Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sinabi ni Jesus: “Dapat kayong magpakasakdal, kung paanong ang inyong makalangit na Ama ay sakdal.” Paano maaaring “magpakasakdal” ang mga tao sa ngayon?—Mat. 5:48.
Para masagot iyan, kailangan nating maunawaan kung paano ginamit sa Bibliya ang mga salitang “sakdal” at “kasakdalan.” Hindi lahat ng inilalarawan sa Bibliya bilang “sakdal” ay sakdal sa ganap na diwa. Siyempre pa, si Jehova ay ganap na sakdal. Pero ang mga tao o mga bagay ay maaari lang maging sakdal sa relatibong diwa. Sa Bibliya, ang mga salitang Hebreo at Griego na isinaling “sakdal” ay madalas na nangangahulugang “kumpleto,” “may-gulang,” o “walang pagkukulang” ayon sa pamantayang itinakda ng isang awtoridad.
Sina Adan at Eva ay nilalang na sakdal sa moral, espirituwal, at pisikal na paraan. Sakdal sila ayon sa pamantayan ng kanilang Maylalang. Dahil sa pagsuway, hindi na sila nakaabot sa pamantayang iyon at sa gayo’y naiwala ang kasakdalan para sa kanilang sarili at sa kanilang mga supling. Kaya naman naipasa ni Adan sa sangkatauhan ang kasalanan, di-kasakdalan, at kamatayan.—Roma 5:12.
Gayunman, gaya ng nilinaw ni Jesus sa Sermon sa Bundok, kahit ang mga taong di-sakdal ay maaaring maging sakdal sa relatibong diwa. Sa pahayag na iyon, nagtakda siya ng pamantayan para sa sakdal, o lubos, na pag-ibig. Ang pag-ibig na ito ay gaya ng ipinakikita ng Diyos sa sangkatauhan. Sinabi ni Jesus: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo; upang mapatunayan ninyo na kayo ay mga anak ng inyong Ama na nasa langit, yamang pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mat. 5:44, 45) Kung magpapakita ng ganitong pag-ibig ang mga alagad ni Jesus, tinutularan nila ang sakdal na halimbawa ng Diyos.
Sa ngayon, sinisikap ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig na sundin ang gayong mataas na pamantayan ng pag-ibig. Gustung-gusto nilang tulungan ang mga tao mula sa iba’t ibang pinagmulan, lahi, at relihiyon na magkaroon ng tumpak na kaalaman sa Bibliya. Sa kasalukuyan, ang mga Saksi ay nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa mahigit 7,000,000 katao sa 236 na lupain.
“Kung iniibig ninyo yaong mga umiibig sa inyo, anong gantimpala mayroon kayo?” ang tanong ni Jesus. “Hindi ba ginagawa rin ng mga maniningil ng buwis ang gayunding bagay? At kung ang inyong mga kapatid lamang ang binabati ninyo, anong pambihirang bagay ang inyong ginagawa? Hindi ba ginagawa rin ng mga tao ng mga bansa ang gayunding bagay?” (Mat. 5:46, 47) Ang mga tunay na Kristiyano ay hindi nagtatangi ng mga tao anuman ang kanilang lahi o pinag-aralan, ni nagpapakita lang ng pag-ibig sa mga taong may maibibigay sa kanila bilang ganti. Sa halip, tumutulong sila sa mga dukha at maysakit, sa mga bata at matatanda. Sa gayong paraan, natutularan ng mga Kristiyano ang pag-ibig ni Jehova at nagiging sakdal sila sa relatibong diwa.
Isasauli pa kaya sa atin ang kasakdalang naiwala ni Adan? Oo, dahil sa pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus, ang masunuring mga tao ay magiging ganap na sakdal sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo, kapag ‘sinira na ng Anak ng Diyos ang mga gawa ng Diyablo.’—1 Juan 3:8.