Nagpapaakay Ka ba sa Espiritu ng Diyos?
Nagpapaakay Ka ba sa Espiritu ng Diyos?
“Ang iyong espiritu ay mabuti; patnubayan nawa ako nito sa lupain ng katuwiran.”—AWIT 143:10.
1, 2. (a) Sa anong mga pagkakataon ginagamit ni Jehova ang banal na espiritu para sa kaniyang mga lingkod? (b) Sa pantanging mga pagkakataon lang ba kumikilos ang banal na espiritu? Ipaliwanag.
ANO ang naiisip mo tungkol sa pagkilos ng banal na espiritu? Naguguniguni mo ba ang kamangha-manghang mga gawa nina Gideon at Samson? (Huk. 6:33, 34; 15:14, 15) Naiisip mo marahil ang katapangan ng unang mga Kristiyano o ang pagiging kalmado ni Esteban habang nakatayo sa harap ng Sanedrin. (Gawa 4:31; 6:15) Sa ating panahon naman, nakikita ang nag-uumapaw na kagalakan sa ating mga internasyonal na kombensiyon, ang katapatan ng ating mga kapatid na nakabilanggo dahil sa neutralidad, at ang mabilis na pagsulong ng gawaing pangangaral. Ang lahat ng ito ay katibayan ng pagkilos ng banal na espiritu.
2 Sa mga pantangi o pambihirang pagkakataon lang ba kumikilos ang banal na espiritu? Hindi. Sinasabi sa Bibliya na ang mga Kristiyano ay ‘lumalakad ayon sa espiritu,’ ‘inaakay ng espiritu,’ at “nabubuhay ayon sa espiritu.” (Gal. 5:16, 18, 25) Ipinahihiwatig nito na puwedeng maging patuluyan ang pagkilos ng banal na espiritu sa ating buhay. Sa araw-araw, dapat tayong magsumamo kay Jehova na patnubayan ang ating pag-iisip, pagsasalita, at pagkilos sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. (Basahin ang Awit 143:10.) Kung hahayaan nating kumilos sa ating buhay ang espiritu, makapaglilinang tayo ng mga bungang magpapaginhawa sa iba at magbibigay ng papuri sa Diyos.
3. (a) Bakit dapat tayong magpaakay sa banal na espiritu? (b) Anu-anong tanong ang isasaalang-alang natin?
3 Bakit mahalagang magpaakay tayo sa banal na espiritu? Ito ay dahil may isa pang puwersang pilit na umiimpluwensiya sa atin, isa na kumokontra sa pagkilos ng banal na espiritu. Sa Bibliya, ang puwersang iyon ay tinatawag na “laman,” na tumutukoy sa masamang hilig ng ating makasalanang laman, ang di-kasakdalang ipinamana sa atin ni Adan. (Basahin ang Galacia 5:17.) Kung gayon, ano ang kailangan para maakay tayo ng espiritu ng Diyos? May magagawa ba tayong mga hakbang para malabanan ang impluwensiya ng ating makasalanang laman? Isasaalang-alang ang mga ito habang tinatalakay natin ang natitirang anim na aspekto ng “mga bunga ng espiritu”—“mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.”—Gal. 5:22, 23.
Kahinahunan at Mahabang Pagtitiis—Nagtataguyod ng Kapayapaan sa Kongregasyon
4. Paano nakatutulong sa kapayapaan ng kongregasyon ang kahinahunan at mahabang pagtitiis?
4 Basahin ang Colosas 3:12, 13. Ang kahinahunan at mahabang pagtitiis ay parehong kailangan para maitaguyod ang kapayapaan sa kongregasyon. Tumutulong sa atin ang mga ito na magpakita ng kabaitan, manatiling kalmado kahit ginagalit, at huwag gumanti kahit may nasabi o nagawang hindi maganda ang iba. Kapag nakasamaan natin ng loob ang isang kapatid, ang mahabang pagtitiis, o pagpapasensiya, ay tutulong sa atin na gawin ang buong makakaya para malutas ang problema. Kailangan ba talaga ang kahinahunan at mahabang pagtitiis sa loob ng kongregasyon? Oo, dahil tayong lahat ay di-sakdal.
5. Ano ang nangyari kina Pablo at Bernabe, at ano ang idiniriin nito?
Gawa 15:36-39) Idiniriin ng pangyayaring ito na maging sa gitna ng tapat na mga lingkod ng Diyos, nagkakaroon din ng di-pagkakaunawaan paminsan-minsan. Kapag may nakasamaan ng loob ang isang Kristiyano, ano ang puwede niyang gawin para hindi iyon humantong sa mainitang pagtatalo na posibleng sumira sa kanilang ugnayan?
5 Tingnan ang nangyari kina Pablo at Bernabe. Ilang taon na silang magkasamang nangangaral ng mabuting balita. Pareho silang may mabubuting katangian. Pero minsan, nagkaroon ng “matinding pagsiklab ng galit [sa pagitan nila], anupat humiwalay sila sa isa’t isa.” (6, 7. (a) Anong payo sa Bibliya ang maaari nating sundin bago mauwi sa pagtatalo ang usapan? (b) Ano ang mga pakinabang sa pagiging “matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot”?
6 Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “matinding pagsiklab ng galit,” biglaan at mainitan ang pagtatalo nina Pablo at Bernabe. Kapag ang isang Kristiyano ay nakadarama na ng galit habang kausap ang isang kapananampalataya, makabubuting sundin niya ang payo sa Santiago 1:19, 20: “Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot; sapagkat ang poot ng tao ay hindi gumagawa ukol sa katuwiran ng Diyos.” Depende sa kalagayan, puwede niyang baguhin ang usapan, ipagpaliban ito, o kaya’y magpaalam bago ito mauwi sa pagtatalo.—Kaw. 12:16; 17:14; 29:11.
7 Ano ang mga pakinabang kung susundin ang payong ito? Kung ang isang Kristiyano ay magpapalamig muna, mananalangin, at iisip ng magandang maisasagot, nagpapaakay siya sa espiritu ng Diyos. (Kaw. 15:1, 28) Sa tulong ng espiritu, maipakikita niya ang kahinahunan at mahabang pagtitiis. Sa gayon ay masusunod niya ang payo sa Efeso 4:26, 29: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala . . . Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig, kundi anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibahagi nito ang kaayaaya sa mga nakikinig.” Oo, kapag dinaramtan natin ang ating sarili ng kahinahunan at mahabang pagtitiis, nakatutulong tayo sa kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon.
Paginhawahin ng Kabaitan at Kabutihan ang Inyong Pamilya
8, 9. Ano ang kabaitan at kabutihan, at ano ang epekto sa pamilya kapag ipinakikita ang mga ito?
8 Basahin ang Efeso 4:31, 32; 5:8, 9. Gaya ng banayad na hihip ng hangin at malamig na inumin kapag mainit ang panahon, ang kabaitan at kabutihan ay nakarerepresko. Ang mga katangiang ito ay nakapagpapaginhawa sa pamilya. Ang kabaitan ay isang kaakit-akit na katangiang udyok ng taimtim na interes sa iba na ipinakikita sa pamamagitan ng pagtulong at makonsiderasyong pananalita. Ang kabutihan naman, gaya ng kabaitan, ay isang magandang katangian na ipinakikita sa gawa para sa kapakinabangan ng iba. Kakikitaan ito ng pagkabukas-palad. (Gawa 9:36, 39; 16:14, 15) Pero higit pa riyan ang kabutihan.
9 Ang kabutihan ay ang pagkakaroon ng mataas na moralidad. Ito ay nakikita hindi lang sa ating mga gawa kundi maging sa ating pagkatao, na siyang mas mahalaga. Gaya ito ng isang prutas na matamis sa kabuuan at walang depekto sa loob at labas nito. Sa katulad na paraan, makikita sa bawat pitak ng buhay ng isang Kristiyano ang kabutihang bunga ng banal na espiritu.
10. Ano ang maaaring gawin para matulungan ang pamilya na maglinang ng mga bunga ng espiritu?
10 Ano ang tutulong sa isang pamilyang Kristiyano para mapakitunguhan nila ang isa’t isa nang may kabaitan at kabutihan? Mahalaga ang papel na ginagampanan ng tumpak na kaalaman sa Bibliya. (Col. 3:9, 10) Isinasama ng ilang ulo ng pamilya ang pag-aaral tungkol sa mga bunga ng espiritu bilang bahagi ng kanilang Pampamilyang Pagsamba. Hindi ito mahirap gawin. Gamit ang mga pantulong na nasa inyong wika, pumili ng materyal tungkol sa bawat aspekto ng mga bunga ng espiritu. Puwede ninyong talakayin ang ilang parapo bawat linggo, na pinag-uusapan ang bawat aspekto sa loob ng ilang linggo. Habang pinag-aaralan ninyo ang materyal, basahin at talakayin ang binanggit na mga teksto. Isipin kung paano maikakapit ang inyong natututuhan, at manalangin kay Jehova na pagpalain ang inyong mga pagsisikap. (1 Tim. 4:15; 1 Juan 5:14, 15) Talaga nga kayang napagaganda ng gayong pag-aaral ang samahan ng pamilya?
11, 12. Paano nakinabang ang dalawang mag-asawang Kristiyano sa pag-aaral tungkol sa kabaitan?
11 Isang mag-asawa na gustong magtagumpay sa kanilang pagsasama ang nagpasiyang gumawa ng masusing pag-aaral sa mga bunga ng espiritu. Paano sila nakinabang? Sinabi ng asawang babae: “Mula nang matutuhan namin na kasama sa kabutihan ang pagiging tapat, gumanda ang pakikitungo namin sa isa’t isa. Kami’y naging mapagparaya at mapagpatawad. At natuto kaming magsabi ng ‘salamat’ at ‘pasensiya na’ kung kailangan.”
12 Isa pang mag-asawang Kristiyano, na nagkakaproblema sa kanilang pagsasama, ang nakapansin na hindi sila nakapagpapakita ng kabaitan sa isa’t isa. Ipinasiya nilang pag-aralan nang magkasama ang paksang ito. Ang resulta? Sinabi ng asawang lalaki: “Nang pag-aralan namin ang tungkol sa kabaitan, natutuhan namin na huwag magsuspetsa sa isa’t isa, at na tingnan ang magagandang katangian ng bawat isa. Naging mas palaisip kami sa
pangangailangan ng isa’t isa. Bilang pagpapakita ng kabaitan, hinihimok ko ang aking asawa na sabihin ang niloloob niya at kung anuman iyon, hindi ako magagalit. Kailangan kong kalimutan ang aking pride. Habang nagpapakita kami ng kabaitan, hindi na kami nagkakasagutan. Ang sarap ng pakiramdam.” Makikinabang kaya ang inyong pamilya sa pag-aaral tungkol sa mga bunga ng espiritu?Magpakita ng Pananampalataya Kahit Nag-iisa
13. Anong panganib sa espirituwalidad ang dapat nating iwasan?
13 Ang mga Kristiyano ay kailangang magpaakay sa espiritu ng Diyos may nakakakita man o wala. Kabi-kabila sa sanlibutang ito ni Satanas ang mahahalay na larawan at maruruming libangan. Dahil dito, nanganganib ang ating espirituwalidad. Ano ang dapat gawin ng isang Kristiyano? Pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Alisin ninyo ang lahat ng karumihan at ang kalabisang bagay na iyon, ang kasamaan, at tanggapin nang may kahinahunan ang pagkikintal ng salita na may kakayahang magligtas ng inyong mga kaluluwa.” (Sant. 1:21) Talakayin natin kung paano makatutulong ang pananampalataya, isa pang aspekto ng mga bunga ng espiritu, para makapanatili tayong malinis sa harap ni Jehova.
14. Paano maaaring humantong sa paggawa ng mali ang kawalan ng pananampalataya?
14 Sa simpleng pananalita, ang pananampalataya ay nangangahulugang totoong-totoo sa atin si Jehova. Kung hindi totoo sa atin ang Diyos, napakadali nating makagawa ng mali. Tingnan natin ang nangyari sa bayan ng Diyos noon. Isiniwalat ni Jehova kay propeta Ezekiel ang karima-rimarim na mga bagay na ginagawa sa lihim, na sinasabi: “Nakikita mo ba, O anak ng tao, kung ano ang ginagawa ng matatanda ng sambahayan ng Israel sa dilim, ng bawat isa sa pinakaloob na mga silid na may kani-kaniyang rebulto? Sapagkat sinasabi nila, ‘Hindi tayo nakikita ni Jehova. Iniwan na ni Jehova ang lupain.’” (Ezek. 8:12) Napansin mo ba ang dahilan ng problema? Hindi sila naniniwalang nakikita ni Jehova ang kanilang ginagawa. Para sa kanila, hindi totoo si Jehova.
15. Paano nagsisilbing proteksiyon sa atin ang matibay na pananampalataya kay Jehova?
15 Sa kabaligtaran, tingnan natin ang halimbawa ni Jose. Bagaman malayo sa pamilya at mga kababayan, tumanggi siyang mangalunya sa asawa ni Potipar. Bakit? Sinabi niya: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?” (Gen. 39:7-9) Oo, totoo sa kaniya si Jehova. Kung totoo sa atin ang Diyos, hindi tayo manonood ng maruruming panoorin o lihim na gagawa ng anumang bagay na hindi nakalulugod sa Diyos. Determinado tayong tularan ang saloobin ng salmista, na umawit: “Ako ay lalakad sa loob ng aking bahay taglay ang katapatan ng aking puso. Hindi ako maglalagay sa harap ng aking mga mata ng anumang walang-kabuluhang bagay.”—Awit 101:2, 3.
Bantayan ang Puso sa Pamamagitan ng Pagpipigil sa Sarili
16, 17. (a) Gaya ng sinasabi sa aklat ng Kawikaan, paano nahulog sa pagkakasala ang “isang kabataang lalaki na kapos ang puso”? (b) Gaya ng ipinakikita sa pahina 26, paano ito posibleng mangyari sa ngayon, anuman ang edad ng isa?
16 Ang pagpipigil sa sarili, ang huling aspekto ng mga bunga ng espiritu, ay tutulong sa atin na tanggihan ang mga bagay na hinahatulan ng Diyos. Tutulungan tayo nitong bantayan ang ating puso. (Kaw. 4:23) Tingnan natin ang eksena sa Kawikaan 7:6-23 tungkol sa “isang kabataang lalaki na kapos ang puso” na naakit ng isang patutot. Nabiktima siya nang ‘dumaan siya sa lansangang malapit sa panulukan’ ng patutot. Marahil ay pumunta siya roon para lang mag-usyoso. Pero hindi niya namalayan, inaakay na pala siya sa masamang gawain na ‘nagsasangkot sa kaniya mismong kaluluwa.’
17 Paano sana naiwasan ng kabataang ito ang kapahamakang iyon? Kung sinunod niya ang babala: “Huwag kang gumala-gala sa kaniyang mga landas.” (Kaw. 7:25) May aral ito para sa atin: Kung gusto nating akayin tayo ng espiritu ng Diyos, huwag nating ilagay ang ating sarili sa nakatutuksong sitwasyon. Ang isa ay maaaring malagay sa sitwasyon ng “kabataang lalaki na kapos ang puso” kapag nagpapalipat-lipat siya ng channel sa TV o naggagalugad sa Internet nang walang tiyak na hinahanap. Sinasadya man o hindi, baka bigla na lang siyang makakita ng mahahalay na eksena. Baka unti-unti na niyang makagawian ang panonood ng pornograpya na magpaparumi sa kaniyang budhi at sisira sa kaniyang kaugnayan sa Diyos. Posibleng mangahulugan ito ng kaniyang buhay.—Basahin ang Roma 8:5-8.
18. Ano ang maaaring gawin ng isang Kristiyano para mabantayan ang kaniyang puso, at paano nasasangkot dito ang pagpipigil sa sarili?
18 Siyempre pa, maaari at dapat tayong magpigil sa sarili sa pamamagitan ng pagkilos agad kapag nakakita tayo ng nakatutuksong larawan. Pero mas mabuti kung iiwasan na natin antimano ang gayong sitwasyon! (Kaw. 22:3) Ang pagtatakda ng mga hakbang bilang pag-iingat at pagsunod sa mga ito ay nangangailangan ng pagpipigil sa sarili. Halimbawa, isang proteksiyon kung ilalagay ang computer sa lugar na nakikita ng iba. Para sa ilan, pinakamabuti nang mag-computer lang o manood ng TV kapag may kasama. Ipinasiya naman ng iba na huwag na lang magpakabit ng Internet. (Basahin ang Mateo 5:27-30.) Gawin sana natin ang lahat ng paraan para maipagsanggalang ang ating sarili at pamilya upang makasamba tayo kay Jehova “mula sa isang mabuting budhi at mula sa pananampalatayang walang pagpapaimbabaw.”—1 Tim. 1:5.
19. Ano ang mga pakinabang kung magpapaakay tayo sa banal na espiritu?
19 Maraming pagpapalang idinudulot ang mga bunga ng banal na espiritu. Ang kahinahunan at mahabang pagtitiis ay nakatutulong sa kapayapaan ng kongregasyon. Ang kabaitan at kabutihan ay nagtataguyod ng kaligayahan sa pamilya. Ang pananampalataya at pagpipigil sa sarili ay tumutulong sa atin na makapanatiling malapít kay Jehova at malinis sa harap niya. Bukod diyan, tinitiyak sa atin ng Galacia 6:8: “Siyang naghahasik may kinalaman sa espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan mula sa espiritu.” Oo, salig sa pantubos ni Kristo, gagamitin ni Jehova ang banal na espiritu para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga nagpapaakay rito.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano nagtataguyod ng kapayapaan sa kongregasyon ang kahinahunan at mahabang pagtitiis?
• Ano ang tutulong sa mga Kristiyano na makapagpakita ng kabaitan at kabutihan sa loob ng tahanan?
• Paano nakatutulong ang pananampalataya at pagpipigil sa sarili para mabantayan ng isa ang kaniyang puso?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 24]
Paano mo maiiwasang mauwi sa mainitang pagtatalo ang pag-uusap?
[Larawan sa pahina 25]
Makikinabang ang inyong pamilya kung pag-aaralan ninyo ang mga bunga ng espiritu
[Larawan sa pahina 26]
Anong mga panganib ang naiiwasan kung mayroon tayong pananampalataya at pagpipigil sa sarili?