Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Isang Napakabait na Tagapangasiwa at Mahal na Kaibigan”

“Isang Napakabait na Tagapangasiwa at Mahal na Kaibigan”

“Isang Napakabait na Tagapangasiwa at Mahal na Kaibigan”

NATAPOS ni John (Jack) Barr, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang kaniyang buhay sa lupa noong Sabado ng umaga, Disyembre 4, 2010, sa edad na 97. Inilalarawan siya bilang “isang napakabait na tagapangasiwa at mahal na kaibigan.”

Si Brother Jack Barr ay isinilang sa Aberdeen, Scotland, at bunso sa tatlong magkakapatid. Kapuwa pinahiran ang mga magulang niya. Madalas niyang ikuwento ang kaniyang magagandang alaala sa piling ng kaniyang pamilya noong bata pa siya; pinahahalagahan niya ang napakagandang halimbawang ipinakita ng kaniyang mahal na mga magulang.

Noong tin-edyer si Jack, napakahirap sa kaniya na makipag-usap sa mga hindi niya kilala. Pero pinagsikapan niya itong mapagtagumpayan, at isang Linggo ng hapon noong 1927, sa edad na 14, sinabi niya sa kaniyang ama na handa na siyang sumama sa pangangaral sa bahay-bahay. Iyon na ang simula. Mula noon hanggang sa siya’y mamatay, si Brother Barr ay nanatiling isang masigasig na mángangarál ng mabuting balita.

Dahil sa isang malagim na aksidente na muntik nang ikamatay ng kaniyang ina, seryosong pinag-isipan ni Jack ang kahulugan ng buhay, at noong 1929, inialay niya ang kaniyang sarili kay Jehova at nagpabautismo nang magkaroon ng pagkakataon noong 1934. Noong 1939, siya’y naging miyembro ng pamilyang Bethel sa London, Inglatera. Iyon ang pasimula ng kaniyang buong-panahong paglilingkod na tumagal nang 71 taon.

Noong Oktubre 29, 1960, si Brother Barr ay pumasok sa tinatawag niyang “isang natatanging mahalagang relasyon” nang pakasalan niya si Mildred Willett, na matagal nang naglilingkod bilang payunir at misyonera. Sina Brother at Sister Barr ay ulirang mag-asawa at tapat na nagmamahalan hanggang sa matapos ni Mildred ang kaniyang buhay sa lupa noong Oktubre 2004. Magkasama silang nagbabasa ng Bibliya araw-araw mula nang ikasal sila.

Si Brother Barr ay kilalá sa pagbibigay ng mahuhusay na payo​—laging balanse, may-kabaitan, at nakasalig sa Kasulatan. Siya’y masipag sa trabaho, isang makonsiderasyon at maibiging tagapangasiwa, at isa ring tapat na kaibigan. Makikita sa kaniyang mga komento, pahayag, at panalangin na isa siyang taong espirituwal at may malapít na kaugnayan kay Jehova.

Bagaman nakalulungkot na hindi na natin kapiling si Brother Barr, nakikigalak tayo sa kaniya dahil natamo na niya ang kaloob na imortalidad​—isang pribilehiyong pinananabikan niya at madalas niyang banggitin. Iyon talaga ang pinakamimithi niya.​—1 Cor. 15:53, 54. *

[Talababa]

^ par. 8 Para sa talambuhay ni John E. Barr, tingnan ang Bantayan ng Hulyo 1, 1987, pahina 26 hanggang 31.