero ang mga tuntuning iyon ay para na rin sa kabutihan mo. Bukod diyan, alam ng mga magulang na Kristiyano na mananagot sila kay Jehova sa paraan ng pagpapalaki nila sa iyo.​—1 Tim. 5:8.

5. Paano ka maaaring makinabang sa pagiging masunurin sa iyong mga magulang?

5 Ang pagsunod sa iyong mga magulang ay parang pagbabayad ng utang sa bangko​—kapag hindi ka pumapalya sa pagbabayad, pagtitiwalaan ka ng bangko at pauutangin uli. Sa katulad na paraan, obligasyon mong igalang at sundin ang iyong mga magulang. (Basahin ang Kawikaan 1:8.) Kung masunurin ka sa kanila, mas magtitiwala sila sa iyo at hindi ka gaanong hihigpitan. (Luc. 16:10) Siyempre pa, kapag palagi mo silang sinusuway, mababawasan ang tiwala nila sa iyo o baka mawala pa nga ito.

6. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maging masunurin?

6 Matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maging masunurin kung magpapakita sila ng halimbawa. Kung sila mismo ay masunurin kay Jehova, ipinakikita nilang makatuwiran ang kaniyang mga utos. Tutulong ito sa mga anak na magkaroon ng gayunding pangmalas sa mga tuntunin ng kanilang mga magulang. (1 Juan 5:3) Bukod diyan, ipinakikita sa Bibliya na may mga pagkakataong hinayaan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na sabihin ang kanilang palagay tungkol sa ilang bagay. (Gen. 18:22-32; 1 Hari 22:19-22) Puwede rin kayang bigyan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng pagkakataong sabihin ang kanilang opinyon tungkol sa ilang bagay?

7, 8. (a) Anong hamon ang napapaharap sa ilang kabataan? (b) Ano ang makatutulong sa iyo para makinabang sa disiplina?

7 Iniisip ng ilang kabataan na sobrang mapamuna ang kanilang mga magulang. Baka kung minsan ay kagaya ka rin ng kabataang si Craig, na nagsabi: “Parang detektib ang nanay ko​—lagi na lang siyang . . . naghahanap ng maipupuna.”

8 Ang pagtutuwid o disiplina ay karaniwan nang ginagawa sa pamamagitan ng pamumuna. Sinasabi ng Bibliya na ang disiplina, kahit makatuwiran, ay mahirap tanggapin. (Heb. 12:11) Ano ang makatutulong sa iyo para makinabang sa disiplina? Mahalagang tandaan na pinapayuhan ka ng iyong mga magulang dahil mahal ka nila. (Kaw. 3:12) Ayaw nilang magkaroon ka ng masasamang ugali. Alam nila na kung hindi ka nila itutuwid, para na rin silang napopoot sa iyo. (Basahin ang Kawikaan 13:24.) Tandaan din na natututo ka sa iyong pagkakamali. Kaya kapag itinutuwid ka, bakit hindi mo tingnan kung anong mga aral ang mapupulot mo? “Ang pagkakamit [ng karunungan] bilang pakinabang ay mas mabuti kaysa sa pagkakamit ng pilak bilang pakinabang at ang pagkakamit nito bilang ani kaysa sa ginto.”​—Kaw. 3:13, 14.

9. Sa halip na isiping hindi makatuwiran ang disiplina, ano ang puwedeng gawin ng mga kabataan?

9 Pero nagkakamali rin ang mga magulang. (Sant. 3:2) Kung minsan, baka padalus-dalos silang magsalita kapag itinutuwid ka. (Kaw. 12:18) Bakit kaya? Baka dahil nai-stress sila, o pakiramdam nila’y bigo sila sa pagpapalaki sa iyo. Sa halip na isiping hindi makatuwiran ang disiplina, bakit hindi pahalagahan ang kanilang pagsisikap na matulungan ka? Kapag nasanay kang tumanggap ng disiplina, mapakikinabangan mo ito hanggang sa maging adulto ka na.

10. Paano magiging madali para sa iyo na tanggapin ang mga tuntunin at pagtutuwid ng iyong mga magulang?

10 Gusto mo bang maging madali para sa iyo na tanggapin ang mga tuntunin at pagtutuwid ng iyong mga magulang? Kung oo, kailangan mong pasulungin ang kakayahan mong makipag-usap. Paano? Makinig muna. “Maging matulin sa pakikinig,” ang sabi ng Bibliya, “mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Sant. 1:19) Sa halip na mangatuwiran agad, pigilin ang iyong emosyon at pakinggan muna ang iyong mga magulang. Magtuon ng pansin sa kanilang sinasabi, hindi sa kung paano nila iyon sinasabi. Pagkatapos, magalang na tanggapin ang iyong pagkakamali. Paano kung gusto mong magpaliwanag? Kadalasan nang makabubuti kung ‘susupilin mo ang iyong mga labi’ at gagawin muna ang gusto nila. (Kaw. 10:19) Kapag nakita nilang nakikinig ka sa kanila, mas malamang na makinig din sila sa iyo. Ang paggawa nito ay patunay na ginagabayan ka ng Salita ng Diyos.

Sa Paghawak ng Pera

11, 12. (a) Kung tungkol sa pera, ano ang sinabi ng Salita ng Diyos na dapat nating gawin? Bakit? (b) Paano ka matutulungan ng iyong mga magulang sa paghawak ng pera?

11 “Ang salapi ay pananggalang,” ang sabi ng Bibliya. Pero ipinakikita rin nito na mas mahalaga ang karunungan kaysa sa pera. (Ecles. 7:12) Hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na ituring na mahalaga ang pera pero huwag itong ibigin. Bakit? Tingnan ang ilustrasyong ito: Para sa isang mahusay na kusinero, kapaki-pakinabang ang matalim na kutsilyo. Pero kung hindi maingat ang gagamit nito, maaari itong makasugat. Ang pera ay kapaki-pakinabang din kung gagamitin nang tama. Subalit sa mga “determinadong maging mayaman,” kadalasan nang isinasakripisyo nila ang kanilang mga kaibigan, pamilya, at maging ang kaugnayan nila sa Diyos kapalit ng pera. Kaya naman napagsasaksak nila ang kanilang sarili ng “maraming kirot.”​—Basahin ang 1 Timoteo 6:9, 10.

12 Paano ka matututong humawak ng pera? Puwede kang magtanong sa iyong mga magulang. “Ang taong marunong ay makikinig at kukuha ng higit pang turo, at ang taong may unawa ang siyang nagtatamo ng mahusay na patnubay,” ang sabi ni Solomon. (Kaw. 1:5) Humingi ng payo ang kabataang si Anna sa kaniyang mga magulang. Sinabi niya, “Tinuruan ako ni Itay kung paano magbadyet, at ipinakita niya sa akin kung gaano kahalaga na maging organisado sa paghawak ng pera ng pamilya.” Tinuruan naman siya ng nanay niya kung paano magiging matalino sa pamimili. “Ipinakita niya sa akin kung bakit mahalagang paghambingin ang mga presyo ng bilihin,” ang sabi ni Anna. Paano nakinabang si Anna? Sumagot siya: “Marunong na akong humawak ng sarili kong pera. Hindi ako gastador kaya wala akong inaalalang utang.”

13. Paano mo didisiplinahin ang sarili mo pagdating sa paggasta?

13 Kung basta mo na lang binibili ang lahat ng magustuhan mo o gumagasta ka para lang pahangain ang mga kaibigan mo, tiyak na mababaon ka sa utang. Paano mo ito maiiwasan? Dapat mong disiplinahin ang sarili mo. Ganiyan ang ginagawa ng mahigit 20-anyos na si Ellena. “Kapag may plano kaming lumabas na magkakaibigan,” ang sabi niya, “iniisip ko na agad kung magkano lang ang gagastusin ko. . . . Nagsa-shopping lamang ako kasama ng mga kaibigang marunong humawak ng pera at hihikayat sa akin na tumingin-tingin muna bago bumili.”

14. Bakit dapat kang mag-ingat sa “mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan”?

14 Ang pagkita at paghawak ng pera ay isang mahalagang bahagi ng buhay. Gayunman, sinabi ni Jesus na ang tunay na kaligayahan ay nasa mga “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mat. 5:3) Nagbabala siya na ang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay ay puwedeng masakal ng “mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan.” (Mar. 4:19) Napakahalaga ngang gawing gabay ang Salita ng Diyos at magkaroon ng tamang pangmalas sa pera!

Kapag Nag-iisa

15. Kailan lalo nang nasusubok ang katapatan mo sa Diyos?

15 Sa palagay mo, kailan lalo nang nasusubok ang katapatan mo sa Diyos​—kapag may kasama ka o kapag nag-iisa? Kapag nasa paaralan o nasa trabaho, malamang na ingat na ingat kang makagawa ng masama. Alisto ka sa anumang bagay na magsasapanganib sa iyong espirituwalidad. Pero kapag nagrerelaks ka at hindi alisto, mas madali kang madala ng tukso.

16. Bakit dapat mong sundin si Jehova kahit nag-iisa ka?

16 Bakit dapat mong sundin si Jehova kahit nag-iisa ka? Tandaan: Puwede mong saktan ang damdamin ni Jehova o pasayahin ang puso niya. (Gen. 6:5, 6; Kaw. 27:11) Apektado si Jehova ng iyong mga ginagawa dahil “siya ay nagmamalasakit sa [iyo].” (1 Ped. 5:7) Gusto niyang makinig ka sa kaniya para sa iyong kapakinabangan. (Isa. 48:17, 18) Nang bale-walain ng ilang sinaunang lingkod ni Jehova ang kaniyang payo, nasaktan siya. (Awit 78:40, 41) Sa kabilang dako naman, minahal ni Jehova si propeta Daniel anupat tinawag siya ng isang anghel bilang “lubhang kalugud-lugod na lalaki.” (Dan. 10:11) Bakit? Dahil nanatiling tapat si Daniel hindi lang kapag may nakakakita kundi kahit nag-iisa siya.​—Basahin ang Daniel 6:10.

17. Ano ang puwede mong itanong sa iyong sarili kapag pumipili ng libangan?

17 Para makapanatiling tapat sa Diyos kapag nag-iisa, dapat kang magkaroon ng “kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali” at saka sanayin ang kakayahang iyan sa pamamagitan ng “paggamit,” o paggawa ng mga bagay na alam mong tama. (Heb. 5:14) Halimbawa, sa pagpili ng musika, pelikula, o Internet site, tanungin ang sarili: ‘Matutulungan ba ako nito na maging mahabagin o mauudyukan ako nitong matuwa “sa kasakunaan ng iba”?’ (Kaw. 17:5) ‘Matutulungan ba ako nito na “ibigin ang kabutihan” o gagawin nitong mahirap para sa akin na “kapootan . . . ang kasamaan”?’ (Amos 5:15) Makikita sa ginagawa mo kapag nag-iisa kung anong mga pamantayan ang talagang mahalaga sa iyo.​—Luc. 6:45.

18. Ano ang dapat mong gawin kung palihim kang gumagawa ng isang bagay na alam mong mali? Bakit?

18 Ano ang dapat mong gawin kung palihim kang gumagawa ng isang bagay na alam mong mali? Tandaan, “siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay, ngunit siyang nagtatapat at nag-iiwan ng mga iyon ay pagpapakitaan ng awa.” (Kaw. 28:13) Isa ngang malaking pagkakamali na ipagpatuloy ang paggawa ng masama at “pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos”! (Efe. 4:30) Obligasyon mo sa Diyos, sa iyong mga magulang, at sa iyong sarili na ipagtapat ang kasalanan mo. Malaki ang maitutulong sa iyo ng “matatandang lalaki ng kongregasyon.” Sinabi ng alagad na si Santiago: “Ipanalangin nila [ang nagkasala], na pinapahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova. At ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam, at ibabangon siya ni Jehova. Gayundin, kung nakagawa siya ng mga kasalanan, ito ay ipatatawad sa kaniya.” (Sant. 5:14, 15) Totoo, maaaring nakakahiya ito at baka hindi madaling tanggapin ang kalalabasan. Pero kung maglalakas-loob kang humingi ng tulong, hindi na ito lulubha; sa halip, giginhawa ang kalooban mo dahil malinis na ang iyong budhi.​—Awit 32:1-5.

Pasayahin ang Puso ni Jehova

19, 20. Ano ang gusto ni Jehova para sa iyo? Pero ano ang dapat mong gawin?

19 Si Jehova ay “maligayang Diyos,” at gusto niyang maging maligaya ka rin. (1 Tim. 1:11) Interesadung-interesado siya sa iyo. Kung hindi man napapansin ng iba ang pagsisikap mong gawin ang tama, napapansin niya ito. Walang maitatago kay Jehova. Nakatingin siya, hindi para maghanap ng mali, kundi para tulungan ka sa pagsisikap na gawin ang mabuti. Ang “mga mata [ng Diyos] ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.”​—2 Cro. 16:9.

20 Kaya gawin mong gabay ang Salita ng Diyos, at ikapit ang mga payo nito. Sa gayon, magtatamo ka ng karunungan at pagkaunawa na kailangan para mapagtagumpayan ang mabibigat na problema at makagawa ng mga tamang desisyon sa buhay. Mapaluluguran mo si Jehova at ang iyong mga magulang at magkakaroon ka ng tunay na kaligayahan.

[Talababa]

^ par. 4 Binago ang mga pangalan.

Paano Mo Sasagutin?

• Ano ang maaaring gawin ng mga kabataan para masunod ang mga tuntunin at pagtutuwid ng kanilang mga magulang at makinabang dito?

• Bakit mahalagang magkaroon ng tamang pangmalas sa pera?

• Paano ka makapananatiling tapat kay Jehova kahit nag-iisa?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 6]

Mananatili ka bang tapat sa Diyos kahit nag-iisa?