Binibigyan ng Kapangyarihang Malabanan ang Tukso at Panghihina ng Loob
Binibigyan ng Kapangyarihang Malabanan ang Tukso at Panghihina ng Loob
“Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu.”—GAWA 1:8.
1, 2. Anong tulong ang ipinangako ni Jesus sa mga alagad? Bakit nila ito kailangan?
ALAM ni Jesus na hindi kayang tuparin ng kaniyang mga alagad ang lahat ng iniutos niya kung sa sariling lakas lang nila. Yamang napakalawak ng gagawing pangangaral, malakas ang mga kalaban, at mahina ang laman, maliwanag na kailangan nila ng kapangyarihang higit sa kakayahan ng tao. Kaya bago siya umakyat sa langit, tiniyak ni Jesus sa kanila: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8.
2 Ang pangakong ito ay nagsimulang matupad noong Pentecostes 33 C.E. nang bigyang-kapangyarihan ng banal na espiritu ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo para mapuno nila ng kanilang turo ang Jerusalem. Hindi ito nahadlangan ninuman. (Gawa 4:20) “Sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay,” kailangang-kailangan ng mga tapat na tagasunod ni Jesus, kasama na tayo, ang gayong bigay-Diyos na lakas.—Mat. 28:20.
3. (a) Ipaliwanag ang pagkakaiba ng banal na espiritu at ng kapangyarihan. (b) Ano ang naitutulong sa atin ng kapangyarihan mula kay Jehova?
3 Nangako si Jesus sa kaniyang mga alagad na ‘tatanggap sila ng kapangyarihan kapag dumating sa kanila ang banal na espiritu.’ Ang mga terminong “kapangyarihan” at “espiritu” ay magkaiba ng kahulugan. Ang espiritu ng Diyos, ang kaniyang aktibong puwersa, ay tumutukoy sa enerhiya na itinutuon at ibinabahagi sa mga tao o mga bagay para matupad ang kalooban ng Diyos. Ang kapangyarihan naman ay ang “kakayahang kumilos o magdulot ng epekto.” Maaari itong manatiling di-aktibo sa isang tao o bagay hanggang sa kailanganin ito para mangyari ang ninanais na resulta. Kaya ang banal na espiritu ay maikukumpara sa kuryenteng bumubuhay sa isang batiryang rechargeable, samantalang ang kapangyarihan ay parang nakaimbak na enerhiya na ikinarga sa batiryang iyon. Ang kapangyarihang ipinagkakaloob ni Jehova sa kaniyang mga lingkod sa pamamagitan ng banal na espiritu ay nagbibigay sa bawat isa sa atin ng kakayahang gampanan ang ating pag-aalay at, kung kailangan, labanan ang negatibong mga impluwensiya.—Basahin ang Mikas 3:8; Colosas 1:29.
4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito, at bakit?
4 Ano ang palatandaan na nasa atin ang kapangyarihang ibinibigay ng banal na espiritu? Anong mga pagkilos o mga reaksiyon ang nagagawa natin sa tulong nito? Habang sinisikap nating paglingkuran nang tapat ang Diyos, napapaharap tayo sa maraming hadlang dahil kay Satanas, sa sistemang ito ng mga bagay, o sa ating di-kasakdalan. Mahalagang mapagtagumpayan ang mga ito para tayo’y makapagbata bilang mga Kristiyano, regular na makabahagi sa ministeryo, at maingatan ang ating mabuting kaugnayan kay Jehova. Talakayin natin kung paano tayo tinutulungan ng banal na espiritu para malabanan ang tukso at madaig ang pagkapagod at panghihina ng loob.
Para Malabanan ang Tukso
5. Paano tayo mapalalakas ng panalangin?
5 Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami mula sa isa na balakyot.” (Mat. 6:13) Hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod na may ganitong kahilingan. Minsan naman, sinabi ni Jesus na “ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.” (Luc. 11:13) Oo, nangangako si Jehova na bibigyan niya tayo ng puwersang ito na tutulong para magawa natin ang tama. Siyempre pa, hindi ibig sabihin na gagawa si Jehova ng paraan para wala nang tuksong mapaharap sa atin. (1 Cor. 10:13) Pero kapag napapaharap tayo sa tukso, dapat tayong manalangin nang mas marubdob.—Mat. 26:42.
6. Saan ibinatay ni Jesus ang sagot niya sa mga tukso ni Satanas?
6 Sa pagsagot sa mga tukso ng Diyablo, sumipi si Jesus ng mga kasulatan. Maliwanag na nasa isip ni Jesus ang Salita ng Diyos nang sumagot siya: “Nasusulat . . . Muli ay nasusulat . . . Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.’” Ang pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang Salita ang nag-udyok kay Jesus na tanggihan ang mga pain na iniharap sa kaniya ng Manunukso. (Mat. 4:1-10) Pagkatapos ng paulit-ulit na pagtanggi ni Jesus, iniwan siya ni Satanas.
7. Paano tayo tinutulungan ng Bibliya na labanan ang tukso?
7 Kung si Jesus ay umasa sa Kasulatan para malabanan ang mga tukso ng Diyablo, mas dapat nating gawin iyon! Oo, para malabanan ang Diyablo at ang mga kampon niya, dapat muna tayong maging determinado na alamin ang mga pamantayan ng Diyos at lubos na manghawakan sa mga iyon. Marami ang nakumbinsing mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya nang pag-aralan nila ito at mapahalagahan ang karunungan at katuwiran ng Diyos. Oo, “ang salita ng Diyos” ay may lakas na kayang umunawa ng “mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Heb. 4:12) Habang mas madalas nating binabasa at binubulay-bulay ang Kasulatan, mas lalo tayong nagtatamo ng ‘kaunawaan sa katapatan ni Jehova.’ (Dan. 9:13) Kaya dapat nating bulay-bulayin ang mga tekstong may kaugnayan sa ating partikular na mga kahinaan.
8. Paano tayo maaaring magtamo ng banal na espiritu?
8 Bukod sa pagiging pamilyar sa Kasulatan, napaglabanan ni Jesus ang tukso dahil ‘puspos siya ng banal na espiritu.’ (Luc. 4:1) Para magkaroon ng gayunding lakas at kakayahan, kailangan nating maging malapít kay Jehova anupat sinasamantala ang lahat ng paglalaan niya para mapuspos tayo ng kaniyang espiritu. (Sant. 4:7, 8) Kasama rito ang pag-aaral ng Bibliya, pananalangin, at pakikisama sa mga kapatid. Nakatulong din sa marami ang pagiging abala sa teokratikong mga gawain para manatiling nakapokus ang isip sa nakapagpapatibay na mga bagay.
9, 10. (a) Anong mga tukso ang karaniwan sa inyong lugar? (b) Paano ka matutulungan ng pagbubulay-bulay at pananalangin para mapaglabanan ang tukso kahit pagód ka?
9 Anong mga tukso ang kailangan mong paglabanan? Kung may asawa ka, natutukso ka bang makipagligaw-biro sa iba? Kung wala ka namang asawa, natutukso ka bang makipag-date sa isang di-kapananampalataya? Habang nanonood ng TV o nag-i-Internet ang isang Kristiyano, baka bigla siyang matuksong tumingin sa isang mahalay na panoorin. Nangyari na ba iyan sa iyo? Ano ang ginawa mo? Isang katalinuhan kung bubulay-bulayin mo na ang isang maling pagkilos ay maaaring sundan ng isa pa at humantong sa malubhang pagkakasala. (Sant. 1:14, 15) Isipin ang sakit na idudulot nito kay Jehova, sa kongregasyon, at sa iyong pamilya. Pero kung manghahawakan ka sa mga simulain ng Bibliya, maiingatan mong malinis ang iyong budhi. (Basahin ang Awit 119:37; Kawikaan 22:3.) Kapag napapaharap sa gayong mga pagsubok, maging determinadong manalangin na bigyan ka ng lakas na malabanan ang mga iyon.
10 May isa pang dapat tandaan may kaugnayan sa panunukso ng Diyablo. Nilapitan ni Satanas si Jesus matapos Siyang mag-ayuno nang 40 araw sa ilang. Tiyak na inisip ng Diyablo na “kumbinyenteng panahon” iyon para subukin ang katapatan ni Jesus. (Luc. 4:13) Humahanap din si Satanas ng kumbinyenteng panahon para subukin ang ating katapatan. Kaya mahalagang sikapin na lagi tayong malakas sa espirituwal. Kadalasan nang sumasalakay si Satanas kapag nahahalata niya na mahinang-mahina ang kaniyang bibiktimahin. Kaya kapag pagód o pinanghihinaan ng loob, dapat na mas determinado tayong magsumamo kay Jehova na tulungan tayo at bigyan ng banal na espiritu.—2 Cor. 12:8-10.
Para Makayanan ang Pagod at Panghihina ng Loob
11, 12. (a) Bakit marami ang pinanghihinaan ng loob ngayon? (b) Ano ang magpapalakas sa atin para madaig ang panghihina ng loob?
11 Bilang mga taong di-sakdal, pinanghihinaan tayo ng loob paminsan-minsan. Lalo nang totoo iyan dahil napakaligalig ng panahong kinabubuhayan natin. Ngayon lang nararanasan ng sangkatauhan ang ganito katinding hirap. (2 Tim. 3:1-5) Habang papalapit ang Armagedon, dumarami ang problema sa ekonomiya at ang iba pang mga kabalisahan. Kaya naman lalong nahihirapan ang marami na gampanan ang pananagutan nilang maglaan para sa kanilang pamilya. Sila’y nabibigatan, pagód, at patáng-patâ. Kung ganiyan ang nadarama mo, paano mo ito makakayanan?
12 Tandaan, tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga alagad na bibigyan niya sila ng katulong—ang banal na espiritu ng Diyos. (Basahin ang Juan 14:16, 17.) Ito ang pinakamalakas na puwersa sa uniberso. Sa pamamagitan nito, maaari tayong bigyan ni Jehova ng “ibayo pang higit” na lakas para mabata ang anumang pagsubok. (Efe. 3:20) Kung aasa tayo rito, ang sabi ni apostol Pablo, tatanggap tayo ng “lakas na higit sa karaniwan,” kahit ‘ginigipit tayo sa bawat paraan.’ (2 Cor. 4:7, 8) Hindi nangangako si Jehova na aalisin niya ang maiigting na kalagayan, pero tinitiyak niya na sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, bibigyan niya tayo ng lakas para makayanan ito.—Fil. 4:13.
13. (a) Paano napalalakas ang isang kabataan para makayanan ang mahirap na kalagayan? (b) Maglahad ng iba pang halimbawa.
13 Isaalang-alang ang halimbawa ni Stephanie, isang 19-anyos na regular pioneer. Sa edad na 12, naistrok siya at natuklasang may tumor Awit 41:3, na nararanasan niya mismo.
sa utak. Mula noon, naoperahan siya nang dalawang beses, dumaan sa radiation treatment, at naistrok ulit nang dalawang beses, kaya hindi na niya gaanong maigalaw ang kaliwang bahagi ng kaniyang katawan at hindi na siya gaanong makakita. Kailangang ipunin ni Stephanie ang kaniyang lakas para sa mas mahahalagang gawain gaya ng pagdalo sa pulong at paglilingkod sa larangan. Pero nadarama niya na tinutulungan siya ni Jehova na makapagbata. Kapag nalulungkot, napatitibay siya ng salig-Bibliyang mga publikasyon na naglalahad ng karanasan ng mga kapuwa Kristiyano. Sinusulatan siya ng mga kapatid o kaya’y kinakausap bago at pagkatapos ng pulong. Ang mga interesado ay nagpapahalaga rin sa itinuturo ni Stephanie anupat sila na mismo ang pumupunta sa kaniya para sa pag-aaral ng Bibliya. Laking pasasalamat niya kay Jehova dahil sa lahat ng ito. Ang paborito niyang teksto ay14. Ano ang hindi natin dapat gawin kapag tayo’y pagód o nai-stress? Bakit?
14 Kapag tayo’y pagód o nai-stress, huwag nating isipin na ang solusyon ay ang pagtigil sa espirituwal na mga gawain. Mas makasásamâ sa atin iyan. Bakit? Dahil doon tayo tumatanggap ng banal na espiritu na muling magpapasigla sa atin. Ang espirituwal na mga gawain gaya ng personal at pampamilyang pag-aaral ng Bibliya, paglilingkod sa larangan, at pagdalo sa pulong ay laging nakagiginhawa. (Basahin ang Mateo 11:28, 29.) Kadalasan nang pagód na dumarating sa pulong ang mga kapatid, pero pagkatapos ng pulong, masigla na sila anupat parang na-recharge na uli.
15. (a) Nangangako ba si Jehova na walang kahirap-hirap ang buhay ng isang Kristiyano? Ano ang paliwanag dito ng Bibliya? (b) Ano ang ipinangangako ng Diyos? Kaya ano ang maitatanong natin?
15 Siyempre pa, hindi ito nangangahulugang magaan lang ang pananagutan ng isang alagad ni Kristo. Kailangan ang pagsisikap para maging tapat na Kristiyano. (Mat. 16:24-26; Luc. 13:24) Gayunman, sa pamamagitan ng banal na espiritu, kayang palakasin ni Jehova ang pagód. “Yaong mga umaasa kay Jehova ay magpapanibagong-lakas,” ang isinulat ni propeta Isaias. “Sila ay paiilanlang na may mga pakpak na gaya ng mga agila. Sila ay tatakbo at hindi manlulupaypay; sila ay lalakad at hindi mapapagod.” (Isa. 40:29-31) Kaya maitatanong natin, Ano ba talaga ang dahilan ng pagkapagod sa espirituwal?
16. Ano ang magagawa natin para maalis ang posibleng mga dahilan ng pagkapagod o panghihina ng loob?
16 Hinihimok tayo ng Salita ni Jehova na ‘tiyakin ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Fil. 1:10) Sa ilalim ng pagkasi, inihambing ni apostol Pablo ang landasin ng Kristiyano sa isang mahabang takbuhan at ipinayo niya: “Alisin din natin ang bawat pabigat . . . , at takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harap natin.” (Heb. 12:1) Ipinakikita niyang dapat nating iwasan ang di-kinakailangang mga aktibidad, o mga pabigat, na uubos ng lakas natin. Baka pinipilit ng ilan sa atin na gawin ang napakaraming bagay gayong napakaabala na natin. Kaya kung palagi kang pagód at nai-stress, makabubuting pag-isipan na baka naman napakaraming oras ang ginugugol mo sa trabaho, napakadalas mong magbiyahe para mamasyal, o baka masyado kang napapagod sa isport o iba pang libangan. Kung makatuwiran tayo at mababang-loob, kikilalanin natin ang ating limitasyon at babawasan ang di-kinakailangang mga aktibidad.
17. Bakit pinanghihinaan ng loob ang ilan? Pero ano ang tinitiyak sa atin ni Jehova?
17 Posible rin na ang ilan sa atin ay pinanghihinaan ng loob dahil naiinip na tayo sa Kaw. 13:12) Kung gayon, mapatitibay tayo ng pananalita ng Habakuk 2:3: “Ang pangitain ay sa takdang panahon pa, at iyon ay patuloy na nagmamadali patungo sa kawakasan, at hindi iyon magsisinungaling. Kung iyon man ay magluwat, patuloy mong hintayin iyon; sapagkat iyon ay walang pagsalang magkakatotoo. Hindi iyon maaantala.” Tinitiyak sa atin ni Jehova na ang wakas ng sistemang ito ay darating sa eksaktong panahon na kaniyang itinakda!
pagdating ng wakas ng sistemang ito. (18. (a) Anong mga pangako ang nagpapalakas sa iyo? (b) Paano tayo makikinabang sa susunod na artikulo?
18 Oo, pinananabikan ng tapat na mga lingkod ni Jehova ang araw kung kailan mawawala na ang pagod at panghihina ng loob, anupat ang lahat ng nabubuhay ay magkakaroon ng ‘lakas ng kabataan.’ (Job 33:25) Kahit ngayon pa lang, maaari na tayong mapalakas sa pamamagitan ng pagkilos ng banal na espiritu habang nakikibahagi tayo sa nakapagpapasiglang espirituwal na mga gawain. (2 Cor. 4:16; Efe. 3:16) Huwag hayaang maiwala mo ang walang-hanggang mga pagpapala dahil sa pagkapagod. Ang bawat pagsubok—ito man ay dahil sa tukso, pagkapagod, o panghihina ng loob—ay matatapos, kung hindi man ngayon, tiyak na sa bagong sanlibutan ng Diyos. Sa susunod na artikulo, pag-aaralan natin kung paano binibigyang-kapangyarihan ng banal na espiritu ang mga Kristiyano para makayanan ang pag-uusig, mapaglabanan ang panggigipit ng mga kasama, at mabata ang iba pang mga kapighatian.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano tayo natutulungan ng pagbabasa ng Bibliya?
• Paano tayo natutulungan ng pananalangin at pagbubulay-bulay?
• Paano mo maaalis ang posibleng mga dahilan ng panghihina ng loob?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 24]
Napalalakas tayo sa mga pulong