Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Banal na Espiritu—Ginamit sa Paglalang!

Banal na Espiritu—Ginamit sa Paglalang!

Banal na Espiritu​—Ginamit sa Paglalang!

“Sa pamamagitan ng salita ni Jehova ay nalikha ang langit, at ang buong hukbo nila ay sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang bibig.”​—AWIT 33:6.

1, 2. (a) Paano sumulong ang kaalaman ng tao tungkol sa langit at lupa sa paglipas ng panahon? (b) Anong tanong ang mahalagang masagot?

NANG ilathala ni Albert Einstein ang kaniyang special theory of relativity noong 1905, inakala niya at ng iba pang mga siyentipiko na ang uniberso ay binubuo lang ng isang galaksi​—ang ating Milky Way. Maling-mali ang tantiya nila! Sa ngayon, pinaniniwalaan na ang uniberso ay may mahigit 100 bilyong galaksi, na ang ilan ay binubuo ng bilyun-bilyong bituin. At dahil sa paggamit ng mas malalakas na teleskopyo, mas marami pang galaksi ang nadidiskubre.

2 Kung paanong limitado lang ang alam ng siyensiya tungkol sa uniberso noong 1905, limitado rin ang alam nila tungkol sa lupa. Totoo, ang mga tao noon ay mas maraming alam kaysa sa kanilang mga ninuno. Pero ang kagandahan at kasalimuutan ng buhay sa lupa at ang mga sistemang sumusustine rito ay mas naiintindihan na ngayon. At sa darating na panahon, tiyak na mas marami pa tayong malalaman tungkol sa langit at lupa. Pero mas mahalagang alamin, Paano umiral ang lahat ng ito? Walang ibang makasasagot nito kundi ang Maylalang sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan.

Himala ng Paglalang

3, 4. Paano nilalang ng Diyos ang uniberso? Paano siya niluluwalhati ng kaniyang mga gawa?

3 Ipinaliliwanag ng pambungad na mga salita sa Bibliya kung paano umiral ang uniberso: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Gen. 1:1) Yamang wala pang anumang materya noon, ginamit ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu​—ang kaniyang makapangyarihang aktibong puwersa​—para lalangin ang pisikal na langit, lupa, at lahat ng iba pang bagay sa uniberso. Ginagamit ng tao ang kaniyang kamay at mga kasangkapan sa paggawa ng mga bagay, pero banal na espiritu naman ang ginagamit ng Diyos para gawin ang kaniyang dakilang mga gawa.

4 Sa makasagisag na paraan, tinutukoy ng Kasulatan ang banal na espiritu bilang “daliri” ng Diyos. (Luc. 11:20; Mat. 12:28) At “ang gawa ng kaniyang mga kamay”​—ang mga nilalang ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu​—ay lumuluwalhati sa kaniya. “Ang langit ay naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos,” ang awit ng salmistang si David, “at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay isinasaysay ng kalawakan.” (Awit 19:1) Oo, ang pisikal na mga nilalang ay nagpapatotoo sa kamangha-manghang kapangyarihan ng banal na espiritu ng Diyos. (Roma 1:20) Paano?

Walang-Limitasyong Kapangyarihan ng Diyos

5. Ipaliwanag ang kapangyarihan ng banal na espiritu ni Jehova sa paglalang.

5 Ang ating pagkalawak-lawak na uniberso ay nagpapatotoo na walang limitasyon ang kapangyarihan at lakas ni Jehova. (Basahin ang Isaias 40:26.) Alam ng makabagong siyensiya na ang materya ay puwedeng gawing enerhiya at ang enerhiya naman ay puwedeng gawing materya. Ang ating araw, na isa ring bituin, ay isang halimbawa ng materya na nagiging enerhiya. Sa bawat segundo, mga apat na milyong tonelada ng materya ng araw ang nagiging liwanag, init, at iba pang uri ng enerhiya. Katiting lang nito ang nakararating sa lupa, pero sapat na iyon para masustinihan ang buhay. Maliwanag na kinailangan ang napakatinding kapangyarihan at enerhiya para lalangin ang araw at iba pang bilyun-bilyong bituin. Ang enerhiyang iyon ay isang bahagi lang ng enerhiyang taglay ni Jehova.

6, 7. (a) Bakit masasabing ginamit ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu sa maayos na paraan? (b) Ano ang nagpapakitang hindi puwedeng basta na lang lumitaw ang uniberso?

6 Napalilibutan tayo ng katibayan na ginamit ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu sa napakaayos na paraan. Bilang ilustrasyon: Ipagpalagay nang may isang kahon ng mga bola na may iba’t ibang kulay. Inalog mo ang kahon para magkahalu-halo ang mga bola at saka mo ibinuhos sa sahig. Inaasahan mo bang magsasama-sama ang mga bolang magkakakulay? Siyempre hindi! Kapag hindi kontrolado ang pagkilos, karaniwan nang hindi maayos ang kinalalabasan. Iyan ay batas ng kalikasan. *

7 Gayunman, kung titingin tayo sa kalangitan gamit ang teleskopyo, ano ang makikita natin? Isang napakalawak at napakaayos na sistema ng mga galaksi, bituin, at mga planeta, na lahat ay eksaktung-eksakto ang paggalaw. Hindi puwedeng nagkataon lang ito o resulta ng aksidente sa kalawakan. Kaya naman dapat nating itanong, Anong puwersa ang ginamit para lalangin ang ating maayos na uniberso? Hindi natin matutukoy ang puwersang iyon sa pamamagitan ng siyensiya at teknolohiya. Pero tinutukoy iyon ng Bibliya bilang ang banal na espiritu ng Diyos, ang pinakamakapangyarihang puwersa sa buong uniberso. Umawit ang salmista: “Sa pamamagitan ng salita ni Jehova ay nalikha ang langit, at ang buong hukbo nila ay sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang bibig.” (Awit 33:6) At napakaliit na bahagi lang ng ‘hukbong’ iyon ng mga bituin ang nakikita natin sa kalangitan kung gabi!

Banal na Espiritu at ang Lupa

8. Gaano ba talaga kalawak ang nalalaman natin tungkol sa mga gawa ni Jehova?

8 Ang nalalaman natin sa ngayon tungkol sa kalikasan ay walang-wala pa sa kalingkingan ng lahat ng maaari nating matutuhan. Ang sabi nga ng tapat na si Job: “Narito! Ito ang mga gilid ng kaniyang mga daan, at bulong lamang ng isang bagay ang narinig tungkol sa kaniya!” (Job 26:14) Pagkaraan ng maraming siglo, si Haring Solomon, isang mahusay na tagapagmasid sa mga nilalang ni Jehova, ay nagsabi: “Ang lahat ng bagay ay ginawa [ng Diyos na] maganda sa kapanahunan nito. Maging ang panahong walang takda ay inilagay niya sa kanilang puso, upang hindi kailanman matuklasan ng mga tao ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.”​—Ecles. 3:11; 8:17.

9, 10. Anong puwersa ang ginamit ng Diyos nang lalangin niya ang lupa, at anu-ano ang nangyari sa unang tatlong araw ng paglalang?

9 Gayunman, isiniwalat ni Jehova ang mahahalagang detalye tungkol sa kaniyang mga gawa. Halimbawa, sinasabi sa Bibliya na ang espiritu ng Diyos ay napakatagal nang aktibo sa lupa. (Basahin ang Genesis 1:2.) Noon ay wala pang tuyong lupa, liwanag, at hanging malalanghap sa ating planeta.

10 Inilalarawan din sa Bibliya kung ano ang ginawa ng Diyos sa sunud-sunod na araw ng paglalang. Hindi ito mga araw na may 24 na oras kundi mga yugto ng panahon. Sa unang araw ng paglalang, pinangyari ni Jehova na magkaroon ng liwanag sa lupa. Nakumpleto lang ang prosesong iyan nang makita na mula sa lupa ang araw at ang buwan. (Gen. 1:3, 14) Sa ikalawang araw, nagkaroon ng atmospera. (Gen. 1:6) Mayroon na noong tubig, liwanag, at hangin pero wala pang tuyong lupa. Sa pasimula ng ikatlong araw, ginamit ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu para lumitaw ang tuyong lupa, maaaring ginamit niya ang matitinding puwersa sa ilalim ng lupa para umangat ang mga kontinente mula sa katubigan. (Gen. 1:9) May iba pang kamangha-manghang mangyayari sa ikatlong araw at sa susunod na mga yugto ng paglalang.

Banal na Espiritu at ang mga Nilalang na May Buhay

11. Ano ang ipinakikita ng pagkamasalimuot, simetriya, at kagandahan ng mga bagay na may buhay?

11 Gamit ang banal na espiritu, gumawa rin ang Diyos ng mga bagay na may buhay. Mula ikatlo hanggang ikaanim na araw ng paglalang, ang Diyos ay lumikha ng pagkarami-raming uri ng halaman at hayop. (Gen. 1:11, 20-25) Makikita sa mga ito ang napakaraming halimbawa ng pagkamasalimuot, simetriya, at kagandahan na nagpapamalas ng napakahusay na disenyo.

12. (a) Anong papel ang ginagampanan ng DNA? (b) Ano ang dapat nating matutuhan sa di-nagbabagong papel ng DNA?

12 Talakayin natin ang DNA (deoxyribonucleic acid), isa sa kemikal na mekanismo para sa pagpapasa ng mga katangian ng mga organismo sa sunud-sunod na henerasyon. Ang lahat ng nabubuhay na bagay sa lupa​—kasama ang mga mikrobyo, damo, elepante, blue whale, at mga tao​—ay nagpaparami gamit ang DNA. Bagaman lubhang magkakaiba ang mga nilalang sa lupa, ang kodigong kumokontrol sa marami sa kanilang minamanang katangian ay di-nagbabago at napananatili nito ang pagkakaiba-iba ng mga uri ng nilalang hanggang ngayon. Kaayon ng layunin ni Jehova, ang sari-saring organismo ay patuloy na gumaganap ng kani-kaniyang tungkulin sa masalimuot na ekolohiya ng lupa. (Awit 139:16) Ang napakaepektibo at organisadong kaayusang ito ay isa pang katibayan na ang paglalang ay gawa ng “daliri,” o banal na espiritu ng Diyos.

Ang Pinakamataas na Uri ng Nilalang sa Lupa

13. Paano nilalang ng Diyos ang tao?

13 Pagkalipas ng napakahabang panahon, matapos likhain ng Diyos ang napakaraming may-buhay at walang-buhay na mga nilalang, hindi na masasabing “walang anyo at tiwangwang” ang lupa. Pero hindi pa tapos ang paglalang ni Jehova gamit ang kaniyang espiritu. Lilikhain pa niya ang pinakamataas na uri ng nilalang sa lupa. Sa pagtatapos ng ikaanim na araw, nilalang ng Diyos ang tao. Paano? Ginamit niya ang kaniyang banal na espiritu at ang mga elemento sa lupa.​—Gen. 2:7.

14. Bakit ibang-iba ang tao sa mga hayop?

14 Ang Genesis 1:27 ay nagsasabi: “Pinasimulang lalangin ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan, nilalang niya siya ayon sa larawan ng Diyos; nilalang niya sila na lalaki at babae.” Nangangahulugan ito na nilalang tayo ni Jehova na may kakayahang magpakita ng pag-ibig, may kalayaang magpasiya, at maaari pa ngang magkaroon ng personal na kaugnayan sa ating Maylalang. Kaya ibang-iba ang ating utak sa utak ng mga hayop. Partikular na dinisenyo ni Jehova ang utak ng tao para patuloy tayong masiyahan sa pag-aaral tungkol sa kaniya at sa kaniyang mga gawa.

15. Anong oportunidad ang ibinigay kina Adan at Eva?

15 Sa pasimula ng sangkatauhan, ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva ang lupa para masiyahan dito at tuklasin ang lahat ng kamangha-manghang bagay na naririto. (Gen. 1:28) Naglaan si Jehova ng saganang pagkain at isang paraisong tahanan para sa kanila. May oportunidad silang mabuhay magpakailanman at maging minamahal na mga magulang ng bilyun-bilyong sakdal na inapo. Pero hindi ito nangyari.

Pagkilala sa Papel ng Banal na Espiritu

16. Ano ang pag-asa natin sa kabila ng pagrerebelde nina Adan at Eva?

16 Sa halip na tumanaw ng utang na loob at sundin ang kanilang Maylalang, nagrebelde sina Adan at Eva. Dahil dito, nagdusa ang lahat ng inapo nila. Pero ipinaliliwanag ng Bibliya kung paano aalisin ng Diyos ang lahat ng pinsalang bunga ng pagkakasala ng ating unang mga magulang. Ipinakikita rin nito na tutuparin ni Jehova ang orihinal niyang layunin. Ang lupa ay magiging paraiso na punô ng masasaya at malulusog na mga taong pinagkalooban ng buhay na walang hanggan. (Gen. 3:15) Para hindi mawala ang pananampalataya sa nakaaaliw na pag-asang iyan, kailangan natin ang tulong ng banal na espiritu ng Diyos.

17. Anong kaisipan ang dapat nating iwasan?

17 Dapat nating ipanalangin kay Jehova na bigyan tayo ng banal na espiritu. (Luc. 11:13) Mapalalakas nito ang ating pananalig na lahat ng nilalang ay gawa ng kamay ng Diyos. Sa ngayon, dumarami ang ateistiko at ebolusyonistang propaganda na nakasalig sa mali at walang-basehang pangangatuwiran. Huwag nating hayaang malito tayo o panghinaan ng loob dahil sa pagdagsa ng maling kaisipang ito. Ang lahat ng Kristiyano ay dapat na handang lumaban sa ganitong pagsalakay at sa kaugnay nitong panggigipit ng mga kasama.​—Basahin ang Colosas 2:8.

18. Kapag pinag-iisipan ang pinagmulan ng uniberso at ng tao, bakit hindi makatuwirang sabihin na walang matalinong Maylalang?

18 Tiyak na titibay ang ating pananampalataya sa Bibliya at sa Diyos mismo kung tapat nating susuriin ang mga ebidensiyang nagpapatunay sa paglalang. Kapag pinag-iisipan ang pinagmulan ng uniberso at ng tao, marami ang ayaw maniwalang may iba pang puwersang sangkot bukod sa mga puwersang nasa pisikal na uniberso. Pero kung ganiyan ang ating kaisipan, hindi natin pinagtitimbang-timbang nang tama ang lahat ng ebidensiya. Bukod diyan, binabale-wala natin ang maliwanag na pag-iral ng “walang bilang” na mga nilalang na may kaayusan at layunin. (Job 9:10; Awit 104:25) Bilang mga Kristiyano, makatitiyak tayo na ang aktibong puwersang ginamit sa paglalang ay ang banal na espiritu sa ilalim ng matalinong pangangasiwa ni Jehova.

Banal na Espiritu at ang Ating Pananampalataya sa Diyos

19. Paano natin personal na napatutunayan ang pag-iral ng Diyos at ang pagkilos ng kaniyang espiritu?

19 Hindi na kailangang alamin pa ang lahat tungkol sa paglalang para magkaroon ng pananampalataya, pag-ibig, at pagpipitagan sa Diyos. Gaya ng pakikipagkaibigan sa isang tao, ang pananampalataya kay Jehova ay hindi nakasalig sa basta impormasyon lang. Kung paanong nagiging mas malapít sa isa’t isa ang magkaibigan habang nagkakakilalang mabuti, mas tumitibay rin ang ating pananampalataya sa Diyos habang higit natin siyang nakikilala. Oo, nadarama nating may Diyos kapag sinasagot niya ang ating mga panalangin at nakikita ang magandang epekto kapag sinusunod natin ang kaniyang mga simulain. Lalo tayong nagiging malapít kay Jehova kapag nakikita natin ang napakaraming ebidensiya na tayo ay kaniyang pinapatnubayan, pinoproteksiyunan, pinagpapala sa ating paglilingkod sa kaniya, at pinaglalaanan ng mga pangangailangan. Ang lahat ng ito ay matibay na patotoo ng pag-iral ng Diyos at ng pagkilos ng kaniyang banal na espiritu.

20. (a) Bakit nilalang ng Diyos ang uniberso at ang tao? (b) Ano ang magiging resulta kung patuloy tayong magpapaakay sa banal na espiritu ng Diyos?

20 Ang Bibliya ay isang natatanging halimbawa ng paggamit ni Jehova ng kaniyang aktibong puwersa dahil ang mga sumulat nito ay “nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.” (2 Ped. 1:21) Ang masusing pag-aaral ng Kasulatan ay nagpapatibay sa ating pananampalataya sa Diyos bilang siyang lumalang ng lahat ng bagay. (Apoc. 4:11) Si Jehova ay naging Maylalang udyok ng kaniyang dakilang pag-ibig. (1 Juan 4:8) Kaya gawin natin ang ating buong makakaya na tulungan ang iba na makilala ang ating maibigin at makalangit na Ama at Kaibigan. At kung palagi tayong magpapaakay sa espiritu ng Diyos, magkakapribilehiyo tayong matuto tungkol sa kaniya magpakailanman. (Gal. 5:16, 25) Patuloy sana tayong matuto tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga dakilang gawa, at makita sana sa atin ang dakilang pag-ibig na ipinakita niya nang gamitin niya ang banal na espiritu sa paglalang sa langit, lupa, at sangkatauhan.

[Talababa]

^ par. 6 Tingnan ang pahina 24 at 25 ng aklat na Is There a Creator Who Cares About You?

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Ano ang itinuturo ng pag-iral ng langit at lupa tungkol sa paggamit ng Diyos ng banal na espiritu?

• Ano ang mga oportunidad natin yamang nilalang tayo ayon sa larawan ng Diyos?

• Bakit natin kailangang suriin ang ebidensiyang nagpapatunay sa paglalang?

• Paano tayo mas mápapalapít kay Jehova?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 7]

Ano ang itinuturo sa atin ng mahusay na pagkakaayos ng uniberso tungkol sa paglalang?

[Credit Line]

Stars: Anglo-Australian Observatory/David Malin Images

[Mga larawan sa pahina 8]

Anong papel ang ginagampanan ng DNA sa lahat ng ito?

[Larawan sa pahina 10]

Handa mo bang ipagtanggol ang iyong pananampalataya?