Turuan ang Inyong mga Anak na Maging Magalang
Turuan ang Inyong mga Anak na Maging Magalang
AYON sa isang kasabihan, “Ang batang magalang, sa tuwina’y kinagigiliwan.” Batay rito, mas mabait ang mga tao at mas magaan ang kanilang loob sa mga nagpapakita ng kagandahang-asal.
Talagang nakatutuwang pagmasdan ang mga kabataang may magandang asal! Isang tagapangasiwa ng sirkito sa Honduras ang nagsabi, “Kadalasan nang mas napapansin ng may-bahay ang batang magalang at naturuan kaysa sa sinasabi ko.”
Sa panahong ito na nawawala na ang paggalang, praktikal at kapaki-pakinabang na malaman kung paano dapat makitungo sa iba. Bukod diyan, pinapayuhan tayo ng Bibliya na ‘gumawi sa paraang karapat-dapat sa mabuting balita tungkol sa Kristo.’ (Fil. 1:27; 2 Tim. 3:1-5) Napakahalagang turuan natin ang ating mga anak na maging magalang. Paano kaya sila matuturuang magpakita ng tunay na paggalang na hindi basta pakitang-tao lang? *
Magpakita ng Mabuting Halimbawa
Natututo ang mga bata sa mga halimbawang nakikita nila. Kaya ang isang mahalagang paraan para maikintal sa mga anak ang kabutihang-asal ay ang mismong halimbawa ng mga magulang. (Deut. 6:6, 7) Mahalagang ipaliwanag sa kanila kung bakit dapat silang maging magalang, pero hindi ito sapat. Kasama ng paalaala, napakahalaga ng mabuting halimbawa.
Tingnan ang karanasan ni Paula, * na pinalaki ng kaniyang nagsosolong magulang na Saksi. Ugali na niyang magpakita ng paggalang sa lahat. Bakit? Sinabi niya, “Magalang kasi si Inay, kaya namana naming magkakapatid ang ugali niya.” Tinuruan naman ni Walter ang kaniyang mga anak na igalang ang kanilang nanay na di-Saksi. Sinabi niya, “Sa pamamagitan ng halimbawa, tinuruan ko ang aking mga anak na igalang ang nanay nila. Hindi ako kailanman nagsalita ng anumang negatibo tungkol sa kaniya.” Tinuruan din ni Walter ang kaniyang mga anak tungkol sa Salita ng Diyos, at humingi siya ng tulong kay Jehova. Sa ngayon, ang isa ay naglilingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, at ang isa naman ay payunir. Minamahal at iginagalang ng kaniyang mga anak ang kanilang mga magulang.
Sinasabi sa Bibliya: “Ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” (1 Cor. 14:33) Ang lahat ng ginagawa ni Jehova ay maayos. Dapat pagsikapang tularan ng mga Kristiyano ang katangiang ito ng Diyos at dapat din silang maging masinop sa bahay. Sinasanay ng ilang magulang ang kanilang mga anak na ayusin ang higaan bago pumasok sa paaralan, ilagay sa tamang lugar ang kanilang mga damit, at tumulong sa gawaing bahay. Kapag nakita ng mga bata na maayos at malinis ang iba pang bahagi ng bahay, malamang na ayusin din nila ang kanilang kuwarto at mga gamit.
Ano ang pangmalas ng mga bata sa mga natututuhan nila sa paaralan? Ipinakikita ba nilang nagpapahalaga sila sa pagsisikap ng kanilang mga guro? Bilang magulang, ipinakikita mo ba ang gayong pagpapahalaga? Malamang na tularan nila ang iyong saloobin tungkol sa kanilang mga guro at mga gawain sa paaralan. Kaya pasiglahin sila na ugaliing magpasalamat sa kanilang mga guro. Ang isang napakagandang paraan para maipakita ang paggalang ay ang pasalamatan ang serbisyong ginagawa ng iba, gaya ng mga guro, doktor, tindera, at iba pa. (Luc. 17:15, 16) Dapat purihin ang mga kabataang Kristiyano na kilalang magalang at may mabuting asal sa paaralan.
Ang mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ay dapat magpakita ng magandang halimbawa pagdating sa kabutihang-asal. Napakagandang pagmasdan ang magagalang na kabataan sa kongregasyon na nagsasabi ng “pakisuyo po” at “salamat po”! Kapag ang mga adulto ay nakikinig na mabuti sa mga pulong bilang pagpapakita ng paggalang kay Jehova, malamang na tularan sila ng mga bata. Matututo ang mga bata na igalang ang kanilang kapuwa kapag nakakakita sila ng mabubuting asal sa Kingdom Hall. Halimbawa, ang apat-na-taóng-gulang na si Andrew ay marunong nang magsabi ng “Makikiraan po,” kapag may mga adultong nag-uusap sa daraanan niya.
Ano pa ang puwedeng gawin ng mga magulang para maturuan ng kabutihang-asal ang kanilang mga anak? Puwede nilang ituro ang mga aral na makukuha sa maraming halimbawa sa Bibliya, at kailangan nilang maglaan ng panahon dito.—Roma 15:4.
Gamitin ang mga Halimbawa sa Bibliya
Malamang na si Samuel ay tinuruan ng kaniyang ina na yumukod sa mataas na saserdoteng si Eli. Mga tatlo o apat na taóng gulang pa lang siya nang ihatid ng kaniyang ina sa tabernakulo. (1 Sam. 1:28) Maaari mo ring sanayin ang iyong anak na magsabi ng “magandang umaga po,” “magandang tanghali po,” “magandang gabi po,” o anumang kaugaliang pagbati sa inyong lugar. Tulad ng batang si Samuel, ang iyo ring mga anak ay magiging “kaibig-ibig kapuwa sa pangmalas ni Jehova at niyaong sa mga tao.”—1 Sam. 2:26.
Maaari mong gamitin ang mga kuwento sa Bibliya para ipakita ang pagkakaiba ng paggalang at kawalang-galang. Halimbawa, 2 Hari 1:9, 10.
nang gustong makausap ng di-tapat na si Haring Ahazias si propeta Elias, nagsugo siya ng ‘isang pinuno ng lima-limampu kasama ang kaniyang limampung tauhan’ para isama si Elias. Pautos na sinabihan ng opisyal ang propeta na sumama sa kaniya. Hindi siya dapat magsalita nang ganoon sa isang kinatawan ng Diyos. Ano ang sagot ni Elias? “Buweno, kung ako ay isang lalaki ng Diyos,” sabi niya, “bumaba nawa ang apoy mula sa langit at lamunin ka at ang iyong limampu.” At ganoon nga ang nangyari. “Ang apoy ay bumaba mula sa langit at nilamon siya at ang kaniyang limampu.”—Nagsugo ang hari ng isa pang pinuno ng 50. Pautos din niyang sinabihan si Elias na sumama sa kaniya. Muli, bumaba ang apoy mula sa langit. Pero ang isinugo na ikatlong pinuno ng 50 ay nagpakita ng paggalang kay Elias. Sa halip na utusan si Elias, lumuhod siya sa harap nito at nakiusap: “Lalaki ng tunay na Diyos, pakisuyong maging mahalaga nawa sa iyong paningin ang aking kaluluwa at ang kaluluwa ng limampung lingkod mong ito. Narito, ang apoy ay bumaba mula sa langit at nilamon ang dalawang naunang pinuno ng lima-limampu at ang kanilang lima-limampu, ngunit ngayon ay maging mahalaga nawa sa iyong paningin ang aking kaluluwa.” Magpapababa kaya ng apoy ang propeta ng Diyos sa isang tao na maaaring natatakot pero magalang pa ring nakipag-usap? Tiyak na hindi! Sa katunayan, sinabihan ng anghel ni Jehova si Elias na sumama sa opisyal na ito. (2 Hari 1:11-15) Hindi ba’t idiniriin nito ang kahalagahan ng paggalang?
Nang arestuhin ng mga sundalong Romano si apostol Pablo at dalhin sa templo, hindi niya iginiit agad ang karapatan niyang magsalita. Magalang muna niyang tinanong ang opisyal: “Maaari ba akong magsalita sa iyo?” Kaya naman binigyan siya ng pagkakataong ipagtanggol ang kaniyang sarili.—Gawa 21:37-40.
Noong nililitis si Jesus, siya ay sinampal. Ipinakita ni Jesus na tutol siya sa ginawa sa kaniya, pero sa tamang paraan: “Kung nagsalita ako nang mali, magpatotoo ka may kinalaman sa kamalian; ngunit kung tama, bakit mo ako sinampal?” Walang naipintas ang sinuman sa paraan ng pagsasalita ni Jesus.—Juan 18:22, 23.
May mga halimbawa rin sa Bibliya kung paano tayo tutugon sa matinding pagtutuwid at kung paano magalang na aaminin ang ating pagkakamali o kapabayaan. (Gen. 41:9-13; Gawa 8:20-24) Halimbawa, humingi ng dispensa si Abigail sa pang-iinsulto ng kaniyang asawang si Nabal kay David. Sinamahan pa niya ito ng napakaraming regalo. Hangang-hanga si David sa ginawa ni Abigail kaya nang mamatay si Nabal, kinuha niya ito para maging asawa niya.—1 Sam. 25:23-41.
Turuan ang inyong mga anak na maging magalang, ito man ay paggalang sa ilalim ng mahihirap na kalagayan o ordinaryong kabutihang-asal. Ang ‘pagpapasikat ng ating liwanag sa harap ng mga tao’ sa ganitong paraan ay ‘magbibigay ng kaluwalhatian sa ating Ama na nasa langit.’—Mat. 5:16.
[Mga talababa]
^ par. 4 Siyempre pa, kailangang ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak ang pagkakaiba ng pagiging magalang sa mga adulto at ng pagiging sunud-sunuran sa isang tao na baka gusto lang magsamantala sa kanila. Tingnan ang Gumising! ng Oktubre 2007, pahina 3-11.
^ par. 7 Binago ang ilang pangalan.