“Ang Pagsunod ay Mas Mabuti Kaysa sa Hain”
“Ang Pagsunod ay Mas Mabuti Kaysa sa Hain”
ANG unang hari ng Israel ay si Saul. Bagaman ang Diyos ang pumili sa kaniya, naging masuwayin siya nang bandang huli.
Ano ang mga pagkakasala ni Saul? Posible kayang naiwasan niya iyon? Paano tayo makikinabang sa kaniyang karanasan?
Ipinaalam ni Jehova ang Pinili Niyang Maging Hari
Bago naging hari si Saul, si propeta Samuel ang kinatawan ng Diyos sa Israel. Pero matanda na ngayon si Samuel, at ang kaniyang mga anak ay di-tapat. Pinagbabantaan din ng mga kaaway ang bansa. Nang hilingin kay Samuel ng matatandang lalaki ng Israel na mag-atas ng isang hari para humatol sa kanila at manguna sa digmaan, inutusan ni Jehova ang propeta na pahiran si Saul bilang lider at sinabi: “Ililigtas niya ang aking bayan mula sa kamay ng mga Filisteo.”—1 Sam. 8:4-7, 20; 9:16.
Si Saul ay “bata pa at makisig.” Bukod diyan, mapagpakumbaba rin siya. Halimbawa, sinabi ni Saul kay Samuel: “Hindi ba ako ay isang Benjaminita mula sa pinakamaliit sa mga tribo ng Israel, at ang aking pamilya ang pinakawalang-halaga sa lahat ng mga pamilya ng tribo ni Benjamin? Kaya bakit ka nagsasalita sa akin ng ganitong bagay?” Hindi mataas ang tingin ni Saul sa kaniyang sarili at sa kaniyang pamilya, bagaman ang ama niyang si Kis ay “makapangyarihan sa yaman.”—1 Sam. 9:1, 2, 21.
Tingnan din ang reaksiyon ni Saul nang ipatalastas ni Samuel ang pinili ni Jehova para maging hari ng Israel. Bago nito, pinahiran ni Samuel si Saul nang silang dalawa lang at sinabi: “Gawin mo sa ganang iyo ang masumpungan mong magagawa ng iyong kamay, sapagkat ang tunay na Diyos ay sumasaiyo.” Pagkatapos, tinipon ng propeta ang bayan para ipatalastas ang pinili ni Jehova. Pero nang sabihing si Saul ang pinili, hindi siya makita. Nagtatago pala ang mahiyaing si Saul. Itinuro ni Jehova kung nasaan siya, at si Saul ay ipinroklamang hari.—1 Sam. 10:7, 20-24.
Sa Digmaan
Kung may nag-aalinlangan man sa kuwalipikasyon ni Saul, pinatunayan niyang mali sila. Nang pagbantaan ng mga Ammonita ang isang bayan sa Israel, “ang espiritu ng Diyos ay kumilos kay Saul.” Buong-giting niyang ipinatawag ang mga mandirigma ng bansa, inorganisa sila, at inakay sa tagumpay. Pero iniukol ni Saul kay Jehova ang tagumpay at sinabi: “Ngayon ay nagsagawa si Jehova ng pagliligtas sa Israel.”—1 Sam. 11:1-13.
May magagandang katangian si Saul at pinagpapala siya ng Diyos. Kinikilala rin niya ang kapangyarihan ni Jehova. Pero may napakahalagang kahilingan para patuloy na magtagumpay ang mga Israelita at ang hari nila. Sinabi ni Samuel sa mga Israelita: “Kung matatakot kayo kay Jehova at maglilingkod nga kayo sa kaniya at susundin ang kaniyang tinig, at hindi kayo maghihimagsik laban sa utos ni Jehova, kayo at ang hari na maghahari sa inyo ay tiyak na magiging mga tagasunod ni Jehova na inyong Diyos.” Ano ang matitiyak nila kung mananatili silang tapat sa Diyos? “Hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan alang-alang sa kaniyang dakilang pangalan,” ang sabi ni Samuel, “sapagkat ipinasiya ni Jehova sa kaniyang sarili na gawin kayong bayan niya.”—Tulad noon, napakahalaga pa rin sa ngayon ang pagsunod para matamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kapag sinusunod ng mga lingkod ni Jehova ang kaniyang mga utos, pinagpapala niya sila. Pero paano kung susuway sila?
“Ikaw ay Kumilos Nang May Kamangmangan”
Ang sumunod na ginawa ni Saul sa mga Filisteo ay labis na ikinagalit ng mga ito. Isang hukbong “gaya ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat dahil sa dami” ang tumindig laban kay Saul. “Nakita ng mga lalaki ng Israel na sila ay nasa kagipitan, sapagkat ang bayan ay napipighati; at ang bayan ay nagtago sa mga yungib at sa mga hukay at sa malalaking bato at sa mga kuta at sa mga balon.” (1 Sam. 13:5, 6) Ano kaya ang gagawin ni Saul?
Sinabi ni Samuel kay Saul na magkita sila sa Gilgal, kung saan maghahandog ng mga hain ang propeta. Naghintay si Saul, pero wala pa rin si Samuel at nangangalat na ang hukbo ni Saul. Kaya ipinasiya niyang siya na ang maghandog ng mga hain. Pagkatapos niyang maghandog, saka naman dumating si Samuel. Nang malaman niya ang ginawa ni Saul, sinabi niya: “Ikaw ay kumilos nang may kamangmangan. Hindi mo tinupad ang utos ni Jehova na iyong Diyos na iniutos niya sa iyo, sapagkat, kung ginawa mo, patatatagin ni Jehova ang iyong kaharian sa Israel hanggang sa panahong walang takda. At ngayon ay hindi mamamalagi ang iyong kaharian. Tiyak na hahanap si Jehova para sa kaniya ng isang lalaking kalugud-lugod sa kaniyang puso; at aatasan siya ni Jehova na maging isang lider sa kaniyang bayan, sapagkat hindi mo tinupad ang iniutos sa iyo ni Jehova.”—1 Sam. 10:8; 13:8, 13, 14.
Palibhasa’y kulang ng pananampalataya, may-kapangahasang sinuway ni Saul ang utos ng Diyos na hintaying si Samuel ang maghandog ng hain. Ibang-iba naman si Gideon, na dating kumandante ng mga hukbo ng Israel! Inutusan ni Jehova si Gideon na 300 kawal na lang ang itira sa kaniyang hukbo na 32,000. Sumunod si Gideon. Bakit? Dahil may pananampalataya siya kay Jehova. Sa tulong ng Diyos, natalo niya ang 135,000 kalaban. (Huk. 7:1-7, 17-22; 8:10) Tutulungan din sana ni Jehova si Saul. Pero dahil sumuway siya, dinambong ng mga Filisteo ang Israel.—1 Sam. 13:17, 18.
Kapag nasa kagipitan, paano tayo nagpapasiya? Baka iniisip ng mga kulang sa pananampalataya na puwede nang labagin ang makadiyos na mga simulain. Dahil wala si Samuel, maaaring inisip ni Saul na tama ang ginawa niya. Pero sa mga determinadong magkamit ng pagsang-ayon ng Diyos, wala nang iba pang tamang gawin kundi ang sumunod sa mga simulain ng Bibliya.
Itinakwil ni Jehova si Saul
Noong panahon ng kampanya laban sa mga Amalekita, nakagawa na naman si Saul ng malubhang pagkakamali. Hinatulan ng Diyos ang mga Amalekita dahil basta na lang nila sinalakay ang mga Israelita matapos ang Pag-alis sa Ehipto. (Ex. 17:8; Deut. 25:17, 18) Bukod diyan, sumama ang mga Amalekita sa ibang bayan nang salakayin ng mga ito ang piling bayan ng Diyos noong panahon ng mga Hukom. (Huk. 3:12, 13; 6:1-3, 33) Kaya hiningan sila ng sulit ni Jehova at inutusan si Saul na ilapat ang hatol sa kanila.—1 Sam. 15:1-3.
Sa halip na sundin ang utos ni Jehova na lipulin ang galít na mga Amalekita at ang mga ari-arian nila, binihag ni Saul ang kanilang hari at kinuha ang pinakamaiinam na hayop. Ano ang nangyari nang tanungin siya ni Samuel? Isinisi ito ni Saul sa iba: “Ang bayan ay nahabag sa pinakamainam ng kawan at ng bakahan, sa layuning maghain kay Jehova.” Intensiyon man ni Saul na ihain ang mga hayop o hindi, ang punto ay naging masuwayin siya. Hindi na siya ‘maliit sa kaniyang sariling paningin.’ Kaya naman sinabi ng propeta na sinuway ni Saul ang Diyos. Pagkatapos ay sinabi ni Samuel: “Mayroon bang gayon kalaking kaluguran si Jehova sa mga handog na sinusunog at mga hain na gaya ng sa pagsunod sa tinig ni Jehova? Narito! Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa sa hain . . . Yamang itinakwil mo ang salita ni Jehova, itinatakwil ka rin niya mula sa pagiging hari.”—1 Sam. 15:15, 17, 22, 23.
Nang alisin ni Jehova kay Saul ang kaniyang banal na espiritu at pagpapala, “isang masamang espiritu” ang nanaig sa unang hari ng Israel. Nagsimula nang magsuspetsa at mainggit si Saul kay David—ang lalaking pagbibigyan ni Jehova ng paghahari. Hindi lang minsang pinagtangkaan ni Saul ang buhay ni David. Nang makita niyang “si Jehova ay sumasa kay David,” ang sabi ng Bibliya, “si Saul ay lagi nang naging kaaway ni David.” Tinugis siya ni Saul at ipinapatay pa nga ang 85 saserdote at iba pa. Hindi nga kataka-takang itakwil ni Jehova si Saul!—1 Sam. 16:14; 18:11, 25, 28, 29; 19:10, 11; 20:32, 33; 22:16-19.
Nang salakayin ulit ng mga Filisteo ang Israel, bumaling si Saul sa espiritismo pero hindi ito nakatulong. Nang sumunod na araw, nasugatan siya nang malubha sa labanan at nagpakamatay. (1 Sam. 28:4-8; 31:3, 4) Tungkol sa masuwaying haring ito, sinasabi ng Bibliya: “Namatay si Saul dahil sa kaniyang kawalang-katapatan na ginawa niya sa kawalang-pananampalataya laban kay Jehova may kinalaman sa salita ni Jehova na hindi niya iningatan at dahil din sa paghiling niya sa isang espiritista upang sumangguni. At hindi siya sumangguni kay Jehova.”—1 Cro. 10:13, 14.
Maliwanag na ipinakikita ng masamang halimbawa ni Saul na ang pagsunod kay Jehova ay mas mabuti kaysa sa hain. “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos,” isinulat ni apostol Juan, “na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Huwag na huwag sana nating kalilimutan ang mahalagang katotohanang ito: Mananatili tayong kaibigan ng Diyos kung magiging masunurin tayo sa kaniya.
[Larawan sa pahina 21]
Si Saul ay dating mapagpakumbabang lider
[Larawan sa pahina 23]
Bakit sinabi ni Samuel kay Saul na “ang pagsunod ay mas mabuti kaysa sa hain”?