Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Huwag Pabayaan ang Iyong mga Kapananampalataya

Huwag Pabayaan ang Iyong mga Kapananampalataya

Huwag Pabayaan ang Iyong mga Kapananampalataya

“SAMPUNG taon kaming nasilaw sa kinang ng daigdig ng negosyo, at napakayaman namin noon. Bagaman pinalaki sa katotohanan, napalayo kami nang husto at wala kaming lakas na bumalik,” ang kuwento ng mag-asawang Jarosław at Beata. *

Isa pang brother, si Marek, ang nagsabi: “Dahil sa pagbabago sa lipunan at pulitika sa Poland, hindi ako makakita ng permanenteng trabaho. Dismayado na ako. Takót akong magbukas ng sariling kompanya dahil hindi ko linya ang pagnenegosyo. Pero nang bandang huli, napilitan na rin ako para sa aking pamilya. Akala ko’y hindi maaapektuhan ang aking espirituwalidad pero maling-mali ako.”

Sa isang daigdig na pataas nang pataas ang presyo ng bilihin at dumarami ang walang trabaho, may mga taong nawawalan na ng pag-asa anupat nakagagawa ng mga maling desisyon. Ang ilang brother ay laging nag-o-overtime, nagdodoble-trabaho, o nagbubukas ng sariling negosyo kahit walang karanasan. Iniisip nilang makatutulong sa pamilya ang dagdag na kita at hindi maaapektuhan ang kanilang espirituwalidad. Pero ang di-inaasahang pangyayari at mabuway na ekonomiya ay makasisira kahit sa magagandang plano. Bilang resulta, ang ilan ay nabitag ng kasakiman at isinakripisyo ang kanilang espirituwalidad kapalit ng materyal na mga bagay.​—Ecles. 9:11, 12.

Ang ilang kapatid ay masyadong abala sa makasanlibutang mga tunguhin, anupat wala nang panahon para sa personal na pag-aaral, pulong, o ministeryo. Maliwanag na naaapektuhan ng gayong pagpapabaya ang kanilang espirituwalidad at kaugnayan kay Jehova. Baka napapabayaan na rin nila ang isa pang mahalagang bagay​—ang kanilang pakikipagsamahan sa mga ‘may kaugnayan sa kanila sa pananampalataya.’ (Gal. 6:10) Ang ilan ay unti-unti nang humihiwalay sa mga kapatid sa kongregasyon. Pag-isipan mong mabuti ang bagay na ito.

Ang Ating Obligasyon sa mga Kapananampalataya

Bilang magkakapatid, marami tayong pagkakataong magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa. (Roma 13:8) Malamang na sa inyong kongregasyon ay may nakikita kang mga “napipighati na humihingi ng tulong.” (Job 29:12) Baka ang ilan ay hirap na hirap sa buhay. Ipinaalaala sa atin ni apostol Juan na isa itong oportunidad para sa atin. “Ang sinuman na may panustos-buhay ng sanlibutang ito at nakikitang nangangailangan ang kaniyang kapatid at gayunma’y pinagsasarhan siya ng pinto ng kaniyang magiliw na pagkamahabagin, sa anong paraan nananatili sa kaniya ang pag-ibig sa Diyos?”​—1 Juan 3:17.

Maaaring nakatulong ka na sa iba at naging bukas-palad sa kanila. Pero ang pagmamalasakit sa mga kapatid ay hindi limitado sa pagbibigay ng materyal na mga bagay. Baka ang ilan ay humihingi ng tulong dahil nalulungkot sila o nasisiraan ng loob. Baka nadarama nila na wala silang halaga, o kaya’y may malubhang sakit o namatayan ng mahal sa buhay. Para mapasigla sila, puwede tayong makinig at makipag-usap sa kanila, anupat binibigyang-pansin ang kanilang emosyonal at espirituwal na pangangailangan. (1 Tes. 5:14) Kadalasan nang pinatitibay nito ang buklod ng magkakapatid.

Ang mga elder ang lalo nang nasa kalagayang makinig nang may empatiya, umunawa, at maglaan ng maibiging payo mula sa Bibliya. (Gawa 20:28) Sa gayon, tinutularan nila si apostol Pablo, na nakadama ng “magiliw na pagmamahal” sa kaniyang espirituwal na mga kapatid.​—1 Tes. 2:7, 8.

Gayunman, kung ang isang Kristiyano ay lalayo sa kawan, paano niya magagampanan ang kaniyang obligasyon sa mga kapatid? Maging ang mga tagapangasiwa ay maaari ding mabitag ng materyalistikong mga tunguhin. Paano na kaya kung mangyari iyan sa isang Kristiyano?

Napabibigatan ng mga Kabalisahan sa Buhay

Gaya ng nabanggit na, ang pagsusumakit para mapaglaanan ang pangangailangan ng pamilya ay karaniwan nang nagdudulot ng kabalisahan at maaaring magpahina sa ating espirituwalidad. (Mat. 13:22) Si Marek na nabanggit sa pasimula ay nagsabi: “Nang bumagsak ang negosyo ko, naisip kong maghanap ng magandang trabaho sa ibang bansa. Tatlong buwan lang sana ang plano ko, pero nadagdagan pa ng tatlong buwan, hanggang sa magtuluy-tuloy na ito. Nakakauwi naman ako kahit paano. Masyadong naapektuhan ang aking asawa na hindi Saksi.”

Hindi lang pamilya ang apektado. “Bukod sa maraming oras na pagtatrabaho sa matinding init,” ang sabi pa ni Marek, “magagaspang at mapagsamantala ang mga kasama ko. Para silang mga sanggano. Nadepres ako at pakiramdam ko’y aping-api ako. Dahil ni hindi ko na maasikaso ang sarili ko, naisip ko tuloy kung makakaya ko pang mag-asikaso sa iba.”

Ang malungkot na resulta ng desisyon ni Marek ay dapat nating pag-isipang mabuti. Kahit waring makalulutas sa pinansiyal na problema ang pag-a-abroad, hindi kaya ito lumikha ng panibagong problema? Halimbawa, ano kaya ang mangyayari sa espirituwal at emosyonal na kalagayan ng ating pamilya? Mapuputol kaya ang ating kaugnayan sa mga kapatid sa kongregasyon? Mawawala kaya ang ating pribilehiyong maglingkod sa kanila?​—1 Tim. 3:2-5.

Pero alam mo rin siguro na hindi lang ang mga nag-a-abroad ang nagiging subsob sa trabaho. Kuning halimbawa sina Jarosław at Beata. “Nagsimula ang lahat sa isang simpleng negosyo,” ang sabi ni Jarosław. “Noong bagong kasal kami, nagbukas kami ng maliit na tindahan ng hot-dog sa isang magandang puwesto. Malaki ang tinutubo namin kaya naengganyo kaming palakihin ang aming negosyo. Pero nauubos ang panahon namin dito kaya hindi na kami nakakadalo sa pulong. Di-nagtagal, huminto na ako sa pagiging payunir at ministeryal na lingkod. Dahil talagang mabilis ang pasok ng pera, nagbukas kami ng malaking tindahan at nakisosyo sa isang di-Saksi. Di-nagtagal, nagbibiyahe na ako sa ibang bansa para pumirma ng mga kontrata na milyun-milyong dolyar ang halaga. Palagi akong wala sa bahay, kung kaya halos hindi ko na nakikita ang aking asawa’t anak. Nang maglaon, tuluyan na kaming nanlamig sa espirituwal. Dahil putól na ang pakikipagsamahan namin sa mga kapatid, ni hindi na namin sila naaalala.”

Ano ang matututuhan natin dito? Ang isang Kristiyano ay maaaring masilo ng paghahangad na gumawa ng sariling “paraiso,” na nauuwi sa pagiging kampante at baka humantong pa nga sa pagkawala ng “kaniyang mga panlabas na kasuutan,” ang pagkakakilanlan bilang Kristiyano. (Apoc. 16:15) Maaari tayong ihiwalay nito sa mga kapatid na dati nating natutulungan.

Tapatang Suriin ang Sarili

‘Hindi mangyayari ’yan sa akin,’ baka isipin natin. Pero dapat nating seryosong pag-isipan kung ano lang talaga ang kailangan sa buhay. “Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang mailalabas,” isinulat ni Pablo. “Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.” (1 Tim. 6:7, 8) Totoo, iba-iba ang antas ng pamumuhay depende sa bansa. Ang itinuturing na pangkaraniwan sa isang maunlad na bansa ay maaaring isa nang luho sa ibang mga lupain.

Anuman ang antas ng pamumuhay sa bansang kinaroroonan natin, isaalang-alang ang sumunod na sinabi ni Pablo: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak.” (1 Tim. 6:9) Ang silo ay hindi nakikita ng bibiktimahin. Bigla na lang siyang mabibitag nito. Paano natin maiiwasang masilo ng “nakasasakit na mga pagnanasa”?

Kung magtatakda tayo ng mga priyoridad, magkakaroon tayo ng higit na panahon sa paglilingkod kay Jehova, pati na sa personal na pag-aaral. Ang gayong pag-aaral na may pananalangin ay makatutulong sa atin na maging “lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan” sa pagtulong sa iba.​—2 Tim. 2:15; 3:17.

Sa loob ng ilang taon, sinikap ng maibiging mga elder na patibayin at pasiglahin si Jarosław. Napakilos siyang gumawa ng malalaking pagbabago. Sinabi niya: “Sa isang masinsinang pag-uusap, binanggit ng mga elder ang tungkol sa mayamang lalaki sa Bibliya na gustong mabuhay magpakailanman pero ayaw namang iwan ang kaniyang materyal na pag-aari. Saka mataktika nilang itinanong kung kapit sa akin ang impormasyong iyon. Bigla akong natauhan!”​—Kaw. 11:28; Mar. 10:17-22.

Tapatang sinuri ni Jarosław ang kaniyang kalagayan at ipinasiyang iwan ang malaking negosyo. Pagkaraan ng dalawang taon, muling sumigla ang espirituwalidad ng kanilang pamilya. Naglilingkod siya ngayon sa mga kapatid bilang elder. Sinabi ni Jarosław: “Kapag may mga kapatid na nalululong sa negosyo at napapabayaan na ang kanilang espirituwalidad, ginagamit ko ang sarili kong karanasan para ipakitang hindi tamang makipamatok sa mga di-sumasampalataya. Hindi madaling tanggihan ang mga nakatutuksong alok at iwasan ang pandaraya.”​—2 Cor. 6:14.

Si Marek ay natuto rin ng isang aral sa masaklap na paraan. Bagaman nakatulong sa kaniyang pamilya ang kinikita niya sa ibang bansa, naapektuhan naman ang kaugnayan niya sa Diyos at sa mga kapatid. Nang maglaon, binago niya ang kaniyang mga priyoridad. “Sa loob ng ilang taon, para akong si Baruc noon na ‘patuloy na humahanap ng mga dakilang bagay para sa kaniyang sarili.’ Nang bandang huli, binuksan ko ang aking puso kay Jehova at sinabi ang aking mga ikinababalisa. Sa ngayon, nanumbalik na ang aking espirituwalidad.” (Jer. 45:1-5) Sinisikap ngayon ni Marek na abutin ang isang “mainam na gawa,” ang pagiging tagapangasiwa sa kongregasyon.​—1 Tim. 3:1.

Nagbababala si Marek sa mga nag-iisip mag-abroad para humanap ng trabahong mas malaki ang kita: “Kapag nasa abroad, napakadaling mahulog sa mga silo ng masamang sanlibutang ito. Mahirap makipag-usap sa iba kapag hindi mo gaanong alam ang wika nila. Maaaring may pera ka nga pag-uwi mo, pero may mga sugat ka naman sa espirituwal na matagal gumaling.”

Kapag timbang tayo sa sekular na trabaho at sa ating obligasyon sa mga kapatid, mapaluluguran natin si Jehova. At tayo’y magiging buháy na halimbawa na maaaring mag-udyok sa iba na maging matalino sa pagpapasiya. Kailangan ng mga nabibigatan ang suporta, simpatiya, at mabuting halimbawa ng kanilang mga kapatid. Ang mga elder at iba pang may-gulang ay makatutulong sa kanilang mga kapananampalataya na manatiling timbang at hindi madaig ng mga kabalisahan sa buhay.​—Heb. 13:7.

Huwag na huwag sana nating pabayaan ang ating mga kapananampalataya dahil sa pagiging subsob sa trabaho. (Fil. 1:10) Sa halip, maging ‘mayaman tayo sa Diyos’ habang inuuna sa ating buhay ang kapakanan ng Kaharian.​—Luc. 12:21.

[Talababa]

^ par. 2 Binago ang ilang pangalan.

[Mga larawan sa pahina 21]

Nakahahadlang ba sa pagdalo mo sa pulong ang iyong trabaho?

[Mga larawan sa pahina 23]

Pinahahalagahan mo ba ang oportunidad na makatulong sa iyong mga kapatid?