Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talaga Bang Pinahahalagahan Mo ang Iyong mga Pagpapala?

Talaga Bang Pinahahalagahan Mo ang Iyong mga Pagpapala?

Talaga Bang Pinahahalagahan Mo ang Iyong mga Pagpapala?

MATAPOS ang makahimalang pagliligtas sa kanila mula sa Ehipto, tuwang-tuwa ang mga Israelita dahil malaya na silang makasasamba kay Jehova. (Ex. 14:29–15:1, 20, 21) Pero di-nagtagal, nagbago ang saloobin nila. Nagrereklamo na sila. Bakit? Dahil mas pinagtuunan nila ng pansin ang kanilang mahirap na buhay sa iláng sa halip na ang ginawa ni Jehova para sa kanila. Sinabi nila kay Moises: “Bakit ninyo kami iniahon mula sa Ehipto upang mamatay sa ilang? Sapagkat walang tinapay at walang tubig, at kinamumuhian na ng aming kaluluwa ang kasuklam-suklam na tinapay [manna].”​—Bil. 21:5.

Pagkalipas ng ilang siglo, umawit si Haring David ng Israel: “Sa ganang akin, nagtiwala ako sa iyong maibiging-kabaitan; magalak nawa ang aking puso sa iyong pagliligtas. Aawit ako kay Jehova, sapagkat ginawan niya ako ng mabuti.” (Awit 13:5, 6) Hindi nalilimutan ni David ang maibiging-kabaitan ni Jehova sa kaniya. Lagi pa nga niya itong binubulay-bulay. (Awit 103:2) Ginagawan din tayo ni Jehova ng mabuti, at hindi natin ito dapat ipagwalang-bahala. Kung gayon, talakayin natin ang ilan sa mga pagpapala sa atin ng Diyos sa ngayon.

“Matalik na Kaugnayan kay Jehova”

Umawit ang salmista: “Ang matalik na kaugnayan kay Jehova ay nauukol sa mga natatakot sa kaniya.” (Awit 25:14) Isa ngang napakalaking pribilehiyo para sa mga taong di-sakdal na maging malapít kay Jehova! Pero paano kung masyado tayong abala sa mga gawain sa araw-araw anupat wala na tayong gaanong panahon para manalangin? Isipin kung ano ang magiging epekto niyan sa ating mabuting kaugnayan kay Jehova. Bilang ating kaibigan, inaasahan ni Jehova na magtitiwala tayo sa kaniya at bubuksan ang ating puso sa panalangin, anupat sasabihin sa kaniya ang ating mga pinangangambahan, minimithi, at ikinababalisa. (Kaw. 3:5, 6; Fil. 4:6, 7) Kaya hindi ba’t dapat lang na bigyan natin ng pansin ang kalidad ng ating mga panalangin?

Nang suriin ni Paul, isang kabataang Saksi, ang kalidad ng kaniyang panalangin, napansin niyang kailangan itong pasulungin. * Sinabi niya, “Iyon at iyon ding pananalita ang ginagamit ko kapag nananalangin ako kay Jehova.” Nang magsaliksik siya sa paksang ito sa Watch Tower Publications Index, natuklasan niya na mga 180 panalangin pala ang nakaulat sa Bibliya. Sa mga panalanging ito, ibinuhos ng mga lingkod ni Jehova ang laman ng kanilang puso. Sinabi ni Paul: “Binulay-bulay ko ang mga halimbawang iyon sa Bibliya kaya naging espesipiko na ang mga panalangin ko. Natulungan ako nito na buksan ang puso ko kay Jehova. Sa ngayon, mas nasisiyahan na akong lumapit sa kaniya sa panalangin.”

“Pagkain sa Tamang Panahon”

Ang isa pang pagpapala ni Jehova sa atin ay ang mga katotohanan sa Bibliya. Habang nagpipiging sa nakapagpapalusog na espirituwal na pagkain, may dahilan tayo para ‘humiyaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso.’ (Isa. 65:13, 14) Pero dapat tayong mag-ingat laban sa masasamang impluwensiya na maaaring mag-alis ng ating interes sa katotohanan. Halimbawa, ang pagbibigay-pansin sa propaganda ng mga apostata ay maaaring magpalabo sa ating isip at bumulag sa atin para hindi makita ang kahalagahan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.”​—Mat. 24:45-47.

Si André, na matagal nang lingkod ni Jehova, ay nagkaroon ng mapait na karanasan na mailigaw ng apostatang kaisipan. Inakala niyang hindi mapanganib ang saglit na pagtingin sa isang Web site ng mga apostata. Sinabi niya: “Naintriga ako sa diumano’y mga katotohanang sinasabi ng mga apostata. Habang sinusuri ko ang mga ito, mas nakukumbinsi ako na dapat ko na talagang iwan ang organisasyon ni Jehova. Pero nang magsaliksik ako sa mga argumento ng mga apostata laban sa mga Saksi ni Jehova, nakita ko kung gaano katuso ang mga huwad na gurong ito. Ikinakapit nila sa ibang konteksto ang impormasyon, at iyon ang ginagamit nilang ‘matibay na ebidensiya’ laban sa atin. Kaya ipinasiya kong magbasa ulit ng ating mga publikasyon at dumalo sa mga pulong. Di-nagtagal, napag-isip-isip kong napakalaki pala ng nawala sa akin.” Mabuti na lang at nakabalik si André sa kongregasyon.

“Buong Samahan ng mga Kapatid”

Ang ating maibigin at nagkakaisang kapatiran ay pagpapala mula kay Jehova. (Awit 133:1) Kaya naman sumulat si apostol Pedro: “Magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid.” (1 Ped. 2:17) Bilang bahagi ng kapatirang Kristiyano, nadarama natin ang pagmamahal at suporta ng ating mga ama, mga ina, at mga kapatid sa pananampalataya.​—Mar. 10:29, 30.

Gayunman, dahil sa iba’t ibang kalagayan, maaaring paminsan-minsan ay sumásamâ ang loob natin sa ating mga kapatid. Halimbawa, madaling kainisan ang mga kahinaan ng isang kapatid at maging mapamuna sa kaniya. Kapag nangyari iyan, makatutulong kung aalalahanin natin na iniibig ni Jehova ang kaniyang mga lingkod kahit may mga kahinaan sila. Bukod diyan, “kung sasabihin natin: ‘Wala tayong kasalanan,’ inililigaw natin ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin.” (1 Juan 1:8) Hindi ba’t dapat lang na ‘patuloy nating pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa’?​—Col. 3:13.

Natutuhan ng kabataang si Ann sa masaklap na paraan ang kahalagahan ng pakikisama sa mga kapatid sa kongregasyon. Tulad ng alibughang anak sa ilustrasyon ni Jesus, unti-unti siyang lumayo sa kongregasyon. Nang maglaon, natauhan siya at nagbalik sa katotohanan. (Luc. 15:11-24) Ano ang natutuhan ni Ann sa karanasang ito? Sinabi niya: “Ngayong nakabalik na ako sa organisasyon ni Jehova, pinahahalagahan ko na ang lahat ng mga kapatid sa kabila ng kanilang mga kahinaan. Masyado akong naging kritiko noon. Pero ngayon, hinding-hindi na ako papayag na may mag-alis ng mga pagpapalang nakukuha ko sa pakikisama sa mga kapatid. Hindi sulit na ipagpalit ang ating espirituwal na paraiso sa anumang iniaalok ng sanlibutan.”

Laging Ipagpasalamat ang Iyong mga Pagpapala

Ang ating pag-asa sa Kaharian ng Diyos na lulutas sa lahat ng problema ng mga tao ay isang napakalaking kayamanan. Tuwang-tuwa tayo nang una nating marinig ang pag-asang iyan! Katulad tayo ng mangangalakal sa talinghaga ni Jesus na “ipinagbili ang lahat ng mga bagay na taglay niya” para mabili ang “isang perlas na may mataas na halaga.” (Mat. 13:45, 46) Hindi sinabi ni Jesus na may panahong nawala ang pagpapahalaga ng mangangalakal sa perlas. Sa katulad na paraan, huwag na huwag din nating iwawala ang pagpapahalaga sa ating napakagandang pag-asa.​—1 Tes. 5:8; Heb. 6:19.

Tingnan ang halimbawa ni Jean, na mahigit nang 60 taóng naglilingkod kay Jehova. Sinabi niya: “Laging nasa isip ko ang Kaharian ng Diyos dahil ipinakikipag-usap ko ito sa iba. Ang sarap ng pakiramdam sa tuwing makikita kong nagniningning ang kanilang mga mata kapag naunawaan nila ang tungkol sa Kaharian. Kapag nakikita ko ang nagagawa ng katotohanan sa buhay ng isang estudyante sa Bibliya, naiisip ko, ‘Napakaganda talaga ng mga katotohanang ibinabahagi ko sa iba!’”

May mabubuting dahilan tayo para ipagpasalamat ang maraming espirituwal na pagpapalang tinatanggap natin. Bagaman dumaranas tayo ng mga pagsubok gaya ng pagsalansang, sakit, pagtanda, depresyon, pagdadalamhati, at kahirapan sa buhay, alam nating pansamantala lang ang mga ito. Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, tatamasahin natin kapuwa ang espirituwal at pisikal na mga pagpapala. Ang anumang pagdurusang dinaranas natin sa ngayon ay aalisin sa bagong sistema ng mga bagay.​—Apoc. 21:4.

Samantala, ipagpasalamat natin ang ating espirituwal na mga pagpapala at maging mapagpahalaga gaya ng salmista na umawit: “Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos, maging ang iyong mga kamangha-manghang gawa at ang iyong mga kaisipan sa amin; walang sinumang maihahambing sa iyo. Naisin ko mang saysayin at salitain ang tungkol sa mga iyon, ang mga iyon ay mas marami kaysa sa kaya kong isalaysay.”​—Awit 40:5.

[Talababa]

^ par. 6 Binago ang mga pangalan.

[Larawan sa pahina 18]

Isang pagpapala ang espirituwal na tulong sa panahon ng pagsubok