Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagsang-ayon ng Diyos—Umaakay sa Buhay na Walang Hanggan

Pagsang-ayon ng Diyos—Umaakay sa Buhay na Walang Hanggan

Pagsang-ayon ng Diyos​—Umaakay sa Buhay na Walang Hanggan

“Pagpapalain mo ang sinumang matuwid, O Jehova; gaya ng isang malaking kalasag ay palilibutan mo sila ng pagsang-ayon.”​—AWIT 5:12.

1, 2. Ano ang hiniling ni Elias sa balo ng Zarepat, at ano ang tiniyak ni Elias sa kaniya?

ANG balo ng Zarepat at ang kaniyang anak ay gutóm na, gayundin ang propeta ng Diyos. Nang magluluto na siya, humingi sa kaniya ng tubig at tinapay si propeta Elias. Mabibigyan niya ito ng maiinom, pero wala nang pagkain kundi “sandakot na harina sa malaking banga at kaunting langis sa maliit na banga.” Iniisip niyang wala siyang maibibigay na pagkain, at sinabi niya ito sa propeta.​—1 Hari 17:8-12.

2 “Igawa mo muna ako mula sa anumang naroroon ng isang maliit na tinapay na bilog,” ang giit ni Elias, “at ilabas mo iyon sa akin, at pagkatapos ay makapaghahanda ka ng para sa iyong sarili at para sa iyong anak. Sapagkat ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Ang malaking banga ng harina ay hindi mauubusan, at ang maliit na banga ng langis ay hindi kakapusin.’”​—1 Hari 17:13, 14.

3. Anong mahalagang isyu ang napapaharap sa atin?

3 Ang isyung napaharap sa balo ay mas mahalaga kaysa sa pagpapasiya kung ano ang gagawin sa natitira nilang pagkain. Magtitiwala kaya siya na silang mag-ina ay ililigtas ni Jehova, o uunahin niya ang materyal na pangangailangan kaysa sa pagsang-ayon at pakikipagkaibigan ng Diyos? Ganiyan din ang tanong sa ating lahat. Mas mahalaga ba sa atin ang pagsang-ayon ni Jehova kaysa sa materyal na seguridad? Maraming dahilan para magtiwala at maglingkod sa Diyos. At may magagawa tayo para makamit ang pagsang-ayon niya.

‘Ikaw ang Karapat-dapat Sambahin’

4. Bakit karapat-dapat si Jehova sa ating pagsamba?

4 May karapatan si Jehova na umasang paglilingkuran siya ng mga tao sa kaayaayang paraan. Gaya ng sinabi ng isang pangkat ng makalangit niyang mga lingkod: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.” (Apoc. 4:11) Dahil siya ang Maylalang, karapat-dapat siya sa ating pagsamba.

5. Bakit dapat tayong maudyukan ng pag-ibig ng Diyos na paglingkuran siya?

5 Ang isa pang dahilan para paglingkuran si Jehova ay ang walang-kapantay na pag-ibig niya sa atin. “Pinasimulang lalangin ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan,” ang sabi ng Bibliya, “nilalang niya siya ayon sa larawan ng Diyos; nilalang niya sila na lalaki at babae.” (Gen. 1:27) Ang tao ay may bigay-Diyos na kakayahang mag-isip at kalayaang magpasiya. Dahil si Jehova ang nagbigay ng buhay, siya ang Ama ng sangkatauhan. (Luc. 3:38) Gaya ng isang mabuting ama, ginagawa niya ang lahat para mailaan ang pangangailangan ng kaniyang mga anak. “Pinasisikat niya ang kaniyang araw” at “nagpapaulan” para ang planetang Lupa ay magbunga ng saganang pagkain para sa atin sa isang magandang kapaligiran.​—Mat. 5:45.

6, 7. (a) Anong pinsala ang idinulot ni Adan sa lahat ng kaniyang inapo? (b) Ano ang gagawin ng hain ni Kristo para sa mga nagsisikap magkamit ng pagsang-ayon ng Diyos?

6 Iniligtas din tayo ni Jehova mula sa masasaklap na bunga ng kasalanan. Dahil sa pagkakasala, si Adan ay naging gaya ng isang sugarol na nagnakaw sa pamilya niya para may maisugal. Nang magrebelde si Adan kay Jehova, ninakawan niya ang kaniyang mga anak ng kanilang pag-asa​—ang walang-hanggang kaligayahan. Dahil sa kasakiman niya, naging alipin tayo ng isang malupit na panginoon, ang di-kasakdalan. Kaya ang lahat ay nagkakasakit, napipighati, at namamatay. Para mapalaya ang isang alipin, kailangan ng pambayad, at si Jehova ang nagbigay ng pambayad na makapagliligtas sa atin mula sa masasaklap na bungang iyon. (Basahin ang Roma 5:21.) Bilang pagsunod sa kalooban ng kaniyang Ama, ibinigay ni Jesu-Kristo “ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mat. 20:28) Malapit nang tanggapin ng mga may pagsang-ayon ng Diyos ang lahat ng kapakinabangan ng pantubos na iyon.

7 Hindi mapapantayan ninuman ang ginawa ng ating Maylalang na si Jehova para maging maligaya at makabuluhan ang ating buhay. Kung nasa atin ang pagsang-ayon niya, makikita natin kung paano niya aalisin ang lahat ng pagdurusa. Patuloy na ipakikita ni Jehova sa bawat isa sa atin na siya ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.”​—Heb. 11:6.

“Ang Iyong Bayan ay Kusang-Loob na Maghahandog ng Kanilang Sarili”

8. Ano ang itinuturo ng karanasan ni Isaias tungkol sa paglilingkod sa Diyos?

8 Para sang-ayunan tayo ng Diyos, kailangan ang tamang paggamit ng ating kalayaang magpasiya. Bakit? Dahil hindi pinipilit ni Jehova ang sinuman na paglingkuran siya. Noong panahon ni Isaias, nagtanong Siya: “Sino ang aking isusugo, at sino ang yayaon para sa amin?” Binigyang-dangal ni Jehova ang propeta nang kilalanin niya ang karapatan nitong magpasiya. Isipin na lang ang kagalakan ni Isaias nang sumagot ito: “Narito ako! Isugo mo ako.”​—Isa. 6:8.

9, 10. (a) Ano ang dapat na maging saloobin natin sa paglilingkod sa Diyos? (b) Bakit angkop lang na paglingkuran natin si Jehova nang buong kaluluwa?

9 Malaya ang mga tao na pumili kung maglilingkod sila sa Diyos o hindi. Gusto ni Jehova na kusang-loob natin siyang paglingkuran. (Basahin ang Josue 24:15.) Hindi niya kinalulugdan ang pilít na pagsamba, ni tinatanggap man ang pakitang-taong debosyon. (Col. 3:22) Kung maglilingkod tayo nang “may pag-aatubili” anupat hinahayaang mahadlangan tayo ng mga bagay sa sanlibutan, hindi natin matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. (Ex. 22:29) Alam ni Jehova na makabubuti sa atin na paglingkuran siya nang buong kaluluwa. Hinimok ni Moises ang mga Israelita na piliin ang buhay ‘sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na kanilang Diyos, pakikinig sa kaniyang tinig at pananatili sa kaniya.’​—Deut. 30:19, 20.

10 Umawit si Haring David ng Israel kay Jehova: “Ang iyong bayan ay kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili sa araw ng iyong hukbong militar. Sa mga karilagan ng kabanalan, mula sa bahay-bata ng bukang-liwayway, ikaw ay may pulutong ng mga kabataan na gaya ng mga patak ng hamog.” (Awit 110:3) Inuuna ng marami sa ngayon ang pinansiyal na seguridad at libangan. Ngunit para sa mga umiibig kay Jehova, ang sagradong paglilingkod ang pinakamahalaga. Ipinakikita ng kanilang sigasig sa pangangaral ng mabuting balita kung ano ang mga priyoridad nila. Buo ang tiwala nilang ilalaan ni Jehova ang kanilang pangangailangan sa araw-araw.​—Mat. 6:33, 34.

Mga Haing Sinasang-ayunan ng Diyos

11. Anong kapakinabangan ang inaasahan ng mga Israelita kapag naghahandog sila ng hain kay Jehova?

11 Sa tipang Kautusan, ang bayan ng Diyos ay naghahandog ng kaayaayang mga hain para makamit ang pagsang-ayon niya. “Kung maghahain kayo ng haing pansalu-salo para kay Jehova,” ang sabi ng Levitico 19:5, “ihahain ninyo iyon upang magkamit kayo ng pagsang-ayon.” Mababasa rin sa aklat na iyon: “Kung maghahain kayo ng haing pasasalamat kay Jehova, ihahain ninyo iyon upang magkamit kayo ng pagsang-ayon.” (Lev. 22:29) Kapag naghahandog ang mga Israelita ng angkop na haing hayop sa altar ni Jehova, ang usok na pumapaitaas ay parang “nakagiginhawang amoy” sa tunay na Diyos. (Lev. 1:9, 13) Nalulugod siya sa kapahayagang iyon ng pag-ibig ng kaniyang bayan. (Gen. 8:21, tlb. sa Reference Bible) Sa bahaging ito ng Kautusan, may simulain na kapit pa rin sa ngayon. Ang mga naghahandog ng kaayaayang hain kay Jehova ay nagkakamit ng pagsang-ayon niya. Anong mga hain ang tinatanggap niya? Talakayin natin ang dalawang pitak ng buhay: paggawi at pananalita.

12. Kailan nagiging kasuklam-suklam sa Diyos ang ‘paghaharap ng ating katawan bilang hain’?

12 Sa liham sa mga taga-Roma, sumulat si apostol Pablo: “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Para makamit ng isa ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangan niyang panatilihing kaayaaya sa Diyos ang kaniyang katawan. Kung durungisan niya ito sa pamamagitan ng sigarilyo, nganga, ipinagbabawal na droga, o pag-abuso sa alak, mawawalan ng halaga ang handog na iyon. (2 Cor. 7:1) Bukod diyan, yamang sinumang “namimihasa sa pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan,” nagiging kasuklam-suklam kay Jehova ang handog ng isa kapag nasangkot siya sa imoral na paggawi. (1 Cor. 6:18) Para mapalugdan ang Diyos, ang isa ay dapat na ‘magpakabanal sa lahat ng kaniyang paggawi.’​—1 Ped. 1:14-16.

13. Bakit nararapat na purihin natin si Jehova?

13 Ang isa pang haing kinalulugdan ni Jehova ay ang ating pananalita. Ang mga umiibig kay Jehova ay palaging pumupuri sa kaniya sa loob at labas ng kanilang tahanan. (Basahin ang Awit 34:1-3.) Basahin mo ang Awit 148-150 at pansinin kung gaano kadalas tayong hinihimok na purihin si Jehova. Oo, “mula sa mga matapat ay nararapat ang papuri.” (Awit 33:1) At idiniin ng ating Huwaran, si Jesu-Kristo, na mahalagang purihin ang Diyos sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita.​—Luc. 4:18, 43, 44.

14, 15. Anong mga hain ang sinabi ni Oseas na ihandog ng mga Israelita? Paano tumugon si Jehova?

14 Ang masigasig na pangangaral ay katunayan ng ating pag-ibig kay Jehova at pagnanais na makamit ang pagsang-ayon niya. Halimbawa, tingnan kung paano pinayuhan ni propeta Oseas ang mga Israelitang nagsagawa ng huwad na pagsamba anupat naiwala ang pagsang-ayon ng Diyos. (Os. 13:1-3) Sinabihan sila ni Oseas na magsumamo kay Jehova: “Pagpaumanhinan mo nawa ang kamalian; at tanggapin mo ang mabuti, at ihahandog namin bilang ganti ang mga guyang toro ng aming mga labi.”​—Os. 14:1, 2.

15 Ang toro ang pinakamamahaling hayop na maihahandog ng isang Israelita kay Jehova. Kaya “ang mga guyang toro ng aming mga labi” ay tumutukoy sa taimtim at pinag-isipang pananalita bilang papuri sa Diyos. Paano tumugon si Jehova sa mga naghandog ng gayong hain? Sinabi niya: “Iibigin ko sila nang bukal sa aking kalooban.” (Os. 14:4) Pinagkalooban sila ni Jehova ng kapatawaran, pagsang-ayon, at pakikipagkaibigan.

16, 17. Kapag ang isa’y naudyukan ng pananampalataya sa Diyos na mangaral ng mabuting balita, paano tutugon si Jehova?

16 Noon pa man, ang pagpuri kay Jehova nang hayagan ay isa nang napakahalagang bahagi ng tunay na pagsamba. Gayon na lang kahalaga sa salmista ang pagluwalhati sa Diyos anupat nagsumamo siya: “Pakisuyong kalugdan mo ang mga kusang-loob na handog ng aking bibig, O Jehova.” (Awit 119:108) Kumusta naman sa ngayon? Tungkol sa malaking pulutong ng mga tao sa panahon natin, inihula ni Isaias: “Ang mga kapurihan ni Jehova ay ipatatalastas nila. . . . May pagsang-ayong isasampa sa aking altar [sa altar ng Diyos] ang mga iyon [ang kanilang mga kaloob].” (Isa. 60:6, 7) Bilang katuparan, milyun-milyon ang naghahandog sa Diyos ng “hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan.”​—Heb. 13:15.

17 Ikaw, naghahandog ka ba ng kaayaayang mga hain sa Diyos? Kung hindi, gagawa ka ba ng kinakailangang pagbabago at hayagang pupuri kay Jehova? Kapag naudyukan ka ng pananampalataya na mangaral ng mabuting balita, ang iyong handog ay magiging “higit na kalugud-lugod kay Jehova kaysa sa isang toro.” (Basahin ang Awit 69:30, 31.) Tiyak na makararating kay Jehova ang “nakagiginhawang amoy” ng iyong hain ng papuri at ipagkakaloob niya sa iyo ang kaniyang pagsang-ayon. (Ezek. 20:41) Walang kapantay na kagalakan ang idudulot nito sa iyo.

‘Pagpapalain ni Jehova ang Sinumang Matuwid’

18, 19. (a) Ano ang pangmalas ng marami sa ngayon tungkol sa paglilingkod sa Diyos? (b) Ano ang magiging resulta kapag nawala ang pagsang-ayon ng Diyos?

18 Gaya ng ilan noong panahon ni Malakias, marami rin sa ngayon ang nagsasabi: “Walang kabuluhan ang maglingkod sa Diyos. At ano ang pakinabang sa pagtupad natin ng katungkulan sa kaniya?” (Mal. 3:14) Dahil pangunahin sa kanila ang materyal na mga bagay, iniisip nilang imposibleng matupad ang layunin ng Diyos at lipas na ang mga kautusan niya. Para sa kanila, ang pangangaral ng mabuting balita ay nakaiinis at pag-aaksaya lang ng panahon.

19 Ang saloobing iyan ay nagsimula sa hardin ng Eden. Si Satanas ang humikayat kay Eva na bale-walain ang kahanga-hangang buhay na ibinigay ni Jehova pati na ang Kaniyang pagsang-ayon. Sa ngayon, iniimpluwensiyahan ni Satanas ang mga tao na isiping wala silang mapapala sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Pero natuklasan ni Eva at ng kaniyang asawa na kapag nawala ang pagsang-ayon ng Diyos, mawawala rin ang kanilang buhay. Di-magtatagal, matutuklasan din ng mga sumusunod sa kanilang masamang halimbawa ang mapait na katotohanang ito.​—Gen. 3:1-7, 17-19.

20, 21. (a) Ano ang ginawa ng balo ng Zarepat, at ano ang naging resulta? (b) Paano at bakit natin dapat tularan ang balo ng Zarepat?

20 Paghambingin ang masaklap na kinahinatnan nina Adan at Eva at ang nangyari kay Elias at sa balo ng Zarepat. Pagkarinig sa nakapagpapatibay na mga salita ni Elias, nagluto ng tinapay ang babae at unang binigyan ang propeta. Tinupad naman ni Jehova ang ipinangako niya sa pamamagitan ni Elias. Sinasabi ng ulat: “Patuloy siyang kumain, siya kasama niya at ng kaniyang sambahayan, sa loob ng maraming araw. Ang malaking banga ng harina ay hindi naubusan, at ang maliit na banga ng langis ay hindi kinapos, ayon sa salita ni Jehova na sinalita niya sa pamamagitan ni Elias.”​—1 Hari 17:15, 16.

21 Iilan lamang sa bilyun-bilyong nabubuhay ngayon ang handang tumulad sa balo ng Zarepat. Lubos siyang nagtiwala sa Diyos ng kaligtasan, at hindi siya pinabayaan ng Diyos. Pinatutunayan nito at ng iba pang ulat sa Bibliya na karapat-dapat pagtiwalaan si Jehova. (Basahin ang Josue 21:43-45; 23:14.) Ang karanasan ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay higit pang katibayan na hinding-hindi niya pababayaan ang mga may pagsang-ayon niya.​—Awit 34:6, 7, 17-19. *

22. Bakit dapat nating sikaping makamit na ngayon ang pagsang-ayon ng Diyos?

22 Malapit na ang araw ng paghuhukom ng Diyos sa “lahat ng mga nananahanan sa ibabaw ng buong lupa.” (Luc. 21:34, 35) Walang sinumang makatatakas dito. Hindi matutumbasan ng kayamanan o kaalwanan sa buhay ang pribilehiyong marinig ang inatasang Hukom ng Diyos sa pagsasabi: “Halikayo, kayo na mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo.” (Mat. 25:34) Oo, ‘pagpapalain ni Jehova ang sinumang matuwid; gaya ng isang malaking kalasag ay palilibutan niya sila ng pagsang-ayon.’ (Awit 5:12) Hindi ba’t dapat lang na sikapin nating makamit ang pagsang-ayon ng Diyos?

[Talababa]

Natatandaan Mo Ba?

• Bakit karapat-dapat si Jehova sa ating taos-pusong pagsamba?

• Anong mga hain ang tinatanggap ni Jehova sa ngayon?

• Saan tumutukoy ang “mga guyang toro ng aming mga labi,” at bakit dapat natin itong ihandog kay Jehova?

• Bakit dapat nating sikaping makamit ang pagsang-ayon ng Diyos?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 13]

Anong mahalagang isyu ang iniharap ng propeta ng Diyos sa isang nagdarahop na ina?

[Larawan sa pahina 15]

Ano ang pakinabang natin sa paghahandog ng hain ng papuri kay Jehova?

[Larawan sa pahina 17]

Hinding-hindi ka mabibigo sa iyong taimtim na pagtitiwala kay Jehova