Hindi Pa Huli ang Lahat
Hindi Pa Huli ang Lahat
Sa Málaga, timugang Espanya, isang mag-ina, parehong Ana ang pangalan, ang nabautismuhan noong Disyembre 19, 2009. Kabilang sila sa 2,352 nagpabautismo sa Espanya noong 2009. Pero may kakaiba sa mag-inang ito—ang edad nila. Ang ina ay 107 anyos at ang anak naman ay 83!
Bakit kaya sila nagpasiyang magpabautismo bilang sagisag ng pag-aalay kay Jehova? Noong unang mga taon ng dekada ng 1970, isang kapitbahay ang palaging nag-iimbita kay Ana—ang anak—na dumalo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat na idinaraos sa bahay ng Saksing iyon. Dumadalo si Ana paminsan-minsan. Pero dahil sa trabaho niya, hindi siya sumulong.
Pagkaraan ng mga sampung taon, ang ilang anak ni Ana ay nag-aral ng Bibliya at naging mga lingkod ni Jehova. Sa tulong ng isa sa kanila, si Mari Carmen, muling nagkainteres si Ana sa katotohanan at tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya. Pagkatapos, nagpakita rin ng interes sa Bibliya ang lola ni Mari Carmen, ang nakatatandang Ana. Nang maglaon, sampung miyembro ng pamilya nila ang nabautismuhan.
Tuwang-tuwa ang dalawang Ana nang mabautismuhan sila. “Napakabait ni Jehova sa akin dahil binigyan niya ako ng pagkakataong makilala siya,” ang sabi ng 107-anyos na Ana. “Bago dumating ang Paraiso,” ang sabi naman ng anak, “gusto kong paglingkuran si Jehova, gawin ang kaniyang kalooban at mangaral sa abot ng aking makakaya.”
Ang pagdalo sa mga pulong ang lalo nang nagpapasaya sa dalawang balong ito. “Hindi sila pumapalya sa pulong,” ang sabi ng isang elder sa kongregasyon nila. “Palagi silang handang magkomento sa Pag-aaral sa Bantayan.”
Ang kanilang tapat na halimbawa ay nagpapaalaala tungkol sa isang balong nagngangalang Ana na “hindi kailanman lumiliban sa templo, na nag-uukol ng sagradong paglilingkod gabi at araw na may mga pag-aayuno at mga pagsusumamo.” Dahil dito, nagkapribilehiyo siyang makita ang sanggol na si Jesus. (Luc. 2:36-38) Sa edad na 84, nakapaglilingkod pa rin siya noon kay Jehova, gaya ng nabanggit na mga kapangalan niya.
Mayroon ka bang mga kamag-anak na gustong makinig sa mensahe ng Bibliya? O sa iyong pagbabahay-bahay, may nakausap ka na bang isang may-edad na interesadong makinig? Puwede silang maging tulad ng mga Ana sa kuwentong ito, dahil hindi pa huli ang lahat para maglingkod sa tunay na Diyos, si Jehova.
[Blurb sa pahina 25]
“Napakabait ni Jehova sa akin”
[Blurb sa pahina 25]
“Bago dumating ang Paraiso, gusto kong paglingkuran si Jehova”