Pinakikinggan ni Jehova ang Daing ng Nanlulumo
Pinakikinggan ni Jehova ang Daing ng Nanlulumo
GAYA ng sinabi ng pantas na si Haring Solomon ng Israel, “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa [ating] lahat.” (Ecles. 9:11) Ang isang masaklap na pangyayari o matinding pagsubok ay maaaring makasira sa normal na takbo ng ating buhay. Halimbawa, baka masyadong damdamín ng isa ang biglang pagkamatay ng kaniyang mahal sa buhay. Posibleng matindi pa rin ang kaniyang pamimighati kahit lumipas na ang maraming buwan. Baka magulung-magulo ang isip niya anupat pakiramdam niya’y hindi siya karapat-dapat manalangin kay Jehova.
Sa gayong sitwasyon, kailangan ng isa ang pampatibay-loob, konsiderasyon, at pag-ibig. Tinitiyak sa atin ng salmistang si David: “Si Jehova ay umaalalay sa lahat ng nabubuwal, at nagbabangon sa lahat ng nakayukod.” (Awit 145:14) Sinasabi ng Bibliya na ‘ang mga mata ni Jehova ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.’ (2 Cro. 16:9) Siya ay “kasama rin ng isa na nasisiil . . . upang ipanumbalik ang puso ng mga sinisiil.” (Isa. 57:15) Paano ba inaalalayan at inaaliw ni Jehova ang isang nasisiil o nanlulumo?
“Salita sa Tamang Panahon”
Naglalaan si Jehova ng tulong sa tamang panahon sa pamamagitan ng ating mga kapananampalataya. Ang mga Kristiyano ay pinapayuhang “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tes. 5:14) Ang mabait at maibiging pananalita mula sa mga nagmamalasakit na kapatid ay makapagpapatibay sa isang namimighati. Ang nakaaaliw na pananalita, kahit sa maikling pag-uusap lang, ay makapagpapasigla sa isang nanlulumo. Ito’y maaaring manggaling sa isa na nagkaroon na rin ng gayong karanasan o sa isang kaibigan na may malawak na karanasan sa buhay. Sa ganitong paraan, pinasisigla ni Jehova ang isang nanlulumo.
Kuning halimbawa si Alex, isang bagong-kasal na elder na biglang namatayan ng asawa dahil sa isang malubhang sakit. Isang madamaying naglalakbay na tagapangasiwa ang nakipag-usap kay Alex at nagpatibay sa kaniya. Namatayan din ito ng asawa pero nakapag-asawa nang muli. Ikinuwento niya kay Alex kung gaano siya kalungkot noon. Ayos naman siya kapag kasama ng mga kapatid sa ministeryo at mga pulong. Pero kapag nag-iisa na siya sa kuwarto, lungkot na lungkot siya. “Nakagiginhawang malaman na normal Kaw. 15:23.
lang pala ang nadarama ko at naranasan na rin ito ng iba,” ang sabi ni Alex. Oo, ang “salita sa tamang panahon” ay nakaaaliw sa isang namimighati.—Isa pang elder, na may mga kakilalang namatayan ng asawa, ang nagbigay kay Alex ng pampatibay-loob. Buong-pagmamalasakit niyang ipinaalaala na alam ni Jehova kung ano ang nadarama natin at kung ano ang kailangan natin. “Kung darating ang panahon na gusto mo nang magkaroon ng kasama,” ang sabi ng brother, “puwede ka namang mag-asawa uli. Maibiging paglalaan iyan ni Jehova.” Siyempre pa, hindi lahat ng namatayan ng asawa ay nasa kalagayang mag-asawa uli. Pero tungkol sa pampatibay-loob na ibinigay ng brother, sinabi ni Alex, “Kapag naipaalaala sa iyo na isang paglalaan ni Jehova ang muling pag-aasawa, nawawala ang negatibong kaisipan na baka hindi ka nagiging tapat sa iyong asawa o sa kaayusan ni Jehova sa pag-aasawa.”—1 Cor. 7:8, 9, 39.
Ang salmistang si David, na nakaranas mismo ng maraming pagsubok at suliranin, ay nagsabi: “Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang paghingi ng tulong.” (Awit 34:15) Oo, sinasagot ni Jehova ang daing ng nanlulumo sa pamamagitan ng mapagmalasakit na pananalita mula sa nakauunawa at may-gulang na mga kapatid. Ang gayong paglalaan ay kapuwa mahalaga at praktikal.
Sa mga Pulong ng Kongregasyon
Ang isang nanlulumo ay may tendensiyang magkaroon ng negatibong kaisipan na baka maging dahilan para ibukod niya ang kaniyang sarili. Pero nagbabala ang Kawikaan 18:1: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin; laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.” Inamin ni Alex: “Kapag namatayan ka ng asawa, puro na lang negatibo ang naiisip mo.” Naitanong nga niya sa sarili: “‘May iba pa ba akong dapat na ginawa? Nagkulang kaya ako sa pagiging makonsiderasyon at maunawain?’ Ayokong nag-iisa. Gusto ko ng kasama. Napakahirap nitong alisin sa isip dahil araw-araw, alam mong nag-iisa ka.”
Kapag ang isa ay nanlulumo, lalo niyang kailangan ang nakapagpapasiglang pagsasamahan. Matatagpuan ito sa mga pulong ng kongregasyon, kung saan pinupuno natin ang ating isip ng positibo at nakapagpapatibay na kaisipan ng Diyos.
Nakatutulong ang mga pulong para magkaroon tayo ng tamang pangmalas sa ating sitwasyon. Habang pinakikinggan at binubulay-bulay ang mga teksto sa Bibliya, naitutuon natin ang ating pansin sa dalawang pinakamahalagang isyu—ang pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova at ang pagpapabanal sa kaniyang pangalan—hindi lang sa sarili nating problema. Bukod diyan, napatitibay tayong malaman na bagaman hindi nauunawaan ng iba ang ating nadarama, tiyak na nauunawaan ito ni Jehova. Alam niyang “dahil sa kirot sa puso ay may bagbag na espiritu.” (Kaw. 15:13) Gusto niya tayong tulungan, at ito ang nagpapalakas sa atin na makapagbata.—Awit 27:14.
Nang dumanas si Haring David ng matinding panggigipit mula sa mga kaaway, dumaing siya sa Diyos: “Ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko; sa loob ko ay namamanhid ang aking puso.” (Awit 143:4) Ang pamimighati ay kadalasan nang nakasasaid ng pisikal at emosyonal na lakas, anupat nakapagpapamanhid pa nga ng puso. Maaari tayong mapighati dahil sa pagkakasakit o pisikal na kapansanan. Makaaasa tayong tutulungan tayo ni Jehova na magbata. (Awit 41:1-3) Bagaman wala nang makahimalang pagpapagaling ngayon, naglalaan naman ang Diyos ng karunungan at katatagan na kailangan ng isa. Tandaan na nang dumanas si David ng maraming pagsubok, bumaling siya kay Jehova. “Naaalaala ko ang mga araw noong sinaunang panahon,” ang awit niya. “Binubulay-bulay ko ang lahat ng iyong mga gawa; kusang-loob kong itinutuon ang aking pansin sa gawa ng iyong mga kamay.”—Awit 143:5.
Yamang iniulat sa Bibliya ang ganitong mga pagdaing, ipinakikita lang na alam ni Jehova ang ating nadarama. Ang gayong mga salita ay katibayan na nakikinig siya sa ating mga pakiusap. Kung tatanggapin natin ang tulong ni Jehova, ‘siya ang aalalay sa atin.’—Awit 55:22.
“Manalangin Kayo Nang Walang Lubay”
Sinasabi sa Santiago 4:8: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” Makalalapit tayo sa Diyos sa panalangin. Pinapayuhan tayo ni Pablo na ‘manalangin nang walang lubay.’ (1 Tes. 5:17) Kahit nahihirapan tayong sabihin ang ating nadarama, “ang espiritu mismo ang nakikiusap para sa atin na may mga daing na di-mabigkas.” (Roma 8:26, 27) Oo, alam na alam ni Jehova ang ating nadarama.
Si Monika, na may malapít na kaugnayan kay Jehova, ay nagsabi: “Dahil sa pananalangin, pagbabasa ng Bibliya, at personal na pag-aaral, nadama kong naging pinakamatalik na Kaibigan ko si Jehova. Naging totoong-totoo siya sa akin anupat nadarama kong pinapatnubayan niya ako. Nakaaaliw malaman na kahit hindi ko maipaliwanag ang aking nadarama, nauunawaan pa rin niya ako. Alam kong walang katapusan ang kaniyang kabaitan at pagpapala.”
Oo, tanggapin natin ang maibigin at nakaaaliw na pananalita ng mga kapatid, sundin ang mabait na payo at nakapagpapatibay na paalaala mula sa mga pulong, at sabihin kay Jehova sa panalangin ang laman ng ating puso. Sa pamamagitan ng mga paglalaang ito, ipinakikita ni Jehova na nagmamalasakit siya sa atin. Batay sa kaniyang karanasan, sinabi ni Alex, “Kung sasamantalahin natin ang lahat ng paglalaan ng Diyos na Jehova para makapanatiling matatag sa espirituwal, magkakaroon tayo ng ‘lakas na higit sa karaniwan’ para mabata ang anumang pagsubok.”—2 Cor. 4:7.
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
Kaaliwan Para sa Nanlulumo
Ang aklat ng Mga Awit ay punô ng mga pananalitang nagpapahayag ng damdamin ng tao at ng katiyakang pinakikinggan ni Jehova ang daing ng nanlulumo. Pansinin ang sumusunod:
“Sa aking kabagabagan ay patuloy akong tumatawag kay Jehova, at sa aking Diyos ay patuloy akong humihingi ng tulong. Mula sa kaniyang templo ay dininig niya ang aking tinig, at ang aking paghingi ng tulong sa harap niya ay dumating sa kaniyang pandinig.”—Awit 18:6.
“Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”—Awit 34:18.
“Pinagagaling niya [ni Jehova] ang mga may pusong wasak, at tinatalian niya ang kanilang makikirot na bahagi.”—Awit 147:3.
[Larawan sa pahina 17]
Talaga ngang nakaaaliw ang “salita sa tamang panahon” kapag ang isa’y namimighati!