Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Nang isugo ni Jesu-Kristo ang 12 apostol para mangaral, sinabihan ba silang magdala ng baston at magsuot ng sandalyas?

Sinasabi ng ilan na ang ulat ng tatlong Ebanghelyo tungkol sa pagsusugo ni Jesus sa mga apostol ay nagkakasalungatan. Pero kung paghahambingin ang mga ito, makikita natin kung may pagkakasalungatan nga. Una, paghambingin ang isinulat ni Marcos at ni Lucas. Ayon sa ulat ni Marcos: “Binigyan . . . sila [ni Jesus] ng mga utos na huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay maliban lamang sa isang baston, walang tinapay, walang supot ng pagkain, walang salaping tanso sa kanilang mga pamigkis na supot, kundi magtali ng mga sandalyas, at huwag magsuot ng dalawang pang-ilalim na kasuutan.” (Mar. 6:7-9) Iniulat naman ni Lucas: “Huwag kayong magdala ng anuman para sa paglalakbay, kahit baston ni supot ng pagkain, ni tinapay ni salaping pilak; ni magkaroon man ng dalawang pang-ilalim na kasuutan.” (Luc. 9:1-3) Mapapansin natin na parang may pagkakasalungatan nga. Ayon kay Marcos, ang mga apostol ay sinabihang magdala ng baston at magtali ng sandalyas, pero sinasabi ng ulat ni Lucas na hindi sila dapat magdala ng anuman, kahit nga baston. Di-gaya ni Marcos, walang binanggit si Lucas na sandalyas.

Para maunawaan ang ibig sabihin ni Jesus, pansinin ang magkakatulad na pananalita sa tatlong Ebanghelyo. Sa siniping mga ulat at sa Mateo 10:5-10, sinabihan ang mga apostol na huwag magsuot o magkaroon ng “dalawang pang-ilalim na kasuutan.” Malamang na bawat apostol ay may suot nang isang pang-ilalim na kasuutan. Kaya hindi na sila dapat kumuha ng isa pa para sa paglalakbay. Gayundin, may suot na silang sandalyas. Idiniin ni Marcos na kailangan nilang “magtali ng mga sandalyas,” ang mga sandalyas na suot na nila. Paano naman ang mga baston? Ayon sa The Jewish Encyclopedia: “Waring kaugalian na ng sinaunang mga Hebreo na magdala rin ng baston.” (Gen. 32:10) Binanggit ni Marcos na ang mga apostol ay sinabihang “huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay” maliban sa baston na dala nila nang ibigay ni Jesus ang utos. Samakatuwid, idiniriin ng mga manunulat ng Ebanghelyo ang tagubilin ni Jesus na huwag nang mag-abalang kumuha ng ekstrang suplay para sa paglalakbay.

Ang puntong ito ay higit pang idiniin ni Mateo, na nakarinig at nag-ulat sa utos ni Jesus. Sinabi ni Jesus: “Huwag kayong kumuha ng ginto o pilak o tanso para sa inyong mga pamigkis na supot, o supot ng pagkain para sa paglalakbay, o dalawang pang-ilalim na kasuutan, o mga sandalyas o baston; sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang pagkain.” (Mat. 10:9, 10) Paano naman ang mga sandalyas na suot ng mga apostol at ang mga tungkod na hawak nila? Hindi sinabi ni Jesus na itapon ang mga taglay na nila, kundi sa halip, sinasabi niyang huwag nang kumuha ng gayong mga bagay. Bakit siya nagbigay ng gayong utos? Sapagkat “ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang pagkain.” Iyan ang diwa ng utos ni Jesus, na kaayon ng ipinayo niya sa Sermon sa Bundok na hindi sila dapat mabalisa sa kanilang kakainin, iinumin, o isusuot.​—Mat. 6:25-32.

Bagaman ang mga ulat ng Ebanghelyo ay waring nagkakasalungatan sa unang pagbasa, iisa ang punto ng mga ito. Ang mga apostol ay hahayo at hindi na mag-aabalang kumuha ng ekstrang suplay. Bakit? Dahil si Jehova ang maglalaan para sa kanila.

Sino ang “babae, mga babae pa nga” na tinutukoy ni Solomon?​—Ecles. 2:8.

Hindi natin tiyak, pero posibleng sila ay mga prominenteng babae na nakasalamuha ni Solomon sa kaniyang maharlikang korte.

Sa Eclesiastes kabanata 2, binanggit ni Solomon ang mga bagay na naisagawa niya, pati ang kaniyang malalaking proyekto ng pagtatayo. Sinabi pa niya: “Nagtipon din ako ng pilak at ginto para sa aking sarili, at ng ari-ariang nauukol sa mga hari at sa mga nasasakupang distrito. Nagtangkilik ako ng mga lalaking mang-aawit at mga babaing mang-aawit para sa aking sarili at ng masidhing kaluguran ng mga anak na lalaki ng mga tao, isang babae, mga babae pa nga [lady, even ladies].”​—Ecles. 2:8.

Ipinapalagay ng maraming komentarista na ang “mga babae” na tinutukoy ni Solomon ay ang kaniyang maraming banyagang asawa at babae (concubine) noong matanda na siya, mga babaing umakay sa kaniya sa huwad na pagsamba. (1 Hari 11:1-4) Pero may problema sa paliwanag na ito. Nang isulat ni Solomon ang mga salitang iyon, kilala na niya ang “babae, mga babae pa nga.” At noong panahong iyon, nasa kaniya pa ang pabor ni Jehova, yamang kinakasihan siya ng Diyos para sumulat ng mga aklat ng Bibliya. Ibang-iba iyan sa sitwasyon niya noong matanda na siya na may daan-daang banyagang asawa at babae (concubine) at magsagawa na ng huwad na pagsamba.

Sa Eclesiastes, sinabi ni Solomon na siya ay “nagsikap na makasumpong ng nakalulugod na mga salita at makasulat ng wastong mga salita ng katotohanan.” (Ecles. 12:10) Siguradong alam niya ang mga salita para sa “asawa,” “reyna,” at “babae” (concubine), dahil ginamit niya ang mga salitang ito sa kaniyang kinasihang mga sulat. (Kaw. 5:18; 12:4; 18:22; Ecles. 9:9; Sol. 6:8, 9) Pero sa Eclesiastes 2:8, hindi ginamit ang pamilyar na mga terminong iyon.

Sa Bibliya, tanging sa pananalitang “babae, mga babae pa nga” (pang-isahan at pangmaramihan) ginamit ang isang kakaibang salitang Hebreo. Inaamin ng mga iskolar na hindi matiyak ang kahulugan nito. Sinasabi ng maraming tagapagsalin ng Bibliya na ang pananalita sa Eclesiastes 2:8 ay tumutukoy sa mga babae sa pangkalahatan, na nasa pang-isahang anyo at pagkatapos ay pangmaramihan o antas na pasukdol. Iyan ang diwang itinatawid ng salin na “babae, mga babae pa nga.”

Kilalang-kilala si Solomon, anupat isang reyna mula sa mayamang kaharian ng Sheba ang dumalaw at humanga sa kaniya. (1 Hari 10:1, 2) Isang posibleng paliwanag ito sa pagbanggit ni Solomon ng “babae, mga babae pa nga.” Maaaring tinutukoy niya ang mga prominenteng babae na nakasalamuha niya sa kaniyang korte noong panahong nasa kaniya pa ang pabor ng Diyos.