Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Bakit nagalit si Moises sa mga anak ni Aaron na sina Eleazar at Itamar pagkamatay ng kanilang mga kapatid na sina Nadab at Abihu, at bakit nawala ang galit niya?​—Lev. 10:16-20.

Hindi pa natatagalan matapos ang pagtatalaga sa pagkasaserdote, pinuksa ni Jehova ang mga anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu dahil naghandog sila ng kakaibang apoy sa harap Niya. (Lev. 10:1, 2) Iniutos ni Moises sa natirang mga anak ni Aaron na huwag ipagdalamhati ang kanilang mga kapatid. Pero pagkaraan, nagalit si Moises kina Eleazar at Itamar dahil hindi sila kumain ng kambing na handog ukol sa kasalanan. (Lev. 9:3) Bakit kaya siya nagalit?

Ayon sa kautusang ibinigay ni Jehova kay Moises, ang saserdoteng naghain ng handog ukol sa kasalanan ay dapat kumain ng isang bahagi nito sa looban ng tolda ng kapisanan. Nagpapakita ito na siya ang nananagot sa kasalanan ng mga naghandog. Pero kung ang dugo ng hain ay naipasok na sa Dakong Banal, ang unang silid ng santuwaryo, hindi dapat kainin ang handog. Sa halip, dapat itong sunugin.​—Lev. 6:24-26, 30.

Lumilitaw na pagkatapos ng trahedyang naganap noong araw na iyon, tiniyak ni Moises kung nasunod ang lahat ng utos ni Jehova. Nang malaman niyang sinunog ang kambing na handog ukol sa kasalanan, nagalit siya at tinanong sina Eleazar at Itamar kung bakit hindi nila iyon kinain gaya ng iniutos sa kanila, dahil ang dugo nito ay hindi pa naman naihaharap kay Jehova sa Dakong Banal.​—Lev. 10:17, 18.

Si Aaron ang sumagot kay Moises, yamang maliwanag na may pagsang-ayon niya ang ginawa ng natirang mga saserdote. Dahil sa pagkapuksa ng dalawa niyang anak, baka iniisip ni Aaron kung nararapat bang kumain ng handog ukol sa kasalanan ang mga saserdote noong araw na iyon. Marahil ay iniisip niyang hindi magiging kalugud-lugod kay Jehova kung kakain sila nito, kahit wala naman silang kinalaman sa pagkakasala nina Nadab at Abihu.​—Lev. 10:19.

Higit pa riyan, baka iniisip ni Aaron na sa unang araw ng pagganap ng kaniyang mga anak sa tungkulin nila bilang saserdote, dapat sana’y nagpakaingat-ingat sila para mapalugdan ang Diyos hanggang sa kaliit-liitang detalye. Pero nilapastangan nina Nadab at Abihu ang pangalan ni Jehova kaya lumagablab ang galit ng Diyos sa kanila. Dahil dito, baka naisip ni Aaron na hindi dapat kumain ng banal na handog ang mga kapamilya ng mga saserdoteng nagkasala.

Lumilitaw na tinanggap ni Moises ang paliwanag ng kapatid niya, sapagkat sa ganito natapos ang ulat: “Nang marinig ito ni Moises, naging kasiya-siya nga iyon sa kaniyang paningin.” (Lev. 10:20) Maliwanag na nasiyahan din si Jehova sa sagot ni Aaron.