Sulit na Sulit Ito!
Sulit na Sulit Ito!
ANG Pampamilyang Pagsamba at ang pag-aaral ng Bibliya ay kailangan para mapalaki ang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4) Pero kung isa kang magulang, alam mong madaling mainip ang mga bata. Ano kaya ang puwedeng gawin para hindi mawala ang interes nila? Tingnan natin kung ano ang ginawa ng ilang magulang.
“Noong maliliit pa ang mga anak namin,” ang sabi ni George na taga-California, E.U.A., “sinisikap naming mag-asawa na gawing kapana-panabik ang aming pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Kung minsan, isinasadula namin nang nakakostiyum ang kuwentong binabasa namin sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Gumagawa pa nga kami ng mga props—espada, setro, basket, at iba pa. Naglalaro din kami ng Bible game na ‘sino ako’ at gumawa kami ng isang Bible board game na may mahihirap at madadaling tanong. Mayroon din kaming mga project gaya ng paggawa ng isang maliit na arka ni Noe o kaya’y time line ng mga pangyayari sa Bibliya. Kung minsan naman, idinodrowing namin ang mga karakter o kuwento mula sa Bibliya. Sa kasalukuyan, plano naming idrowing ang espirituwal na baluting binabanggit sa Efeso 6:11-17, at ipaliliwanag ng bawat isa sa amin kung saan lumalarawan ang isang partikular na bahagi ng baluti. Dahil dito, wiling-wili kami sa aming pampamilyang pag-aaral.”
Si Debi, isang ina na taga-Michigan, E.U.A., ay nagkuwento: “Noong mga tatlong taon ang aming anak, nahihirapan kaming mag-asawa na kunin ang kaniyang atensiyon. Pero isang araw, habang binabasa ko ang kuwento tungkol kina Isaac at Rebeka mula sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, kumuha ako ng dalawang manika at ginawa kong kunwari’y nag-uusap ang mga iyon. Aba, pinakinggan niya ang bawat salita! Nang sumunod na mga buwan, naging iba’t ibang karakter sa Bibliya ang dalawang manikang iyon. Tuwing matatapos ang kuwento, naghahanap na ang anak namin ng mga laruan o iba pang bagay na magagamit para isadula ito. Para itong treasure hunting! Ang isang kahon ng sapatos at pulang laso ay ginawa naming bahay ni Rahab na may panaling iskarlata. Ang isang stuffed toy na ahas na may habang isa’t kalahating metro at ipinulupot sa tangkay ng walis ay tamang-tama para sa tansong serpiyente ng Bilang 21:4-9. Itinago namin ang mga props na ito sa isang malaking bag. Siyang-siya kami dahil madalas naming nakikita ang aming anak na nakaupo sa salas at hinahalungkat ang kaniyang bag ng mga props. Nakakatuwa siyang panoorin habang isinasadula niya mismo ang mga kuwento!”
Hindi madaling magpalaki ng mga anak, at hindi sapat ang lingguhang sesyon para maitimo sa kanila ang pagnanais na maglingkod kay Jehova. Pero ang pampamilyang pagsamba at pag-aaral ng Bibliya ay magagamit para sa iba pang espirituwal na pagtuturo. Oo, sulit na sulit ito!