Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakasumpong Ako ng Maraming Mabubuting Bagay

Nakasumpong Ako ng Maraming Mabubuting Bagay

Nakasumpong Ako ng Maraming Mabubuting Bagay

Ayon sa salaysay ni Arthur Bonno

NOON ay 1951. Kami ng asawa kong si Edith ay nasa isang pandistritong kombensiyon at narinig namin ang patalastas na magkakaroon ng miting para sa mga interesadong magmisyonero.

“Dalo tayo!” ang sabi ko.

“Art, hindi para sa atin ’yon!” ang sagot ni Edith.

“Makikinig lang tayo.”

Pagkatapos ng miting, may ipinamahaging mga aplikasyon para sa Paaralang Gilead.

“Aplay tayo,” ang sabi ko.

“Pero Art, paano na ang mga pamilya natin?”

Mga isa’t kalahating taon pagkatapos ng kombensiyong iyon, nag-aral kami sa Paaralang Gilead at naatasang maglingkod sa Ecuador, Timog Amerika.

Gaya ng mahihiwatigan ninyo sa pag-uusap namin noon, medyo agresibo ako at malakas ang loob. Si Edith naman ay mababang-loob at mahinahon. Lumaki siya sa maliit na bayan ng Elizabeth, Pennsylvania, E.U.A., at hindi pa siya nakararating sa malalayong lugar ni nakakilala man ng banyaga. Mahirap para sa kaniya na iwan ang kaniyang pamilya. Gayunman, buong-puso niyang tinanggap ang atas na maglingkod sa ibang bansa. Noong 1954, dumating kami sa Ecuador at hanggang ngayon ay naglilingkod sa bansang ito bilang mga misyonero. Sa mga taóng inilagi namin dito, nakasumpong kami ng maraming mabubuting bagay. Gusto ba ninyong malaman ang ilan sa mga iyon?

Masasayang Alaala

Ang unang atas namin ay sa kabiserang lunsod ng Quito, na nasa taas na mga 2,850 metro sa Kabundukan ng Andes. Para marating iyon, naglakbay kami nang dalawang araw sakay ng tren at trak mula sa baybaying lunsod ng Guayaquil​—na ngayon ay 30-minutong biyahe na lang sa eroplano! Naglingkod kami sa Quito sa loob ng apat na maliligayang taon. Pagkatapos, noong 1958, nakatanggap kami ng isa pang mabuting bagay: Inatasan kami sa gawaing pansirkito.

Noong panahong iyon, mayroon lang dalawang maliit na sirkito sa bansa. Kaya bukod sa pagdalaw sa mga kongregasyon, gumugugol din kami ng maraming linggo sa bawat taon para mangaral sa maliliit na nayon ng mga Indian na wala pang Saksi. Ang tuluyan namin doon ay kadalasan nang isang maliit na kuwartong walang bintana, na walang gamit kundi isang higaan. May dala kaming kahong yari sa kahoy na ang laman ay de-gaas na kalan, kawali, mga pinggan, palanggana, kumot, kulambo, damit, lumang diyaryo, at iba pang gamit. Ang mga diyaryo ay ipinampapasak namin sa mga butas sa dingding para mahirapang pumasok ang mga daga.

Bagaman madilim at marumi ang mga kuwartong iyon, mayroon naman kaming masasayang alaala ng pagkukuwentuhan sa gabi habang nakaupo sa higaan at kumakain ng simpleng hapunan na niluto sa de-gaas na kalan. Dahil padalus-dalos nga ako at madalas magsalita nang hindi muna nag-iisip, kung minsan ay ginagamit ni Edie ang tahimik na mga sandaling iyon para magmungkahi ng mataktikang mga paraan ng pakikipag-usap sa mga kapatid na dinadalaw namin. Pinakikinggan ko siya, kaya naman naging mas nakapagpapatibay ang aking mga pagdalaw. At kapag may sinasabi akong hindi maganda tungkol sa iba, tahimik lang siya. Kaya natuto akong maging positibo sa aking pangmalas sa mga kapatid. Pero ang madalas naming pinag-uusapan ay ang natututuhan namin sa Bantayan at ang aming mga karanasan sa paglilingkod sa araw na iyon. At ang gaganda talaga ng mga karanasan namin!

Kung Paano Namin Natagpuan si Carlos

Sa bayan ng Jipijapa, sa kanlurang Ecuador, ibinigay sa amin ang pangalan ng isang taong interesado​—Carlos Mejía, pero walang adres. Hindi namin alam kung saan siya hahanapin kaya basta na lang kami naglakad isang umaga. Ingat na ingat kami para makaiwas sa mga lubak sa kalye na nagputik dahil sa malakas na ulan nang nagdaang gabi. Nasa likuran ko si Edie nang bigla na lang siyang sumigaw, “Art!” Paglingon ko, nakita ko siyang nakalubog sa putik na hanggang tuhod niya. Matatawa sana ako pero nagpigil ako dahil paiyak na siya.

Naiahon ko siya, pero naiwan ang mga sapatos niya sa putik. May dalawang batang nakatingin, kaya sinabi ko sa kanila, “Bibigyan ko kayo ng pera kung makukuha n’yo ang mga sapatos.” Nakuha nila agad ang mga ito, pero kailangang makapaghugas si Edie. Pinanonood pala kami ng nanay ng mga bata at niyaya kami nito sa kanilang bahay. Tinulungan niyang maghugas ang aking asawa at nilinis naman ng mga bata ang mga sapatos. Bago kami umalis, may mabuting bagay na nangyari. Tinanong ko ang babae kung may kilala siyang Carlos Mejía. Nagulat siya at sinabi, “Asawa ko.” Isang pag-aaral sa Bibliya ang nabuksan at nang maglaon, nabautismuhan ang lahat ng miyembro ng pamilyang iyon. Makalipas ang ilang taon, si Carlos, ang kaniyang asawa, at ang dalawa sa kanilang mga anak ay naging mga special pioneer.

Mahihirap na Biyahe​—Mainit na Pagtanggap

Maraming hamon sa paglalakbay sa gawaing pansirkito. Sumasakay kami sa mga bus, tren, trak, bangka, at maliliit na eroplano. Minsan, sinamahan kami ni John McLenachan, ang tagapangasiwa ng distrito, at ng kaniyang asawang si Dorothy sa pangangaral sa mga nayon sa baybayin malapit sa hangganan ng Colombia. Nakasakay kami sa isang bangkang de-motor. Lumalangoy sa tabi namin ang mga pating na kasinlalaki ng aming bangka! Kahit nga ang aming makaranasang bangkero ay natakot din sa laki ng mga pating at agad na iginilid ang bangka sa baybayin.

Sulit naman ang mga paghihirap namin sa gawaing pansirkito. Mababait at mapagpatuloy ang mga kapatid. Sa maraming pagkakataon, pinipilit nila kaming kumain nang tatlong beses sa isang araw samantalang sila’y isang beses lang. O kaya’y pinatutulog nila kami sa kaisa-isang higaan sa bahay samantalang sila ay sa sahig. Madalas sabihin ng asawa ko, “Naipakikita sa akin ng mababait na kapatid na ito na ilang bagay lang talaga ang kailangan natin sa buhay.”

“Hindi Namin Tatanggihan”

Noong 1960, isa pang mabuting bagay ang dumating sa amin​—inanyayahan kaming maglingkod sa tanggapang pansangay sa Guayaquil. Samantalang abala ako sa gawaing pangangasiwa, si Edith naman ay nangangaral sa teritoryo ng isang kongregasyong malapit sa sangay. Hindi ko linya ang pagtatrabaho sa opisina at parang hindi ko ito kaya, pero gaya nga ng sinasabi sa Hebreo 13:21, sinasangkapan tayo ng Diyos ng “bawat mabuting bagay upang gawin ang kaniyang kalooban.” Pagkaraan ng dalawang taon, inanyayahan akong mag-aral sa isang sampung-buwang kurso sa Gilead na idaraos sa Bethel sa Brooklyn, New York. Noon, ang mga asawang babae ay nananatili lang sa kanilang atas. Tumanggap si Edith ng isang liham mula sa Brooklyn. Sinasabi roon na pag-isipan niyang mabuti kung papayag siyang mawalay nang sampung buwan sa kaniyang asawa.

Sumagot si Edith: “Tiyak na napakahirap nito para sa akin, pero alam naming tutulungan kami ni Jehova sa anumang hamon na maaaring bumangon. . . . Hindi namin tatanggihan ang anumang pribilehiyong ibibigay sa amin o anumang oportunidad na mapasulong ang kakayahan naming gumanap ng mga pananagutan.” Habang nasa Brooklyn ako, sinusulatan ako ng aking asawa linggu-linggo.

Paglilingkod Kasama ng mga Tapat na Kapananampalataya

Noong 1966, dahil sa problema sa kalusugan, bumalik kami ni Edith sa Quito at muling naglingkod bilang mga misyonero kasama ng mga kapatid doon. Talagang kahanga-hanga ang katapatan nila!

Isang tapat na sister ang madalas bugbugin ng kaniyang asawang di-Saksi. Minsan, alas seis ng umaga, may nagbalita sa amin na binugbog na naman siya. Agad akong nagpunta sa bahay ng sister. Halos hindi ako makapaniwala sa nakita ko. Nakahiga siya, namamaga ang katawan at puro pasâ. Pinagpapalo siya ng mister niya ng hawakan ng walis hanggang sa mabali iyon. Pagkaraan, nang araw ding iyon, nadatnan ko sa bahay ang kaniyang mister at sinabihan ko ito na duwag lang ang gumagawa ng ganoon. Abut-abot ang paumanhin niya.

Noong pasimula ng dekada ng 1970, bumuti na ang kalusugan ko at nagbalik kami sa gawaing pansirkito. Sakop ng aming sirkito ang lunsod ng Ibarra. Nang dumadalaw kami roon noong huling mga taon ng dekada ng 1950, dalawa pa lang ang Saksi, isang misyonero at isang brother na tagaroon. Kaya sabik na sabik kaming makilala ang maraming baguhang nadagdag sa kongregasyon.

Sa unang pagdalo namin doon, si Brother Rodrigo Vaca ang nasa plataporma. Kapag nagtatanong siya, ang mga gustong sumagot ay sumisigaw ng “Yo, yo!” (“Ako, ako!”) sa halip na magtaas ng kamay. Nagkatinginan kami ni Edith. Nagtataka kami kung bakit. Nalaman namin na bulag pala si Brother Vaca pero kabisado niya ang boses ng mga kakongregasyon niya. Kilalang-kilala ng pastol na ito ang kaniyang mga tupa! Ipinaalaala nito sa amin ang sinabi ni Jesus sa Juan 10:3, 4, 14 tungkol sa Mabuting Pastol at sa mga tupa na kilalang-kilala ang isa’t isa. Sa ngayon, ang Ibarra ay may anim na kongregasyon sa wikang Kastila, isa sa wikang Quichua, at isa sa wikang pasenyas. Si Brother Vaca ay tapat pa ring naglilingkod hanggang ngayon bilang elder at special pioneer. *

Nagpapasalamat sa Kabutihan ni Jehova

Noong 1974, isa pang mabuting bagay ang natanggap namin mula kay Jehova​—inanyayahan kaming bumalik sa Bethel. Inatasan uli ako sa gawaing pangangasiwa at nang maglaon ay naging miyembro ng Komite ng Sangay. Ang unang atas ni Edith ay sa kusina, at nang bandang huli ay sa opisina, kung saan nagtatrabaho siya hanggang ngayon bilang mail clerk.

Sa paglipas ng mga taon, naging kagalakan naming tanggapin ang daan-daang misyonerong nagtapos sa Gilead, na nagpapakita ng pagkamaygulang at sigasig sa kongregasyong pinaglilingkuran nila. Napatitibay rin kami ng libu-libong kapatid na nanggaling sa mahigit 30 bansa para maglingkod sa lupaing ito. Hangang-hanga kami sa kanilang pagsasakripisyo! Ipinagbili ng ilan ang kanilang bahay at negosyo para makapunta rito at makapaglingkod sa mga lugar na malaki ang pangangailangan. Nagdala sila ng mga sasakyan para makapangaral sa mga liblib na lugar, nagtatag ng mga bagong kongregasyon, at tumulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Maraming dalagang sister mula sa ibang bansa ang nagpayunir dito​—at talagang kahanga-hanga ang kanilang husay at sigasig!

Oo, nakasumpong ako ng maraming mabubuting bagay sa mga taon ng paglilingkod ko sa Diyos. Pangunahin na rito ang kaugnayan ko kay Jehova. Nagpapasalamat din ako na binigyan ako ni Jehova ng isang “katulong.” (Gen. 2:18) Kapag ginugunita ko ang 69 na taóng pagsasama naming mag-asawa, naiisip ko ang sinasabi ng Kawikaan 18:22: “Nakasumpong ba ang isa ng mabuting asawang babae? Siya ay nakasumpong ng mabuting bagay.” Masarap kasama si Edith. Napakarami niyang naitulong sa akin. Isa rin siyang mapagmahal na anak. Mula nang dumating kami sa Ecuador, sinusulatan niya ang nanay niya linggu-linggo hanggang sa mamatay ito noong 1990 sa edad na 97.

Ako ngayon ay 90 anyos na at si Edith naman ay 89. Itinuturing naming kayamanan ang makatulong sa mga 70 katao na makilala si Jehova. Mabuti na lang at nag-aplay kami sa Paaralang Gilead 60 taon na ang nakararaan. Dahil sa desisyong iyon, ang buhay namin ay napuno ng maraming mabubuting bagay.

[Talababa]

^ par. 29 Ang talambuhay ni Brother Vaca ay mababasa sa Gumising!, isyu ng Pebrero 8, 1986.

[Larawan sa pahina 29]

Sa Yankee Stadium, New York, kasama ang mga misyonerong kaklase namin sa Gilead, 1958

[Larawan sa pahina 31]

Dumadalaw sa isang pamilyang Saksi noong nasa gawaing pansirkito kami, 1959

[Larawan sa pahina 32]

Sa sangay sa Ecuador, 2002