Makikita sa Libis ang Pangalan
Makikita sa Libis ang Pangalan
ST. MORITZ. Pamilyar ba sa iyo ang pangalang iyan? Siguro, dahil iyan ang tawag sa isang sikat na bakasyunan sa Engadine Valley sa Switzerland. Pero ang St. Moritz ay isa lang sa mga lugar na dinadayo ng mga tao sa magandang libis na ito sa gitna ng balót-ng-niyebeng Alps na nasa timog-silangan ng Switzerland malapit sa hangganan ng Italya. Narito rin ang Swiss National Park, na ang likas na kagandahan at sari-saring halaman at hayop ay pumupuri sa ating Dakilang Maylalang, si Jehova. (Awit 148:7-10) Pero pinupuri din siya ng labí ng isang kaugalian noong kalagitnaan ng ika-17 siglo.
Isang kakaibang detalye ang mapapansing nakapalamuti sa maraming bahay sa libis na ito. Makikita ang pangalan ng Diyos na nakasulat sa harap ng maraming bahay, halimbawa sa itaas ng pinto. Noong nakalipas na mga siglo, nakaugalian nang palamutian ng inskripsiyon ang labas ng bahay, iyon man ay ipininta sa harap,
iniukit sa palitada, o nililok sa bato. Makikita mo sa larawan ang isang bahay sa nayon ng Bever. Ganito ang salin ng inskripsiyon: “Taóng 1715. Si Jehova ang pasimula, at si Jehova ang wakas. Lahat ay magagawa sa tulong ng Diyos, at kung wala siya, walang anumang maisasagawa.” Oo, dalawang beses na binanggit sa lumang karatula ang personal na pangalan ng Diyos.Isang mas lumang inskripsiyon ang makikita sa nayon ng Madulain. Sinasabi nito: “Awit 127. Malibang si Jehova ang magtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagpapagal ng mga tagapagtayo nito. Lucius Rumedius. Taóng 1654.”
Bakit kaya nakasulat ang pangalan ng Diyos sa harap ng mga bahay sa libis na ito? Noong panahon ng Repormasyon, ang Bibliya ay inilathala sa Romansh, isang wikang hango sa Latin na ginagamit sa Engadine. Sa katunayan, ito ang unang aklat na isinalin sa wikang iyon. Dahil sa nabasa nila sa Bibliya, maraming tagaroon ang naudyukang isulat sa labas ng kanilang bahay, hindi lang ang sarili nilang pangalan, kundi pati ang mga pananalita sa Bibliya na bumabanggit sa personal na pangalan ng Diyos.
Oo, hanggang sa ngayon, ipinahahayag pa rin ng mga inskripsiyong iyon ang pangalan ni Jehova at pinupuri pa rin siya sa loob ng mahabang panahon matapos itong isulat sa mga bahay. Ang mga bisita at mga residente sa libis na ito ay maaaring matuto nang higit pa tungkol sa kamangha-manghang Diyos, si Jehova, kung papasyal sila sa isa pang gusali na doo’y mababasa ang kaniyang pangalan—sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Bever.
[Picture Credit Line sa pahina 7]
© Stähli Rolf A/age fotostock